Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 30

TAHIMIK lang si Vilma habang sakay ng kotse ni Pio. Galing silang Maynila kung saan nagsampa sila ng demanda laban kay Iwa. Isa iyong bagay na ayaw na sana niyang gawin dahil iniisip niya ang abala ngunit tila nainis sa kanya si Pio at sinabi nitong ito ang bahalang maghatid sa kanya sa Maynila sa tuwing kailangan siya roon. Sa huli ay naisip niyang dapat na pagdusahan ni Iwa ang kasalanan nito sa kanya. Kung hindi dumating sina Pio at Elizardo ay hindi niya alam kung ano na ang nangyari sa kanya. Ngayon ay nasa Batangas na sila. Ang sabi ng lalaki ay dadaan sila sa Batangas upang makita niya ang kanyang mama.

Tahimik din lang ang lalaki. Ilang na ilang siya rito. Animo taon ang itinatakbo ng mga oras. Sa wakas ay nakarating na rin sila sa ospital. Naabutan pa niya ang kanyang mama. Mukha naman itong masaya at nang makita nito si Pio ay agad nitong pinalapit ang lalaki rito at hinagkan sa magkabilang pisngi. Kahit paano ay napangiti siya. Fabulosa na dukha talaga ang kanyang mama at hindi nawawala ang pagiging fabulosa nito anumang okasyon.

"Salamat, Pio anak. Ikaw daw ang tumulong sa amin sa gastusin dito. Diyos ko, maraming salamat at nawa'y ibalik sa 'yo ang tulong mo ng Maykapal... Naku, ang guwapu-guwapo mo nang lalo ngayon, Pio. Balita ko'y malayo na ang narating mo. Tiyak na walang kasing-saya si Marissa. Hindi mo siya kasama?"

"Nag-asawa na po siya ulit at kasama niya ang pamilya niya sa Maynila. Nagkikita po kami."

Noon lang niya nalaman ang bagay na iyon, isa na namang patunay na talagang walang balak ang lalaking sabihin sa kanya ang mga ganoong impormasyon tungkol dito. Sino nga naman ba siya para malaman pa niya ang mga ganoon? Si Blessilda, tiyak alam nito ang lahat ng iyon.

Wala na ang babae sa bahay ni Pio at kay Nanay Socorro siya nagtanong kung nasaan na ito. Ang sabi lang na matanda ay umalis daw doon ang babae kahapon ng umaga lang. Wala raw ideya ang matanda kung kailan babalik ito, pero nagbilin daw sa kanya na ayusin ang laba ng mga naiwan nitong damit at marami iyon. Parang wala naman itong balak magtagal saanman ito nagpunta dahil naiwan pa ang maleta nito.

Bruha talaga.

"Aba'y umariba si Marissa, ano? Ang sabi niya noon sa akin, ayaw na niyang mag-asawa. Kapag kumatok nga naman ang pag-ibig. Eh, ikaw, hindi ka pa ba mag-aasawa?"

"Pag-uusapan natin 'yan, Mama, kapag natapos na ang operasyon mo. Hindi ka puwedeng magpagod at ooperahan ka na mayamaya. Saglit lang naman daw ang operasyon. Hihintayin ka namin dito."

Tumango ang matanda, nakangiti. At nainis na naman siya kay Pio. Bakit ba kailangan nitong maging ganoon kahusay makisama sa mama niya? Bakit kailangan nitong maging lalong ka-in love-in love? Hindi pa ba sapat na sa lagay na iyon pa lang ay mahihirapan na siyang kalimutan ito?

Mayamaya ay dumating na ang nurse at isang assistant, kailangan daw madala na sa operating room si Mama Vangie. Lahat silang magkakapatid ay naroon, pati ang mag-inang Elizardo at Eloisa, at lahat sila ay humalik sa noo ng matanda. Sumunod sila sa OR at naghintay sa labas. Naroon din si Pio, kinakausap sina Buknoy, Yolly, at Pilar, ang mga kapatid niyang naabutan nito sa perya. Kahit ang mga kapatid niya ay parang pinabibilib nito, ang lalapad ng mga ngiti.

Siniko siya ni Elizardo, inginuso si Pio. "Kasundong-kasundo ng mga kapatid mo ang magiging bayaw nila."

Pinandilatan niya ito. "Ni huwag mong isipin 'yan."

"Walang masamang mangarap, Vilma."

"Meron. Kapag nangangarap ka nang gising, baka bangungutin ka. Tigilan mo ako. Ayaw kong marinig ang kahit na anong bagay na ganyan ang tema." Bumuntong-hininga siya saka inabot ang kamay nito. "Salamat nga pala na hinanap mo ako. Ibang klase pala 'yong si Iwa. Hindi ko inasahan. Nagpaalam na kasi ako sa kanya, ang sabi ko hindi ko kayang gawin ang ganoon, at pinainom ako ng pampatulog."

"Eh, gaga ka kasi. Bakit ka nagtiwala doon? Pasalamat ka nandiyan ang Prince Charming mo. Iniligtas ka niya talaga. Concerened siya sa 'yo."

Marahil. Concerned si Pio sa kanya sa paraang hindi masasabing espesyal sapagkat sa kabila ng lahat ay mabuting tao naman ito. Natuto na siya sa lahat ng pagkakamali niya. Noong bata pa sila, inisip niyang may gusto ito sa kanya dahil parati itong mabait sa kanya, parating nakangiti. Noong nakaraan naman ay parang ganoon na naman ang nangyari. Pero wala itong ibig-sabihin dito. Mananatiling isang babaeng "pinagtitiyagaan" lang siya nito, 'ika nga ni Blessilda.

"Tama na 'yan," aniyang tumayo. Nagtungo siya sa kinaroronan nina Pio. "Buknoy, 'di ka pa ba uuwi? Kayo, Pilar, Yolly? May pasok pa kayo bukas, hindi natin alam kung anong oras matatapos ang operasyon."

Tumango ang mga ito at isa-isa nang nagpaalam. Ang iba niyang mga kapatid ay sumama rito, dalawa lang ang natira para makasama at maiwan sa ospital mamaya. Inutusan niya ang mga itong bumili ng pagkain ng mga ito hanggang bukas. Bumalik siya sa tabi ni Elizardo. Ang naging kakuwentuhan ni Pio ay si Nanay Eloisa. Napabuntong-hininga siya at binalaan ng tingin si Elizardo nang magsimula na naman itong manukso, magpain ng mga pantasya sa isipan niya.

Kampante siyang malalagpasan ni Mama Vangie ang operasyon nito sapagkat ang sabi ng doktor ay madali lang naman daw ang operasyon. Oobserbahan daw si Mama Vangie sa loob ng limang taon kung hindi na babalik ang bukol na cancerous pala. Tahimik lang siya, ni hindi sinusulyapan si Pio.

Nang yayain ni Nanay Eloisa si Elizardo sa labas ay gusto sana niyang sumama sa mga ito ngunit ang sabi ng matanda ay may importante raw itong sasabihin sa anak. Naiwan sila ni Pio. Lumapit ang lalaki sa kanya at naupo sa tabi niya.

"Okay ka lang?" tanong nito. Tanging tango ang naging tugon niya. Inabot nito ang palad niya saka iyon marahang pinisil. Mayroong sumundot sa puso niya at bigla ay ibig niyang mapaiyak. Binawi niya ang kanyang kamay. Humikab ito, nag-inat, at ipinatong ang braso sa sandalan ng upuan at tila nakaakbay ito sa kanya. Napasulyap siya rito. Parang patay-malisya ito.

Tumayo siya. "Bibili lang ako ng pagkain."

Agad itong tumayo. "Sasamahan na kita."

"Kaya ko nang bumili ng pagkain."

Bahagyang nalukot ang mukha nito. "Akala ko rin kaya mong alagaan ang sarili mo pero saan tayo nauwi kahapon? Tara."

Kailangan mo bang parating ipaalala sa akin ang nagawa ko? Nagsisisi na nga ako, eh. Aminado naman akong tama ka, mali ako. Hanggang sa isip na lamang niya ang mga salitang iyon. Ayaw niyang bigyan ng pagkakataon ang lalaki na sariwain na naman ang pangyayari kahapon.

Sa isang fast food restaurant sila nagtungo at nag-drive thru. Lahat yata ng nasa menu ay gustong order-in ng lalaki kung hindi lang niya ito inawat. Sa sasakyan na sila kumain habang nagmamaneho ito pabalik ng ospital. Dahil nagmamaneho ito ay napilitan siyang asistehan ito. Kung bakit sa lahat ng hamburger at mga pagkaing hindi mabusising kainin ay friend chicken with rice pa ang napili nito. Mayamaya pa ay sinusubuan na niya ito dahil hindi siya makatanggi sa hiling nitong subuan niya ito.

"Itabi mo kaya at kumain ka muna?" aniya, bahagyang nakasimangot.

"Baka tapos na ang operasyon. Magtataka si Mama kung wala tayo doon. Kaya ko naman. Sige, kumain ka na lang diyan. Ako na lang mag-isa ang maghihimay nito." Ngumiti ito sa kanya, binawi ang lalagyan ng fried chicken nito mula sa kanya. Pinabayaan na lang niya ito. "Dapat pala ganyan na lang ang in-order ko. Ang hirap kainin nito, gutom na gutom pa naman ako."

"Marami pang hamburger."

"Sayang naman ito. Ito na lang."

Muntik na siyang mapairap. "Akin na nga." Paano ba niya ito matitiis? Kahit nakasimangot ay hinimay niya ang manok at sa tuwing sa palagay niya ay hindi magiging abala sa pagmamaneho nito ay sinusubuan niya ito. "O, ito pa. Aaah."

Bigla itong ngumiti at halos matunaw ang puso niya kaya agad siyang nagbawi ng tingin. Grabe ang ngiti nito, nakakatunaw ng laman-loob.

"Gusto ko ang ganito paminsan-minsan, 'yong bini-baby mo ako."

"Hindi kita bini-baby. Tinutulungan kitang kumain dahil kung hindi ka ba naman ewan, fried chicken pa ang in-order mo, eh, alam mong magmamaneho ka. 'Ayan nga, para kang bata. May grebi ka pa sa labi mo." Padaskol niyang kinuha ang napkin ngunit hindi niya magawang padaskol na punasan ang labi ng binata. Hindi pa nawawala sa alaala niya kung gaano katamis ang mga labi nitong iyon.

Ngingiti-ngiti ito at bahagya siyang nakadama ng inis, binilot na ang napkin. Nagpapa-cute na naman ito at naku-cute-an naman siya. At pagkaraan ng ilang araw o linggo o buwan, babalik na naman si Blessilda. Sorry na naman siya... Ah, kung alam lang nitong labis siyang mangungulila sa mga halik nito dahil wala na siyang balak maranasan muli iyon. Tama na. Nasaktan siya, at tatanggapin na lang niya ang totoo. Ganoon lang kasimple.

Naubos nito ang pagkain nang makarating na sila sa ospital. Nagtungo sila sa OR at ang sabi ng mga kapatid niya at ng mag-inang Elizardo at Nanay Eloisa ay nasa recovery room na raw si Mama Vangie, ayon sa nurse. Tatlong oras daw itong oobserbahan doon at kapag maayos ang kalagayan ay maaari nang dalhin sa silid nito.

"Puwede mo na kaming iwan dito, Pio," baling niya sa lalaki. "Bukas, papasok ako, pero ngayon dito muna ako."

"Kung ganoon, dito na rin muna ako. Wala naman akong gagawin."

"Hindi na kailangan."

"Alam ko, pero gusto kong nandito."

"Maiinip ka lang."

"Okay lang."

Naging alerto siyang nakatingin ang lahat ng mata sa kanila kaya tumahimik na lang siya. Kung ano ang nasa isip ni Pio ay tanging ito lang ang nakakaalam. Pinilit na lamang niyang huwag makadama ng tuwa sa effort nito. Magkakamali na naman siya ng akala.

Pinapunta na niya sa silid ni Mama Vangie ang mga kapatid niya, habang sina Elizardo at Aling Eloisa naman ay nagpaalam na rin. Nagboluntaryo si Pio na ihatid sa sakayan ang dalawa. Naghintay siya sa labas ng OR, nasa loob niyon ang recovery room. Wala namang tao kaya nahiga na lang siya sa bangko. Nang maalimpungatan siya ay may unan na siya—ang kandungan ni Pio. Nakatagilid siya sa bangko, nakatalikod dito. At hinahagod nito ang kanyang buhok. Hayun na naman ang pakiramdam na parang gusto niyang umiyak pero hindi niya magawa. Nagpasya siyang magkunwang tulog pa rin para pagbigyan ang hiling ng damdamin niyang i-enjoy ang tagpong iyong ipinangako niya sa sariling hindi na dapat pang maulit.

"Komportable ka ba?" tanong nito na ikinabigla niya, saka niya napansin ang repleksiyon niya sa makintab na salaming pinto. Kitang-kita pala siya nito kanina pa!

Agad siyang bumangon. "Medyo m-masakit ang leeg ko kaya hindi ako agad nakabangon."

"Let me."

Bago siya nakatutol ay nasa balikat na niya ang mga palad nito. May init na kumalat sa kanyang katawan at hiling niyang huwag sana nitong makita ang balahibo niyang biglang nagtayuan. "T-tama na, Pio. Okay na."

"Just a little bit more."

Gustung-gusto niyang idikit ang pisngi niya sa kamay nito, parang iyon ang pinakatamang gawin, saka niya hahagkan ang mga kamay na iyon, yayakap dito, maglalambing sa pagiging malambing nito... ngunit tumayo siya.

"Okay na," aniya rito saka nagtuloy sa nurse's station at hindi pa nagtagal ay dinala na nila si Mama Vangie sa silid nito. Bawal pa itong magsalita at mukhang bangag, pero nakangiti ito. Agad din itong nakatulog sa silid nito at isang oras pa siyang nanatili saka niyaya si Pio na umuwi. "Kung kaya mo pang magmaneho. Kung hindi, puwede kang matulog muna sa sasakyan, dito na lang muna ako."

"Kung ikaw ang kasama ko, hindi ako aantukin."

Kaysa masaksihan pa ng mga kapatid niya ang usapan nila ay tumango siya at lumakad na sila. Tahimik lang siya sa sasakyan. Madilim ang daan, wala halos mga sasakyan. Inabot nito ang kanyang palad.

"Pio, 'wag mo nang gawin ang ganito," pakiusap niya.

"Ang alin?" patay-malisyang tanong nito, nakangiti.

"Ang ganito." Binawi niya ang kamay.

Bumuga ito. "Hindi ko alam kung bakit ka nagkakaganyan sa akin. Bakit ka ba nagagalit? Bigla ka na lang umalis noong nakaraan, hindi ka nagpaalam, kung saang lumalop ka nagpunta, kasama ang taong hindi mo kilala. Naiintindihan kong pagod ka ngayon, magulo ang isip mo, at malamang na-trauma ka sa nangyari sa 'yo... Fine. All right. Okay. You rest, I'll drive. We'll talk some other time."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro