Chapter 37
"Anak, may bisita ka."
Ayaw pang bumangon ni Bibi sa kama. Napuyat siya kaiisip kay Nick. Salamat at day-off niya sa araw na iyon. "'Tay, puwede po bang pabalikin na lang ninyo mamaya? Inaantok pa ako."
"Aba'y bumangon ka na at alas-otso na."
"Alas-otso? Maniningil po ba 'yan? Bakit ang aga? Sino po ba?"
"Aba'y labasin mo nang makita mo."
Iniwan na siya ng matanda. Hindi na siya umimik, mukhang hindi maganda ang timpla ng matanda. Bumangon na siya at agad na lumabas, hindi na nag-abalang magsepilyo o maghilamos dahil buo ang loob niyang bumalik sa kama kapag nakausap at naidispatsa na ang kung sinong poncio pilato sa sala. Ngunit hindi niya nagawang makakilos nang magtama ang mga mata nila ni Nick.
Napaatras siya pabalik sa silid niya. Nakadaster lang siya! Hindi pa bago, kundi iyong lumang-luma na sa nipis ay masarap at malamig ipangtulog! Agad siyang nagpalit ng damit. Parang napahiya siya. Kahit kailan ay hindi pa siya nakita ng lalaki na naka-daster. Siyempre, nag-iipon siya ng ganda points noon. Ano bang malay niyang mauubos ang ganda points niya sa isang umaga lang?
Hmp. Eh, ano naman kung makita ka niyang naka-daster? Mas maganda pa ngang 'wag ka nang magpalit. Para saan pa?
Ngunit hindi kinaya ng lakas-loob niya ang huwag magpalit ng damit. Nagtungo siya sa banyo para maghilamos at sepilyo, saka niya hinarap ang lalaki. Naupo siya sa tapat nito. May dala itong bulaklak. Nais niya itong itaboy na agad kung hindi lang tiyak niyang labis na magtataka ang kanyang ama at malamang na mag-usisa pa ang matanda.
"Good morning," bati sa kanya ng lalaki.
"May kailangan ka?" alinlangan niyang tanong. Nagbabasa ng diyaryo ang kanyang ama sa isang upuan. Alam niyang kaya ito naroon ay nais nitong marinig ang usapan nila ni Nick.
"Kumain ka na ba, Nick?" ang matanda.
"Hindi pa nga po, 'Tay."
"Sumabay ka na sa amin nitong si Bibi. Hindi pa rin nag-aalmusal ito. Nakaluto na si Karding kanina pa. Kumakain ka ba ng tuyo?"
Nais niyang tutulan ang imbitasyon ng kanyang ama ngunit lalabas naman na bastos siya. Sumabay na nga siya sa dalawa. Pritong itlog, tuyo, kamatis, kape. Iyon ang almusal nila. Mukha namang ganado si Nick. Hindi pa niya nakita ang hapag nitong iyon lang ang nakahain sa loob ng ilang buwan niyang pagtira sa bahay nito.
Inaasikaso siya ni Nick na para bang walang nangyari sa pagitan nila. Nilalagyan nito ng sinangag ang pinggan niya, ikinukuha siya ng ulam at kamatis. Nais na niya itong sitahin, kasabay ng pagtataka niya. Ano na naman ang nakain nito at nagkakaganoon ito? Ano na naman ang gusto nito sa kanya? Wala ba itong ibang makuhang baby maker?
Halos hindi siya nakakain. Nang matapos sila ay niyaya niya si Nick sa maglakad-lakad sa likurang bahagi ng lupang inuupahan nila Sa dako pa roon ay mayroong mga tuyong pilapil. Nang sa tantiya niya ay hindi na sila maririnig ng kanyang ama sa bahay ay agad niyang sinita ang lalaki.
"Ano ba'ng ginagawa mo?"
"I'm sorry." Inabot nito ang kamay niya. Dahil hindi niya inaasahan ang pagso-sorry nito ay nabigla siya. Napatitig siya sa mukha nito. Mukhang sinsero ito, walang bahid ng sarkasmo ang sinabi. "Patawarin mo ako, Bibi. Nagkamali ako. Pagpasensiyahan mo na sana ang lahat ng mga nasabi ko sa 'yo. I'm sorry I told you to leave. I'm sorry."
"N-Nick—"
"Nagkamali ako, Bibi. And now, I want you back. If you'll have me."
"Dahil wala kang makuhang ibang magbibigay sa 'yo ng gusto mo? Nick, hindi ko kayang ipangako kung kailan ako magbubuntis."
"You can forget about that. Magpapakasal muna tayo bago tayo mag-aanak. Iyon ang tama, iyon ang dapat nating gawin."
Halos mapanganga siya rito. Sadyang hindi niya iyon inaasaha mula rito. Nalito siya. Isang bahagi ng isip niya ang nagsasabi sa kanyang huwag muna siyang pakakakasiguro sa sinasabi nito, kahit ihinihiyaw na ng puso niyang yakapin ang lalaki, sabihin ditong walang problema sa kanya. Nais niyang isigaw na mahal niya ito. Ngunit nabibigla siya sa takbo ng pangyayari.
"A-ano ba ang nangyayari sa 'yo? Pinaalis mo ako, tapos ngayon gusto mong magpakasal tayo?"
"You're right, of course. You're right. Don't worry though, I thought it over and I will go through the process. Liligawan kita. Ngayon ang unang araw ko. Sana sagutin mo ako, Bibi."
"Para kang sira. Ano ba ang nakain mo?"
"Basta't liligawan kita. Hindi naman yata bawal."
Napabuntong-hininga na lang siya. Aminado siya, nais niya itong bigyan ng isa pang pagkakataon. Nais niyang bigyan din ang sarili niya ng isa pang pagkakataon. At oo, kung liligawan siya nito, ikasisiya iyon ng puso niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro