Chapter 36
NANG TUMALIKOD si Nick ay animo may referee na pumito at sabay na nag-dive patungo sa semento sina Cita at Fely upang mag-unahan sa papel ng gayuma. Nanatili lang sa kinatatayuan niya si Bebang. Si Cita ang nagtagumpay at ipinagdikit nito ang mga papel. Nakisiksik si Fely sa tabi nito, tutok din sa pagbabasa.
"Pesteng yawa!" singhal ni Cita, kinuyumos ang papel saka ibinato sa kanya.
"O, bakit sa akin ka nagagalit? Ano ba ang nakasulat?" aniya, nagtataka na rin. Kinuha niya ang papel, pinagdikit, at binasa:
Pakuluan ang lamang-loob ng kalabaw sa tubig at asin. Itapon ang unang kulo. Pakuluan ulit hanggang lumambot. Kapag lumambot na, hiwain nang pantay-pantay ayon sa sukat na nais. Sa isang kawali ay igisa ang sibuyas, luya at bawang. Ihalo ang nagayat na lamang-loob ng kalabaw. Pabayaang kumulo. Ihalo ang kamias, patis, at sukang Ilocos. Pakuluan nang pakuluan hanggang maluto ang asim. Idagdag ang kaunting katas ng apdo.
Iyan, anak, ang gayuma ng pag-ibig na pinakaiingatan ko. Ang paborito ng tatay mo, papaitang kalabaw. Itabi mo ang papel na ito, ipamana mo sa anak mo. Hinay-hinay lang ang kain at baka ka ma-highblood.
Nagmamahal,
Inay
Ang lakas ng tawa niya. Napunit ang papel sa paraang mahirap mahulaan na simpleng recipe lang iyon, lalo na at nahati ang salitang "papaitan" sa dalawa—papa at itan. Inilabas niya ang dila sa dalawang babae. "Ano kayo ngayon? Nagpapakamatay kayo dito? Papaitan lang ito, mga engot!"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro