Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 12

Luku-luko ka kung hindi mo na ako naalala, Pio! Bakit ganyan ka? Bakit ganyan ka na kaguwapo?! Sino'ng kasama mo rito? May pamilya ka na ba? Kumusta na si Aling Marissa? Bakit dito ka ulit napadpad sa Quezon?

Ngunit sa kabila ng dami ng mga bagay na ibig niyang itanong sa lalaki ay naalala niyang taal itong taga-Quezon. Hindi niya alam kung kailan ito nagbalik sa bayan na iyon ngunit marahil ay noong wala na roon ang perya. Ano kaya ang nangyari sa scholarship nito? Buong panahong hindi na niya ito nakita ay maraming pagkakataong nailalarawang-diwa niya itong matagumpay na sa buhay, may sinabi na. Hanggang sa ang mga pangarap niya para rito ay unti-unting natabunan na ng mga sarili niyang pangangailangan, ng mga obligasyon niya sa pamilya, ng bawat pasakit at problema. Gayunman ay nakatatak sa isip niya na asensado na ito.

Hindi niya inasahan na makakadama pa rin pala siya ng panghihinayang na makita itong tuladd pa rin niya. Ang taas-taas ng pangarap niya para rito. Ah, ano nga ba ang karapatan niyang mangarap para dito? Baka nga kung maaalala siya nito ay magalit pa ito sa kanya. Hindi ba at noong huli ay galit na galit ito sa kanya? Kaya nga ni hindi na nito nagawang makapagpaalam nang maayos sa kanyang mga magulang, bagaman ang sabi ni Mama Vangie sa kanya makalipas ang ilang panahon ay nagbalik daw ito noong araw na magpaalam si Aling Marissa. Marahil nasa silid na siya noon o tulog na. Nagbalik daw ito upang pormal na magpaalam sa mama at papa niya.

Luko-luko talaga. Talagang iniwasan siya nito. Pero mga bata pa sila noon. May galit pa rin ba ito sa kanya? Sana wala na dahil sa tuwing maaalala niya ang ginawa niya noon ay nakakadama siya ng hiya. Noong nagkaisip na siya, noong tumuntong na siya sa edad beinte, may mga pagkakataong nahihiya siya sa sarili niyang sa edad niya noon ay nagawa niyang makialam sa buhay nito.

Sana maunawaan nito. Sana maisip nitong hindi niya sinadya. Okay, fine, sinadya niya noon, pero ano ba ang alam niya noong panahong iyon? Wala. Gayunman, sa isang banda, nang malaman na niya ang totoong hirap ng buhay ay dumaan din sa isip niyang nakaganda pa marahil ang ginawa niya para rito. Ano nga namang klaseng buhay ang maibibigay nito noong mga panahong iyon kay Blessilda?

At ang makita ito ngayon sa ganitong pagkakataon ay hindi magaan sa kanyang kalooban. Halata sa kupas nitong maong at sa mukhang malapit nang mag-resign na sapatos na hindi ito umasenso sa buhay. Kitang-kita rin naman sa katawan nitong batak ito sa pisikal na trabaho. Sayang. Sapagkat napakahusay nito. Hindi ba at naka-frame pa sa eskuwelahan ang mga certificate nito ng pagkapanalo? Hindi niya malilimutan ang classroom nila sa English noon na punung-puno ng certificate ng pagkapanalo nito sa essay writing. Bilib na bilib siya rito, sapagkat ang essay niya ay punung-puno ng pulang bilog. Hindi niya kailanman naging mahusay sa subject na iyon.

Lalapitan ko ba? naitanong niya sa sarili. Sa puntong iyon ay inaayos nito ang renda ng kabayo at itinatali iyon sa puno malapit sa kinatatayuan niya. Nagpasya siyang hintayin na lang itong makalapit. Hindi niya maiwasang hagurin at kiskisin ng kamay ang kanyang maiksing buhok. Kailanman ay hindi na naging maganda ang hibla noon mula nang masunog niya. Nagtampo na, sabi ni Elizardo. Mula noon, maikli na parati ang buhok niya.

Naglakad na patungo sa gawi niya ang lalaki at anong bilis ng sasal ng kanyang dibdib. Sa dami ng taong nagdaan, ganoon pa rin ang reaksiyon ng puso niya rito, mas matindi pa nga ngayon. O baka dahil lang iyon sa katotohanang pagkatapos nito ay wala na siyang ibang naging crush na ganoon katindi. Minsan lang siya nagkanobyo pero iniwan din siya dahil ayaw sa kanya ng magulang nito.

Inakala niyang babatiin siya ni Pio ngunit nilagpasan lang siya nito. Hindi maaaring wala siyang sabihin kaya tinawag niya ito. "P-Pio."

Marahan siya nitong nilingon, nakataas ang mga kilay.

"Ako ito! Hindi mo na b-ba ako naalala?" Hindi ito umimik kaya nagpatuloy siya. "Si Vilma ito, iyong sa perya. Dito mismo sa lugar na ito. Grabe ka naman kung hindi mo na naaalala. Ako 'yong... 'yong..."

"'Yong batang sumulat ng love letter sa akin," pagpapatuloy nito. Hindi niya alam kung natuwa ito o nainis dahil walang emosyong mababasa sa mukha nito.

Nag-aalanganing tumango siya. "A-ako nga."

"Kumusta?" anito, pormal na pormal.

"O-okay naman. Ikaw?"

"Okay din."

"Dito ka rin pala nagtatrabaho. Matagal ka na bang nagbalik dito sa Quezon? Kasi umalis ang perya dito noon. Pero dito rin kami ngayon napadpad. K-kumusta si Aling Marissa?"

"Maayos naman, salamat."

"Nasaan siya?"

Kung bakit kahit dama niyang parang ayaw na nitong makipag-usap sa kanya ay gustong-gusto niya itong makipaghuntahan dito, alamin kung ano na ang nangyari sa buhay nito... alamin kung ito ba ay pamilyado na. Wala itong singsing, ibig-sabihin ay wala itong asawa. Pero anong malay niya?

"Nasa Maynila."

Noon lumabas sa pinto si Nanay Socorro. May dala itong kamiseta at tuwalya na ibinigay nitong agad kay Pio.

"Mag-almusal ka na muna, Sir. Ku, kadarating n'yo lang kahapon, eh, ang aga-aga na ninyong nagising ngayong umaga. Ito nga po pala si Vilma, siya ang maglalaba. Iyong isa niyang kasama ay si Elizardo, ang magiging tagalinis natin dito. Vilma, ito si Sir Collin Johnson."

"Mas kilala niya akong Pio, Nanay Socorro. Pio na rin ang itawag n'yo sa akin. Si Nanay lang naman ang mahilig ipagmalaki sa lahat ng kausap niya ang pen name ko."

Gusto niyang bumuka ang lupa at kainin siya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro