Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 10

"Ate, tulungan mo si Kuya Liza, mukhang magbibigti!"

"Ha?" Napatingin si Vilma sa kanyang katorse-anyos na kapatid na si Daisy, ang ika-anim ampon ng pamilya. Ang tinukoy nito ay si Elizardo na mula nang "magdalaga" ay nagpatawag nang "Liza" sa lahat ng mga kakilala nito. Tanggap na ni Nanay Eloisa, ng ina nito, na ito ay isang bakla. Nakaturo sa labas ng pinto si Daisy, humahangos.

"Lasing na lasing siya noong manghiram ako ng patis. Wala si Nanay Eloisa kaya mag-isa lang siya sa bahay. Naku, may sinusulat pa nga sa papel, sulat yata sa boyfriend niya. Ang haba nga! Sabi niya ten pages daw, back to back! Tapos may nakasabit nang lubid doon sa kisame!"

"Anak, tulungan mo!" gilalas na wika ni Mama Vangie. Ang lahat ng mga kapatid niyang ampon na tulad niya ay nakatingin sa kanya.

Agad siyang napatayo, inubos ang laman ng baso upang pilit lunukin ang kanin at ulam sa bibig, saka tumakbo palabas ng bahay, pinupunasan ng kamiseta ang bibig. Lintik na bakla! Kapag nagpakamatay ka, yari ka sa akin!

Tumatakbo na siya, malakas ang kabog ng dibdib. Malapit lang sa kanila ang inuupahang bahay ng mag-inang Nanay Eloisa at ni Elizardo. Nasa bayan ng Quezon sila. Parang nagbalik siya noong panahong high school pa lang siya. Doon mismo sa bayang iyon sila noon nakapuwesto, bagaman sa ibang lugar. Pribado na ngayon ang dating puwesto ng perya nila. Bago sila tumuntong ni Elizardo sa fourth year high school noon ay lumipat ang perya sa Laguna.

Dahil may kaya noon ay dumami silang ampon ng "mag-asawang" Vangie at Poncio, mga batang una ay nakaistambay sa perya at hindi na umaalis. Ngunit dala ng pagbabago sa mundo, ang dating makulay na perya ay unti-unting bumagsak hanggang sa noong nakaraang taon ay kinahoy na ang mga kagamitan doon at ibinenta sa junk shop. Ang tanging natira ay ang mga pasugal nila. Mahina na ang kita niyon. Ang mga dati nilang kasamahan ay isa-isa na ring naubos at ang natira na nga lang ay si Nanay Eloisa. At si Elizardo ay hindi na rin nagtatrabaho sa perya, naglalako na lamang ito ngayon ng sari-saring paninda.

Halos himatayin si Mama Vangie habang pinapanood ang pira-pirasong peryang kinikilo. Kinailangan niya itong paypayan sapagkat dalawang pagkakataon itong muntik tumimbuwang. Wala itong ibang sinambit kundi, "Diyos ko, salamat po at wala na si Poncio para makita ang karumal-dumal na pangyayaring ito. Sana maunawaan niya ako saanman siya naroon ngayon. O, Diyos ko!"

Sapagkat si Papa Poncio ay may pitong taon nang pumapanaw. Noong panahong iyon ay nasa Antipolo sila. Nanakit lang ang batok nito sa high blood at hindi na ito nakalabas nang buhay sa ospital. Nagbara daw ang ugat nito sa ulo at iyon, tuluyan na itong na-stroke. At mula noon ay si Mama Vangie na ang humawak sa perya, isang bagay na hindi ito isinilang para gawin. Dahil ito ay isang reyna ng perya, isang mabuting maybahay. Hindi ito ang tipo na nagpapalakad ng isang negosyo. Masyado itong mabait, malambot ang loob.

Nang magdesisyon siyang hawakan ang negosyo ay lubog na iyon sa utang. Ang listahan ng utang ng mga tauhan ay anong haba. At kahit ano pa ang gawin niya ay hindi na nila naisalba ang perya. Wala na silang ibang magagawa kundi ang kahuyin iyon sapagkat mas malaki pa ang magiging gastos sa pagpapaayos ng mga nasira at kinalawang na mga gamit. Hindi na rin bilib ang mga tao sa mga show ng sirena, kambal-tuko, pagkain ng apoy.

Ang peryang siyang naging mundo niya sa loob ng dalawampu't walong taon, ngayon ay binubuo na lamang ng isang pa-bingo at pa-color game. Malupit na ang kalakaran ngayon sapagkat kadalasan ay mas malaki pa ang kita ng mga pulis, barangay captain at barangay tanod kaysa sa kanilang nagpapalaro. Pero sadyang ganoon ang mundo.

Sa ngayon ay siya ang namamahala sa munting perya. At hindi sapat ang kita para sa walo niyang mga kapatid. May edad siyam pa siyang kapatid, iyong dalawang bunsong kambal. At ang kapatid niyang pang-lima ay may asawa na't anak na sa kanila rin nakapisan.

Mahal niya ang kanyang pamilya, at mahal niya si Elizardo. Kaya masasapak niya ito sa binabalak nito. Agad niyang binuksan ang tarangkahan ng barong-barong ng mga ito at napanganga siya nang makita niya ang eksena sa loob—ang bakla, nakatuntong sa isang silya, kinakabitan ng dilaw na ribbon ang pambigti nitong nakasabit sa kisame.

"Elizardo!" sigaw niya, agad itong nilapitan.

Ngunit bago pa siya nakalapit at ikinampay na nito ang kamay sa aktong pagbale-wala, bumaba sa silya at lumapit sa mesa kung saan may nakapatong na alak at pulutang mani.

"Ano ka ba?!" singhal niya rito, ibig itong kutusan. Tama ang kapatid niya, mayroong sulat doon, makapal, nakasulat sa stationery na bulaklakin, iyong scented na masakit sa ilong ang amoy. Kinuha niya iyon dahil parang pagod na pagod na ang bakla, nakatalungko na ito sa mesa, lasing na lasing nang talaga.

Sulat nito iyon sa nobyo nitong si Charlie. Kahit wala siyang hilig sa pagbabasa ay tinapos niyang basahin iyon. Tama si Daisy, sampung pahina iyon, harap at likod, puno ng deklarasyon nito ng pagmamahal at matapos ay pagpaalam dahil anito ay isusuko na nito si Charlie kay Paola. Kilala niya kung sino si Paola, isa sa mga magagandang bading sa kanilang lugar, iyong pambato sa mga Miss Gay at siyang title holder noong nakaraang patimpalak. Mapera ito at retokado. Tinapos ni Elizardo ang pagkahaba-habang sulat sa simpleng: I will always love you.

"Nanghiram ka pa ng linya kay Whitney Houston," aniya. "Sabunutan kita, Bakla. Magpapakamatay ka dahil lang sa lalaking 'yon?"

Lango man ay itinaas nito sa kanya ang mata. "Hindi mo maiintindihan dahil wala kang puso." Malaki na ang itinaba nito, hindi tulad noong kabataan nila. One-length ang buhok nito na unat na unat, kasing-tangkad niya, mahilig mag-shorts na maikli upang ipakita diumano ang mahahaba nitong binti na ugali nitong ahitin, kahit parang mga pata ang mga iyon. Maputi ito, tsinito, hindi mapagkakaila na may dugo itong Tsino, palibhasa ay isang Tsino ang ama nito.

"OA ka, Elizardo."

"Kailan ka ba matututong tawagin akong Liza?"

Napailing siya. Nasanay na siya sa buong pangalan nito at hindi niya ito magawang tawaging "Liza." Inimis niya ang pinag-inuman nito, napatingin sa lubid sa kisame. "May design pa ang pangbigti mo, ganoon?"

"Hindi ko kinaya. Naalala ko ang sinabi ni Tita Cory. Tie a yellow ribbon." Bigla itong umiyak. "Ang duwag-duwag ko! Ni hindi ko kinayang magpakamatay. Naisip ko, ang pangit ko siguro sa kabaong kapag itinuloy ko, nakalawit ang dila ko. Lalo lang akong pagtatawanan ni Paola."

"Ayaw mo noon, hanggang sa kabilang buhay nakabelat ka sa kanya?"

"Luka-luka ka!" angil nito, pabirong sinabunutan siya saka sila nagkatawanan.

Niyakap niya ito nang mahigpit. "Buti hindi mo itinuloy, Elizardo. Kung ginawa mo 'yan, hindi na ako titigil ng iyak."

"Marunong ka ba no'n?" anito, bagaman napapangiti, may luha sa mga mata at niyakap siya nang mahigpit. "Sana naging kasing-tapang mo ako, Girl. Naiinggit ako sa 'yo. Kasi mahina ako. Nagkataon lang na mahal na mahal ko siya."

"Eh, ano ngayon kung ipinagpalit ka niya sa iba? Marami pa diyan. At luka-luka ka kung iniisip mong seryoso siya kay Paola. Pera lang naman ang habol noong lalaking 'yon. At marami noon si Paola. Pabayaan mo siyang mamulubi!"

Ngumiti na ito at guminhawa ang pakiramdam niya. Nagpasya siyang ihatid na ito sa silid nito. Agad itong nakatulog at nang dumating na ang ina nito ay ihinabilin niya rito ang kaibigan. Umuwi na rin siya. Panay ang buntong-hininga niya habang naglalakad.

Minsan ay halos hindi siya makapaniwala na sa ganitong buhay sila nauwing pamilya. Noon ay hindi niya naisip kailanman na mawawala ang kinang ng perya. Kung nalaman lang niya, disin sana'y nag-aral siyang mabuti. Ngunit inuna niya ang perya, inuna niya ang buhay-perya. Kung sana ay nakapagtapos siya, kung sana ay natiis niyang mapawalay sa mga taong mahal niya para magkolehiyo, sana ay mas maayos na buhay ang naibibigay niya sa kanyang pamilya.

Bago umuwi ay dumaan muna siya sa parlor ni Iwa. Mayaman si Iwa, balitang may-ari ng sampung parlor, bagaman bulung-bulungan din na isa raw itong bugaw ng mga modelo. Hindi niya alam kung totoo ang balitang iyon, bagaman may sadya siya rito.

"Iwa, good evening," aniya sa baklang retokado. Naninigarilyo ito sa labas ng parlor nito. Kabarkada ito ni Paola kaya hindi siya makapunta sa parlor nito kapag kasama niya si Elizardo.

"Ano'ng atin?" anitong agad na tumayo.

"Baka lang 'kako may opening ka. Mahina na kasi ang perya, naghahanap ako ng trabaho. Kahit shampoo girl lang."

"Shampoo girl? Ikaw? Naku, 'Neng, may alam akong trabahong mas babagay sa beauty mo. Sinasayang mo ang hitsura mo, eh, tisay na tisay ka pa naman. Malaki ang kita, wala kang gagawin kundi humilata."

Agad siyang nakaunawa sa ibig nitong sabihin. Totoo pala ang mga tsismis. Mukhang gusto siya nitong ibugaw. Pero hindi pa siya ganoon kadesperada.

"Legal na trabaho sana ang gusto ko, Iwa."

Tumawa ito. "Hindi ko kailangan ng shampoo girl. Lahat ng tao ko marunong maggupit o manicure-pedicure. Bumalik ka kapag marunong ka na."

Tumango na lang siya. Lintikna buhay. Tatlong buwan na siyang naghahanap ng trabaho, pero parang maykakambal siyang malas. Paano ba niya maiaahon ang pamilya niya sa hirap?

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro