Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 8

DESA FRANCO

| BWAKANABITCH NAMAN DESA!!! BA'T NANDITO YANG SI ARKHE??? SINABI NG WAG NGAYON, HAGGARD AKO!!! PERO PAKSHET ANG GWAPO NIYA TALAGA BA'T SIYA GANYAN HUHUHU!!! |

Ang sarap ng tawa ko sa text ni Koko na naka-all caps pa talaga!

Mula nga rito sa four-seater naming table, sinilip ko agad siya ro'n sa pwesto niya sa may counter. Hindi na maipinta ang mukha niya. Para niya na akong sasakalin sa gigil! E wala naman akong kasalanan. Hindi ko naman alam na biglang magyayayang magkape rito 'tong si Arkhe.

"Kuting." Biglang inangat ni Baron ang baba ko gamit ang daliri niya. "Ano'ng gusto mong inumin?"

"Wala po. Kaiinom ko lang ng iced coffee bago ka dumating, e."

"Pagkain na lang?"

"Hmm . . . okay. Cheesecake na lang."

"Sige."

Pagtayo niya, sabay nagsalita naman si Arkhe na nakaupo sa tapat namin. "Ako, brad, hindi mo 'ko tatanungin kung ano'ng gusto ko?"

"Bakit? Kuting ba kitang tangina mo ka?"

Tinawanan siya nito. "Tingnan mo 'tong gagong 'to. Magpakabait ka nga. Nandito si Desa, o."

"Tsk." Napakamot si Baron sa ulo niya. "Ano ba kasing gusto mo?"

Ako naman 'tong natawa. Si tigre talaga. Napopogian ako sa kanya kapag bigla-bigla siyang umaamo nang gan'to.

"Yong matapang na kape lang," sagot naman ni Arkhe. "Libre mo na, 'no?"

"Tangina, nakaisa ka sa 'kin ngayon, ah. Pasalamat ka nandito 'tong mahal ko. Kung wala, tangina mo, paduduguin ko talaga 'yang bibig mo." Tumuloy na ng alis si Baron pagkatapos.

Sinundan ko lang siya ng tingin. Nakakatawa siya. Manlilibre na lang, may pagbabanta pa.

"Buti naman at nagkaayos na ulit kayong dalawa," biglang sabi sa akin ni Arkhe.

Napalipat tuloy agad ako ng tingin sa kanya. Tumango ako. "Nawala agad 'yong galit niya no'ng pinuntahan ko siya sa apartment."

"Ah. Sigurado, do'n ka niya pinatulog."

Sumimple lang ako ng ngiti.

"Tama, 'no?" Sabay ngisi niya. 'Yong ngisi niya, may laman din. Parang alam ko na tuloy kung ano'ng iniisip niya, katulad din ng kay Koko.

"Wala kaming ginawang iba, ah," inunahan ko na lang.

Natawa siya. "Bakit? Wala naman akong sinasabi."

Sumimangot na lang ako at binalik na ang atensyon ko rito sa cellphone ko. Nag-type na lang ako ng ire-reply ko kay Nikola.

"Alam mo bang no'ng nagkahiwalay kayo ni Baron, kahit isang beses, hindi siya nambabae?"

Napaangat ulit ako ng tingin sa kanya. Kumunot ang noo ko. "Bakit mo sinasabi 'yan?"

"Wala naman." Sumandal siya sa upuan niya at inayos ang kwelyo ng dark gray niyang polo shirt. "Gusto ko lang malaman mong tapat siya sa 'yo. Hindi kasi gano'n ang pagkakakilala ko sa kumag na 'yan. Mabilis 'yang magpalit ng babae, mabilis magsawa. Pero pagdating sa 'yo, nagtagal siya. Ngayon ko lang nakitang nagkagan'yan 'yan. Balik Pinas na nga si Leila, pero puro ikaw lang talaga ang bukambibig niya."

Natigilan ako. "Si Leila?"

"Oo. Kilala mo siya? Best friend ni Baron." Nagpakawala siya ng buntonghininga. "Ang daming naging babae ni Medel dito sa Maynila pero ni isa, wala siyang nilandi ulit no'ng nagkalayo kayo. Patay na patay sa 'yo ang gunggong." Natatawa-tawa pa siya. "Nakailang balik din pala siya no'n sa Batangas para lang malaman kung nasa'n ka. Alam mo ba 'yon?"

Napaisip ako saglit bago umiling-iling. "H-hindi ko alam. Walang nakarating na gano'n sa akin sa Cebu."

"Ah. Baka ayaw ipaalam nina Rex ang mga ginagawa ni Baron para sa 'yo. Pero madalas talaga siyang nagpupunta ro'n. Nagugulpi pa nga siya ng erpat mo, kaya laging may black eye ang loko 'pag umuuwi rito, e."

Tipid na lang akong napangiti bago nagbaba ulit ng tingin sa cellphone ko.

Wala akong maisagot nang maayos sa kanya. Parang nahihiya ako. Hindi ko kasi talaga nalaman na ginawa pala ni Baron ang mga 'yon. Natatandaan ko pa nga, ang sabi sa akin nina Mama, matagal na raw na hindi nagpunta si Baron sa resort para alamin kung nasa'n ako.

Sakto namang bumalik na rin si Baron dito sa table namin.

Hinawakan niya 'ko sa balikat. "Ano'ng pinagsasasabi sa 'yo ng kumag na 'to?" tanong niya sabay upo sa kanina niyang pwesto sa tabi ko.

Tinawanan lang naman siya ni Arkhe. "Sinisiraan kita, brad."

"Tangina mo. Pagdating ng kape mo, kunin mo na tapos umalis ka na, ah."

"'Langyang 'yan. Ayaw niyo ba 'kong kasama?"

"Mukha bang gusto ka naming kasama? Balak ko sanang solohin si Desa ngayong gabi pero hindi ko nagawa kasi sumulpot kang ulupong ka."

Marahan ko agad na pinalo si Baron sa braso. "A-ano ka ba."

"O ano, napalo ka tuloy," biro pa ni Arkhe. "H'wag mo kasi akong pinapaalis. Alam mo, Desa . . ." Nakatingin na ulit siya sa 'kin. ". . . gan'yan talaga ka-gago umasta sa 'kin 'yang si Medel. Sa 'yo lang naman mabait 'yan."

Sinilip ko ang mukha ni Baron. "Totoo ba 'yon?"

Hindi naman siya sumagot. Ni hindi nga siya makatingin sa akin.

Natatawa tuloy ako, ginulo-gulo ko na lang ang buhok niya.

"Saka sa 'yo lang din natatameme 'yan," dagdag pa talaga ni Arkhe.

Si Baron tuloy bigla nang dumikit sa akin at bumulong sa gilid ng mukha ko, "Awatin mo 'ko, sasapakin ko na 'to."

Pareho na lang kami na natawa ng kaibigan niya. Tapos kinurot ko siya sa ilong. "Ang kulit mo talaga."

"Tsk." Bumalik siya sa pagkakasandal. "Sino sa tingin mo ang mas makulit sa 'min ni Arkhe?" tanong niya sa 'kin.

Napaisip ako, tapos tinuro siya.

Ang bilis na naman tuloy tumapang ng mukha niya. "Ba't ako? 'Di mo ba nakikita 'tong itsurang 'to? Itsurang anghel 'to, mabait! Sige, sino namang mas mukhang basagulero sa 'ming dalawa?"

Siya ulit ang tinuro ko.

Si Arkhe, natawa na. "Honest pala 'tong si Desa, 'tol. Kaya pala mahal na mahal mo, e."

Hindi sumagot si Baron. Pero 'yong tingin niya sa akin, ang sama-sama na. "Inaano mo 'ko, ah. Ito na lang. Sino na lang ang mas mukhang lasinggero sa 'min?"

Si Arkhe na ang tinuro ko.

Kaso ang bilis rin naman nitong tinuro pabalik si Baron. "Mas malakas uminom 'yan. Nagsasabaw pa nga ng alak sa kanin 'yang hayop na 'yan."

"Oy, tangina mo. Ikaw 'yon, gago!" depensa agad ni Baron sabay tumingin sa 'kin at hinawakan pa ang kamay ko. "H'wag kang naniniwala r'yan. Siya talaga 'tong nagsasabaw sa kanin. Tinuruan niya lang ako."

Ang sarap ng tawa ni Arkhe. "Ba't nagsusumbong ka kay Desa, brad? Walang sumbungan."

Pati ako natawa na lang. Ang kulit nilang kasama.

Ilang sandali lang naman ay dumating na rin ang in-order ni Baron.

Napatuwid nga agad ako ng upo kasi si Koko pa talaga ang naghatid dito. Ang kapal nga ng pink lipstick niya. Hindi halatang pinaghandaan niya ang pagdadala ng orders namin. Natatawa na naman tuloy ako.

Habang isa-isa niyang nilalagay sa mesa ang kape nina Baron at ang cake ko, naisipan kong ipakilala na siya.

"Kaibigan ko pala siya," sabi ko. "Si Nikola, pero Koko ang nickname niya. Barista siya rito sa coffee shop. Koko, ito si Baron, boyfriend ko." Tinuro ko.

Tinanguan lang naman siya ni Baron, walang sinabi.

"Siya naman si Arkhe." Tinuro ko rin. "Siya 'yong DJ sa club na pinuntahan natin."

Nabigla nga ako kasi nakipag-shake hands pa talaga si Arkhe. "Hi. I'm Arkhe."

Si Koko naman nakakatawa kasi hindi nakasagot! Tinitingnan ko siya, nakatulala lang siya at medyo nakanganga pa! Nanigas siya, e.

Pagkabitiw ni Arkhe sa kamay niya, do'n lang siya parang natauhan.

Inipit niya ang ilang hibla ng buhok niya sa kanang tainga niya saka kumaway nang pa-cute kay Arkhe. "H-hi. Nikola. Ako mismo ang nagtimpla nitong kape mo. I-I mean ng mga kape niyo. Sana magustuhan niyo." Sabay yakap nito sa bilog na tray at tinalikuran na kami.

Sumulyap pa siya sa akin at umarteng tumitirik ang mga mata bago tuluyang umalis. Natatawa ako!

Si Arkhe naman, huling-huli ko na sumunod ng tingin kay Koko. At parang ang sarap pa nga nitong sipain sa paa dahil bigla itong nagbaba ng tingin sa makikinis na legs ng kaibigan ko! E, ang iksi pa naman ng palda ni Koko!

"Ilang taon na 'yon?" tanong pa nito pagkatapos.

"Twenty-five," sagot ko sabay patong ng cellphone ko sa mesa. "Isang taon lang ang tanda niya sa 'kin."

"Ah." Tumango-tango ito na parang may masamang binabalak.

"Bakit, p're, type mo?" Si Baron ang nagtanong.

Ngumisi lang naman si Arkhe. "May boyfriend ba 'yon?"

Tumingin agad sa akin si Baron.

Sumubo muna ako nitong bagong serve kong cheesecake bago umiling at sumagot. "Wala na."

"Kuhanin ko number." Mabilis itong tumayo at tumungo sa counter kung saan nakapwesto si Koko!

Ako, nanlaki agad ang mga mata. Hala, kukunin agad ang number?

Nilipat ko ang tingin ko kay Baron na ang sarap-sarap ng ngisi ngayon. "Pabayaan mo," sabi niya. "Gan'yan talaga kabilis 'yang tarantadong 'yan pagdating sa babae."

Pinanood ko na lang din sina Koko at Arkhe sa may harapan.

Grabe, hindi ko naisip na magiging gano'n kabilis. Inaasahan ko na tuloy na mamaya, hindi na naman kami makakatulog ni Peachy dahil sa kakukwento ni Nikola about sa feelings niya.

"Psst." Bigla naman akong ninakawan ni Baron ng halik sa pisngi.

Nilingon ko siya at nginitian.

"Mukhang solve na si Arkhe ngayon," sabi niya. "Nakapang-chicks na, e. Tara, iwanan na natin dito 'yang kumag na 'yan."

"Paano po 'tong cheesecake ko?"

"Tsk, oo nga pala." Sumandal na ulit siya sa upuan niya at nagde-kwatro pa. Ang cool niya.

Lumapit naman ako at pinatong ang baba ko sa balikat niya. "May nakalimutan ka po palang itanong sa 'kin kanina."

Kumunot ang noo niya. "Anong nakalimutan?"

"Hindi mo naitanong kung sino sa tingin ko ang mas pogi sa inyong dalawa ni Arkhe."

"Ah." Ngumisi siya sabay inayos ang bangs ko. "Bakit, sino bang sagot mo?"

"Ikaw. Ikaw ang pinakapogi sa lahat."

Yumabang agad ang ngiti niya. "Tss, matagal ko na namang alam 'yang bagay na 'yan. Hindi na bago. Kaya ka nga patay na patay sa 'kin, 'di ba?"

Hala siya, ako pa pala. Samantalang siya nga raw 'tong patay na patay sa akin sabi ni Arkhe.

Umayos na lang ulit ako ng upo. Napatingin ako sa isang table malapit sa amin na puro babae ang nakapwesto. Kanina pa kasi sila tingin nang tingin kay Baron. Feeling ko napopogian sila sa mga tattoo ng boyfriend ko.

Nainis ako. Lumapit na lang ulit ako kay Baron at niyakap siya sa braso. "Tigre. Kanina pa sila tumitingin sa 'yo, o."

"Sino?" Pasimple niyang nilingon. "Ah. Kaya pala yumayakap ka. Hawakan mo 'kong mabuti, baka maagaw nila 'ko."

Sinimangutan ko siya.

Kinurot niya naman ako sa ilong. "Biro lang. Hindi naman ako magpapaagaw." Tapos naglipat siya ng tingin sa binili niya sa aking cheesecake.

"Nagustuhan mo 'yan?" tanong niya.

"Opo. Ito ang favorite kong bilhin dito, e. Tikman mo. Masarap." Humiwa ako gamit 'tong tinidor at tinapat sa bibig niya.

Pagkasubo niya, sakto namang bumalik na rin si Arkhe. "Tangina naman, o. Nawala lang ako saglit, nilalanggam na agad dito."

Natawa na lang ako.

Si Baron naman, nagpigil ng ngiti. Humigop ulit ito sa kape niya bago nagawang magsalita. "Ano, nakuha mo 'yong number?"

Umupo na muna si Arkhe. "Oo naman. Ako pa." Humigop din ito sa mainit nitong kape.

Tumingin nga agad ako sa gawi nina Koko.

Kitang-kita ko ang kilig niya habang kinakantyawan siya ng mga kasamahan niya. Si Nikola talaga, ang obvious palagi kiligin.

"Kuting, cellphone mo," biglang sabi ni Baron.

Napatingin agad ako sa phone ko na nakapatong dito sa mesa. Si Mama pala, tumatawag!

Nataranta 'ko, kinuha ko agad sabay tumayo.

"W-wait lang," paalam ko kina Baron bago ako umalis.

Pagkalabas na pagkalabas ko ng coffee shop, sinagot ko na si Mama. "Hello?"

"Hello, Desiree?"

Napahinga ako nang malalim. "M-Mama . . ."

"Nasa'n ka ngayon? Maayos ba ang lagay mo?"

Nagtaka ako kasi parang nag-aalala ang boses niya. "Uhm, ayos naman po ako. Nandito po ako sa coffee shop na pinagtatrabahuan ni Nikola. B-bakit po?"

Bumuntonghininga ito. "Kagagaling lang kasi ni Evo rito sa resort. Bakit hindi mo sinabi sa amin na hiwalay na pala kayong dalawa?"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro