Chapter 7
NABILI NA NAMIN ang lahat ng nasa listahan ni Mama. Ang bilis namin. Kilala na kasi ako ng mga tindera kaya ako ang una nilang inaasikaso.
Sinilip ko si Baron na katabi ko lang na naglalakad ngayon. Natatawa ako sa hitsura niya. Badtrip na naman siya. Paano kasi, siya lahat nagbuhat ng mga pinamili namin. Sabi ko nga tutulungan ko siya, e ayaw niya naman. Limang supot ang dala-dala niya. Ang cute niya. Ang dami niyang tattoo sa katawan, pero tagabuhat lang siya ng mga upo, sitaw, at talong.
Nabigla na lang ako ngayon nang maglipat siya ng tingin sa 'kin. As usual, magkasalubong na naman mga kilay niya.
"Ba't gan'yan ka makatingin?" tanong niya. "Tinatawanan mo ako?"
Pinigilan ko lang ang ngiti ko sabay umiling. "Hindi, a."
Tapos bigla nang nalipat ang atensyon ko ro'n sa nadaanan naming tindahan na puro cute ang naka-display. May mga ipit ng buhok do'n kaya naengganyo akong puntahan.
Hinila ko nga muna 'tong si Baron sa pulso niya. "Punta tayo ro'n."
Napamura naman siya kasi nagulat siya sa ginawa ko. "Tsk, ano na naman ba 'yan?"
"Gusto kong tumingin do'n."
Buti pinayagan niya ako. Nakasunod lang siya sa 'kin, pero parang tamad na tamad siya.
Pagkarating namin dito sa tindahan, grabe parang nagningning bigla ang mga mata ko! Ang daming cute na gamit na pambabae. Wala akong mga ganito sa bahay.
Una kong tiningnan ang ipit na may kulay violet na ribbon. Bagay siguro 'to kapag nakatirintas ako. Inabot ko rin ang may color blue naman na ribbon. Pinagmasdan kong mabuti ang dalawa kung ano bang mas okay sa 'kin. Kaso parang hindi ko sila feel bilhin.
Binalik ko sila sa pinaglalagyan nila tapos kinuha ko naman ang isang headband. Natuwa ako kasi may bunny ears ito at color pink pa! Sinukat ko nga agad, e, tapos tiningnan ko ang sarili ko sa maliit na salamin dito sa tindahan. Ang cute nito, gusto ko 'to.
Tumingin ako kay Baron. "Bagay ba?"
Parang natawa naman siya. "Oo, mukha kang 9 years old."
Ngumuso ako sabay hinubad na agad 'tong headband. Ang sama talaga ng lalaking 'to.
"'Yon, subukan mo 'yon." Bigla niya namang tinuro ang isang headband na nasa gilid. Tainga naman ng pusa ang design n'on.
Natuwa ako. Gusto niya talaga ang mukha akong pusa, e. Inabot ko ang tinuro niya tapos tinry ko agad at tiningnan ulit ang sarili ko sa salamin. Hala, mas cute 'to!
Humarap uli ako kay Baron pagkatapos. "Kuting?" Nakanguso pa ako.
Ngumiti siya. First time ko siyang nakita na ngumiti nang gano'n katamis.
"Masyadong cute," sabi niya naman habang nagpipigil ng ngisi. "Hubarin mo 'yan."
Ito namang tindera dito biglang sumabat sa 'min. "Mura lang 'yan, miss. Bilhin mo na."
"Bakit, magkano ba 'yan?" tanong ni Baron.
"Trenta lang."
"E ito, magkano 'to?" Tinuro niya ang isang headband na may tainga rin ng pusa pero design ng tiger ang telang ginamit.
"Kwarenta."
"Ba't mas mahal? Parehas lang 'yan, a."
Hindi sumagot ang tindera.
Ako, medyo kinakabahan na ako kasi ang anghang na naman ng mga salita nitong si Baron.
"Ito, magkano 'to?" sunod niyang tinuro ang ipit na tiningnan ko kanina.
"Bente isang pares."
"E ito?" Inabot niya ang malaking ribbon na kulay red.
"Bente isang piraso."
"Kapag dalawa?"
"Trenta."
"Ito, magkano 'to?" Tinuro naman niya ngayon ang isang supot ng goma sa buhok.
"Bente 'yan."
"Ito?" Nagturo na naman siya ng iba.
"Bente rin."
"E 'yon?" Iba na naman.
Nainis na tuloy 'tong tindera sa kanya. "Ano ba? Tanong ka nang tanong! Bibili ka ba o hindi?"
"Bibili sana pero h'wag na lang. Ang papangit naman ng tinda mo!"
Nagulat ako, napalo ko 'tong si Baron sa braso niya. "U-uy, ano ka ba!"
Hindi niya naman ako pinansin. Nagmura lang siya sabay tumalikod na at galit na naglakad palayo.
Nakakahiya! Hinubad ko na lang agad 'tong suot kong headband at binalik sa tindera. "Sorry po! Sorry po talaga." Tapos humabol na ako kay Baron.
Napatakbo na naman nga ako para lang maabutan siya.
"Uy, Baron, ano ka ba?" Inunahan ko siyang maglakad. "Ba't mo ginanon si Ate? Bumalik tayo, mag-sorry ka."
Tiningnan niya ako nang masama. "Ba't naman ako magso-sorry do'n?"
"Sinigawan mo siya, e."
"E puta sa nainis ako, e. Bawal na bang magtanong ng presyo ngayon?"
"P-pero ang dami mo po kasing tinanong. Dapat gumagalang ka kay Ate."
"Ayoko siyang galangin. Siya 'tong unang nambastos, hindi ako."
Diyos ko po, napapahid na lang ako sa noo ko. Kahit kailan talaga, ang bilis-bilis uminit ng ulo niya. Tapos ngayon nahihirapan pa akong sabayan ang lakad niya kasi nagmamadali siya, para siyang may susugurin na ewan. Napapatakbo na naman tuloy ako.
"Mag-sorry ka na lang kay Ate na tindera," sabi ko ulit.
"Ayoko."
"Baron."
"Ayoko, Desa."
"Baron naman."
"Tangina, nagtatanong ako nang maayos sa kanya. Anong tingin niya sa 'kin, walang pambili?" Sabay lakad niya nang mas mabilis!
Wala na, hindi ko na talaga siya nasabayan. Huminto na lang muna ako sa paglalakad para magpahinga saglit. Hindi ko na rin kasi maalis ang pagkapikon niya. Ayaw niya namang magpatalo, e. Gusto niya siya palagi ang nasusunod. Kaunting ano lang sa kanya, galit na agad siya.
Tapos tingnan mo, dere-deretso pa rin talaga siya sa paglalakad niya. Nakalimutan niyang kasama niya ako. Ang sarap niyang isumbong kina Mama mamaya, e.
Saglit lang ako nagpahinga tapos naglakad na rin ulit ako para sundan siya. Nakakapit ako sa sling bag ko kasi ngayon ko lang napansin na ang dami palang lalaki rito sa paligid. Ang lagkit ng tingin nila sa 'kin, feeling ko tuloy masyado maiksi 'tong shorts ko kahit hindi naman.
"Hi, miss," pinansin pa ako no'ng isang lalaki. "Cute mo, a."
Hindi ko pinansin. Yumuko lang ako at tumuloy sa paglalakad.
'Tong tambay na lalaki naman, humabol pa talaga sa 'kin. "Miss, kuhanin ko number mo."
Hinayaan ko lang tapos mas binilisan ko na paglalakad ko. Kaso naramdaman kong nakasunod pa rin ito sa 'kin. "Facebook na lang, miss. Ano'ng Facebook mo?"
Nag-umpisa na akong kabahan, buti na lang at bigla nang bumalik si Baron. Nakita niyang nababastos ako kaya agad siyang sumugod papunta sa pwesto ko at parang manununtok! Pipigilan ko nga dapat siya kaso nahuli ako, ang bilis niyang sinugod ang tambay na lalaki sabay hinigit ito sa leegan ng t-shirt nito gamit lang ang isang kamay.
"Facebook ko gusto mo?!" Sabay tulak niya pa sa dibdib no'ng lalaki!
Napaubo na lang ang tambay tapos hindi na nito malaman ang gagawin. Tinulungan na lang siya n'ong iba niyang mga kasamahan para makatayo.
Si Baron gusto pang sumugod, pero hinila ko na agad siya sa braso niya bago pa dumami 'tong mga taong nakatingin sa 'min. Hindi namin 'to lugar, mapapahamak kami.
"H-halika na." Pilit ko siyang hinila palayo.
Hindi naman siya agad sumama, humabol pa talaga siya ng sigaw roon sa tambay.
"Tangina mo. Pumili ka ng babastusin mo, a!"
"Tama na." Hinila ko na siya ulit. "Halika na."
Buti naman nakinig na siya sa 'kin. Siya naman ang humigit sa siko ko tapos madali akong hinila palayo. "Puta ba't kasi bigla-bigla kang nawawala," sermon niya pa sa 'kin. "Hindi ba sabi ko, dito ka lang sa tabi ko?"
"Ang bilis mo po kayang maglakad. Iniwan mo ako."
"Ba't hindi mo ako tinawag?"
Hindi ako nakasagot.
"Tingnan mo, nabastos ka ro'n." Pikon na pikon siya.
"Kaya ko naman po sarili ko, e. Hindi ko nga pinapansin ang tambay, tapos ikaw naman pinatulan mo agad."
Hindi na siya sumagot. Dere-deretso lang siya sa paghila sa 'kin hanggang sa makarating kami sa pinagpaparadahan ng motor.
"Sa susunod, hindi ka na pupunta rito." Dinuro niya ako.
Yumuko na lang ako. Wala naman akong ginagawang masama, kung pagalitan niya naman ako. Pagkatapos n'on, sinabit niya na ang mga dala niyang supot dito sa manibela ng motor, tapos kinuha niya ang kaha niya ng sigarilyo galing sa bulsa.
"Yosi lang ako. D'yan ka lang. 'Pag nawala ka sa paningin ko, lagot ka sa 'kin." Lumayo siya nang kaunti. Do'n siya pumwesto malapit sa poste ng kuryente.
Wala na akong nagawa, pinanood ko na lang siya habang nagsisindi siya ng sigarilyo niya. Grabe, hanggang ngayon, ang bilis pa rin ng tibok ng puso ko dahil sa nangyari kanina. 'Tong si Baron bigla-bigla na lang nagiging tigre, e. Sumama nga siya sa 'kin para hindi ako mabastos, kaso muntik naman kaming mapaaway. Kapag nalaman ni Papa 'to, lagot siya.
Tiningnan ko ulit siya. Masyado siyang seryoso sa paninigarilyo, halos magsalubong na nga ang mga kilay niya. Naisip ko na lang na lapitan na siya.
"H'wag kang lumapit," sabi niya naman no'ng mapansin niya ako. "Mauusukan ka."
"Okay lang." Tumabi na ako sa kanya.
"Tsk, bahala ka nga."
"Hayaan mo na kasi ang lalaki," sabi ko. "Wala naman siyang ginawa sa 'kin, e."
"Binastos ka. Wala ba 'yon?"
Bumuntonghininga ako. "Pero dapat hindi mo na sinaktan o pinatulan. Pinabayaan mo na lang sana."
"Hindi ako ang tipong nananahimik lang."
"E baka mamaya gumanti 'yon sa 'yo, e."
"Wala akong pakialam. Tangina niya, magsama pa siya."
"Baron." Sumimangot ako. "Ba't ka ba gan'yan?"
Napatingin lang siya sa 'kin, tapos umiwas din agad. Tinalikuran niya pa ako para do'n na siya manigarilyo.
"Puta, ba't kasi ang sarap mong protektahan." May binulong siya.
Hindi ko narinig kaya tinanong ko. "Ha?"
"Wala."
Hindi na ako nagsalita ulit. Pinagmasdan ko na lang siya habang nakatalikod siya sa 'kin at naninigarilyo.
"Masarap ba 'yan?" Tinuro ko ang sigarilyo niya. Gusto ko lang ibahin ang usapan para mawala na ang init ng ulo niya.
Humarap naman siya sa 'kin. Tiningnan niya saglit ang kapit niyang stick ng sigarilyo. "Sakto lang."
"Ba't ka naggagan'yan? Ano'ng napapala mo r'yan?"
"Wala. Pampatanggal lang ng init ng ulo."
"Ah, gano'n pala 'yon. 'Yong mga kaklase kong babae dati no'ng college, naggagan'yan din sila, e. Cool daw kasi. Pero ako hindi ko sinubukan 'yan kahit gusto kong maging cool."
"H'wag ka nang magbalak sumubok."
"Hindi mo ako papayagan?"
Nagbaba siya ng tingin sa 'kin. Ang tagal bago siya nagsalita.
"Hindi. Bawal 'yon sa kuting. Hindi na masarap halikan."
Nanlaki ang mga mata ko! Hala, ba't hahalikan?!
Parang natawa naman siya sa reaksyon ko. Napailing-iling siya, tapos initsa na niya ang sigarilyo niya kahit hindi pa ubos. "Tara na." Bumalik na siya sa pwesto ng motor.
Sumunod lang ako sa kanya. "Uwi na tayo? Hindi na mainit ulo mo?"
Hindi naman niya ako sinagot. Sumakay lang siya rito sa motor tapos inabot na sa 'kin ang helmet.
Tinanggap ko sabay angkas na rin sa likod. "Baron Medel?"
"O?"
"Hindi na mainit ulo mo?"
Hindi niya ulit sinagot. Bumuntonghininga ako. "Baron Medel."
"Ano ba?"
"Favor?"
"Ano?"
"Pwede po ba, next time, bawasan mo pagiging tigre mo? Pag-aralan mong kontrolin 'yang init ng ulo mo. Mayroon akong libro sa bahay tungkol sa anger management. Gusto mo pahiramin kita?"
"E kung ikaw kontrolin ko? Tinuturuan mo ba ako?"
"Hindi po. E kasi napapaaway tayo, e."
"Tsk." Inayos niya ang pagkakasuot ng cap niya. "Sinabihan na kasi kita. Mapapahamak ka lang sa 'kin."
"Hindi naman po ako mapapahamak kung babawasan mo madalas na pag-init niyang ulo mo, e."
Bumuntonghininga siya. "Gan'to ako, Desa. Tarantado talaga ako. Nananapak ako, nanggugulpi ako."
Hay. Hindi na lang ako lumaban. Sarado na naman ang isip niya, ayaw niya na namang makinig. Sinuot ko na lang 'tong helmet tapos yumakap na ako sa baywang siya. Bahala na lang siya. Basta ako, nakiusap na ako.
Pinaandar na niya ang motor pagkatapos.
HINDI KAMI NAGPAPANSINAN ni Baron hanggang sa makauwi kami ng resort. May mga pagkakataong humihinto kami dahil sa stop light, pero ni isang beses, hindi niya ako nagawang kibuin. May iniisip na naman siguro siya.
Pagkaparada namin ng motor dito sa gilid ng bahay, nagtanggal agad ako ng helmet at bumaba. Napansin ko nga siyang nakatingin sa 'kin habang inaayos ko 'tong nagulo kong buhok.
"Kuting?" tawag niya pa bigla.
Tiningnan ko lang siya, pero wala akong sinabi.
Bumuntonghininga siya. "Tsk, sige na. Susubukan ko nang bawasan 'tong pag-init ng ulo ko para sa 'yo."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro