Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 5

ANG TAGAL NATAPOS ng interview ko. Hindi ko in-expect na aabutin ako ng halos alas-dose ng tanghali. Sobrang dami kasi naming aplikante at ang haba pa ng proseso. Ang daming exams! Ginutom tuloy ako.

Paglabas ko galing bangko, hinanap ko agad ang sasakyan ni Baron. Kaso wala na rito sa paligid. Siguro nainip na ang lalaking 'yon at nauna nang umuwi ng bahay.

Okay lang. Inaasahan ko namang hindi talaga niya ako hihintayin. E wala rin naman akong number niya kaya hindi ko siya nagawang i-text na matatagalan pa ako sa loob.

Magdyi-jeep na lang ako pauwi. Medyo nakabisado ko naman ang daan kanina, e. Saka swerte na lang tumila na rin ang ulan, although medyo makulimlim pa rin.


PAPUNTA NA DAPAT ako ngayon sa waiting shed para do'n na maghintay ng jeep nang bigla na lang may humarang sa 'king lalaki. Niyakap ko agad ang bag ko, kasi malay ko ba kung sino siya.

Ngiting-ngiti siya sa 'kin na para bang kilala niya ako.

"Ikaw nga 'yon," sabi niya pa. "Ikaw ang cute na babae sa coffee shop."

Kumunot ang noo ko, tapos tiningnan ko siya nang maigi. Hala, siya ba 'yon? 'Yong nanghingi ng number ko? Ba't parang ang linis ng dating niya ngayon.

Napansin ko ang suot niya. Naka-uniform siya na pang-bangko. Bigla tuloy akong napatingin do'n sa pinag-apply-an ko ng work, tapos sa kanya ulit. H'wag niyang sabihing 'yon ang pinagtatrabahuan niya? Nagbaba ako ng tingin sa suot niyang ID. His name is Grant Ortega. At tama, do'n nga siya sa bangko nagtatrabaho!

"Naaalala mo ako?" Tinuro niya ang sarili niya. "Ako ang nanghingi ng number mo last time."

Nahihiya lang akong tumango.

"Cute talaga," bumulong siya. "Nag-apply ka sa 'min?" Nakatingin na siya sa clear folder na yakap-yakap ko.

Mukha siyang bad boy, pero mabait naman ang tono ng boses niya. Tumango lang ulit ako sa kanya, tapos ay mas hinigpitan ko ang yakap sa clear case ko.

"Nice," sabi niya. "Good luck, a."

Tipid lang akong ngumiti. Dapat nga aalis na ako pero nagsalita na naman siya.

"Ang galing naman. Sabi ko na, makikita kita ulit. Pinagtagpo tayo, 'no?"

Kumunot ang noo ko. Ano'ng pinagsasabi niya? Ngiting-ngiti pa rin siya sa 'kin, para siyang may hindi magandang balak. Though, may itsura naman siya.

Ang pungay ng mga mata niya, parang inaantok. 'Yong buhok niya, clean cut na may pagka-light brown ang kulay at may hair wax. Medyo malapad din ang katawan niya, bakat ang muscles niya sa manggas ng uniform, at may katangkaran din siya. Pero parang mas matangkad si Baron nang kaunti. At mas gwapo si Baron, siyempre.

"So, ano?" salita niya ulit. "Ibibigay mo na ba sa 'kin number mo? Ay, by the way, I'm Grant."

Makikipag-shake hands sana siya sa 'kin pero dinedma ko. Pilit lang akong ngumiti.

Pinasok niya na lang tuloy ang mga kamay niya sa bulsa ng slacks niya. "Suplada naman. Sige na nga, baka nabibigla ka sa 'kin. Isipin mo ang bilis ko. Kumusta naman interview mo? Mahirap ba?"

Hindi ko siya sinagot.

"Alam mo malakas ako sa management, e," dagdag niya. "Ilang taon na akong nagtatrabaho d'yan. Kung gusto mo, tutulungan kitang makapasok. Kauusapin ko sila na tanggapin ka na."

Do'n lang ako nagkaro'n ng interes. "T-talaga? Tutulungan mo akong makapasok?"

Ngumiti siya nang mayabang. "Oo naman. Cute mo, e. Pero ano munang pangalan mo?

Medyo napaatras ako ro'n.

Sakto namang may naramdaman na akong taong palapit sa likuran ko. Nilingon ko agad.

Si Baron! Buti na lang! Hindi pa pala siya umuuwi.

Tinabihan niya ako agad pagkalapit niya sa 'kin. Badtrip ang mukha niya. "Ang tagal mo. Kanina pa ako naghihintay."

"Kuya mo?" biglang sabat ni Grant.

Nagulat naman ako nang biglang humarang 'tong si Baron sa 'kin at tiningnan nang masama si Grant. Kinabahan ako at baka kung anong gawin niya kaya hinatak ko na agad siya sa siko. "T-tara na."

Buti hindi na siya nagpasaway. Pinatong niya lang agad ang isa niyang kamay sa ulo ko para tumalikod na ako at maglakad. Ginawa niya na naman akong bata.

Hindi ko na nga nagawang sumilip kay Grant kasi 'tong si Baron parang nagmamadali.

"Sino ang kausap mo?" tanong niya pa agad pagkalayo namin.

"Si Grant."

"Sino 'yon?"

"Uhm, hindi ko alam. Nagtatrabaho sa bangko."

"Hindi mo kilala?"

"Hindi po."

"Hindi mo naman pala kilala ta's kinakausap mo. Hindi ka ulit tinuruan ng mga magulang mong h'wag kang makikipag-usap sa mga hindi mo kakilala."

Nag-angat ako sa kanya ng tingin. "Ba't ang sungit mo na naman?"

Hindi naman na siya sumagot. Pinasakay niya na lang ako rito sa kotse. Medyo tago pala 'tong pinagparadahan niya kaya hindi ko siya nakita kanina. Akala ko talaga umuwi na siya.

"Sa'n ka ba dapat kasi pupunta?" Nanermon pa rin siya pagkasakay namin dito sa loob. "'Di ba nandito ako?"

"Hindi kasi kita nakita, e. Akala ko po umuwi ka na. Natagalan ang interview ko."

"Tsk, sinabi na ngang maghihintay ako. Kung hindi ako lumabas e di nagkasalisi na tayong dalawa."

"Sorry po."

Hindi na siya ulit sumagot.

Ang iksi talaga ng pasensya niya. Kaunting galaw lang ay galit agad. Hindi ko naman kasi alam na nandito pa siya. Pwede naman siyang mauna na sa pag-uwi kung gugustuhin niya.

Binuhay niya na ang makina nitong sasakyan at nag-umpisang magmaneho.

"H'wag kang makikipag-usap sa hindi mo kilala," sabi niya pa.

Hala, hindi pa rin pala siya tapos. Nagdahilan na nga lang ako, "Nagpakilala naman siya sa 'kin."

"Hindi gano'n 'yon. Ikaw, nilapitan ka lang, kinausap mo na agad."

Kumunot ang noo ko. "Bakit ka po galit?"

"Galit ba ako?"

"Mukha ka pong galit, e."

Umanghang lalo ang itsura niya. Ni hindi nga siya makatingin sa 'kin. "Hindi ako galit."

"Badtrip ka lang? Palagi ka namang badtrip, e."

Hindi na naman siya sumagot.

Ako, napabuntonghininga na lang. Para siyang si Papa kapag nakikitang may kumakausap sa 'kin na ibang lalaki. Todo bantay, may kasama pang sermon. Napagkamalan pa tuloy siya ni Grant na kapatid ko.

"Hindi ko naman siya masyadong kinausap," depensa ko na lang. "Saka hindi naman na ako bata, alam ko na gagawin ko. At, pangalawang beses ko na kaya siyang nakita."

"Pangalawa?"

"Oo. Una, do'n sa coffee shop. Hindi ka kasi dumating sa date natin, e. Nilapitan niya ako no'n habang hinihintay kita. Hiningi niya number ko."

Biglang tumalas tingin ng mga mata niya. "Binigay mo naman?"

"Hindi, a."

"Buti. Lumayo ka ro'n."

"Bakit?"

"Kilala ko ang mga gano'ng tipo ng lalaki. Pinagtitripan ka lang n'on."

"Pa'no mo naman nalaman?"

"Basta alam ko. 'Langya ang bait kasi ng itsura mo. Mukha kang easy."

"Ano pong easy?"

"Basta."

"Ano nga pong easy?"

"H'wag kang makulit. Bawal makulit sa 'kin."

Napasimangot na naman ako.

Pero maya-maya rin e, nagsalita ulit ako.

"Pero parang mabait naman siya. Sabi niya pa nga tutulungan niya akong makapasok sa bangko, e. Malakas daw kasi siya sa management. Magkakatrabaho na ako kung sakali."

Natawa siya nang mayabang. "Naniwala ka naman agad?"

"Bakit naman po hindi?"

"Kunwari lang 'yon."

Napatitig ako sa kanya. "Kilala mo ba siya?"

"Hindi."

"E pa'no mo nalamang kunwari lang 'yon?"

"Matanda na ako, marami na akong alam." Bigla siyang sumilip sa 'kin nang magkasalubong ang mga kilay niya. "Ba't hindi ka naka-seatbelt? Kabit mo nga 'yan. Mamaya bigla kang tumalsik, kuting ka pa naman."

Ngumuso ako.

Badtrip talaga siya. Pero natutuwa ako 'pag tinatawag niya akong kuting. Hindi naman ako mahilig sa pusa, pero ang cute kasi. Sumunod na lang ako sa kanya't nagkabit ng seatbelt ko.

Siya naman, binuksan niya ang bintana sa pwesto niya. Hindi ko alam ba't ang init ng ulo niya ngayon samantalang saglit lang naman ang hinintay niya. Ako nga ilang oras naghintay sa kanya no'ng Sabado, e.

Nagsindi siya ng sigarilyo habang nagda-drive. Nilabas niya pa ang isa niyang kamay sa bintana para doon papuntahin ang usok ng sigarilyo niya. Ang cool niya pagmasdan. Naka-cap pa naman siya nang pabaliktad ngayon.

Pagbuga niya ng usok, do'n siya humarap sa bintana. Kaso malakas 'yung hangin sa labas kaya may pumapasok pa ring usok ng sigarilyo niya rito sa loob ng kotse. Nauubo ako. Kinuha ko panyo ko para magtakip ng ilong.

Napansin niya nga ang ginawa ko, sumilip siya sa 'kin. "Bakit, ayaw mo ng naninigarilyo?"

Umiling ako.

"May hika ka?"

"Wala po. Ayoko lang. Nauubo ako, e."

Natahimik siya.

Tapos maya-maya lang, bigla niyang hininto sa tabi ang kotse. Nagtanggal siya ng seatbelt at bumaba ng sasakyan. "Ubusin ko lang 'to saglit. D'yan ka lang."

Sinundan ko lang siya ng tingin. Nakakatuwa naman, concerned siya sa 'kin kahit na asal tigre siya kanina pa.

Bigla namang nalipat ang atensyon ko rito sa cellphone niya na naka-mount sa harapan. Umilaw kasi, parang may nag-text. Do'n ko napansin ang gamit niyang wallpaper. Isang magandang babae. Ang tapang ng mukha, parang model. May nakasabit pang camera sa leeg nito. 'Yong mga tipo talagang babae ni Baron ang mga magaganda at sexy, e.

Naalala ko tuloy no'ng narinig ko siyang may kausap sa phone roon sa bahay. Mayroon siyang babaeng binabanggit. 'Yong Leila. Sabi ko ire-research ko kung sino 'yon kaso palagi ko namang nakakalimutan.

Nagulat na lang ako ngayon nang biglang bumukas 'tong pinto ng kotse. Mabilis na sumakay si Baron. Kinunutan pa nga niya ako ng noo kasi nahuli niya akong nakatingin sa phone niya.

"Ano'ng tinitingnan mo?" Nagkakabit na siya ng seatbelt.

"Wala po. Ang bilis mo namang manigarilyo?"

"Tinapon ko na lang. Nahihiya ako sa 'yo."

Nagpigil ako ng ngiti. Ang cute niya.

Pinaandar niya na ulit ang sasakyan pagkatapos. Ako, tahimik lang. Naisip ko kasi ulit ang babae sa phone niya. Ang swerte n'ong girl. Ginagawa pang wallpaper ni Baron ang picture niya.

Yumuko ako. Swerte rin naman yata ako. Binigyan niya naman ako ng chocolate, e.

"Kumusta pala interview mo?" bigla niyang tanong sa 'kin. "Umiyak ka?"

"Bakit naman ako iiyak?"

Natawa siya. "Iyakin ka, e. Kuting ka kasi."

Iyakin daw. Huminga na lang ako nang malalim at tumingin sa bintana sa gilid ko. "Okay naman interview ko. Tatawag na lang daw sila. Sana nga matanggap ako."

"Ba't ka naman hindi matatanggap?"

Lumingon ako sa kanya. Naabutan ko siyang binabasa na ang text sa phone niya.

Ang tagal kong pinag-isipan kung tatanungin ko ba siya tungkol doon sa wallpaper o h'wag na lang. Pero sa huli, tinanong ko pa rin.

"Sino po 'yang babae sa wallpaper mo?"

Halatang nabigla siya sa tanong ko kasi natigilan siya sa pagpipindot niya. Tumingin siya nang masama sa 'kin.

"Sinabi ko bang tingnan mo?"

"Napansin ko lang naman kanina no'ng bumaba ka, e."

Binalik na niya ang phone niya sa pinaglalagyan nito sa harapan, tapos bumuntonghininga siya.

"H'wag kang nangingialam sa mga gamit ko."

Umiwas na ako ng tingin. Nahiya ako. Maayos naman ang tanong ko pero nainis na naman siya.

"Gusto ko lang naman malaman, e," bulong ko sa sarili ko. Alam kong narinig niya 'yon pero wala na siyang sinabi.

Hinayaan ko na. Tatahimik na lang din ako kasi baka magalit na naman siya. Baka ayaw niya talagang sabihin sa 'kin.

Kinuha ko na lang ang chocolate na ibinigay niya. Kakain muna ako kasi ginutom talaga ako sa dami ng pina-exam sa 'min. Binuksan ko 'tong balot ng chocolate bar at kumagat nang kaunti. Hmm, masarap pala 'to.

Napasilip ako kay Baron kasi naramdaman kong parang nakatingin siya sa 'kin habang ngumunguya ako.

"Gusto mo?" Inalok ko siya.

Ngumisi lang naman siya sabay umiling. Bagay sa kanya kapag ngumingisi siya.

Ang cool kahit mukhang mayabang.

"Kuting ka talaga," asar niya.

"Bakit na naman?"

"'Langya, ang liit mong kumagat."

Napatingin tuloy ako rito sa chocolate ko habang ngumunguya. E sa ganito talaga ako kumagat. Lalaki naman kasi siya. Malamang saglitan lang 'to sa kanya.



NAUBOS KO NA ang chocolate ko bago pa kami makarating sa bahay.

Pagkaparada ni Baron ng kotse, bumaba na agad ako dala ang mga gamit ko. Hindi man lang nga ako nakapagpaalam sa kanya, dere-deretso akong pumasok sa bahay kasi naiihi na ako.

Sakto namang maghuhubad na ako ng sapatos sa tapat ng pinto nang mag-vibrate ang phone ko na nasa bag. Kinuha ko agad, baka nag-text na ang sa bangko.

| Hello Desiree Claud Franco. Alam ko na number mo. - Grant |

Bumagsak agad ang mga balikat ko. Paano niya naman nalaman?!

"Hoy, kuting." Bigla pang sumulpot 'tong si Baron sa likuran ko.

Sa gulat ko, taranta kong naitago ang phone sa aking likod sabay ikot paharap sa kanya. "U-uy!"

Magkasalubong ang mga kilay niya. "Tinago mo pa. Nabasa ko naman."

Napanganga ako. "E ba't kasi nakikibasa ka? Cellphone ko naman 'to."

"Desiree, ano 'yan?" Si Mama. Nandito na pala siya sa pintuan. "Ba't gan'yan ka makipag-usap sa Kuya Baron mo? Mas matanda sa 'yo 'yan."

Bumuntonghininga na lang ako sabay yuko. "S-sorry po."

"Sige na, pumasok na kayong dalawa rito," tuloy ni Mama. "Kakain na tayo ng tanghalian."

Susunod na dapat ako pero napasilip muna ulit ako kay Baron. Feeling ko kasi nakatingin pa rin siya sa 'kin. At hindi nga ako nagkamali. Ang talas ng tingin ng mga mata niya sa akin.

"Nabasa ko 'yon, a," sabi niya pa sa 'kin.

"Alin nabasa?"

"'Yong text n'ong Grant. Ba't niya alam number mo?"

"Hindi ko po alam."

"Binigay mo, 'no?"

"Hindi a!"

"Hindi raw. Sige, reply-an mo 'yan. Wala akong pakialam!"

Nagdabog siya papasok ng bahay. Kulang na lang, manipa siya ng gamit, pero at least hindi siya nagmura. 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro