Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 36

"MAGANDANG umaga po. Pasensiya na po sa abala," wika ni Merlita sa babaeng nagbukas ng gate ng lumang bahay. Kawaksi ito base na rin sa uniporme nito. "Gusto ko lang pong itanong kung nandiyan si... si..." Ibig niyang mapakamot ng ulo, sabay sulyap sa kanyang amang nakasakay sa unahan ng nirentahan niyang jeepney para makarating sa bayan na iyon, ang bayan ng Pelaez. "Nandiyan po ba sina Charo, Nora, at Vilma?"

Muntikan na siyang mapangiwi. Kung hindi lang sa ilang buwang pag-iyak ng kanyang ama at pangungulit nitong dalhin niya ito sa Pelaez ay hindi siya magtutungo roon. Ibig niyang ipakita sa matanda na imahinasyon lang nito ang lahat. Napagsasama-sama na nito sa isip ang palabas sa TV at ang totoong buhay. Parati nitong sinasabi na kailangan nitong mapagsama-sama ang tatlo. Ang tanging paliwanag nito ay ito ang may kasalanan kung bakit nagkahiwa-hiwalay ang tatlo at kailangan na muli nitong mapagsama-sama ang mga iyon.

Makikiusap sana siya sa kawaksing ipaliwanag na hindi totoo ang lahat sa kanyang ama ngunit nabigla siya sa tugon nito.

"Si Ma'am Charo nasa loob, pero hindi ko kilala kung sino sina Vilma at Nora."

"M-may Charo na nakatira dito?"

"Opo. Nagbabakasyon siya ngayon dito, pero luluwas din. Gusto ninyong makausap?"

Agad siyang tumango. Pumasok ang kawaksi at inalalayan niyang makababa sa jeep ang kanyang ama. Nang makarating sila sa gate ay naroon na ang isang ubod ng gandang babae. Nakangiti ito.

"May kailangan daw kayo sa akin?"

Hindi na naman niya malaman kung paano magpapaliwanag pero sumubok siya. "Good morning, Ma'am. Ito ang tatay ko. Matagal na niya kayong hinahanap. Ang totoo, medyo ulyanin na siya." Nilingon niya ang amang abala sa pagkain ng biskwit. "Isang linggo na nga kaming paikot-ikot dito sa Pelaez at kagabi, itinuro niya itong bahay. Hindi na kami nag-abala kagabi dahil gabi na nga. May gusto po siyang sabihin sa inyo." Binalingan niya ang ama at marahang kinuha ang biskuwit nito. "Tatay? Tatay, ito po si Ma'am Charo. Si Charo po, 'yong hinahanap ninyo."

Sukat bigla itong lumuha. "Si Charo... Sina Vilma at Nora... Nasaan na sila?"

"Pasensiya na kayo, Ma'am, medyo ulyanin na siya," paghingi niya ng dispensa.

"Pasok, pasok," agad nitong sabi. "Pumasok muna kayo. Inday, kumuha ka ng maiinom sa loob."

Dinala sila ng babae sa hardin, may mga upuan doon. Pinatatahan niya ang kanyang ama ngunit isa iyon sa mga pagkakataong ayaw nitong tumigil. Mayamaya ay natanawan na niya ang isang guwapong lalaking papalapit. Ipinaliwanag ni Charo dito ang sitwasyon at ipinakilala siya sa lalaki. Asawa pala nito iyon.

"Pasensiya na po," aniya.

"It's all right. Tatay, ano po ba ang maipaglilingkod ko sa inyo?" wika ng babae sa kanyang ama.

"Tatay, siya po si Charo," aniya.

"Charo? Ch-charo..." Lumuluhang inabot ng matanda ang kamay ng babae, saka ito tumayo upang yakapin ang babaeng tila nabigla. "Diyos ko, salamat po at tinugon na Ninyo ang aking dasal. Charo... Nasaan ang mga kapatid mo?"

"Kapatid?" Mukhang nabigla si Charo.

"Sina Nora at Vilma. Charo, ako si Pabling. Ako ang dahilan kung bakit nagkahiwa-hiwalay kayo ng mga kapatid mo. Ako at ang aking asawang si Juaning—sumalangit nawa. Tauhan si Juaning ni Beatrice, ang iyong ina at—"

"Oh, my God..." sambit ni Charo, nanglalaki ang mga mata nito. "Oh, my God! Oh, my God!" Nagsimula na ring tumulo ang mga luha nito.

Naguluhan siya, bagaman patuloy na nagmasid.

"Patawarin mo ako, Charo. Patawarin mo ako. Hindi ko ginusto. Pero mali ako at pinayagan ko si Juaning... Pinayagan ko si Juaning..." Umalog ang balikat ng kanyang ama sa pag-iyak nito. "Nasaan ang mga kapatid mo, anak?"

"K-kapatid?"

"Tatlo kayong kambal. Charo, Vilma, at Nora. Ako ang nagpangalan sa inyo."

"M-may mga kapatid ako?"

Tumango ang matanda. "Tatlo kayo, mga munting anghel na inilagay ko sa kahon ng sapatos. Ikaw ang panganay, sumunod si Vilma, at si Nora ang bunso."

"Oh, my God! Iñigo, please, honey, call Daddy quick!"

Agad tumalima ang lalaki at mayamaya pa ay may isang matandang lalaking dumating, inaalalayan ni Iñigo. Si Charo ang nagpaliwanag dito kung ano ang sinabi ng kanyang ama. Mukhang nabigla rin ito.

"N-natatandaan po ba ninyo kung saan ninyo iniwan ang mga kapatid ko, Tatay?" ani Charo sa kanyang ama.

"Oo. Malinaw na malinaw sa isip ko. Si Vilma, iniwan ko sa San Simon, sa isang perya doon. Si Nora, iniwan ko sa simbahan ng San Felipe. At ikaw... dinala kita sa Maynila. Sa Pier kita iniwan, anak." Humagulgol ang matanda. "Patawarin mo ako. Patawarin ninyo ako."

Inalo ng babae ang kanyang ama, habang ang matandang lalaking naroon ay agad tumawag sa cellphone nito. Habang siya ay nanglalaki ang ulo. Sa mga taong nagdaan ay wala siyang ideya sa lihim ng nakaraan ng kanyang ama.

Wakas

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro