Chapter 39
"AY, MA'AM, may tsismis ako sa 'yo."
Napangiti si Bibi sa sinabi ni Bebang. Ito na ang mayor ngayon sa bahay ni Nick dahil ito ang senior na kawaksi. At mula nang maikasal sila ni Nick sa isang simpleng seremonya ay lalo na niyang nakasundo si Bebang. Sabay nga sila nitong tinuturan ng tutor na kinuha ni Nick dahil sa kanyang kahilingan. Personality development. Pansamantala lang iyon habang buntis siya. Ikatlong buwan na ng dinadala niya at wala na siyang mahihiling pa sa buhay niya.
"Ano 'yon, Bebs?"
"Nakita ko ba naman si Cita kanina sa bayan, Ma'am! At hulaan ninyo kung ano ang ginagawa ng bruha doon?"
"Ano?"
"Nagpapapintura ng building niya!"
"Talaga? Eh, di maganda!"
"Naku, ang yabang nga, Ma'am! Sukat inirapan ako! Bigla ko tuloy pinadalhan ng text si Fely. Sabi ni Fely, nakapang-asawa ng itim si Cita, nakadenggoy sa internet, Ma'am. Pero sabi ni Fely, salbahe daw iyong napang-asawa kasi nambubugbog. Pero sabi daw ni Cita, iiwan din niya 'yon, kukunin lang niya 'yong mga papeles ng building. Mautak nga talaga 'yong si Cita."
"Aba'y kung binubugbog naman siya, dapat lang na may mapala siya. Hindi naman din tama iyon. Bakit pa ba siya naghihintay na mabugbog?"
"Alam n'yo namang iwarang ang katwiran sa buhay ng isang 'yon."
"At si Fely, kumusta na?"
"'Ayun, nagtitinda pa rin ng puto, Ma'am. Mabait na siya ngayon. Nagsisisi nga daw po talaga siya sa ginawa niya sa inyo. Pero mukhang maganda naman ang business niya. May maliit na puwesto nga siya sa palengke, Ma'am. May nangliligaw daw sa kanyang delivery boy ng bigas."
"Maganda, kung ganoon. At kayo ni Badong?"
"Eh, Ma'am, sa totoo lang, niyayaya na niya akong magpakasal. Umoo naman ako. Next week, Ma'am. Kukunin ko nga kayo ni Sir Nick na ninong at ninang, kung okay lang sa inyo."
"Walang problema sa akin. Sige, sasabihin ko kay Nick."
Tuwang-tuwa itong nagpasalamat. Noon niya narinig ang pagdating ng sasakyan ng asawa. Agad niya itong sinalubong. Niyakap siya nito, saka hinaplos ang kanyang tiyan.
"How's mommy and baby?"
"Mabuti kami. At ang daddy?"
"Perfect." Hinagkan nito ang mga labi niya. "My life will always be perfect, honey. Thanks to you."
Hinagkan niya ang mga labi nito. Mabait ang Diyos. Heto na ang perpektong pamilyang hindi niya hiniling ngunit ibinigay. At tama si Nick, perpekto ang buhay.
Wakas
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro