Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 19

TUMANGO si Vilma sa sinabi ni Pio kahit pa nga gusto pa niyang mag-usap sila. Hindi pa nito sinasagot ang tanong niya kanina kung nobyo na niya ito. Marahil hindi pa, dahil hindi nito sinagot. At siguro ay ayaw nito, dahil hindi na siya nito tinangkang hagkan o tuksuhin sa paraang sensuwal, tulad kanina. Sa nangyari kanina sa ilog ay may natuklasan siya, na kaya pala niyang hindi mailing kahit ngayon na maiksi ang kanyang suot na kamiseta, dahil kamiseta nito iyon. Siguro ay sadyang may fighting spirit siya, nagtatago lang.

Humarap siya kay Pio, nakapikit ang mga mata nito, nakahiga, hawak ang palad niya. Kung pagbabasehan ang nangyari sa ilog ay parang dapat na mas malapit pa ito sa kanya, pero okay lang. Baka masyado siyang nagmamadali. Baka pa nga naudlot ang diskarte nito dahil masyado siyang matanong. Kumbaga, may paraan na ito pero sa katatanong niya ay nawala pa. Dapat na manahimik na lang siya, pabayaan ang mga pangyayaring kusang tumakbo.

Ipinikit niya ang mga mata, handang pangarapin ang lalaki, ngunit nakatulog siya. Nang maalimpungatan siya ay napangiti siya. Nakatagilid siya at nakayakap ang lalaki sa kanya, nakadantay ang binti nito sa binti niya. Anong sarap sa pakiramdam niya noon. Noon lamang niya naranasan ang ganoon. Kahit ang mga kapatid niya ay hindi nakakatabi sa kanya. Prebilihiyo marahil iyon ng panganay na ampon, may sarili siyang higaan. Ganito pala ang pakiramdam ng isang taong yakap ng iba.

Muli niyang ipinikit ang kanyang mga mata, tiyak na hindi na siya makakatulog sa kilig, ngunit muli ay nakatulog siya at nang magising ay nakatagilid na siya paharap sa lalaki. Gising na ito, nakatingin sa kanyang mga labi. Tila hindi nito namamalayan na gising na siya.

Ipinikit niyang muli ang kanyang mga mata, naghintay sa gagawin nito. Anong kilig niya nang madama ang mga labi nitong lumapat sa mga labi niya. Dampi lang iyon, animo sumusubok lang, ngunit tagos hanggang gulugod niya ang init ng mga labi nito at hayun na naman ang mga paruparo sa kanyang sikmura.

Muling dumampi ang mga labi nito sa kanya at nagmulat na siya ng mata. Nakapikit ang binata, tila ninanamnam ang munting halik. Ipinikit na rin niya ang kanyang mga mata at gumanti ng halik. Dinampian din niya ng labi niya ang mga labi nito. Hinaplos nito ang kanyang pisngi.

"I'm sorry."

"Para saan?"

"Nagnanakaw ako ng halik habang tulog ka." Ngumiti ito, biglang namula ang mukha at napahagikgik siya. Ang cute nito, parang ang sarap pupugin ng halik.

"Okay lang. Kung nauna akong magising, ako siguro ang magnanakaw ng halik," biro niya. Tumawa ito nang malakas. Tumayo na ito at inalalayan siyang makatayo rin. "Saan tayo pupunta?"

"Uuwi na. Hindi ka pa kumakain, ako rin."

Parang gusto niyang tumutol at sabihing busog pa naman siya. Kahit sa isang linggo na sila umuwi, okay lang. Moment na nila ito, pero siguro nga ay mas magandang umalis na sila roon. Gaya ng naisip niya kanina ay hindi niya mamadaliin ang lahat. Isa pa, natitiyak niyang marami pang moment na darating sa kanila. Ang kumot nila kanina ay ginawa niyang sarong. Inalalayan siya nitong makaupo sa kabayo, saka ito sumakay na rin.

Mabagal lang ang takbo ng kabayo at komportable na siya sa lalaki upang ihilig ang ulo sa dibdib nito. Nadarama niya ang panaka-nakang paghalik nito sa kanyang ulo hanggang sa makarating na sila sa bahay. Naroon si Elizardo at nagwawalis sa labas. Siyempre ay nakita nito ang pagkakahilig niya sa dibdib ni Pio at marahil nakita rin nitong hinahagkan ng lalaki ang kanyang ulo. Nakanganga ito habang nakatingin sa kanila.

"Nakahain na, Elizardo?" tanong ni Pio.

"Ha? Ah, opo, S-Sir," tugon nito, saka siya binalingan. Hindi na nito kailangan pang magsalita, alam na niya ang itinatakbo ng isip nito. Ngumiti lang siya rito at tumuloy na sa loob ng bahay. Nagpalit muna siya ng damit saka nagtungo sa komedor. Hindi pa kumakain si Pio.

"Tara," anito.

"Sige, mauna ka na."

"Hinihintay kita. Hindi ako kakaing hindi ka kasabay."

Nakagat niya ang labi sabay tango. Nilingon niya si Elizardo na naroon na sa komedor. Nanglalaki ang mga mata nito. Niyaya rin itong kumain ni Pio ngunit tumanggi ito. Matapos silang kumain ay tumayo ang lalaki at inabot ang kanyang kamay. Pinisil nito iyon.

"See you later."

Nakangiting tumango siya. Lumabas na ito sa bahay at sinilip pa niya ito sa bintanang makaalis sakay ng kabayo nito saka niya binalingan si Elizardo. Nakapamaywang ito sa kanya.

"Noong unang panahon, may isang batang babaeng na-in love sa isang guwapong lalaki—" panimula nito nang hindi siya magpaliwanag.

"Na-in love siya sa guwapong prinsipeng diborsiyado. At nagkagusto rin sa kanya ang prinsipeng diborsiyado kaya napahiya ang kabigan niyang bakla," pagtutuloy niya sa kuwento.

Natigilan ito. "Diborsiyado siya? Hindi na niya asawa si Blessilda?"

Nakangiting tumango siya. Anong tili ng bakla habang nagtatalon, kilig na kilig. Hindi niya ito masisi. Sino ang hindi kikiligin kay Pio?

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro