Chapter 15
NASAAN ba talaga si Blessilda? Grabe naman ang babaeng 'yon, hindi man lang umuwi sa Pilipinas kasama ni Pio. Ano ba namang klaseng asawa ang babaeng 'yon?
Ayaw na sanang makadama ng kuryosidad ni Vilma tungkol sa personal na buhay ni Pio ngunit parating marami siyang tanong sa isip niya, mga tanong na tanging si Pio lamang ang makakasagot pero dahil deadma siya parati rito ay hindi niya ito matanong.
Para sa kanya ay may giyera sila mula nang magsuplado ito. Mag-iisang buwan na siya roon at madali naman ang trabaho niya. Sa loob din ng panahong iyon ay ilang salita pa lang ang napagpalitan nilang dalawa ni Pio. Ngayon ay abala na ang lalaki sa pagtatanim, nakakuha na ito ng mga tauhan. Mga manga ang itinatanim nito, iyong mga mangga na madaling mamunga at punggok. Sa ilang bahagi ng lupain ay naglagay ito ng mga rabbit, manok, baboy, at ostrich.
Ayaw niyang tangkilikin ang atraksiyon niyang nadarama para rito dahil ito ay may asawa na. Mahirap nga lang pilitin ang sarili niyang alisin ang pagkakatingin dito sa tuwing wala itong suot na T-shirt. Kung bakit ang dami-dami nitong T-shirt ay mas gusto nitong maghubad kapag nagtatrabaho sa lupain. At kung bakit din dahil siya ay hindi araw-araw kung maglaba ay siya ang nauutusan madalas ni Nanay Socorro na dalhan ito ng pagkain kapag nandoon ito sa manggahan. Katulad na lamang sa araw na iyon. Nang maiayos na ni Nanay Socorro ang basket ng pagkain ay pinalarga na siya nito.
Naabutan niya ang lalaki sa maliit na kubong pahingahan. Walang pader iyon, parang cottage sa beach, nasa ilalim ng isang puno. Nakahiga ito sa kawayang bangko, nakatakip ang sombrero sa mukha at tila natutulog. Para itong isang putaheng nakahain sa kanya.
Hmp. May asawa na 'yan.
Inihain na lang niya sa mesa ang laman ng basket. Nang lingunin niya ito ay nakita niyang nakahiga pa rin ito ngunit nakahawak na sa sombrerong bahagya nitong itinaas sa mukha nito upang tingnan ang kanyang puwit. Sa puwit niya nakapukol ang tingin nito, tiyak niya.
"Hoy!" agad niyang sita.
Animo ito walang narinig, naghikab at ibinalik ang sombrero sa mukha, parang matutulog ulit—kung natutulog nga itong talaga kanina.
"Aba't!" Napabuga siya, hindi malaman kung paano ito sisitahin. Baka naman napatingin lang ito doon. Siya lang ang mapapahiya kung sisitahin pa niya ito. "Kakain na, Pio. Gumising ka na."
"Sige, iwan mo na lang diyan."
"Hmp!" Tumalikod na siya. Naglalakad na siya palayo nang lingunin niya ito at huling-huli niya itong nakatingin sa legs niya. Pumihit siya at pinamaywangan ito, ngunit tulad kanina ay ibinalik lang nito ang sombrero sa mukha matapos maghikab, na tila ba lalo itong inantok sa nakita nito.
Nagpasya siyang huwag na lang palakihin pa ang issue. Hindi ito ang unang lalaking napatitig sa legs niya. Sa isang himala marahil, sa kabila ng dami ng galos niya dala ng kalikutan noong bata siya ay nanatiling makinis ang legs niya. Mahilig din siyang magsuot ng shorts dahil komportable sa kanya.
Maduling ka sa pagtingin sa legs ko. Meron ba nito si Blessilda?
Bigla siyang napabuntong-hininga sa naisip niya. Mali iyon. Mag-asawa ang dalawa at kung hindi niya tantanan ang itinatakbo ng isip niya ay mas mabuti pa sigurong mag-resign na siya. Gayunman ay umaasa siyang darating din isa sa mga araw na darating ang babaeng iyon. At sana, tulad ni Pio, ay nagbago na ito ng ugali. Gusto niya ang trabahong iyon at ayaw niyang mapaalis kung masasabunutan niya sa inis ang amo niya.
Nang makabalik sa bahay ay magkatulong sila ni Elizardo na maglinis. Masayang ibinalita sa kanya ng bakla na ito ay puntirya sa mga bagong tauhan ng farm. Pinabayaan na lamang niya itong magkuwento kahit tagusan ang sinasabi nito sa tainga niya.
"Nakikinig ka ba sa akin? Ang sabi ko, crush ko 'yong beterinaryo natin!"
"Bakla ba siya?"
"Malay mo?"
Pinagbigyan na niya ang kaibigan. Hindi na siya nito tinutudyo kay Pio mula nang sabihin niya ritong may asawa na ang lalaki. Maagang natapos ang trabaho nila at sila na ang nagboluntaryong magluto dahil sinusumpong na naman ng rayuma si Nanay Socorro. Alas-sais y medya ay nakahain na sila at naghihintay sa pagdating sa komedor ni Pio. Alas-siete na ito pumaroon, bagong paligo. Ganoong-ganoon pa rin ang amoy nito, amoy-malinis.
Pumuwesto ito sa kabisera. Nagkakatinginan sila ni Elizardo. Sinenyasan siya ng baklang asistehan ang lalaki na siyang ginawa niya. Inabot niya rito ang pinggan ng kanin. Nakataas ang mga kilay nito, hindi niya alam kung gusto siyang paalisin o nagtataka sa ginagawa niya.
Umentra si Elizardo at salamat naman. Naiilang siya kay Pio. Nanatili sa kanya ang mga mata nito kahit naibalik na niya ang lalagyan ng kanin sa mesa.
"Sir Pio, masarap itong kaldereta. Ako ang nagluto nito. Halos lahat 'yan, ako ang nagluto, puwera lang dito sa pritong isda at buro. Masarap akong magluto."
"Great."
"Prito lang at buro ang alam iluto nitong si Vilma," dagdag ni Elizardo kahit hindi naman ito tinatanong. Nahihimigan niyang ibig nitong magsimula ng usapan. Marahil ay dala na lamang iyon ng natural nitong pagiging tsismosa. Gayunman ay hindi kinagat ni Pio ang pain. Bahagya lang tumango ang lalaki, tila ayaw makipag-usap. Umismid siya kay Elizardo habang nakataas ang isang kilay na tila sinasabi, sabi ko sa 'yo, mayabang 'yan, eh.
Tahimik lang silang magkaibigan, nakahanda sa anumang ipag-uutos ng mahal na hari. Naroon sila sa tapat nito, magkatabi, animo mga estudyanteng pinarusahan ng guro kaya napatayo. Tumikhim si Pio mayamaya.
"Kaya kong kumain mag-isa... O kung gusto ninyo, sumabay kayo sa akin."
Plastic. Labas naman sa ilong. Siyempre ay tumanggi sila. Iniwan na nila ito sa komedor. Nagpaalam si Elizardo na hihiga na at pagod na raw ito, siya na lang daw ang bahala. Dahil hindi naman na niya kailangang pagsilbihan si Pio ay tumango siya. Naghintay lang siya sa likod-bahay, nagpapak ng ulam. Hindi pa man niya nauubos ang kanyang kaldereta ay lumabas na ang lalaki roon, bitbit ang plato nito.
"May kailangan ka?" aniya, agad tumayo.
"Please sit down."
Nakamasid lang siya nang maupo sa tabi niya. Umisod siya nang bahagya kahit gusto niyang magpakalayu-layo rito. Ang init nito ay tumatagos sa kanya. Gusto sana niyang tumayo na ngunit magiging obvious na naiilang siya rito kapag ginawa niya iyon. Minadali na lang niya ang pagkain at sa kamamadali ay natinik ang lalamunan niya.
"Okay ka lang?" tanong nito, bahagyang nakakunot ang noo.
Tumango siya, nakahawak ang mga palad sa mesa, lumulunok pilit at may tumutundo sa lalamunan niya. "K-kanin."
"Natinik ka?" Agad itong kumuha ng buong kanin sa rice cooker at agad niya iyong isinubo. Maling hakbang dahil umaaso pa ang kanin sa init. Pinilit niyang ngumiti, itinaas ang hinlalaki dito, kahit ang totoo ay parang nalapnos ang kanyang bibig. Nagpilit siyang lunukin iyon ngunit nang sumayad ang init sa ngalangala niya ay may sensasyong agad namuo sa kanyang lalamunan at ilong, naibahing at naibuga niya lahat ng kanin. Sa mukha ni Pio.
Nanlaki ang mga mata niya nang makitang puno ng kanin ang guwapo nitong mukha. Hindi niya alam kung ano ang uunahin, ngunit nang lumunok siya ay natuklasan niyang wala nang bara ang lalamunan niya. Dali-dali siyang kumuha ng pamunas sa mukha nito. Nakita niya ang isang bimpo sa gilid ng lababo at agad niya iyong ipinunas sa mukha ng lalaki para lang manghina nang makitang nabahiran ng sarsa ng kaldereta ang mukha nito at sa noo nito ay may malaking tinik ng isda ang dumikit. Ginawa na palang pampunas ng mesa ni Elizardo ang bimpong iyon na noong nakaraan lang ay punasan nila ng kamay.
"Diyos ko! Sorry!" sambit niya. Mukhang inis na ang lalaki kaya ipinunas niya na ang laylayan ng sarili niyang kamiseta sa mukha nito. Hindi siya tumigil hanggang hindi nito inawat ang kamay niya.
"Tama na. Masasakal kita."
Kagat-labing humakbang siya paatras, nakatingin dito. Tumayo ito, hinubad ang kamiseta, at nagtungo sa lababo upang maghilamos.
"Ikukuha kita ng bimpo," agad niyang sabi at tumalikod. Sa silong na lang siya kumuha noon at agad na nagbalik. Sinasabon pa rin nito ang mukha. Unti-unti nang nawawala ang tensiyon niya at bigla siyang napatawa nang maalala ang hitsura nito. Pinipigil niya ang tawa niya ngunit pilit kumakawala iyon.
Tila inis pa rin ito nang hinablot ang bimpo sa kanya, ipinunas sa mukha at leeg nito. Bigla siyang natigil sa pagtawa, lalo na at nakikita niya ang pagpatak ng tubig sa katawan nito. Inabot nito sa kanya ang bimpo.
"Punasan mo ako."
Napatitig siya rito. Mukhang seryoso ito. Ibig niyang mainis sa pag-aastang-hari nito, ngunit wala siyang nagawa kundi ang mapalunok. Nagsimula siya sa dibdib nito pababa. Gusto niyang tampalin ang kanyang kamay na biglang nagkaroon ng nginig. Mayamaya ay itinaas na niya sa buhok nito ang bimpo, iniiwasang mapatingin sa mga mata nitong batid niyang nakatitig sa kanya.
Kinuha nito ang bimpo at idinampi sa kanyang leeg. Nakiramdam lang siya, tensiyunado ang katawan. Parang kahit may bimpo ay nakikiliti siya sa pagdantay ng kamay nito na hindi niya maunawaan. Tumaas iyon sa gilid ng kanyang mukha at nanatili sa mga labi niyang banayad nitong dinadampian ng bimpo. Napatingin siya sa mga mata nito at natuklasan niyang nakatitig ito sa kanyang mga labi.
Natuturete ang kalooban niya sa tensiyong namumuo. Dikta ng isip niya na umalis na siya roon ngunit hindi niya maigalaw ang kanyang katawan.
"Tapos na ba si Sir Pio kumain—"
Napalingon siya kaagad kay Elizardo na nasa pinto, saka humakbang paatras.
"Right," sambit ni Pio. "You may clean up. I'm done."
Pumihit na ito at pumasok sa kabahayan. Nagkunwa siyang inabala ang sarili sa paglilinis ngunit alam ni Elizardo kung paano mag-usisa.
"At ano ang naabutan kong eksena?"
"Ano? Wala. Akala ko ba matutulog ka na?"
"'Wag mong iligaw ang usapan."
"Ano'ng gusto mong sabihin ko? Natapunan ko siya ng pagkain. Ganoon lang. At puwede ba, itong pamunas, eh, kusutin mo naman bago mo ilagay dito? Akala ko tuloy malinis, ipinunas ko sa mukha niya." Mukhang nabigla ito at saka napatawa. "Ano, matutulog ka na ba o tutulungan mo ako?"
Nakaismid ito, tila hindi kumbinsido sa sinabi niya. Gayunman ay wala na itong ibang sinabi, tumulong na lang sa kanya. Bago sila maghiwalay tungo sa kanya-kanyang silid ay may sinabi nito.
"Noong unang panahon, may isang batang babaeng na-in love sa isang guwapong lalaki. At nasaktan lang siya, umiyak. Nagkita silang muli makalipas ang ilang taon. Sana hindi na siya in love sa lalaki dahil tiyak na masasaktan na naman siya."
Inirapan niya ito, naiinis nang kailangan pa niyang mag-deny gayong wala naman talagang nangyaring kakaiba kanina... meron ba?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro