Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 27

---💛---

Dama ni Dulce sa mga sumunod na araw ang lungkot na mawalay muli sa mga anak, kahit na panay ang pagbisita ni Lazaro sa kanya't kahit ibinababad na niya ang sarili sa paghahardin. Nakayanan niya ang pangulila ng dalawang taon, pero ngayong nasa malapit lang siya ay parang hindi siya mapakaling hindi ito makita. Nangangati siyang puntahan ang mga ito. Kaya naman, nang tumuntong ang Sabado, umaga palang ay tumungo na siya sa bahay ni Raphael.

Gumuhit ang mapait na ngiti sa kanya nang makatapak sa harap ng nakasarang gate ng dating bahay nila ni Raphael. Hindi niya mapigilang hindi damdamin ang lungkot nang lumagpas ang tingin doon at mapunta sa dos-andanas na bahay'ng naging tahanan niya ng ilang taon kasama si Raphael at ang mga anak. Saksi ito sa kung paano siya naging asawa't ina, kung paano siya nagmahal at kung paano siya natutong bumitaw sa bagay na hindi para sa kanya.

"Dulce?"

Napukaw siya sa kanyang malalim na pag-iisip at napasinghap nang biglang may magsalita sa kanyang gilid, boses babae.

Mabilis siyang napalingon sa direksyon ni Rosalinda, blangko ang ekspresyon ng mukha.

"Rosalinda, ikaw pala," bati niya at pilit ang sariling ngumiti.

Dumulas ang kanyang tingin sa kabuuan nito. Noon pa man ay simple na ito kung manamit kaya hindi na siya nanibago nang makita itong nakapalda lang at tsinelas. Pero tingin niya, nangangayayat ito ngayon.

"Kumusta ka?" tanong ni Dulce, nangungunot ang noo nang dumako ang tingin sa mga cellophane na bitbit nito sa dalawang kamay. May sumisilip doon na petsay at upo.

"Maayos naman. May lakad kayo ngayon ng mga anak mo?"

"Bibisitahin ko lang sila," ani Dulce, tahimik na pinapalakpakan ang sarili dahil nagawa niya itong kausapin nang maayos, naaasiwa man sa presensiya ng babaeng pinagseselosan niya ng todo noon.

"Ah, ganun ba. Pasok muna tayo," kaswal naman nitong sambit at binuksan ang gate, tila ba nakalimutan nitong siya ang dating asawa ng kinakarelasyon nito ngayon.

Napapataas ang kilay niyang sumunod kay Rosalinda papasok sa bahay ni Raphael. Pagkaapak na pagkaapak niya sa sala, agad siyang nagpaalam sa babae na didiretso siya sa ikalawang palapag upang puntahan ang mga anak.

Subalit agad ding siyang bumaba at hinanap si Rosalinda nang, sa kanyang dismaya, walang kambal na nagpakita sa kanya sa silid ng mga ito.

"Wala ata sila Dill at Dolly dito," diretsahan niyang sabi kay Rosalinda nang makapasok siya sa kusina.

Nahinto ito sa paghuhugas ng itlog at mabilis na lumipad ang tingin sa kanyang dako. Napalingon pa ito sa likuran nito, kung saan naroon ang pinto sa likod-bahay. Sinisiguro yata nito na siya nga ang kinakausap ni Dulce.

"Ah ..." panimula nito, may pagdadalawang-isip pa sa tono ng pananalita. "Baka isinama ni Raphael sa lakad nito ngayon. Hintayin mo nalang siguro, ah, Dulce."

Pumeke ng ubo si Rosalinda at ibinalik na ang atensiyon sa pinagkaabalahan nito kanina bago siya pumasok sa kusina. Napahalukipkip si Dulce sa hamba ng pinto at pinagmasdan ang pinong paggalaw ni Rosalinda sa kusina. Subalit naroon, tila isa lamang siyang multo kung ituring ng huli.

"Kumusta ang mga bata dito?" tanong niya makaraan ang ilang minutong katahimikan. "Hindi ba sila sakit sa ulo?"

Lumingon ito sa kanya ngunit mabilis ring binawi ang tingin. Siguro'y nakakaramdam na rin ito ng pagkaasiwa dahil sa biglaan niyang pagdadaldal.

"Hindi naman," ani Rosalinda habang sinasandok ang niluluto nitong corned beef. "Mababait ang mga anak niyo, Dulce."

Tumango-tango siya at napangiti sa sarili, may namumuong pagmamalaki sa kanyang puso dahil sa narinig. "Buti't hindi masyadong ini-spoil ni Raphael."

Ngumiti lamang si Rosalinda at wala ng idinugtong sa usapan nilang iyon. Ngunit hindi ito nilubayan ni Dulce. Tahimik niya itong sinuri ng tingin habang kung abala ito sa lababo hanggang sa dumako iyon sa pilak na singsing na suot nito sa kanang daliri.

"Kayo ng asawa mo, kumusta?" naibulalas niya, matamang nakatitig sa paghuhugas ni Rosalinda ng kamay.

Hindi nakaligtas sa kanyang tanaw ang biglang paninigas ng katawan ni Rosalinda pati na ang pagtaas-baba ng likod nito. Napakagat-labi si Dulce, inaasam ang maaaring maging sagot ng huli. Pakialamera na kung pakialamera. Gusto niya lang malaman kung hindi ba maaagrabyadu si Raphael sa relasyon ng dalawa. Ayaw naman niyang mawalan agad ng ama ang mga bata.

Tumikhim ito bago siya sinagot nang hindi siya nililingon. "Maayos naman kami."

Sa nakikita niyang pagkaasiwa nito sa paksa ay lalo lamang nag-aalab ang kuryosidad niya. Kaya isa na namang tanong ang namuo sa kanyang isipan na agad ring tumakas sa kanyang bibig.

"Hindi ba nagtataka ang asawa mo kung bakit palagi kang napaparito?"

Ang tanong na iyon ang naabutan ni Raphael. Kakauwi niya lang mula sa paghatid ng kambal sa lolo't lola ng mga ito. Pagpasok niya sa bahay, agad siyang tumungo sa kusina nang mahagip ng kanyang paningin ang maliit na bulto ni Dulce na sumisilip sa pinto roon.

Ngunit nahinto siya sa kanyang hakbang nang mapagtantong may kausap ito. Malamang, si Rosalinda iyon dahil wala namang ibang taong maaaring nasa kusina niya ng ganito kaaga. Napatiim-bagang siya nang muli na namang tapunan ni Dulce ng namemersonal na tanong si Rosalinda.

"Dulce!" aniya sa mahinahon ngunit malalim na boses.

Nanlalaki ang mga mata ni Dulce nang lumingon ito sa likuran, sa kanyang kinaroroonan isang dipa ang layo mula dito. Ngunit agad rin itong nakabawi at umayos ng pagkakatayo, may multo ng ngiti sa labi.

"Raphael..." kaswal nitong bati. "Nagkwentuhan lang kami ni Rosalinda. Asan ang mga bata?"

Napatiim-bagang si Raphael sa klarong pagiging patay-malisya ni Dulce sa ginawa nitong pambabastos sa kanyang kaibigan. Akala siguro nito'y palalagpasin niya ang pangingialam nito sa pribadong buhay ni Rosalinda. Inisang hakbang niya ang pagitan nilang dalawa habang hindi binibitawan ang tingin kay Dulce. Nang huminto siya sa mismong gilid nito ay kunot-noong napatingala si Dulce sa kanya. Matapang din talaga.

Saglit niyang sinulyapan si Rosalinda na ngayon ay palipat-lipat din ang tingin sa kanilang dalawa ni Dulce. Napabuntong-hininga siya at humingi dito ng paumanhin.

"Okay lang, Pael," sagot nito at nagbaba na ng tingin sa piniprito nitong itlog.

Matapos iyong marinig ay muli niyang ibinalik ang buong atensiyon kay Dulce. Dahil sa mas matangkad dito'y kinailangan niya pang yumuko upang masilayan ang mukha nito. Nahuli niya ang babaeng malamlam na nakatingin sa gawi ni Rosalinda. Bumalik lamang ang mga mata nito sa kanyang banda nang siguro'y maramdaman nito ang paninitig niya sa mukha nito.

"Mag-usap muna tayo," aniya sa maanghang na tono bago tinalikuran ang babae't tumungo sa ikalawang palapag.

Napapairap si Dulce habang nakasunod sa bawat mabibigat na hakbang ni Raphael sa unahan. Wala siyang obligasyong sundin ang gusto nito pero heto siya't nasa ikalawang palapag na rin ng bahay at hinihintay na huminto si Raphael sa paglakad.

Napahinto siya sa kanyang hakbang at umawang ang labi nang biglang pumasok si Raphael sa kwarto nilang mag-asawa noon. Akmang magrereklamo siya't itatanong kung anong nakain nito at dito pa talaga siya dinala nang lumingon si Raphael sa kanyang gawi. Sa talim ng tinging ipinukol nito ay napasunod na lamang siya roon. 

Biglang nabuhay ang bawat selula sa katawan ni Dulce nang tuluyang makapasok sa silid. Pilit kumakatok sa kanyang isipan ang mga memoryang akala niya nabaon na sa limot nang dumapo ang tingin niya sa kamang naroon.

"Hindi ka nagpaalam na pupunta dito..." mahinahon ngunit may katigasang sambit ni Raphael na siyang humila kay Dulce pabalik sa reyalidad.

Mabilis na dumapo ang kanyang titig kay Raphael. Naroon ang asawa sa gilid ng bintana, matamang nakamasid sa kanya. Bigla siyang nakaramdam ng panliliit nang mapansin ang tikas ng tindig ng dating asawa. Ngunit hindi siya nagpatalo. Ginaya niya ang paghalukipkip ni Raphael sa kanyang harapan.

"Ang higpit mo naman yata. Hindi ba pwedeng bumisita sa mga bata?" saad niya sa inosenteng tinig, sabay kibit-balikat.

Mataman siya nitong tinitigan. Wari niya'y pinag-iisipan nito ang mga susunod na argumento. Buti nalang talagang nag-iwan siya ng malaking distansya sa pagitan nila at nang hindi siya matunaw nang tuluyan sa paninitig nito.

"Sana sinabihan mo muna ako. O ngayon, naroon ang mga bata kina Papa, edi walang napala ang pagpunta mo dito."

Ah, naisatinig ni Dulce sa kanyang isipan, puno iyon ng sarkasmo. Kaya wala dito ang mga bata't kay-aga silang idineposito ni Raphael sa mga magulang, pati kaya ganito na lang ang disgusto nito nang makita siyang naparito sa bahay ay dahil ayaw nitong madistorbo ang araw na para sa kanilang dalawa lang ni Rosalinda.

Napailing na lamang si Dulce. Wala naman iyon sa kanya, eh.

"Pasensiya na," aniya sa mahinahong tinig at umiwas ng tingin patungo sa mga nagtataasang kahoy na sumisilip sa nakabukas na bintana ng silid. "Nadala lang ako ng pagiging impulsive ko. Wala talaga sa plano ang pagpunta ko dito ngayon. Namiss ko lang bigla ang mga anak ko."

Sumipol ang mga dahon ng mangga ngunit mas dinig ni Dulce ang malalim na buntong-hininga ni Raphael. Sa sobrang lalim niyon, alam niyang sinusubukan talaga nitong tanggapin ang kanyang panig. Agad na lumipad ang tingin niya sa lalaki ngunit nakaiwas na ito bago pa man niya mahuli ang mga mata nito.

"Naiintindihan kita," mahinahong wika ni Raphael. "Ang sa akin lang, hindi ka dapat basta-basta na lang na susulong dito at mambabastos pa ng mga tao dito sa bahay."

Umawang ang labi ni Dulce. Ganoon ba talaga ang tingin ni Raphael sa pang-uusisa niya sa babae nito? Wala naman siyang nasabing masama, hindi niya rin ito inisulto. Mas mabuti nga, hindi ba, na nakikihalubilo siya dito at sibil na nakikipag-usap?

"Anong pambabastos ba ang tinutukoy mo? Iyon bang mga naging tanong ko kay Rosalinda? Bakit, bawal bang makilala ko nang mas malalim ang nobya ng dati kong asawa?" depensa niya sa sarili, kasabay ng bawat salitang lumalabas sa kanyang bibig ay ang pagpitik ng kanyang dugo. "Kung ikinagagalit mong naabutan ko dito si Rosalinda, huwag kang mag-alala, wala na sa akin iyon. Tapos na ako doon."

Natigilan si Raphael, nanlalaki ang mga mata nang muling dumapo sa kanyang pwesto. Pansin niyang lumuwag ang kaninang nakakuyom nitong mga palad.

Bigla yatang gumaan ang atmospera sa loob ng silid na iyon nang muling huminga nang malalim si Raphael at mahinahong nagtanong, "Saan mo naman nakuha ang ideyang kami na ulit ni Rosalinda?"

"Mali ba ako?" walang emosyong sambit niya at naupo sa gilid ng kama. "Akala ko nga wala na sila ng asawa niya, kaya noong nakita kong may suot pa siyang wedding ring, napatanong ako."

Hindi sumagot si Raphael ngunit hindi rin siya nito nilubayan ng tingin. Tila tinatantiya nito kung hanggang saan aabot ang tabas ng kanyang dila. Kahit na nangangawit na ang kanyang leeg sa kakatingala sa mukha nito ay hindi siya nagbaba ng tingin.

Nanigas ang mga paa ni Dulce nang biglang lumapit sa kanya si Raphael, isang dangkal lamang ang tinirang distansya sa kanilang pagitan. "Linawin mo nga, nagseselos ka pa rin ba hanggang ngayon?"

Napasinghap si Dulce at mabilis pa sa alas-kwartong tumayo. Inakala niyang kahit papaano, magbibigay ng awtoridad ang kanyang tindig, pero wala talaga itong epekto sa laki ng bulto ni Raphael. Ganunpaman, sinikap niyang ipakitang hindi siya apektado sa bintang nito o ano man.

"Saan galing iyan?" Pumeke siya ng tawa. "Dalawang taon na tayong hindi nagsasama, tingin mo hindi pa kita nakalimutan sa mga panahong iyon? Kung ang usapang ito ay papunta lang naman sa wala, pwede na siguro akong umalis, ano?"

Akmang hahakbang siya palayo sa lalaki nang hulihin nito ang kanyang braso. Nang magdikit ang kanilang balat ay tila nakaramdam siya bigla ng pagkahilo.

"Huwag mo akong talikuran," matigas nitong sambit at sa distansya nila ngayon, naaamoy niya sa bawat bigkas ang mentol nitong hininga.

Iwinaksi niya ang kamay nitong nakahawak sa kanyang braso at bahagya iyong minasahe.

"Wala na tayong dapat pag-usapan pa. Naiintindihan ko kung anong gusto mong iparating. Ayaw mong mangealam ako sa mga taong parte ng buhay mo, sige." Huminga siya nang malalim at mariing pumikit bago dinugtungan ang mga nasabi, "Hindi kita pipigilan kahit ibahay mo pa ang asawa ng may asawa."

Kitang-kita ni Dulce ang paggalaw ng panga ni Raphael, senyales ng pagpipigil nito ng galit. Pero imbes na matakot, tinapangan niyang lalo ang tingin. Ilang segundo silang nagkatitigan bago binasag ni Raphael ang tensyong namagitan sa kanila.

"Wala akong dapat ipaliwanag sa'yo," pabulong nitong sabi na sa sobrang hina ay parang nagmomonologo lamang ito sa harap ng salamin. "Pero dahil gusto kong klaruhin iyang pambibintang mo, walang namamagitan sa amin ni Rosalinda. May sakit ang asawa niya at lumapit siya sa akin upang humingi ng tulong pinansyal. Ang pagtulong dito sa bahay ang hiningi kong bayad sa kanya. Iyon lang iyon."

Namumula ang tenga ni Raphael matapos ang mahaba nitong litanya habang si Dulce ay tila natuyuan ng laway at hindi maapuhap ang dapat na maging reaksiyon sa nalaman. Parang bigla siyang nahiya sa mga pinagsasabi kanina.

"Kung hindi ka pa naniniwala, ang babaw na ng tingin mo sa akin," makahulugang dugtong ni Raphael nang siguro'y mapansin nito ang kanyang pagkatameme.

Hindi pa man siya nakakahuma ay tinalikuran na siya nito't lumabas na ng silid. Mariing napapikit ng mga mata si Dulce nang padabog na sinara ni Raphael ang pinto. Nag-iwan ito ng lindol sa apat na sulok ng silid at ang malakas na tambol sa puso ni Dulce. Napahawak siya sa kanyang puso't wala sa sariling naghanap ng maaaring magpakalma sa kanya.

Subalit hindi nahagip ng kanyang nanlalabong paningin ang pamilyar na litrato sa ibabaw ng lamesa sa gilid ng kama nito. Nakaladlad doon ang imahe ng isang pares ng bagong kasal: si Dulce na kaylapad ng ngiti at sa tabi, si Raphael na may tipid na ngiti sa labi.

---💛---

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro