Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 31

Like my Facebook page: facebook.com/vanessachubby

SA LOOB ng dalawang linggo ay walang narinig si Bibi mula kay Nick kundi, "We'll talk when I get back. Everything's fine here." Iyon lang. Kahit paano, nabawasan ang mga alalahanin niya. Mukhang sasabihin na nito ang problema sa kanya sa pagbabalik nito. Sa araw na iyon ang balik nito. Alas-dos daw ng hapon ay nasa Territorio na ito.

Para siyang sisintensiyahan sa kaba niya. Bukod sa nasasabik siyang makausap ito ay nais din niyang malaman kung ano ang bumabagabag dito.

Pagpasok nito sa pinto ay nagtama ang kanilang mga mata. Ngumiti siya rito, kahit blangko ang mukha nito. Nailang tuloy siyang humalik sa pisngi nito, tulad ng gawi niya. Wala itong imik, hindi niya matantiya kung ano ang tamang sabihin. Ayaw niya ng ganito, parang hindi niya ito kilala. Hindi siya sanay at marahil hindi kailanman masasanay.

"Nick, kumain ka na ba?"

"Do you want to eat first or do you want to talk?"

"I-ikaw." Parang napakaseryoso ng pag-uusapan nila na binaha na siya ng kaba. Bakit parang sikreto ng Malacañan ang pag-uusapan nila? "A-ano ba ang sa tingin mo magandang gawin?"

"Cita, magdala ka ng pagkain sa library," utos nito sa kawaksing bitbit ang maleta nito. Binalingan siya ng lalaki. "Meet me there in a few minutes."

Wala siyang nagawa kundi ang tumango. Masyadong pormal ang lahat, nakakapanibago. Pumanhik na rin siya at sa slid-aklatan ay tahimik at tulirong naghintay. Makalipas ang ilang minuto ay dumating na ang lalaki. Pumuwesto ito sa likod ng malaking mesa. Hndi niya maiwasang maalala ang dating eksena sa mismong silid na iyon. Ang kaibahan lang ay mas matindi ngayon ang tensiyon at damang-dama niya iyon.

"Nick, kinakabahan ako sa 'yo." Sinubukan niyang ngumiti, ngunit nanatiling pormal ang mukha nito.

Sumandal ito sa silya. "Are you pregnant?"

Nabigla siya sa tanong. "Hindi. Sinabi ko na sa 'yo noong huli na hindi ako buntis, hindi ba? W-wala pa namang nangyayari ulit sa atin mula noon."

"So we're clear that you are not pregnant. And the main purpose why you're here is because I wanted a child. Hindi mo ako binibigyan ng anak. Ilang buwan na rin tayong magkasama rito."

Halos mapanganga siya. Iyon ang sanhi ng panlalamig nito? Na hindi pa siya buntis? Hindi ba at malinaw naman ang usapan nila noon na walang kaso kahit hindi siya agad mabuntis? Isa pa, hindi niya iyon pinlano. Ano bang malay niyang hindi siya agad magbubuntis?

"Kaya ka nagagalit sa akin?" tanong niya, bahagyang nag-init ang ulo.

"Hindi ako galit sa 'yo."

"Pero nag-iba ka na. Kaya ba? Dahil hindi pa rin ako buntis? Ginagawa ko naman ang lahat, eh. Umiinom ako ng gatas, ng vitamins. Pero wala, eh. Isa pa, ilang buwan pa lang naman tayong magkasama dito."

"The point is, I need a woman who can bear me a child immediately."

"Bakit, may lakad ka ba at nagmamadali ka?" sarkastikong wika niya. Hindi niya kayang pigilan ang pagsiklab ng galit niya.

"Don't talk to me that way."

"Dahil ikaw ang nagpapasuweldo sa akin?"

"'Wag nating pag-usapan ang ganyang bagay."

"At bakit hindi? Bakit hindi ako puwedeng magpakita ng inis sa 'yo sa tono ng pananalita ko? Dahil iniisip mong ikaw ang nagbibigay sa akin ng suweldo."

"Gusto mong pag-usapan? Sige. Oo, ako. At may usapan tayo. Hindi ako natutuwa sa paraan ng pagsasalita mo sa akin."

"At ako, natutuwa ba ako sa pananalita mo?!" Napatayo na siya sa ngitngit.

"Sit down, Bibi."

"Hindi! Baka isumbat mo pa sa akin ang pag-upo sa malambot na kutson ng silya mo!" singhal niya. Gusto na niyang ipagbabato sa pader ang mga gamit sa ibabaw ng mesa nito. Gusto niyang umiyak ngunit dinadaig siya ng galit.

"You're being ridiculous. Sit down."

Naupo siya, humalukipkip matapos ipatong ang kaliwang binti sa kanan. "Ilang araw kong iniisip kung bakit nanglalamig ka sa akin, iyan pala ang dahilan. Paano ngayon 'yan, wala pa ring laman ang sinapupunan ko?"

"Iyon ang gusto kong pag-usapan natin. I have decided to hire someone else."

Parang tinadyakan ang dibdib niya. Napatingin siya rito, naghahanap ng kahit na maliit na indikasyon na nagbibiro lang ito, bagaman marahil iyon na ang pinakamasamang birong narinig niya sa tanang buhay niya. "Sabihin mo sa aking nagbibiro ka lang, Nick."

"Hindi ako nagbibiro," seryosong wika nito. "Pinag-isipan ko ito nang matagal. I need a new girl, someone who can give me a child."

Nais niyang sabihin ditong kaya niya itong bigyan ng anak kung maghihintay lang sila, ngunit hindi nakuhang pumiyak ng pride niya para ilugmok ang sarili sa kahihiyan. Hindi siya magmamakaawa sa lalaking ito. Hindi siya makikiusap. Hindi niya kaya. Matinding pangliliit ang ginawa nito sa kanya. Hire someone else? Tumanggap ng ibang empleyado para maging ina ng anak nito? Ang sakit. Parang sampal. Marahil hindi siya dapat masaktan dahil iyon ang usapan nila mula pa noon ngunit masakit pa rin. Dahil hindi niya inaasahan. Dahil inisip niyang lagpas na sila roon. Dahil inakala niyang minahal na rin siya nito, tulad ng pagmamahal niya rito.

Nagkamali siya. At pakiramdam niya ngayon ay ang laki niyang tanga. Ngunit matay man niyang isipin ay wala siyang nakitang indikasyon na ganoon ang lalaki, na tuwid pa rin ang tingin nito sa una nitong pakay. Para saan pa ang ilang buwang masaya silang nagsasama nang parang totoong mag-asawa? Para saan pa ang pakikisama nito sa pamilya niya?

Sana, mula simula ay naging maliwanag ang pakay nito, walang ligoy-ligoy, walang kiyeme. Tutal, pumayag naman siya sa ganoon. Pero ngayon, pakiramdam niya ay pinaglaruan siya nito, pinaasa. At bigla na lang ay parang mainit na uling na biglang binitiwan.

"At paano kung hindi ka rin mabigyan agad-agad ng anak ng babaeng mahahanap mo? Paano na 'yon? Paaalisin mo rin siya?"

"I don't know. I will cross the bridge when I get there."

"So pinapaalis mo na ako?"

Tumango ito. Wala na siyang nasabi. At wala na rin itong sinabi. Dapat na tumayo na siya at tumalikod ngunit mayroong mga bagay na dapat pang klaruhin. "At ang mga utang ko sa 'yo?"

"Consider it paid."

Saka siya tumayo, nais pulutin ang kahihiyan niya sa sahig. Hayun na iyon, nagkalat na at wasak na wasak. Pumihit siya at walang lingon-likod na lumabas ng silid. Malalaki at mabibilis ang paghakbang niya patungo sa kanyang silid. Naabutan niya sa labas si Bebang. Binuksan niya ang pinto ng silid, hinila ang kawaksi papasok, saka niya ito niyakap at napaiyak sa balikat nito. Naging hagulgol ang kanyang iyak at wala itong sinabi, patuloy lang na hinagod ang likuran niya.

"A-ano po ang nangyari, Ma'am?"

"Bibi na lang, Bebang. Hindi na ako Ma'am. Aalis na ako. T-tulungan mo akong mag-empake?"

Tumulo ang mga luha nito. Napaiyak na naman siya. Walang imik nitong inilagay sa maleta ang mga gamit niya. Nasa kama lang siya, patuloy na umiiyak. Nais niyang magpasunod kay Popoy ngunit ayaw niyang maisipan nitong kausapin o tanungin pa si Nick kaya nagpasya siyang magpahatid na lang sa labas ng Territorio kahit sabi ni Bebang na si Badong ang kakausapin nito para ihatid siya.

Ang babae na ang nagbitbit ng bagahe niya pababa. Wala si Nick sa sala. Siguro ay hindi na niya ito makikita pa. Sumakay na siya sa free shuttle ng Territorio at sa labas ay naghintay ng masasakyan. Nang makarating sa istasyon ng jeep ay sumakay siya ng biyaheng-Capitañes. Iyak lang siya nang iyak doon, walang pakialam kahit pinagtitinginan siya ng lahat.

Sa halip na umuwi ay nagpalipas siya ng oras sa labas ng simbahan. Ayaw niyang umuwi sa kanyang ama na namamaga ang mga mata. Tuloy, alas-dose ng madaling araw na siya nakatuntong sa tahanan nila. Ngunit nang makita niya ang kanyang ama ay napahagulgol siyang muli.

"Wala na po kami ni Nick, Tatay," sambit niya, parang hindi na maaawat pa ang mga luha sa pagpatak.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro