Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 2

"Lagyan mo ako ng makeup, bilisan mo!" wika ni Vilma kay Elizardo.

Bagaman naguguluhan ay tumalima ito sa utos niya. "Mabuti pinayagan ka ni Mama Vangie na gamitin itong makeup niya. Ito ang mahigpit niyang habilin sa aming mga dancers—kanya lang ito. Alam mo naman 'yon, medyo maselan sa gamit."

"Basta't lagyan mo na ako."

"Ano naman ang laman niyang plastic bag mo?" tanong nitong bahagyang sinulyapan ang malaking plastic bag sa kandungan niya habang tinutuyo ang pawis sa kanyang mukha.

"Basta!"

Tumigil ito sa ginagawa. "Puwede bang ipaliwanag mo muna kung bakit nagkaroon ng himala at gusto mong mag-makeup bigla?"

"Mamaya na!" angil niya.

Pinagbigyan siya nito. Makalipas ang kulang kalahating oras ay natapos na ito sa makeup niya. Ipinataas niya ang buhok niya rito, at nang matapos ito ay nagtungo siya sa "silid" nito na bahagi ng sala at isang kurtina lang ang nagsisilbing dibisyon. Katatayo pa lang ng perya nila sa bago niyong lokasyon. Doon daw ay mas matagal silang pipirmi, ayon kay Papa Poncio. Nasa Quezon pa rin sila, pero kailangan na nila ni Elizardo na lumipat ng eskuwelahang mas malapit sa perya. Second year high school na silang magkaibigan sa pasukan.

Nang maisuot ang damit na ipinuslit niya mula sa bodega ay hinawi na niya ang kurtina at naghintay sa reaksiyon ni Elizardo. Nanghina siya nang bigla itong tumawa.

"Pangit ba?"

"Sasagala ka ba, Vilma?"

"Halata bang... sinadya ko?"

"Natural! May tao bang ang pang-araw-araw na damit, eh, gown?"

Kung bakit hindi niya agad naisip iyon. Muli siyang nagpalit ng damit. Marahil sapat nang nakaayos siya, naka-makeup. Siguro, mapapansin na siya dahil doon.

"Sige, Elizardo, uuwi na muna ako—"

"Hep-hep! Ano munang kahibangan ito?"

"W-wala. Masama bang mag-makeup?"

"Masamang magsinungaling."

Inignora niya ito at nagtuloy na sa kanilang bahay. Salamat at wala roon ang mga kapatid niya, nasa labas at nagsisipaglaro. Palibhasa ay bakasyon, malaya ang mga itong maglaro sa labas. Ang kanyang Mama Vangie ay alam niyang darating na anumang sandali. Isang linggo niyang hinintay ang araw na ito, mula nang marinig niya si Mama Vangie na kausap si Aling Marissa, ang ina ng kanyang crush.

Ang kanyang unang crush na hanggang ngayon ay crush pa rin niya, si Pio. Noong gabing kumatok ito sa pinto nina Elizardo ay hinahanap nito ang ina ni Elizardo na kaibigan ng ina nito. Hinahanap nito ang ina nito na namamasukan sa kanila bilang labandera. Ano bang malay niya na ang mabait na si Aling Marissa ay may anak palang napakapogi? Noon lamang niya nakita ang lalaki sa kanilang perya. Kunsabagay ay saglit pa lang naman naglalaba para sa kanila ni Aling Marissa.

At noong nakaraang linggo nga ay narinig niyang nag-uusap si Aling Marissa at si Mama Vangie. Hiniling ni Aling Marissa sa kanyang ina na bigyan ng trabaho ang anak nito, kahit pa-extra-extra lang daw dahil nag-aaral pa ang lalaki. At magiging kaeskuwela niya ito sa pasukan! Hindi pa man ay sabik na sabik na siya. Kung dati ay wala siyang pakialam sa uniporme niya at may mga pagkakataon pang napingot ni Mama Vangie ang tainga niya dahil pumapasok siyang hindi plantsado ang kanyang uniporme, ngayon ay titiyakin na niyang maayos iyon at malinis. Magpapabili rin siya sa mama niya ng pulbos at lipstick. Sa katunayan ay nagsasanay na siyang gumamit ng mga iyon. Madali lang naman iyon.

Ang sabi ni Elizardo ay noon din lang daw nito nakita si Pio. Gayunman, si Aling Marissa daw ay matagal nang kakilala ng ina nito.

Pupunta sa araw na iyon sa kanila si Pio. Kaya naman heto siya, nakahanda sa pagdating ng lalaki. Nang may kumatok ay agad niyang sinipat ang mukha sa salamin saka binuksan ang pinto. Mukhang nabigla si Mama Vangie nang makita siya, nasa likod nito si Pio na nakatingin din sa kanya.

Biglang nag-init ang kanyang mukha. Naitanong niya sa kanyang sarili kung nagandahan kaya ang lalaki sa kanya? Dahil siya ay lalo nang naguwapuhan dito. Kayumanggi ang balat nito, mukha na itong binata kahit sa pagkakaalam niya ay disi-siyete anyos lang ito, mas matanda ng apat na taon sa kanya.

"Anak, ibili mo nga kami ng Coke nitong si Pio," utos sa kanya ng mama niya at agad siyang tumalima. Nagmamadali ang bawat kilos niya at pabalik na siya sa bahay nang makasalubong niya si Elizardo.

"Aha! Kaya pala, ah!" anito. "Galing ako sa inyo. Alam ko na ang sikreto mo!"

"Shhh! Mamaya na tayo mag-usap!"

Dinig niya ang tawa nito hanggang sa makabalik siya sa bahay. Siya ang nagsilbi ng maiinom sa bisita, pati na rin ng piyanono na binili niya kahit walang bilin ang kanyang mama. Baka gutom na si Pio, isa pa'y walang masama kung magiging maganda ang pagtanggap nila sa lalaki.

"Kilala mo na ba itong dalagita ko, Pio?" anang kanyang Mama Vangie. Pinalapit siya nito. "Ito si Vilma. Vilma, si Kuya Pio mo."

Ibig niyang mapaungol. Bakit may "Kuya" pa? Ayaw niya itong tawaging kuya!

"Kumusta, Vilma?" nakangiting wika ng lalaki. Dumagundong ang tibok ng puso niya. Mas pogi pala ito kapag nakangiti.

Hindi siya nakatugon dahil tulad noon ay parang nagkabuhul-buhol ang kanyang dila, nalulon niya ang mga salita. Nagpatuloy si Mama Vangie. "Puwede ka nang magsimula kung kailan mo gusto. Simple lang naman ang trabaho rito, Pio, at hindi ko rin inaasahan na aabutin ka hanggang madaling-araw dito. Alam kong nag-aaral ka pa. Hanggang alas-onse ng gabi, kung puwede sa 'yo. Kung hindi naman, sabihin mo sa akin kung hanggang anong oras ka lang puwede."

"Wala pong problema sa akin kahit hanggang magsara ang perya ako nandito, Ma'am."

"Naku, Mama Vangie ang itawag mo sa akin. Walang tumatawag sa akin ng 'Ma'am' dito. Bueno, hanggang alas-onse pero hindi hanggang magsara ang perya. Iyon na ang usapan namin ng nanay mo. Madali naman ang trabaho, mag-iikot ka lang sa mga palaro, mag-iimbentaryo ng mga papremyo at kita, tutulong kung saan ka kailangan. Ganoon lang, anak."

"Maraming salamat po, Mama Vangie."

Tinapik ni Mama Vangie ang balikat nito at tumayo na. "Kailan ka magsisimula?"

"Bukas na bukas din po. Maraming salamat po."

Tumango si Mama Vangie at nagpaalam na rin ang lalaki, ngumiti ito sa kanya saka lumabas ng bahay. Naisara na ni Mama Vangie ang pinto ay nakatingin pa rin siya roon, mabilis pa rin ang tibok ng puso.

"Aba, mukhang nagsisimula nang magdalaga ang dalaga ko!" si Mama Vangie.

Bigla niyang nakagat ang labi, nag-iinit ang buong mukha.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro