Chapter 24
"ANG SABI ni Bless, mataray ka raw sa kanya."
Agad pumihit si Vilma nang marinig ang tinig ni Pio. Pinamaywangan niya ito, itinaas ang isang kilay dito. Oo, hinahamon niya ito. Ano pa ang gusto nitong ibatong pamumuna sa kanya? Handa siya sa giyera, lalo na't mula nang dumating si Blessilda noong isang araw ay mainit na ang ulo niya.
"At ano'ng sabi mo sa kanya, aber?"
"Nothing."
"Hmp! Dapat lang. Kapal ng mukha niyang utus-utusan ako!"
"Well..."
"Well?" Naningkit ang mga mata niya. Nahuhulaan niya kung ano ang sasabihin nito kahit hindi nito ibuka ang bibig. "Well, atsay ka rito kaya ka inuutusan," malamang ang gusto nitong iparating sa kanya. Puwes, subukan nitong isatinig at makikita nito ang hinahanap nito. "Well, ano? Sabihin mo, sabihin mo!"
"Nothing."
"Hmp!" Pinunasan niya ang mesang pinagkainan niya. Nahuli siya ng kain dahil ayaw niyang makita si Blessilda kanina. Alas-nuebe na ngayon. "Kailan ba aalis dito ang babaeng 'yon? Sa totoo lang, istorbo lang siya sa 'yo. Nagsusulat ka, 'di ba? Bakit ba ikaw pa ang nagpapasyal sa kanya dito? Marami namang puwedeng gumawa noon."
Patuloy siya sa pagpupunas ng lamesa kahit malinis na iyon. Hindi umiimik ang lalaki at sa huli ay tiningnan niya ito. May ngiti sa mga labi nito habang nakamasid sa kanya. Pinamaywangan niya itong muli.
"Ano naman ang nakakatawa?"
"Ikaw."
"At pinagtatawanan mo pa ako ngayon?"
"Matindi ka pala magselos."
Hindi niya alam kung matatawa o lalong maiinis dito. Naiinis siya dahil malabo pa rin ang nangyayari, natatawa dahil parang okay naman dito ang lahat. Mukhang balewala rin dito kahit parang nagunta ito roon upang sitahin siya. Gayunman ay hindi siya makapayag sa sinabi nitong nagseselos siya.
"Sa bruhang 'yon, magseselos ako? Bakit naman? Siyota ba kita?"
Halos hindi siya humihinga habang naghihintay sa tugon nito. Tumawa lang ito at lumapit sa kanya. Niyakap siya nito mula sa kanyang likod at kinintalan ng halik ang batok niya. "Selosa."
Napalunok siya, aminadong natutunaw na ang kanyang inis. Kung ganito ba naman ng ganito ay walang problema. Kung sana ay kinausap siya nito agad kahapon sa ganitong paraan, hindi sana nagpuputok ang butse niya buong araw. Kung mangkukulam lang siya, kanina pa sana siya kumuha ng babaeng manyika para tusuk-tusukin. Ganoon katindi ang inis niya kay Blessilda. Marahil dahil matagal na itong tinik sa kanyang landas.
"Kailan ba siya aalis?" mahinang tanong niya.
"Hindi ko alam."
"Hindi mo alam?" Gusto na namang tumaas ng kanyang kilay. "Bakit hindi mo pa siya paalisin? Wala naman siyang buting maidudulot dito."
Tumawa ito. "I need to be a little bit hospitable. After all, she was my wife. Nagbabakasyon lang naman siya dito at 'yon lang naman."
Ibig niyang patuloy na tumutol sa pagtuloy doon ng babae ngunit kahit paano ay nauunawaan niya ang punto ni Pio. Oo nga naman, kung ibig magbakasyon ng babae ay hindi naman magandang ipagtabuyan ito. Wala sa karakter ni Pio ang gumawa ng ganoon. Puwes, hangga't may sariling silid ang babaeng iyon ay hindi na siya magrereklamo. Basta't huwag na lang siya nitong patutusadahan at talagang hindi siya mangingiming tarayan ito.
"Siya, sige, pagbibigyan kita."
"Thanks."
Napangiti na siya, kuntento na sa sinabi nito. Ganoong wala naman palang namamagitan sa dalawa ay gumaan ang pakiramdam niya. Hinaplos niya ang mukha nito. "Pasalamat ka, guwapo ka."
Tumawa itong muli saka siya hinagkan sa labi. Isang totoong halik. Nabigla siya sa simula sapagkat kailanman ay hindi pa siya nito hinagkan sa ganoong paraan, sa paraang totoo. Ngunit mabilis siyang natutong tumugon at hindi pa nagtagal at buong-puso na ang naging pagtugon niya rito. Mabilis lang matutong ibalik ang halik nito. Natural iyong dumating sa kanya.
Napakatamis ng mga labi nito, parang kahit ilang oras siya nitong hagkan ay hindi siya magrereklamo. Hanggang sa naging mapaghanap ang mga labing iyon at tumugon siya sa mainit na paraan. Nang mahiwalay sila ay halos habol niya ang kanyang paghinga, ang tibok ng kanyang puso ay ganoon na lang kabilis.
"Pio..."
Hinaplos nito ang kanyang pisngi. "It's late."
Napaungol siya bigla. Kung kailan maganda na ang eksena ay hayun na naman ang "it's late" nito. Hindi ba mauubos ang mga salitang iyon? Umalog ang balikat ng lalaki sa mahinang pagtawa saka pinindot ang kanyang ilong.
"Gabi na talaga. Maaga kung magsimula ang araw natin dito, alam mo 'yan."
"Eh, nami-miss na kita."
"Marami pang araw na darating. Halika, ihahatid na kita."
Nakalabing umabrisiyete na siya rito. Ihinatid siya nito sa silong at bago siya pumasok sa kanyang silid ay muli nitong hinagkan ang kanyang mga labi, saka pinisil ang kanyang baba.
"'Wag mo ako masyadong isipin, baka hindi ka makatulog."
Napaingos siya, tumawa ito saka tumalikod. Pero hindi niya sinunod ang gusto nito. Nahiga siyang nakatutop sa kanyang mga labing bahagyang makapal sa kanyang pandama dahil sa bagong karanasan ng mga iyon. Kilig na kilig ang kalooban niya habang pinapangarap si Pio.
Hindi na niya namalayan kung anong oras siya nakatulog at nang magising siya ay lumalagos na ang sikat ng araw sa maliit na bintana ng silong. Bumangon na siya at nagtuloy sa kusina. Naroon sina Elizardo at Nanay Socorro. Mukhang siya ang pinag-uusapan ng dalawa dahil nang dumating siya ay biglang tumahimik ang mga ito.
"Si Pio, Nanay?"
"Ay, maagang umalis. Kumain ka na muna at marami ka pang labahin."
Naupo na siya, saka binalingan si Elizardo. "Anong oras siya umalis?"
"Mga seven, pagkakain ng almusal."
"At ang reyna-reynahan?"
Nagkatinginan ang bakla at ang matanda. Hindi agad naging maganda ang kanyang kutob at kinompirma pa ni Elizardo ang hinala niya. Magkasama na naman ang dating mag-asawa. Nagpasya siyang huwag nang pakaisipin ang bagay na iyon. Kagabi ay nagkausap na sila ni Pio at malinaw na sa kanya na wala itong balak na makipagbalikan sa babaeng iyon. Iyon ang basa niya sa naging takbo ng kanilang usapan. Hindi lang nito mapaalis ang babae dahil nagbabakasyon iyon dito.
Matapos ang almusal ay kinolekta na niya ang labada. Dinala niya sa silong ang lalagyan ng maruming damit ni Pio. Ang damit ni Blessilda ay hindi niya lalabhan. Manigas ito. Habang inaayos ang damit ng lalaki ay napatda siya sa nakita—sa ilalim ng lalagyan nito ng labada ay isang panloob ng babaeng tiyak niyang hindi kanya. Tiyak niyang hindi rin nagsusuot ng T-back si Nanay Socorro, maging si Elizardo.
Diyos ko.
Hindi muna siya nag-panic bagaman bumangon ang matinding kaba sa puso niya. Ano ang ginagawa ng panloob ni Blessilda sa marumihan ni Pio? Isa lang ang maaaring ipakahulugan noon.
Hindi siya mapakali. Palakad-lakad siya sa loob ng silid hanggang sa magpasya siyang agad na komprontahin si Pio. Hindi siya makakatiis na hindi ito kastiguhin. Nilakad niya ang daan tungo sa farm, ngunit wala ito roon. Ang nasa kubong pahingahan ay si Blessilda.
"Ano naman ang ginagawa mo rito?" tanong nito.
"Ikaw ang ano pa ang ginagawa dito sa farm. Kailan ka ba talaga aalis?" maanghang na balik niya.
"Hindi ko na gusto ang lakas ng loob mo, Vilma. Katulong ka lang."
"Hindi ako katulong lang dito! Ang kapal ng mukha mo!"
"Ah, talaga? Kung hindi ka katulong, bakit ka naglalaba? Bakit ka tumutulong sa gawaing-bahay? At lalong bakit ang sabi sa akin ng amo mo, labandera ka lang?"
Parang tinusok ng aspile ang dibdib niya. Ayaw niyang maniwala sa babae. Hindi sasabihin ni Pio iyon, pero hindi niya maiwasang masaktan pa rin, dahil kahit anong gawin niya ay bahid pa rin ng katotohanan ang sinabi nito. "Wala ka nang pakialam sa trabaho ko. May intindihan kami ni Pio."
"Sa pagkakaintindi ko, nagpapahalik-halik ka at kung ano-ano pa sa kanya, pero suwelduhan ka pa rin." Nabigla siya, hindi niya akalaing alam nito ang namamagitan sa kanila ni Pio. Tumawa ito. "Akala mo hindi ko alam? Siyempre, ipinagtapat sa akin ni Pio. Ano ka ba? Sa tingin mo, seryoso siya sa 'yo?"
"A-at sa 'yo, seryoso siya?"
"Of course. Ako pa rin ang pinakasalan. At sa akin pa rin niya inamin ang nangyayari sa inyo. Hindi ka lang daw niya mapaalis dahil naaawa siya sa 'yo. Isa pa, ano'ng aasahan mo doon sa tao, eh, lalaki 'yon? Lalaking may mga pangangailangan. Kung babae na nga naman ang lumalapit, bakit hindi?"
"Hindi t-totoo ang sinasabi mo. 'Wag mong palabasing kayo pa rin. Alam kong hindi. Isa pa, kung ganoon nga, anong klase kang babae para payagan siyang... maging malapit sa akin sa ganoong paraan?"
"Malaki ang kasalanan ko sa kanya, iniwan ko siya. Of course I cannot demand a lot of things at once. Pero nag-usap na kami kagabi. We decided to work it out."
"Sinungaling! Isa sa mga araw na darating, makakatikim ka sa akin!" banta niya saka tumalikod, bagaman litong-lito. May bulong ang puso niya, at sinasabi noon na may bahid katotohanan ang sinasabi ni Blessilda, gaano man iyon kasakit sa kanya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro