Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 13

"SO GANOON lang? Wala na siyang sinabi?"

"Wala na nga!" piksi ni Vilma kay Elizardo. Naroon ito sa silid niya sa silong at pinag-uusapan nila ang araw na iyon. Ikinuwento niya rito ang tagpo kaninang umaga. Bigla itong tumawa.

"Luka-luka ka naman kasi. Assuming kang mahirap pa rin 'yong tao."

"Ano bang malay ko? Hindi ko naman alam na writer pala siya at may alyas pa siya ngayon. Sino ba naman ang mag-iisip na mayaman siya, eh, ni wala nga siyang suot na T-shirt!"

"At tumulo na naman ang laway mo, tulad noon?" tudyo nito.

"Sira!"

Inignora na lamang niya ito. Inayos niya ang kanyang higaan at humilata na. Halos wala siyang ginawa sa araw na iyon kundi tumulong sa mga gawain ni Elizardo na hindi rin marami. Madali lang linisin ang kabahayan, hindi iyon masyadong malaki at maraming modernong gamit sa paglilinis. Si Nanay Socorro ay ang tagaluto, pero ang iba pang gawain ay si Elizardo ang nakatalagang gumawa.

"Ang layo na ng narating niya, 'no?"

"Alam ko naman kahit noon pa na malayo ang mararating niya."

"Kaya pala napagkamalan mo siyang dukha. Writer pala siya. Ano kaya ang sinusulat niya? Hindi ko naman naitanong kay Nanay Socorro kanina at sinusumpong ng rayuma 'yong matanda. Pero galing sa Amerika. Isteytsayd, Girl."

Ayaw man ay napangiti siya. Masarap ding isiping sadyang malayo na rin ang narating ni Pio. Sinasabi na nga ba niyang malayo na ang narating nito. At hindi tulad noon, dama niya ang distansiya nila nito. Para ba itong mahirap nang abutin. Kunsabagay, kahit noong abot-kamay niya ito ay parang mayroon itong sariling mundo kung saan ito at si Blessilda lang ang bida.

Marami pa siyang gustong malaman, sa kasamaang-palad ay wala siyang makukuhang tugon mula kay Elizardo. Pareho silang walang alam tungkol sa lalaki. Maaga pa silang babangon kinabukasan kaya itinaboy na niya ito palabas. Nang nag-iisa na lang siya ay hindi niya maiwasang balikan ang nakaraan. Mukhang lipas na ang galit sa kanya ng lalaki para maging blangko ang reaksiyon nito sa kanya kanina.

Nagnilay siya ng mga katanungan sa isip niya at hindi na niya namalayan nang hilahin siya ng antok. Kinabukasan ay nagising siya sa pagkatok ni Elizardo. Agad na siyang naligo at saka nagtungo sa kusina. Nakahanda na ang almusal nila sa likod-bahay kung saan naroon din ang kusinang ginagamit ni Nanay Socorro. Ang kusina sa loob ng bahay ay hindi nito pinakikialaman.

"Nanay, ano po'ng sinusulat ni Pio?" tanong niya. Hindi na niya matitiis na hindi magtanong. Baka maloka siya.

"Sir," mariing wika ng matanda. Nagkibit-balikat na lang siya. "Sa pagkakaalam ko'y nagsusulat siya ng libro. Pero meron din siyang negosyo tila. Ako naman ay hindi matanong kaya kayong dalawa, dapat na ganoon din. Ayaw noon ng masyadong matanong."

Hindi pa man ay barado na siya, gayunman ay may isang mahalagang bagay pa siyang dapat na malaman. "May asawa po ba o wala?"

"Gaya ng nasabi ko na, hindi ko tiyak. Kumain ka na at tiyak na may labada ka na ngayong araw na ito."

Hindi na siya umimik. Tinapos na niya ang almusal at nagtungo sa silid ni Pio. Wala na ito roon. Inimis niya ang labada nito, nag-obserba sa silid nito. Masinop ito sa gamit. Kama, malalaking aparador at isang mesang may computer ang laman ng silid nito. Walang mga plake sa pader ng silid, walang anumang palatandaan kung ano ang trabaho nito. Ni walang mga larawang naka-display. Saglit siyang nag-alinlangan kung bubuksan ang drawer ng mesa nito, sa huli ay nagkibit-balikat siya at binuksan iyon. Baka sakaling may larawan doon o kung anuman na makapagsasabi sa kanya ng mga detalye tungkol dito.

"Ayoko ng kasama sa bahay na nakikialam ng gamit ko."

Napatili siya nang marinig ni Pio. Agad niyang isinara ang drawer. "K-kumuha lang ako ng mga labada."

"Sa drawer ko?" Nakakunot ang noo nito, halatang hindi natuwa sa nakita.

"Medyo nakabukas, eh, sinasara ko lang," palusot niya, hinigpitan ang pagkakayakap sa mga maruruming damit nito na para bang doon siya kukuha ng proteksiyon dito.

Hindi ito umimik. Naupo ito sa kama at hinubad ang pawisang kamiseta, rubber shoes, at medyas. Mukhang nag-jogging ito. Napapalunok siya habang nakatingin dito at ayaw man niya dahil sa kasupladuhan nito ay hindi niya maiwasang maalala ang damdamin niya para rito noon.

Matagal na panahon na. Parang nagbago na ito nang husto. Parang hindi na ito mabait. Parang talagang suplado na ito. Dati, parati itong may nakahandang ngiti sa kanya, ngayon, mula kahapon ay hindi pa niya nasisilayan ang ngiti nito. Ano ba talaga ang nangyari rito? Ah, bakit ba niya gustong malaman pa? Hindi naman siya natural na tsismosa. Kinuha na lang niya ang pinaghubaran nito.

"W-wala na ba?" aniya, pinipilit na huwag tumingin sa abs nito.

"'Yan lang. Sige na."

Muntikan na niya itong irapan nang mapatingin siya rito. Ang yabang. Parang nagpapaalis lang ng lamok. Nagmartsa na siya palabas ng silid, masama ang loob. Para namang wala silang pinagsamahan. Para namang hindi kailan lang ay nakikiusap ang ina nito sa mama niya na bigyan ito ng trabaho. Ngayon ay parang wala man lang itong balak kilalanin ang mga panahong iyon.

Aba, iba na nga naman ang taong nakatikim na ng asenso. Nalilimutan na ang pinanggalingan nito. Hmp!

Nagtuloy na siya sa malaking banyo sa silong. Siya lang ang gumagamit noon at naroon din ang washing machine. Nabigyan na siya ng instruksiyon ni Nanay Socorro tungkol sa paglalaba. Ayaw daw ni "Sir Pio" na nagsasampay, at tinuruan na siya ng matanda kung paano gamitin ang dryer. Ang washing machine ay maaari niyang gamitin para sa mga malalaking labahin ngunti hindi ang mga damit ni Pio. Maselan daw ito sa linis ng damit.

Selan-selan, nek-nek mo! sa isip-isip niya. Ayaw niyang tanggapin na noon, kahit luma na ang mga damit nito ay parating malinis na malinis ang mga iyon. Marahil dahil ina nito ay isang labandera at talagang napakalinis sa damit. Mula noon hanggang ngayon ay madalas pa ring banggitin ni Mama Vangie na wala na raw mas huhusay pang maglaba kay Aling Marissa.

Nagdadabog siya sa bawat pagkusot ng damit. Gusto pala niyang maputing-maputi ang damit, eh, bakit siya nagtampisaw sa putik? Ang yabang-yabang. Eh, ano kung mamahalin na ang gamit niya ngayon? Pakialam ko kung... kung... Sinipat niya ang tatak ng pantalon nito. Eh, ano kung Levis ito? Mayaman na, Levis pa rin. Sa pagkakaalam ko, ang mga artista ngayon iyong mga mamahalin talaga ang pantalon. Iyong mga tigbe-beinte mil!

"Dahan-dahan ka sa pagkusot at baka mapunit 'yan," si Nanay Socorro na hindi niya namalayang naroon na pala.

"Sino ba naman ang gaganahang magpaputi ng damit kung parang nilabhan muna sa putik, Nanay?" angal niya, hindi niya natiis.

"Aba, trabaho mo 'yang labhan kahit gaano pa 'yan karumi." Mukhang nainis ito. Alam niyang totoo iyon, lamang ay talagang naiinis siya.

"Alam n'yo, Nanay, kababata ko 'yang si Pio." Kinusot niya ang damit. "At noon, hindi naman 'yan suplado. Ngayon, eh, ni hindi na namamansin. Akala niya hindi ko siya nakilala noong mga panahong pareho kaming mahirap. Sa amin nga siya nagtatrabaho dati, eh."

Akala niya ay pagagalitan siya ng matanda ngunit tumawa ito. "Nabanggit niya sa akin iyon. Ikaw naman, masyado kang matatampuhin. Ano naman ang gusto mo, paghainan ka ng pagkain at magpapiyesta noong nagkita kayo?"

"Hindi naman po sa ganoon. Ang akin lang, kaunting pagkilala lang. Ano ba naman iyong kaunting kumustahan? Ano, por que mayaman na siya ngayon, ni hindi siya mag-aabalang kumustahin man lang ako? Ang mama at papa ko? 'Yan ang hirap sa mga yumayaman, eh, nagiging masyadong arogante at mayabang—"

Naputol ang sasabihin niya sapagkat nilingon niya si Nanay Socorro, lamang ay wala na ito roon at naroon ay si Pio. Agad siyang napatayo, bitbit ang kinukusot na damit. "P-Pio!"

"Gusto mo ng kumustahan? Sige." Naupo ito sa isang maliit na bangkong kahoy.

"K-kuwan, nagbibiro lang ako." Napalunok siya at naupong muli sa bangko niya, hindi makatingin dito.

"Hindi tunog-nagbibiro ang mga sinasabi mo kanina. Sige, kukumustahin kita. Hindi ko lang ginawa kahapon at kanina dahil parang nahuhulaan kong wala kang ipinagbago. Pakialamera ka pa rin."

Noon siya napatingin dito, mayroong inis na bumangon sa sistema. "'Wag mong sabihing galit ka pa rin?"

"Bakit naman ako magagalit?"

Hindi siya umunat mula sa pagkakayuko, patuloy sa pagkusot bagaman sinulyapan ito saglit. Taliwas sa reaksiyon nito ang sinabi nito. Mukha itong inis.

"Ewan ko sa 'yo. Mukhang masama pa rin ang loob mo. Sa layo ng narating mo, siguro naman nalimutan mo na si Blessilda."

"You think?"

"Basta sa opinyon ko, at ito ay hindi nagbabago mula noon hanggang ngayon, hindi bagay si Blessilda sa 'yo. Masama ang ugali noon. Saka kung sakaling nagkatuluyan kayo noon, hindi siguro naging ganito ang takbo ng buhay mo. Siguro hindi ka ganito kaasensado. Dapat nga, nagpapasalamat ka pa sa akin."

"Mas maganda siguro kung huwag kang mamimintas ng mga taong hindi mo totoong kilala."

"Naloko na. Hanggang ngayon, may gusto ka pa sa kanya," ismid niya. Obvious naman. Ang hindi obvious sa kanya ay kung bakit ngitngit na ngitngit siyang bigla. Ano ba ang bago roon? Tumanda lang siya, umasenso lang si Pio nang higit pa sa inaasahan niya, pero ganoon na ganoon pa rin ang sitwasyon—gusto pa rin nito si Blessilda.

"Ayoko lang marinig na pinipintasan mo ang asawa ko."

Nabitiwan niya ang labada, natensiyon. Shet! Super shet! Asawa na nito si Blessilda?! Anak ng shet!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro