Chapter 27
Nang malaman ni Elizardo na umalis si Vilma para humanap daw ng pera ay hindi na siya napakali. Ang unang naisip niya ay nagtungo ang babae kay Pio kaya bumalik siya sa farm. Ngunit wala roon ang kaibigan niya at hindi raw nagtungo roon. Hindi naging maganda ang kutob niya dahil sa pagkakaalam niya ay wala namang ibang maaaring lapitan si Vilma.
Papaalis na siya nang maabutan siya ni Pio. Nag-iisa ito sa pagkakataong iyon, hindi kasama ang malanding si Blessilda na parating nakaangkla rito. Sa totoo lang ay magre-resign na rin siya roon sa katapusan. Kailangan lang niyang makuha ang libreng bigas at suweldo sa buong buwan na iyon. Wala na siyang balak na magtagal.
Kahit na hindi sinabi sa kanya ni Vilma ang katotohanan ay alam niyang malaki ang kasalanan dito ni Pio. Hindi ugali ng kaibigan niya ang bigla na lang aalis nang walang mabigat na dahilan. At naaawa siya rito dahil napakabait nito at totoong kaibigan at alam niyang wala itong ibang minahal buong buhay nito kundi si Pio lang. Mula pa noong mga bata sila.
Oo at nagkaroon ng nobyo si Vilma ngunit naghiwalay ang dalawa dahil ayaw ng magulang ng lalaki kay Vilma. Nang maghiwalay ang mga ito, akala niya ay iiyak si Vilma ngunit parang walang nangyari rito. Hindi na mahirap mahulaang hindi minahal ng kaibigan niya ang lalaking iyon.
Ang kasiyahan ng isang nagmamahal ay nakita lamang niya rito noong high school sila at baliw na baliw ito kay Pio. At ngayon, dahil nagbalik sa buhay nito ang lalaki. Ngunit sa dalawang pangyayari ay nasaktan lang ang kaibigan niya at nasasaktan din siya para rito.
"Sir," aniya bilang pagbati, saka ito nilagpasan.
"Saglit lang," anito kaya hinarap niya ito. "Ang sabi ni Nanay Socorro, nagpaalam na raw si Vilma?"
Tumango siya. Dito sana niya iyon sasabihion, dito sana ipapamukha, kundi lang kasama nito kaninang umaga si Blessilda. "Pinapakuha nga po niya sana sa akin ang suweldo niya."
Mukhang nainis ito. "Puwes, sabihin mo sa kanya na kung gusto niya, siya ang kumuha. Maayos siyang tinanggap dito pero umalis siya nang ganoon na lang. Ang sabi ni Nanay Socorro, may nahanap daw mas magandang trabaho. Totoo ba?"
"Totoo, Sir," taas-noong wika niya. "Mas maganda ang trabaho niya ngayon at palagay ko, hindi na niya kukunin ang suweldo niya kung ayaw ninyong ibigay. Sasabihin ko na lang po."
"Hindi ganoon ang sinabi ko," mariing wika nito, madilim na ang mukha. "Ang sabi ko, siya ang pumunta rito. Ano ba ang problema niya? Tinatawagan ko siya, hindi siya sumasagot. Gusto kong mag-usap kami."
"Puwede po ninyong sabihin sa akin at ipaparating ko na lang sa kanya."
"Hindi sa ganoon!" Bumuga ito. "Saan ka papunta ngayon?"
"Hinahanap ko nga po si Vilma. Mauuna na po ako."
"I'll come with. Tara na."
Bigla siyang kinabahan. Kapag nakita siya ni Vilma na kasama ang lalaking ito ay magagalit tiyak sa kanya ang kaibigan. Tumutol siya ngunit matigas ang pasya ni Pio. Sa huli ay naisip niyang mas maganda na nga sigurong magkasama sila.
Nagbilin na siya sa mga kapatid ni Vilma na i-text siya kung darating sa bahay o sa ospital ang babae. Wala pang mensahe ang mga ito, tiyak na naghahanap pa ng pera ang kaibigan niya. Ang tanging tanong lang ay kung saan. Unang naisip niya ang dating nobyo nito na agad nilang pinuntahan. Ngunit wala ang babae roon.
"Alam mo ba kung saan ka pupunta?" tila inip na wika ni Pio. "Kung nakahanap na siya ng ibang trabaho, bakit hindi natin siya doon puntahan?"
"N-naghahanap siya ng pera, Sir, eh."
"Para saan?" Kumunot ang noo nito.
"Inoperahan po k-kasi si Mama Vangie."
"Bakit hindi siya lumapit sa akin?" Muli ay dumilim ang anyo nito. "Ano ba ang problema niyang kaibigan mo? Bigla na lang umalis! Maayos ang usapan namin, wala naman kaming pinag-awayan, pero biglang umalis! Ni hindi man lang siya nagpaliwanag sa akin, ni walang salitang iniwan!"
"B-baka po dahil kay Blessilda?"
"Sinabi niya 'yan sa 'yo?"
Napalunok siya. "Hindi po, Sir, pero iyon lang ang naisip kong dahilan."
"Imposible. Napag-usapan na namin si Blessilda. Kung may tanong man siya o kung may gusto siyang klaruhin, bakit hindi niya ako kinausap? Bakit siya umalis agad? Pagkatapos ngayon, hindi natin alam kung saan siya hahagilapin."
Nakagat na lamang niya ang labi, hindi alam ang itutugon. Hindi nagre-reply si Vilma, hindi sinasagot ang cellphone nito. Noon dumaan ang sasakyan sa bayan at bigla siyang natigilan nang makita ang parlor ni Iwa. Biglang sumasal ang dibdib niya. Sana mali ang kanyang kutob pero...
"Sir, pakipara ninyo saglit. May kakausapin ako diyan sa parlor. Baka alam nila kung nasaan si Vilma." Nang humimpil ang sasakyan ay agad siyang bumaba. Sumunod sa kanya si Pio, kahit ayaw sana niyang bumaba pa ito. Kanina pa ito ganoon, nakasunod sa kanya na para bang naghihinala itong may itatago siyang impormasyon dito. "Nandiyan si Iwa?" aniya sa mga bakla sa parlor.
"Wala. Lumuwas, kasama si Vilma, ah. Kanina pa umalis, mga alas-dose ng tanghali," wika ng isa.
Parang gusto niyang panawan ng malay. Alas-singko na. Kung si Iwa ang kasama ni Vilma ay hindi niya alam kung ano na ang maaaring nangyari sa kabigan niya sa nakalipas na limang oras. Kinuha niya ang address ni Iwa sa Maynila, maging ang numero nito, saka sila bumalik ni Pio sa kotse.
Agad na nagtanong si Pio, "Sino ang Iwa na 'yon?"
Bigla siyang napaiyak. "B-bugaw po ang Iwa na 'yon, Sir!"
Nanigas ang panga nito, inagaw ang address mula sa kanya, saka pinasibad ang sasakyan. Initsa nito sa kanya ang cellphone nito. "Call the number now!"
Nanginginig man ang kanyang kamay ay tumalima siya. Hindi sinasagot ni Iwa ang cellphone nito. Sinabi niya iyon kay Pio na agad nagpakawala ng mura. Natetensiyon siya, lalo na at napakabilis ng patakbo nito ng sasakyan. Mayamaya ay inabot nito ang cellphone at may kinausap. Base sa narinig niya ay pinauna na nito ang kausap sa address ni Iwa na binigay sa parlor. Mayroon din silang kakatagpuin sa loob ng tatlong oras sa Quezon City. Anong kaba niya. Para makarating sila sa Quezon City sa loob ng tatlong oras ay kailangang magmaneho nang napatulin ng lalaki na siyang ginagawa nito ngayon.
"I swear I will strangle your friend," bulong nito, madilim pa rin ang mukha. "Keep calling the number. Keep calling her!"
Ganoon nga ang kanyang ginawa ngunit wala talagang sumasagot sa tawag niya. Hula niya ay maraming numero si Iwa at baka ang ibinigay sa kanyang numero ay isa lamang sa mga iyon. Kumapit na lamang siya sa hawakan ng sasakyan, ipinikit ang mga mata at tahimik na nagdasal.
Nang makarating sila sa Quezon City, pakiramdam niya ay nanatili na sa lalamunan niya ang puso niyang kanina pa patuloy na sinasakmal ng kaba. Nang makita niya kung sino ang kinatagpo nila ay halos mapanganga siya. Sa giyera ba sila sasabak? Tatlong mobile ang um-escort sa kanila, lahat ay armado at mayroong tatak ng "SWAT" ang mga damit. Nakasunod sa kanila ang dalawang mobile, ang isa naman ay sinusundan nila.
"S-Sir, nasaan si Vilma?" aniya.
Hindi umimik ang lalaki, nanigas na naman ang panga nito. Noon lamang niya ito nakitang ganoon kagalit at minabuti niyang tumahimik na lang.
Nang makarating sila sa isang hotel ay nakita niyang mayroon na palang mobile doon at mayroon ding ambulansiya. Sa loob ng mobile ay nakita niya si Iwa. Gusto niyang kalmutin ang mukha nito, lamang ay mas gusto niyang matiyak na maayos ang kalagayan ni Vilma. Bakit may ambulansiya?
Agad sinalubong ng isang armadong lalaki si Pio. "Boss Pio? Barromeo, Boss," pakilala nito sa sarili.
"Nasaan na sila?" si Pio.
"Boss, nasa itaas pa iyong babae. Iyong bugaw nasa mobile."
"Nasa taas... nasa taas ba siya?" si Pio. Noon lamang niya ito narinig sa ganoong tinig. Para itong nanghihina.
"Yes, Boss. Walang malay, eh. Pinainom ng ativan ni Bakla, umamin naman siya. May medic na roon, Boss. Fourth floor, room four-fifteen."
Tinapik ng lalaki ang balikat ng pulis, saka sila nagtungo sa elevator. Nakahalukipkip si Pio, ang isang kamay ay nasa mukha, tila inip na tinatapik ng daliri ang gilid ng noo na tila ba sa paraang iyon ay mas mapapabilis nito ang andar ng elevator. Parang oras ang itinakbo ng mga sandali hanggang bumukas ang pinto niyon. May mga unipormadong medic at SWAT sa labas ng isang silid na agad nilang pinasok. Agad nilapitan ni Pio si Vilma na nakahiga sa kama, walang malay, at natatakpan ng kumot ang katawan. Ang sabi ng medic ay maayos naman daw ang kalagayan nito. Magigising na rin daw ito sa loob ng isa-dalawang oras.
"You witch. You almost gave me a heart attack," bulong ni Pio kay Vilma habang hinahaplos ang pisngi ng babae. Dinig na dinig niya iyon dahil nasa likod siya nito. Para itong nabunutan ng tinik sa tono ng pananalita nito. Binalingan nito ang miyembro ng SWAT. "May... may kasama ba siya dito kanina?"
"Iyong Bakla lang, Boss. Palabas na 'yong Bakla noong dumating kami."
"Thank God," sambit ng lalaki.
Umalis na ang mga medic at pulis. Pinunasan niya ang luhang pumatak sa kanyang mga mata at tahimik na ring naglakad tungo sa pinto. Bago lumabas ay muli niyang tinapunan ng tingin ang dalawa at hindi niya maiwasang maisip na isa sa mga darating na araw ay marahil magkakatuluyan din ang dalawa. Sana. Gusto pa niyang makita si Pio na hinahaplos ang pisngi ng kaibigan niya na para bang napakahalaga rito ng babae. Gayunman, hindi niya alam ang sitwasyon ng mga ito, lalo na at bumalik na si Blessilda sa buhay ni Pio.
Noong unang panahon, may isang batang babaeng na-in love sa isang guwapong lalaki. At nasaktan lang siya, umiyak. Nagkita silang muli makalipas ang ilang taon... At may isang bakla na umasang magkakatuluyan din sila sa bandang huli. Dahil parang maloloka ang bakla kung hindi sila magkakatuluyan, sa isip-isip niya, lumuluha pa rin habang maingat na isinara ang pinto.
Hindi pa man siya nakakapag-emote maigi ay bumukas na ang pinto at lumabas si Pio, karga si Vilma na balot ng kumot. Machong-macho si Pio habang tila walang kahirap-hirap na karga ang kaibigan niya, kahit pa nga madilim pa rin ang mukha nito. Nakasunod lang siya rito hanggang sa elevator. Naglakas-loob siyang magtanong.
"S-Sir, saan natin dadalhin si Vilma?"
"Ikakadena ko sa bahay nang hindi na makaisip gumawa ng kalokohan," galit na wika nito. Kumbakit bigla siyang kinilig nang mailarawan si Vilma na bihag ni Pio. Isinumpa niya sa mga sandaling iyon, dalawa na sila ni Vilma na magiging mortal na kaaway ni Blessilda. Susuportahan niya si Vilma, dahil mahal niya ito. At kung mahal nito si Pio ay mamahalin din niya ang lalaki para sa kanyang kaibigan. At ang lihim na mensahe niya para sa mga ito ay simple lang: B.A.L.I.W.A.G. – Beauty And Love I Will Always Give.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro