Chapter 1
Chapter 1
Patiyad na lumapit si Vilma sa kaibigan niyang si Elizardo. Kanina pa sa eskuwelahan niya ito napapansin na mayroong itinatago sa bag nito. Kanina, habang recess ay nilapitan niya ito at agad nitong isiniksik sa bag ang kung anoman iyong tinitingnan nito.
Noong uwian ay sinabi nitong mauuna na raw ito sa kanya pabalik sa perya kung saan sila nakatira. Anak si Elizardo ni Nanay Eloisa, ang matalik na kaibigan naman ng kanyang kinilalang ina na si Vangie. Si Nanay Eloisa ay nagtatrabaho sa perya na pag-aari ng kanyang Mama Vangie at Papa Poncio. Parehong lalaki ang mga ito bagaman kailan lamang niya iyon nalaman. Sapagkat sa kanyang mga mata noon ay babae si Mama Vangie dahil na rin sa pananamit, pagsasalita, at pagkilos nito.
Magkababata sila ni Elizardo dahil wala pang isang buwan nang siya ay matagpuan ni Mama Vangie ay isinilang naman ito. Ang sabi ni Mama Vangie sa kanya ay natagpuan daw siya sa silid nito sa perya isang gabi at mula noon ay itinuring na siya nitong anak. Sa bayan ng San Simon siya nakita ng mga ito, noong panahong iyon ay nasa bayang iyon ang perya.
Batid niya noon pa man na hindi siya totoong anak nina Mama Vangie ay Papa Poncio ngunit hindi niya iyon kailanman nadama. Para sa kanya, ang dalawa ang kanyang mababait na magulang at mayroon siyang tatlong nakababatang kapatid—sina Buknoy, Pilar, at Yolly. Ang tatlo ay kinupkop din ng kanyang mga kinikilalang magulang, anak ang mga ito ng taga-perya at iniwan na sa kanila.
Nagkubli siya sa likod ng isang basurahan nang magpalinga-linga si Elizardo. Tumakbo ito tungo sa pintong lumalagos sa ilalim ng mga upuan ng palabas na "Istariray, Reyna ng Apoy." Iyon lang ang tanging entablado kung saan ang mga upuan ng mga manonood ay naayos na animo mga baitang ng malaking hagdan, sapagkat iyon ang pinakamalaking palabas sa kanilang perya, ang mayroong pinakamahal na ticket. At ang bida roon ay walang iba kundi ang kanyang Mama Vangie. Ito ang Reyna ng Apoy.
Mabilis siyang pumasok sa pinto at nakita niya si Elizardo sa aktong paglulusot ng payat nitong katawan sa siwang ng upuan. Hindi pa nagtagal ay naroon na ito sa upuan ng manonood. Mabilis siyang nagtungo sa ilalim ng kinauupuan nito at saka maingat na naglambaras sa mga pamakuan sa gayon ay makaangat siya ng puwesto at masilip kung ano ang tinitingnan ng kaibigan niya. Hindi pa nagtagal at nakalambitin na siya sa pamakuan ng pinakamataas na upuan, nakahawak lamang doon gamit ang magkabilang mga kamay habang nakalaylay ang katawan sa ere.
Nakakainis, hindi ko makita kung ano ang tinitingnan niya, himutok niya, kumurap-kurap upang pawiin ang hapdi ng matang dulot ng pawis. Mayamaya ay narinig niya ang tinig ng ina nito.
"Elizardo! Sinasabi ko na sa 'yong bawal kang mag-istambay dito! Ayaw na ayaw kong pumaparito ka nang nag-iisa! Hala, uwi na! Magsasaing ka pa!"
"O-opo, Nanay," ani Elizardo, bakas ang kaba sa tinig nito. Tumayo ito, saka animo alkansiya ay ihinulog ang isang papel sa siwang ng upuan. Lumakas ang tibok ng puso niya. Tiyak niya, ang papel na iyon ang siyang itinatago nito! Nang matiyak niyang wala na ang mag-ina ay bumitiw siya sa kahoy na kinakapitan niya, saka kinuha ang ihinulog ni Elizardo. Isa iyong sulat.
Dear Erwin,
Kumusta ka? Kung ako ang tatanungin ay maayos naman ako. Siguro nagtatanong ka na kung sino ako, ang masugid mong taga-hanga. Tiyak kong gusto mo nang malaman kung sino ang sumusulat sa iyo sa loob nang nakaraang tatlong linggo. Pero mas mabuti pa sigurong huwag mo nang malaman. Basta't masaya na akong alam mong may isa kang taga-hangang nakamasid sa iyo mula sa malayo. Ako iyon. I love you.
Remember J.A.P.A.N. – Just Always Pray At Night.
Love,
Lihim Mong Taga-hanga
Tawa na siya nang tawa sa puntong iyon. Iyon pala ang lihim ng kaibigan niya! Hinahangaan nito ang pinakaguwapo nilang kaeskuwelang high school! Tiyak niyang si Erwin Gutierrez ang sinusulatan nito sapagkat iisa lang naman ang Erwin na kilala niya. Sa pagkakaalam niya ay may nobya na si Erwin. At matanda ito nang ilang taon sa kanila. Pareho lang silang graduating ng grade six ni Elizardo, habang si Erwin ay second year high school na.
Ibinulsa niya ang sulat at umuwi na sa kanilang bahay sa perya. Mula nang magsimula siyang mag-aral ay umiikot lang ang perya sa isang lalawigan sa loob ng isang taon, sa gayon ay hindi siya matigil sa pag-aaral. Nitong dalawang taon niya ay hindi na umalis sa lalawigan ng Quezon ang perya. Sa katunayan, ang sabi ni Papa Poncio, kung magpapatuloy ang magandang pagtanggap sa kanila roon ay baka kumuha na sila roon ng mauupahang bahay.
Pagpasok pa lamang niya sa kanilang bahay ay nasita na agad siya ni Mama Vangie. "Saan ka na naman nagsuot na bata ka? Ang dungis-dungis mo!"
Ngumiti lang siya rito. Noon pa ay ipinapangaral na nito sa kanya ang kahalagahan ng pagiging malinis. Parati rin nitong sinasabi sa kanya na malapit na siyang magdalaga, dapat daw na kumilos na siya nang naaayon sa isang tulad niya. Marami itong itinuturo sa kanya kung paano ang maging isang tunay na dalaga. Sa katunayan ay kaya nitong mangaral tungkol sa pagiging isang dalaga nang ilang oras kahit pa minsan ay ibig niya itong tanungin kung paano nito nalaman ang mga iyon gayong hindi naman ito naging dalaga kailanman.
Ngunit alam niyang makakasakit iyon sa damdamin nito. Sa katunayan, sa buong perya ay walang tumatawag ditong "bakla." Lahat ng tauhan sa perya ay "Mama Vangie" o "Nanay Vangie" ang tawag dito. Marahil iyon ang dahilan kung bakit sa loob ng walong taon ay hindi niya naisip na ito ay isang lalaki. Parang napag-isip-isip lang niya iyon nang minsan siyang pumasok sa silid nito at makita itong suot ang bra nito habang ito ay nag-aahit ng balbas.
"Diyan lang po sa stage ninyo, Mama."
"At ano ang ginagawa mo doon?"
"Gusto ko po kasing maging tulad ninyo, Mama."
"Ilang ulit ko na bang sinabi sa 'yong hindi ako papayag turuan kang kumain ng apoy?" anito, nakakunot na ang noo. Noon pa niya sinasabi ritong gusto rin niya matuto ng ginagawa nito ngunit sadyang ayaw nitong pumayag. Gayunman ay alam na rin niya kung paano nito ginagawa iyon dahil sa madalas niyang panonood dito. Lamang ay hindi siya nagkaroon ng pagkakataong mag-ensayo.
"Pero gusto ko rin po nasa entablado ako, Mama."
"Puwes, galingan mong sumayaw. Tularan mo si Elizardo. Nakita mo, kapag Biyernes at Sabado, sumasayaw na siya bago ako mag-perform. Eh, ikaw? Ilang oras dapat pakuluan 'yang katawan mo bago lumambot?"
Napalabi siya, tumawa naman ito, saka ginulo ang kanyang buhok. Pero totoo ang sinasabi nito. Kasama na si Elizardo sa mga alalay nito, mga dancer bago ito magtanghal. Habang siya ay hindi makasali dahil hindi siya matuto-tutong sumayaw. Sukat doon ay may naalala siya. Agad siyang nagpaalam dito upang puntahan si Elizardo.
Naabutan niya itong nagsasayaw sa kusina ng maliit na bahay ng mga ito doon din sa perya. Maliliit lang ang bahay nila roon, yari lang sa kahoy at mabilis baklasin sakaling lilipat na ang perya sa ibang lugar. Noon pa ay batid na niyang bakla si Elizardo, pero hindi niya iyon sinasabi rito dahil sa tuwing bubuksan niya ang paksa ay parang umiinit ang ulo nito. Ngayon, tiyak na niya kung ano ang kasarian nito.
"Kung nagpunta ka rito para kulitin na naman ako kung ano ang tinatago ko sa 'yo..." Napamulagat ito sa kanya nang itaas niya ang love letter nito. Agad nitong tinangkang kunin iyon sa kanya na ibinigay naman niya rito. "Paano mo nakuha ito, Vilma?!"
"Secret."
Napuno ng pag-aalala ang mukha nito. "Vilma, 'wag mong sasabihin kay Nanay ito. Sasama ang loob noon kapag nalamang... kapag nalamang... alam mo na."
"Hindi ko alam. Kapag nalaman niyang ano?"
"Kapag nalaman niyang bakla ako!"
Napatawa siya. "Meron pa bang hindi nakakaalam? Eh, sa pagpilantik pa lang ng daliri mo, wala ka nang itatago."
"Sobra ka! Ikaw, umamin ka na, tomboy ka naman, eh!"
"Hindi, ah!"
"Hindi raw! Bakit ayaw mong laruin lahat ng manyikang regalo sa 'yo ni Mama Vange? Akala mo hindi ko naaalala na 'yong Barbie mong laruan, ipinagpalit mo kay Mary Rose Delgado ng laruan ng Kuya niya?" Ang tinukoy nito ay ang kaklase nila noong grade three. At totoo ang sinabi nito.
"'Wag ka ngang maingay! Baka may makarinig sa 'yo! Sinabi ko kay Mama Vangie na nawala ko sa school ang Barbie."
"At tuwang-tuwa siyang malamang dinadala mo sa school ang Barbie. Kung alam lang niyang ipinagpalit mo 'yon sa laruan mong trak-trakan!"
"Eh, gusto ko ng laruang may gulong, masama ba 'yon? Hindi ibig-sabihin noon, tomboy ako. Hindi ako tomboy."
"Eh, bakit wala kang kras?"
"Dahil hindi ko kras si Erwin, tomboy na ako? Ikaw nga, eh, sinusulatan mo pa 'yon. Yaki!" Umakto siyang kinikilig sa pandidiri. "Sabi nila, may putok daw 'yon, eh!"
"Wala, ah!" Tigas sa pag-iling ito. "Nakikita ko pa nga siya, parati siyang may Axe. Mabango siya!"
Ngunit wala siyang balak tumigil sa pang-aalaska. Iyon ang paborito niya sa lahat, kapag naaalaska niya ang kanyang kaibigan. "Kapag daw naglalaro sila ng basketbol, narinig kong sabi ni John Paul Mercado—'yong third year, sabi niya ang baho daw ng putok ni Erwin kaya sayang naman daw si Laila!"
Sa puntong iyon ay natigilan siya dahil parang paiyak na si Elizardo. Agad niya itong nilapitan. "Jokes lang, Elizardo. 'Wag ka nang magalit."
Lumabi ito. "Hindi naman ako nagagalit sa pintas mo, dahil alam ko namang hindi totoo. N-nasasaktan lang ako dahil kay Laila."
Nge, muntikan na niyang masabi. Si Laila ang nababalitang nobya ni Erwin. Nanahimik na lamang siya kahit ibig niyang ipunto sa kaibigan na marahil kahit wala si Laila sa buhay ni Erwin ay hindi ito papansinin ng lalaki dahil hindi naman bakla ang lalaki. Hindi ba at ganoon naman iyon?
Tahimik si Elizardo, tila masama ang loob habang hinahango ang piniritong galunggong mula sa kawali. Gusto niya itong mapasaya. Kahit alaskadora siya ay ayaw niya naman na ganito katahimik ang kaibigan niya.
"Sige, Elizardo, magsayaw ka nga, turuan mo ako."
"Ikaw? Pinakuluan mo na ba 'yang katawan mo? Lagyan mo ng posporo para mabilis lumambot." Bahagya na itong ngumiti. Tinanggap na niya ang kantiyaw nito kahit marami siyang naiisip na balik-pang-inis. "Ano'ng nakain mo't gusto mong matutong sumayaw?"
"Eh, 'di ba, kulang pa kayo ng isa sa grupo?"
"Oo, pero kailangan 'yong marunong na."
"Kaya nga ako nagpapaturo, eh."
Mukhang sumaya na ito. Batid niya, mahilig talaga itong sumayaw. Sa husay nito ay hindi na nakapagtatakang kahit sa eskuwela ay napipili ito parati kapag may program. Nagsimula itong turuan siya, pinilit niyang sumabay dito kahit tanggap na niyang kapag sumasayaw siya ay mukha siyang posporong tumatalon-talon. Mayamaya ay ikinuha siya nito ng tubig dahil pawis na pawis na siya. Tuluy-tuloy ito sa pagsasayaw hanggang sa maupo ito sa tabi niya.
"Alam mo kung ano talaga ang gusto kong gawin, Vilma? Gusto kong matutong kumain ng apoy, tulad ni Mama Vangie. Gusto kong ako ang papalit sa kanya."
Agad siyang nakadama ng iritasyon sa sinasabi nito. "Si Mama lang ang reyna ng perya. Magagalit ako kapag itinuloy mo pa ang sasabihin mo."
"Alam ko, alam ko. Masyado ka naman. Siyempre alam ko. Pero kasi, nakikita ko siya sa ensayo, parang nahihirapan na rin siya minsan. Ang sabi niya, baka daw ako ang papalit sa kanya balang-araw. Iyon bang kapag hindi na niya kaya."
"Eh, paano ako? Gusto ko rin naman kumain ng apoy," aniya. Totoo iyon, sapagkat idolo niya si Mama Vangie. Kapag nagsimula na ang pagtatanghal nito sa entablado, lahat ng tao ay hindi na maalis ang tingin dito. Napakahusay nito. Bukod sa pagkain ng apoy ay marunong din itong magpaikot-ikot ng mga munting sisidlang nagliliyab. Nakatali ang mga iyon at hawak nito ang tali. Papatayin ang ilaw sa loob ng munting tanghalan ng Reyna ng Apoy, at magsasayaw ang mga apoy sa dilim. Mula noon hanggang ngayon ay labis ang paghanga niya roon.
"Nagpapatawa ka talaga, Vilma. Sumasayaw si Mama Vangie." Pinindot nito ang cassette player. Pumailanlang ang paboritong tugtog ni Mama Vangie sa pagtatanghal nito—"Sway." Umarya ng cha-cha si Elizardo habang kunwa ay nagpapaikot ng mga taling may apoy. Bilib talaga siya sa husay nito.
"Alam ko na—ako ang magiging assistant mo!" aniya. Hindi niya kayang sumayaw tulad nito, pero puwede siyang maging assistant nito.
"Pero hindi tayo papayagan kasi bata pa tayo."
"Pero kung maipapakita nating marunong na tayo, bakit naman hindi? 'Yon, eh, kung papayagan ka ng nanay mo."
"Papayag 'yon. Alam mo naman kailangan namin kahit kaunting maiaambag ko." Bumuntong-hininga ito. "Alam mo naman si Nanay, nagpapadala pa rin hanggang ngayon ng pera sa mga tiyahin ko. Hindi ko nga maintindihan kung bakit samantalang noong ipinanganak daw ako, eh, hindi naman daw kami tinulungan ng mga 'yon. Ang hirap kasi ng walang tatay... Ikaw ba, hindi m-mo ba gustong makilala ang mga magulang mo?"
Hindi lihim sa mga matatagal nang tauhan sa perya na siya ay isang ampon lang, ngunit wala ni isa sa mga ito ang nagtanong sa kanya. Ngayon lang.
"Ang sabi ni Mama, iniwan daw ako sa kahon ng sapatos dito sa perya. Hanggang ngayon, nakatabi pa rin 'yong kahon ng sapatos. Ang sabi ko noon sa kanya, gusto kong makilala ang magulang ko. Ang sabi niya sa akin, hindi daw niya ako pipigilang hanapin ang magulang ko, pero kahit hindi niya sabihin, parang nalungkot siya noong sinabi niya 'yon... Naaalala mo noong naiwan ko ang mga teks ko sa ibabaw ng bubong?"
"Oo. 'Yong umiiyak ka dahil umulan at nabasa ang mga teks mo. Doon mo kasi tinago sa bubong ninyo dahil mapapagalitan ka kapag nalaman ni Mama Vangie na inuubos mo ang baon mo sa teks. Ano naman ang kinalaman noon?"
"Kasi noong nakita kong wasak na ang mga teks ko, pinunasan ko isa-isa 'yon, tapos pinlantsa ko. Wasak pa rin pero itinabi ko. Hindi ko itinapon, hindi ko ipinamigay... Tapos naisip ko, hindi siguro ako mahal ng magulang ko kasi kung mahal nila ako, itatabi nila ako, hindi ako iiwan na lang kung saan. Kaya bakit ko pa sila hahanapin?"
Matagal itong natahimik hanggang nagsalita ito. "Alam mo, Vilma, kung magsalita ka minsan para kang matanda na. Pero tama ka rin naman. Ako rin, hindi ko na gustong makita ang tatay ko dahil iniwan niya naman ang nanay ko."
"Saka masaya naman tayo dito. Aba, ilang bata bang tulad natin ang lumaki sa perya? Bah, 'yong iba nga halos magkaawa sa magulang nila para dalhin lang dito sa perya, tayo dito mismo nakatira. Apir!" Naglapat ang kanilang mga kamay. "Alam mo, mas magandang magsimula na tayong mag-ipon ng gaas para sa practice natin ng sayaw. Halika, magdala ka ng bote."
Tumalima ito. Nagtungo na sila sa bodega. Kalahati ng bote ang napuno nila, saka sila nagbalik sa bahay nina Elizardo. Habang naghahanap ng taguan noon ay may kumatok sa pinto.
"Ikaw ang magbukas!" natutureteng wika ni Elizardo. "Itatago ko muna ito!"
Agad siyang tumango at binuksan ang pinto. Isang napakaguwapong binatilyo ang naroon. Kupas na maong, kupas na kamiseta, at tsinelas na goma ang suot nito.
"Magandang gabi. Nandiyan ba si Nanay Eloisa?"
Hindi siya nakakibo. Hindi niya maipaliwanag kung bakit nag-iinit bigla ang buong mukha niya. Sa kabila niyon ay naunawaan niya—sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon na rin siyang kras.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro