Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 8

"ABA'Y AKALA ko ba at simple lang ang bahay na ipapahiram sa atin ni Nick, anak? Napakaganda nito! Nakakahiya, anak. Bumalik na lang tayo sa dati nating inuupahan. Baka isipin niyang may kapalit ang lahat ng ito sa 'yo."

Nakaramdam ng panginginig ng kamay si Bibi. Natapos na ang operasyon ng kanyang ama. At habang nagpapahinga ito noong nakaraang linggo sa ospital ay nagpatingin naman sila ni Nick sa doktor. Kompleto ang mga tests na ginawa sa kanya. Kanina nakuha ang resulta ng mga iyon. Wala silang problema. Maaari silang magkaanak.

Eksaktong kailangan nang ilabas ang kanyang ama sa ospital at doon sila dinala ni Nick sa bahay na iyon, isang oras lang ang layo mula sa Territorio de los Hombres. Ang sabi ni Nick, kung magugustuhan niya roon ay iyon ay ipapalipat na nito sa pangalan niya ang titulo. Kung hindi naman daw ay saka sila maghahanap ng ibang bahay na maaari nitong ibigay sa kanya.

At heto siya, nagsisinungaling sa sarili niyang ama. Ngunit sa isang banda ay may gaan ang kalooban niya para rito. Ang maisip pa lang na babalik ito sa masikip, mainit, at maingay na upahan nila sa Malabon, kung saan isang mahinang ulan lang ay bumabaha na sa loob ng bahay, ay para na siyang nabubunutan ng tinik sa kaalamang malayo na sila roon.

"Hindi, 'Tay. Mabait pong tao si Nick."

"Nakikita ko nga. Ang sabi mo ay biyudo, ano?"

"Opo."

"Nakakatipo ba sa 'yo, anak?"

"Pakiramdam ko po." Dapat nitong maisip na may gusto siyang talaga kay Nick at patay na patay naman ang lalaki sa kanya. Sa gayon ay hindi ito magdududa kapag nabuntis na siya. Madali nang ipaliwanag sa matanda na ayaw niyang magpakasal sa lalaki kuno.

"Natitipuhan mo naman ba?"

"Opo. Mabait po siya. Wala akong masabi." Sa isang banda ay totoo iyon. Perpektong lalaki si Nick, lamang ay ayaw nito ng asawa. Anak lang.

Ngumiti ang matanda. "Mukhang nakasuwerte ka rin naman sa nagkakagusto sa 'yo. Ang kaso, baka isipin na may kapalit lahat ng pagtulong niya."

"'Tay, talaga pong may kapalit, kung tutuusin. Dahil magtatrabaho ako sa kanya. Malaking bagay nga pong sa kanya ako lumapit dahil nakilala ako ng asawa niya kaya may tiwala siya sa akin, sa kabila ng lahat ng kaso ko." Iyon ang sinabi niya rito.

Hindi nito alam kung gaano kalaki ang binayaran niya sa ospital. Sinabi niya ritong may kakilalang doktor at politiko si Nick kaya malaki ang nakuha nilang diskuwento at nakakuha pa siya ng sponsorship mula sa politiko, kahit sa de-kalibeng ospital isinagawa ang laparoscopic surgery nito. Sinabi niyang inabot lang sila ng treinta mil dahil sa diskuwento. Naniwala ang matanda, marahil dahil na rin nakita nito kung gaano ka-big time si Nick. Ang paliwanag niya naman tungkol sa bahay ay pinahiram iyon ni Nick sa kanilang mag-ama dahil wala itong katiwala roon.

"Aba'y nakakahiya namang talaga kung wala man lang maibabayad doon sa tao," tumatangong wika nito. "Sabihing mayaman siya, ang treinta mil ay treinta mil, anak. Hindi por que mahirap tayo, wala na tayong dignidad para mabayaran siya. Tama rin naman iyon. At sa totoo lang, gusto ko ang magiging trabaho mo. Mapapalapit ka pa sa mga taong matataas at magkakaroon ng koneksiyon. Ano nga uling tawag doon sa posisyon mo?"

Taga-gawa ng bata, 'Tay. "Personal assistant, 'Tay."

"Hindi 'yon, iyong isang maganda sa pandinig. Sabihin mo nga ulit sa akin."

"Personal Assistant to the Chief Excecutive Officer, 'Tay." Bigla siyang napahagikgik. Ang totoo, madulas pa rin sa dila niya iyon. Nagtanong lang siya kay Nick ng posisyong kapani-paniwala na maganda sa pandinig, kahit ang totoo ay hindi mataas ang puwesto.

Napapalatak ang kanyang ama. "Talaga naman." Tumawa ito. "Sabihin pang alalay ang trabaho mo, anak, aba, hindi naman alalay ng basta kung sino lang kaya malaki ang suweldo, ano? At karapat-dapat ka naman talagang mabigyan ng pangalawang pagkakataon. Salamat na rin nga sa nasirang asawa ni Nick—sumalangit nawa."

Nakonsensiya na naman siya ngunit napilitan na lang na tumango. "'Tay, baka sa susunod na buwan, kung sakaling palarin tayo, may makukuha siguro akong puwesto sa palengke na puwede ninyong paupahan o puwestuhan."

"Aba'y saan ka kukuha ng pera?"

"Ang mga nagtatrabaho po kasi kay Nick, puwedeng mag-loan. Pero sa isang buwan pa yata ako puwede, 'Tay, kasi kapapasok ko pa lang." Gusto niyang iumpog ang ulo niya sa pagsisinungaling sa matanda.

"Nakakahiya, anak. Hindi ka pa nga nakakabayad, mangungutang ka na naman," tutol nito.

"Dapat nga po, bayaran pa tayo ni Nick. Totoo lang naman, 'Tay. Wala na siyang babayarang katiwala dito, kayo na lang nina Popong at Karding," tukoy niya sa dalawang pinsang kinuha mula sa Bicol. "Maliking tipid 'yon sa kanya. Wala siyang babayarang kuryente, tubig, at pagkain buwan-buwan. Magkano rin ang matitipid niya, 'di ba? Pitong libo isang buwan? Aba, 'Tay, malaking bagay 'yon."

Mukhang nauwi ito sa pag-iisip ngunit umiling pa rin. "Nakakahiya pa rin, anak. Pero ikaw ang bahala."

Masaya siyang kahit paano ay nailatag na niya ang mga plano niya rito. Hindi puwedeng biglain ang pagbibigay ng pera dito, isa iyong maliit na sakripisyo kumpara sa magandang nangyayari sa buhay nila. Pero lahat ng iyon ay may kapalit. Hindi pa tumitimo masyado sa isip niya dahil sa pag-aasikaso sa kanyang ama ay inisang-tabi niya ang lahat ng mga isipin. Saka na muna iyon, kapag tiyak na niyang maayos ang lagay ng matanda.

Noon pumasok si Nick sa bahay. Kausap nito kanina sina Popoy at Karding sa labas. Bilib siyang talaga sa pakisama ng lalaki. At hayun ito, parang sinisikil ang daloy ng hangin sa mga baga niya dahil lang nakatayo ito roon nang may ngiti sa labi at mababait na mga mata. At ito ang magiging ama ng kanyang anak.

Nang walang kasal.

Lihim na lang siyang napabuntong-hininga. Pilit na lang niyang inisip na mas makabubuti pa nga ang lahat ng iyon, kung tutuusin. Saan siya hahanap ng mayamang asawa na makakapagbigay sa kanilang anak ng mabuting kinabukasan? Baka matulad din lang sa buhay niya ang buhay ng bata. Ayaw niya ng ganoon. Ayaw na niya ng buhay na isang kahig, isang tuka.

"Kumusta po ang pakiramdam ninyo, 'Tay?" anang lalaki, nagtungo sa kanyang amang nakaupo sa sofa.

"Ay, mabuti naman. Kahit itong hiwa ko, eh, halos wala nang sakit. Magaling ang doktor, Nick. Maraming salamat sa 'yo."

"Pinapunta ko po ang isa kong driver dito. Kung may kailangan kayo, puwede n'yo siyang utusan."

"Naku, naku, nakakahiya naman, Nick. Anak, sabihin ko sa kanyang madiskarte ang mga pinsan mo. Hindi na kailangan ng driver, Nick, at sobra-sobra na iyon."

"Wala pong problema, 'Tay."

Mukhang nahihiya pa rin ang kanyang ama. Binalingan siya ni Nick, tinanong kung handa na siyang umalis. Tumango siya, hinagkan ang noo ng kanyang ama. "'Tay, kung may problema, basta't tawagan lang ninyo ako. Puno ng load ang mga cellphone, 'Tay. Nakapagbilin na rin ako kina Popoy."

"Naku, 'wag kang mag-alala sa akin at alam mong maayos na ang lagay ko. Masyado na akong nakakaabala sa inyong dalawa. Sige na at kayang-kaya ko na."

Nakangiti at masaya siyang umalis. Sa sasakyan ay hinawakan ni Nick ang kanyang kamay at hinagkan iyon. Anong bilis ng tibok ng puso niya. Sa palagay niya ay hindi nito dapat gawin ang mga ganoong bagay dahil parang mahuhulog nang husto ang loob niya rito kapag ganoon ito.

Dapat niyang tandaan na mayroon silang boundary, may malaki at mataas na harang na dapat nakatayo sa pagitan nila. Malinaw nitong sinabi iyon. Baka mahalin niya ito... Pero kung sakaling mahalin din siya nito, natural din sigurong mabago ang mga desisyon nito tungkol sa pagpapamilya, pagpapakasal.

"Ayos ka lang?" tanong nito.

Tumango siya. "Para akong nakahinga. Mabilis ang paggaling ng Tatay, nakita mo naman. Sabi ko sa kanya, makakapag-loan ako sa 'yo sa susunod na buwan para makakuha siya ng puwesto sa palengke."

Malaking pera ang ibinigay sa kanya ni Nick. At madadagdagan pa iyon kapag nakapanganak na siya. At sa pag-andar ng panahon, sustentado siya nito. Kung tutuusin, hindi na niya kailangang magtayo ng negosyo. Gayunman ay wala siyang balak umasa habang-panahon sa lalaki. Mayroon siyang hiya sa sarili niya. Ngunit sa totoo lang, kapag iniisip niya ang hinahanarap ay nahihirapan siyang makita ang sariling nag-iisa at nakabukod ang buhay kay Nick.

Lihim siyang napabuntong-hininga. Hindi binitiwan ng lalaki ang kamay niya at gusto niya ang ganoong pakiramdam, na para bang mayroon siyang kaagapay, kasama. Hindi niya maiwasang lingunin ang lalaki. Tahimik itong nakatanaw sa daraanan nila. Gusto niyang sumandig sa balikat nito. Magiging kakatwa ba iyon?

Napaka-weird ng magiging samahan nila. Sa isang banda, wala na itong balak na mag-asawa at handa naman itong gawin siyang tunay na ina ng bata at huwag alisin ang karapatan niya. Ngunit sa kabilang banda, hanggang ina lang siya. Pero heto, magka-holding hands naman sila at pahalik-halik pa ito sa kamay niya. Habang siya ay naitatanong sa sarili niya kung walang magiging problema sakaling humilig siya sa balikat nito.

Nang makarating sila sa Territorio de los Hombres ay inalalayan siya nitong makababa sa sasakyan. Ang totoo, hindi siya sanay sa mga maginoo at bigla siyang napangiti.

"You're smiling," anito.

"Eh, paano, sanay akong makipagsikuhan sa jeep sa mga maskulado. Naninibago lang ako pero in fairness, nakakatuwa rin palang makitang may maginoo pa sa mundo."

Tumawa ito. "You're crazy."

Malamang. Kaya nga ako nandito dahil baliw ako. Tumuloy na sila sa loob ng bahay. Nakahilera sa sala ang tatlong kawaksi, lahat ay tila naghihintay ng utos.

"Cita, Fely, Bebang, ito si Bibi. Dito na siya titira mula ngayon. Bibi, come, I will show you to your room."

Bago siya sumunod pumanhik sa lalaki ay hindi nakaligtas sa kanya ang pagtitinginan ng tatlong kawaksi. Nais niyang humalakhak na parang isang kontrabida ngunit nagtimpi siya. Sa mga susunod na araw, kapag naging konsumisyon sa kanya ang tatlong babae ay talagang makakatikim ang mga ito sa kanya.

Malaki ang bahay at sa ikalawang palapag ay mayroong mga silid sa kaliwa ng hagdan at sa kanan. Sinabi ni Nick na nasa kanang bahagi ang silid nito. Ang magiging silid niya ay nasa kaliwa. Ikatlong silid mula sa hagdan. Binuksan na nito ang pinto at halos mapanganga siya sa laki niyon. Wala pa yata sa kalahati ang laki ng dati nilang inuupahan bahay.

"Nick, puwede na ako kahit sa mas maliit na kuwarto lang," agad niyang tanggi.

"Magkakapareho ang laki ng mga kuwarto dito. Ang sa akin lang ang mas malaki ng kaunti. I hope you like this place. We'll be spending some time together here."

Naunawaan niya ang ibig nitong sabihin at biglang nag-init ang kanyang mukha. Wala pa siyang karanasan at alam nito iyon base sa sinabi ng doktora na nakausap nila.

"K-kailan tayo magsisimula?" kabadong tanong niya. Ayaw sana niyang maging ganito kakaswal ang pag-uusap nila tungkol sa bagay na iyon ngunit nais niyang maging handa.

"Don't think about it. It will come naturally. I want it to come naturally. Relax."

Napalunok siya, tumango. Hindi niya tiyak kung paanong mangyayaring "naturally" ang lahat ng iyon gayong walang "natural" sa sitwasyon nila. Gayonman ay nakahinga siya nang maluwat na hindi pa iyon magaganap sa gabing iyon. Pagod siya, alam niyang pagod din ang lalaki sa pagsama sa kanya.

"Ipapataas ko na ang mga gamit mo. You rest. Ipapatawag kita kapag hapunan na."

Muli ay tumango lang siya sa sinabi nito. Tumalikod na ito, marahan siyang pumasok sa silid, bigla ay kabado. May paghahanda rin siyang gagawin sa lahat ng mangyayari. Nais niyang huwag na siyang mabigla sa mismong gagawin nila kaya naman plano niyang magsaliksik sa internet.

Nang bumukas ang pinto ay iniluwa niyon ang tatlong kawaksi. Dalawa ang may bitbit ng mga bag niya, ang iniisip niyang pinuno ng grupo na si Cita ay may dalang nakatuping damit.

"Sa susunod, kumatok muna kayo," mahinahong wika niya.

"Walang katok-katok dito ang mga atsay," singhal ng babaeng maitim, si Bebang.

"Excuse me lang—"

Hindi siya pinatapos ni Fely. "Suwerte mo! Pasalamat ka't wala nang bakanteng maid's room kaya dito ka pinatuloy. Pero hindi puwede rito ang tatamad-tamad."

"At sino ang nagsabi sa inyong maid ang—"

"Heto," agad ni Cita, initsa sa kama ang damit na hawak nito. "Limang pares 'yan at bago lahat. May color coding kami ng apron dito. Kapag Lunes, Miyerkules, Biyernes, dapat kulay-asul. Kapag Marte at Huwebes, kulay-pink. Sabado at Linggo, kulay dilaw. Ikaw ang maglalaba ng sarili mong damit. May washing machine doon sa ibaba. Alas-singko ang gising ng nakatoka sa almusal. Rotation kami. Laba-linis-plantsa. Ang siyang naglinis, siya ring magluluto. Pero dahil dumagdag ka na, at dahil bago ka lang, ikaw ang magiging plantsadora."

"Ako ba talagang ginagalit ninyong tatlo?" aniya, namaywang na habang nakatayo. "Unang-una, kung maid ako dito, hindi ako magpapalugi para tanggapin kong maging plantsadora dahil pare-pareho naman tayo dito. Ang kaso—at mamatay kayo sa inggit—hindi ako maid. Sorry. Bisita ako rito."

Mukhang hindi na nabigla ang tatlo, bagaman halatang hindi patatalo. Humirit ang leader, "At bakit ka naman gagawing bisita rito, aber? Ano'ng meron ka na wala ang iba?"

"Hindi ko alam. Bakit hindi si Nick ang tanungin ninyo?"

"Nick-Nick," gagad nito. "Sir Nick ang tawag sa kanya."

"Ninyo. Pero special ako so sorry na lang. At kapag nagpatuloy kayo sa pagsasalita nang ganyan sa akin, may hinala akong may tatlong pangit na mawawalan ng trabaho."

Nakuha niya ang inaasahan niyang epekto. Tumahimik ang tatlo at walang-imik na lumabas. Napangiti siya, saka nahiga sa malambot na kutson. Bagong buhay para sa kanya, nandoon na siya at wala nang atrasan pa. Umaasa na lang siyang magiging maayos ang dahilan. Walang dahilan para hindi maging maayos ang lahat.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro