Chapter 30
Like my page on Facebook: facebook.com/vanessachubby
Hindi manhid si Bibi upang hindi madama na mayroong mali. Parang naging malamig ang pakitungo sa kanya ni Nick. Sa tuwing tatanungin niya ito kung ano ang problema, sinasabi nitong marami lang daw itong inaasikaso sa kompanya. Hinala niya ay may problema ito sa kompanya na ayaw nitong sabihin sa kanya.
Nais niyang makatulong sana, bagaman wala siyang alam sa palakad nito. Ngunit sa munti niyang paraan sana, nais niyang makihati sa pasanin nito. Kung maihihinga lang nito sa kanya ang problema, baka sakaling may masabi siyang kahit paano ay makapagpaalwan dito.
Ngunit dahil ayaw nitong magkuwento ay ginagawa na lang niya ang lahat ng kaya niya para mapasaya ito. Katulad na lang sa araw na iyon. Batid niyang uuwi ito mula sa Maynila at naghanda siya ng mga paborito nitong pagkain. Bago ito dumating ay tiniyak niyang bagong paligo siya, mabango mula ulo hanggang paa. Bukod doon ay nakahanda na rin ang scented oil na pangmasahe niya rito. Sa silid nito ay nagdala siya ng mga mababangong kandila para ma-relax ito habang minamasahe niya.
Ngunit nang salubungin niya ito ay nakakunot ang noo nito. Patay. Mukhang mainit ang ulo ng bruho.
"Kumain ka muna, Nick." Hinagkan niya ito sa pisngi.
Bahagya lang itong tumango. "How was your day?"
"Ayos lang. nandito lang ako maghapon."
"Did you entertain today?"
"Ay, oo. Dumalaw si For kanina. May dinala lang siyang mga produktong bago. Mabait siya."
"Great. That's perfect."
Napakunot ang kanyang noo sa tila naiinis nitong tono. "May problema ba? Bakit parang parating mainit ang ulo mo?"
"I have tons of problems in the office, Bibi, that's the truth. Right now, I want to be left alone. Please tell Cita to bring me something to eat. I'll be in my room."
Nabigla siya sa tinuran nito bagaman sinabi niya sa sarili niyang marahil dumarating talaga ang ganoon sa kahit na anong relasyon. Hindi naman maaaring parating masaya na lang ang magsing-irog. Maraming problema sa labas na maaaring makaapekto sa loob. Ganoon talaga.
Siya na ang naghanda ng makakain nito at nagdala sa silid nito. Naka-pajamas na ang lalaki, nakahiga sa kama, nakasandal sa headboard, nagbabasa ng mga dokumento. Inilapag niya ang pagkain sa mesa.
"Gusto mo ng masahe, Nick?"
"Not now, Bibi. I'm busy."
"S-sige." Wala na siyang naidugtong doon. Baka lalo siyang makaabala kung igigiit niya ang nais niya. Lumabas na siya ng silid. Mayroong kaba sa dibdib niya na hindi maalis-alis. Bakit hindi niya matanggap na mula sa opisina ang dinadala nito? Bakit pakiwari niya ay patungkol iyon sa kanya?
Napapraning ka lang. Bakit naman siya magagalit sa 'yo, wala ka namang ginagawang masama? Isa pa, hindi naman umiikot ang mundo niya sa 'yo. Natural, kung may mabigat na problema sa opisina, nadadala kung minsan sa bahay. Bakit niya naman sasabihin sa 'yo, may alam ka ba doon? Wala naman.
Napabuntong-hininga na lang siya. Nagtungo na rin siya sa kanyang silid. Noong nakaraan ay sa silid na niya natutulog si Nick. Magmula nang nagkaroon ito ng problema sa opisina ay tumuloy na itong muli sa silid nito. Dama niya ang nakapagitan sa kanila. Marahil, kasama iyon, isang pagsubok na malalagpasan din nila. At tiyak niyang marami pa iyong kasunod. Ganoon naman daw sa buhay.
Nagtungo siya sa teresa ng silid. Doon ay tumawag sa kanya si Axl. Ayaw na sana niyang sagutin ngunit sa kawalang-magawa at marahil sa lungkot na wala siyang kausap, sinagot na rin niya iyon.
Umiiyak ang lalaki. "Bibi, gusto ko nang tapusin ang buhay ko!"
"Axl! Diyos ko, ano ka ba?"
"Ano pa ang silbi ng buhay ko kung wala ka naman sa piling ko?"
"Nasaan ka?"
"Nandito sa kuwarto ko. Iniisip kita. Parati kitang naaalala. Sinubukan ko naman, Bibi, na kalimutan ka na. Pinilit ko ang sarili ko pero hindi ko kaya. Miss na miss na kita at parang gusto kong mabaliw na hindi kita kasama ngayon. May hawak akong muriatic acid, isang bote. Gusto kong tagayin, Bibi."
Kahit paano ay kinabahan siya. Matapang na tao si Axl pagdating sa mga ganoong bagay. Noong high school sila, kapag hinahamon itong gumawa ng mga kabalbalan ay parati itong game—tumalon mula sa itaas ng waiting shed, mag-vandalize sa faculty room, magpabutas ng tainga, magpalagay ng tattoo na likha sa pamamagitan ng pagsugat sa balat. Lahat ng iyon, ginawa nito sa ngalan ng pagpapasikat. Malamang, kaya nitong inumin ang muriatic acid.
Nagpakahinahon siya. "Magkita tayo bukas, Axl."
"Napipilitan ka lang."
Talaga. Pero ano ang magagawa ko? Bitbitin ko pa sa konsensiya ko kapag bumula ang bibig mo. "Hindi. Ikaw naman. Magkita tayo. Sa Aling Nena's Lechonan. Sagot ko."
"Talaga, Bibi?"
"Oo. Mga hapon. Alas-dos siguro. Ayos ba 'yon?"
"Ayos, Bibi. Salamat."
"Magpahinga ka na muna ngayon, ha?"
"Oo. Para sa 'yo, gagawin ko."
Lintik ka. "Siya sige, magpapahinga na rin ako. Magkita na lang tayo bukas, Axl."
Tinapos na niya ang tawag. Ang bigat ng dibdib niya. Parating problema ang dulot ng lalaking iyon. Bukas, matapos niya itong kausapin ng masinsinan ay kakausapin niya ang mga magulang nito upang mabantayan ito. Hindi naman maaaring sa tuwing nangungulila ang lalaki ay tatawag ito sa kanya at pupuntahan niya ito. Hindi siya Dial-A-Friend.
Panay ang buntong-hininga niya habang nakapatong ang mga braso sa pasimano ng teresa. Hanggang sa mangawit na siya at pumasok sa silid. Nahiga siya at hindi na namalayan kung anong oras siya nakatulog. Nang magising siya ay alas-diyes na ng umaga. Wala na raw si Nick, ayon sa mga kawaksi.
Nabahala siya kaya tinawagan niya ang lalaki. Hindi nito sinasagot ang tawag niya. Naisip niyang baka may ka-meeting na naman ito. Madalas naman iyong mangyari. Naghanda na rin siyang lumakad. Dumaan muna siya sa bahay ng kanyang ama, saka tumuloy sa Aling Nena's. Naroon na si Axl.
Agad siya nitong sinalubong at niyakap. Natigagal siya, hindi sa yakap nito kundi sa hitsura nito. Payat na payat ito, may balbas at bigote.
"Ano'ng nangyari sa 'yo?"
"Pasensiya na, hindi ako nakapag-ahit."
"Ano ba ang ginagawa mo sa sarili mo, Axl? Patunayan mo na nagbagong-buhay ka na. 'Wag ganyan. At hindi dapat para sa akin, kundi para sa sarili mo."
Um-order siya at pinabayaan niya itong kumain muna, saka sila nag-usap. Heart to heart talk ang kinalabasan noon. At hindi tulad ng inakala niya ay hindi umiyak ang lalaki kahit kapansin-pansin ang pamamasa ng mga mata nito.
"Tama ka, Bibi. Nalulungkot lang ako sa kinasapitan natin."
"Kailangan mong tanggapin na hindi lahat sa buhay ay puwede mong makuha. Hindi ka dapat nag-iisip ng mga negatibong bagay. Masaya ang buhay, bigyan mo lang ng pagkakataon ang sarili mong lumigaya."
May dalawang oras marahil sila nag-usap at nasiyahan siya kahit paano na makitang mukhang tumimo rito ang mga sinabi niya. Gayunman ay sumama pa rin siya sa bahay ng mga ito upang mapagbilinan na rin ang mga magulang nito. Kahit paano, napanatag ang kalooban niya.
Umuwi siyang muli sa bahay ng kanyang ama at nagpahatid kay Popoy pabalik ng Territorio de los Hombres. Wala pa rin si Nick sa bahay at muli ay tinawagan niya ito ngunit hindi pa rin nito sinasagot ang tawag niya. Tumawag siya sa sekretarya nito at mula sa matanda ay nalaman niyang umalis ng bansa ang lalaki. Dalwang linggo raw itong mananatili sa iba't ibang bansa. Business trip daw iyon.
Hinang-hina siya. Bakit hindi ito nagpaalam man lang sa kanya? Ngayon ay mas matindi ang kutob niyang may nagawa siyang masama. Ngunit ano? Bakit hindi nito sinasabi? Ah, marahil napapraning lang siya. Hindi ito ang tipong hindi sasabihin sa kanya kung mayroon silang problema na hindi maaayos.
"Cita," aniya sa kawaksi. "May nabanggit ba sa inyo si Nick na aalis siya?"
"Opo, Ma'am. Hindi ba niya sinabi sa inyo? Papunta daw pong Amerika si Sir."
"Ganoon ba?" Nais niyang magtampo. Mabuti pa sa kawaksi, nagawang magpaalam ng lalaki. Sa kanya ay hindi man lang ito nagsabi. Nakakasama ng loob. At kapag tumawag na ito sa kanya ay magpapahaging siya ng sama ng loob niya.
"Kumain na po ba kayo, Ma'am?"
"Hindi pa nga. Saluhan na ninyo ako at sabay-sabay na tayong maghapunan."
"Naku, Ma'am, hindi na po. Kayo na lang. Ipaghahain ko na kayo."
Tumango na lang siya rito. Okupado na Nick ang isip niya ngayon. Nasa himpapawid pa siguro ito. Kinuwenta niya ang oras at nag-set ng alarm. Pagkababa nito sa kung saang airport, saka siya tatawag muli.
"Nick, nakakainis ka," sambit niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro