2. Gusto Ko Pa Ba?
Gusto Ko Pa Ba?
a spoken poetry
----
Kung tatanungin mo ko,
Kung gusto ko pa sa Pilipinas,
Parang ayoko na.
Kung gusto mo pa akong
Makitang kumakanta ng Lupang Hinirang,
Siguro 'wag ka na umasa
Kung sakaling pipilitin mo ako
Na tumayo, palakpakan ang mga Pilipino,
Para saan naman?
Hindi ko sasayangin ang buong buhay ko
Na sirain lang ng bansang ito
Ang kinabukasan ko
Ang mamatay ng dahil sa kanya,
Oo, mamamatay ako,
Nang dahil sa Pilipinas,
Mga tao, gobyerno, mga halang ang sikmura
Mga tumatapal ng tela sa bibig,
Dinukot ang mga mata para maging bulag,
Pang habambuhay nakapikit.
Mga namamalo kapag nanghihingi,
Mga magnanakaw kapag ang barya ay umuusli,
Sa bulsa, butas na bulsa ng mga taong
Kayod-kalabaw, sa kapitalista, mga negosyanteng abusada,
Mauubos na yata ang isla, para dumami kanilang mga pera,
Nanggigipit ng mga pipit, kaya sa patalim na kumakapit,
Ang kanilang mga kamay na may tumutulong dugo,
Sa parehas na mga daliri na dating nakataas,
Ngayon, gumagapang, dinadanas ang dahas
ng mga awtoritarian, oposisyon raw ang kalaban ng bayan, ang protesta raw ay pangkalahatang problema,
Takip-tenga sa mamamayan,
Ang kailangan nila'y mamaya na,
Hanggang umabot ang bukas,
Marami pang bukas,
Subalit hindi bukas ang isipan,
Sa kung ano ang kakayahan
ng ninuman, kalalakihan, kababaihan,
Hanggang ngayon, debate pa rin ang kasuotan,
Kulay, ugali, katawan,
Mga matang matalas sa kapwa,
Malumanay sa dayuhan.
Ano na?
Ito ba ang bayan na gusto mong
Ipagtanggol ko?
Para saan pa?
Sino ba kalalabanin ko?
Iba ba? Taga-saan?
Mukha rin namang Pilipino,
Laban sa isa pang Pilipino?!
Seryoso ka ba rito?
Oo nga naman,
Ano bang Pilipinas?
Puno ng kulay ang kultura,
Pero sarili hindi kilala,
Puro gaya lang sa iba,
Pag mali sisi sa isa pa.
Ngayon mo ko sabihan
Na bigyan ng pag-asa
Ang mga taong humihiwa ng pangarap,
Na magandang buhay, magandang umaga
Mga taong manlulupig,
Hahanap pa ba ako ng dayuhan, kung nandito rin lang
Mga tunay na kalaban,
Pilipino at Pilipino
Ngayon mo ko ulit tanungin,
Kung gusto ko pang ipaglaban ang bansa,
Kasi ayoko na talaga,
Ayoko na ng ganito!
Gusto ko nang mabago ito,
Pigilan ang dapat pigilan,
Ang kuneksyon sa bulok ay tatapusin,
Tandaan mo,
Ang pag-asa ay hindi ako,
O ikaw,
O kung sino pa man.
Dahil ang pag-asa ay hawak ng kahit na sino,
Tinatapon lang, sinasayang,
Sariling interes kasi ang pinakamahalaga
Isa pa,
Ang pag-asa ay hindi sino,
Kundi ano,
Ano ang mga bagay na magagawa ng pag-asang hawak hawak mo?
Sa ating mga kamay nakasalalay,
Kung ano ang kahahantungan ng
Bansang patuloy hinahalay,
Gamitin mo ang hawak mong pag-asa,
Upang masupil ang mga taksil,
Mapatapon ang mga traydor.
Ang pag-asang nasa kamay mo,
Iyan ang maghuhudyat
Kung gaano kalakas ang
Pagkalampag
Sa bakal, kahoy.
Ang pag-asa mo ang gagawa
Ng maraming ingay
Upang marinig ang
Maraming tahimik,
Ikaw ang aakto,
Kasama mo ako,
Iilan pa tayo,
Pag nagsama-sama,
Mapupuksaw ang mga
mapang-abuso.
Kung tapos mo na akong tanungin ng lahat ng mga ito,
Ikaw naman ang sumagot,
Handa mo bang bigyan ng pag-asa ang bansa na ito?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro