Handa Na,
Handa Na,
I-kondisyon ang kaluluwang may potensiyal na humarap sa napakainit na apoy.
Damayan ang kaba, ang malalakas na pagtibok ng pusong ayaw kumalma.
Piliting maging matayog ang nangingisay na katawan sa mga titig na nakapanlalambot.
Iwasang maging sobrang lambot at maging mas matigas pa sa batong ayaw magpatinag ng kahit na anong unos.
Handa na ba ako?
Damputin ang papel na naglalaman ng matatamis na salitang mapait man sa panlasa ngunit ito'y 'di alintana.
Pahiran ng bimpo ang pawis.
Maiging mas maging mabango't mainam na magmistulang mirasol sa matingkad na kasuotan.
Hanapin ang perpektong tono ng gitara.
Ngayon, handa na ba ako?
Dalhin at ilagay sa bag ang mga tsokolate.
Siguraduhing pogi hindi lamang sa salamin ngunit sa iba rin.
Bilangin ang salapi kung ito'y kulang, sobra, o sakto na.
Sipatin ang selpon kung oras na ba.
Handa na nga ba?
Ihanda ang pusong tanggapin ang pinakamatulis na patalim.
Ihanda ang isip kung ang iba'y mawawalan na ng bait.
Patatagin ang sarili't piliing i-presenta ang katotohanan.
Tanggalin ang maskara, ipakita ang totoong katauhan.
Ihanda ang sariling magmahal.
Ihanda ang sariling sumugal.
Ihanda ang sariling magsakripisyo.
Ihanda ang sarili sa hinaharap.
Magbuo ng plano.
Ihanda ang sarili.
Handa na ako.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro