Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 26

Kaarawan ng ama ni Bibi. Alas-tres ng hapon ay nasa bahay na siya ng matanda, kasama si Nick. May tatlumpung katao na ang naroon, lima lang yata ang kakilala niya—mga kaibigan ng kanyang ama na nagmula pa sa Maynila. Sa bahay daw matutulog ang mga ito sa gabing iyon.

Ang ibang naroon ay mga kapitbahay at ang iba naman ay mga kaibigan ng dalawa niyang pinsan. Bagaman bawal nang uminom ng alak ang kanyang ama ay mukhang mag-e-enjoy ito sa handaan dahil may videoke. Iyon ang paborito nitong palipasan ng oras. Kahit sa bahay nila ay masaya na itong magsalang ng mga CD nito at sasabayan nito ng kanta kahit walang mikropono. Mababaw ang kaligayahan ng matanda, tulad niya, kung tutuusin.

Maraming handa, sagot ng mga pinsan niya. Natutuwa siya sa dalawa dahil pinatunayan ng mga itong mapagkakatiwalaan ang mga ito. Unang hulog pa lang ng mga ito kay Nick ay doble agad. Higit daw sa inaasahan ng mga ito ang kita, bukod pa sa pinasok na rin ng mga ito ang pagdadala ng itlog sa palengke.

Punong abala siya nang makarating sa bahay, inaasikaso ang mga bisita. Si Nick ay kakuwentuhan ng kanyang ama at ng mga kaibigan ng matanda. Nag dalhan niya ng pulutan ang mga ito ay pinaupo siya ng kanyang ama sa tabi ni Nick.

"Pabayaan mo ang mga pinsan mong mag-asikaso at dumito ka muna, anak. Kaarawan ko'y halos hindi kita makausap."

"Si Tatay, naglalambing," nakalabing wika niya.

"Aba'y masama ba? Ano, mga pare? Naniniwala na kayo sa sinabi kong lalong gumanda ang anak ko? Palibhasa ay inspirado, ano, Nick?" Bumaling ito sa lalaki at kumindat. Napatawa tuloy siya.

"Si Tatay, ang tanda-tanda na, nangangantiyaw pa!"

"Aba'y nasa edad ka na rin naman, anak. At sa palagay ko, kung hihingin ni Nick ang kamay mo ay ibibigay ko."

Biglang nag-init ang kanyang mukha. Ayaw niyang ilagay sa ganoong puwesto si Nick. Hindi pa rin niya alam kung ano ang posisyon nito pagdating sa kasal. Ngunit game ang lalaki, ngiting-ngiti lang ito.

"Sinagot mo na ba itong si Nick, anak?" patuloy ng matanda.

Tumango siya. Ang mga kaibigan nito ay nagkahiyawan at nagpalakpakan pa nga. Marahil, maging ang mga ito ay nahuli na ni Nick ang loob. Tawa nang tawa si Nick, hindi ininda ang mumurahing brandy na tinatagay ng mga kaibigan ng kanyang ama.

"Aba, Nick, sabihin mo lang kung kailan mo hihingin ang kamay ng dalaga ko, ibibigay ko sa 'yo."

"'Tay! 'Wag namang ganyan, nakakahiya," saway niya rito.

"'Wag po kayong mag-alala, 'Tay, malapit na 'yan," agaw ni Nick na lalong ikinatuwa ng mga matatandang muling naghiyawan na para bang nakita ng mga itong naghalikan sina Sharon at Gabby o Tirso at Nora.

"Bueno, aalayan ko kayo ng kanta," hirit ng kanyang ama, masigla, pumorma ng pagkanta at sinabi sa kumpare ang numerong nais kantahin. Pumailanlang ang kantang paborito nito, ang "My Love Will See You Through." Bago ito umawit ay mayroon pa itong dedication portion, "Para sa mga magsing-irog—Bibi at Nick. Para sa anak ko, para sa magiging manugang ko. Nick, napakabait na anak niyang si Bibi. At ikaw, Bibi, alagaan mo si Nick. Bihira na sa mundo ang mga lalaking kagaya niya. Friends, happy birthday to me... When times get rough and your dreams just fall apart..."

"Pasensiya ka na sa Tatay," bulong niya kay Nick.

"Ano ka ba? Normal lang 'yon sa kanya, tatay mo siya." Inakbayan siya nito. "Panoorin natin siya. Mukhang ganado."

"Performance level talaga 'yan sa kantang 'yan," komento niyang napahagikgik.

Papikit-pikit ang matanda, palahad-lahad ng kamay, daig pa ang sumali sa amateur singing contest. Nang matapos ito ay ganado ang palakpak ni Nick. Bigla tuloy nangantiyaw ang isang kumpare ng kanyang ama.

"Nagpapalakas sa 'yo itong manugang mo, Pats. Parang ang husay mo kung makapalakpak."

Napuno ng tawanan ang bahaging iyon ng tahanan. Masaya siyang makita ang dalawang lalaking pinakamamahal niyang nagkakasiyahan. Ngunit makaraan ang dalawang oras ay napansin niyang nakatutop na sa ulo si Nick. Marahil hindi nito napansin ang dami ng iniinom nito. Bukod pa roon, sanay ang mga kaibigan ng kanyang ama na mag-inom ng mura ngunit malakas ang sipang alak. Maging ang mga ito ay nakapansin kay Nick.

"Ayos ka lang ba, Nick? Naku, hindi mo sinabing hindi ka umiinom nitong inumin namin. Sana nakapagpabili ako ng isang masarap-sarap ng alak. Anak, dalhin mo muna ang nobyo mo doon sa itaas. Painumin mo ng tubig. Nick, ilabas mo iyan nang hindi ka mahilo. Anak, sige na."

"Nick, tara."

"Tatay, mga manong, mahina ang kalaban," tila nahihiya bagaman nakangiting wika ni Nick sa mga kainuman. Panay ang "wala 'yon" ng mga matatanda, kung anu-anong payo ang sinasabi rito nang bumuti ang pakiramdam nito.

Tumuloy na sila sa itaas ng bahay, sa isa sa mga silid doon. Batid niyang kailangang ilabas ni Nick ang nainom nito. Ganoon ang ginagawa ng kanyang ama kapag nasobrahan ito. Mula rin sa payo ng mga lasenggo sa kanilang lugar ay nalaman niya na kapag hindi iyon nailabas ay hanggang kinabukasan mahihirapan si Nick.

Inalalayan niya ang lalaki sa banyo. "Sige na, ilabas mo, Nick."

"This is embarrasing."

"Sus, sa akin ka pa nahiya, nakita na nga kitang nakahubad."

Tumawa ito bagaman bumigay na ang tuhod. Napaluhod ito sa tapat ng inidoro at nakiusap sa kanyang iwan niya ito. Nakaismid na isinara niya ang pinto, nakikinig. Nang sa pakiwari niya ay kailangan na niya itong tulungan ay pumasok na siya. Nakasandal na ito sa pader, parang nakipagbugbugan. Basang-basa ng pawis ang damit nito at buhok.

"I will never drink that again," sambit nito.

Inalalayan niya itong makatayo. Nagmumog ito, nagsepilyo, saka lumabas ng banyo. Pinahiram niya ito ng damit ng kanyang pinsan. "Mahiga ka na muna. Matulog ka. Mamaya pa matatapos ang handaa, tiyak ko. Nagsisimula pa lang halos. Ganito talaga kami maghandaan, inaabot ng magdamag pa ito. Kapag mabuti-buti na ang pakiramdam mo, bumaba ka. Magtataas ako ng tubig dito. Ilalagay ko dito sa mesa, ha? Kung may kailangan ka, tawagan mo lang ako."

Mukhang hindi na nito narinig ang sinasabi niya dahil nakapikit na ito, bagsak. Napabuntong-hininga siya, hinaplos ang ulon nito ay bumaba na rin. Nagpanhik siya ng tubig at basang bimpo, saka muling inasikaso ang handaan.

Alas-siyete ng gabi ay nakita niyang dumating si Axl. Parang nasira ang buong gabi niya. Pero mas maganda na rin sigurong naroon ito ngayon nang harapan na niya itong madiretso. May dala itong lechon de leche para sa kanyang ama. Maging sa mga pinsan niya ay may dala itong pasalubong. Para sa kanya ay isang shawl ang bigay nito.

"Para saan ito?" tanong niya.

"Pambawi."

Napabuga siya ngunit nagpasyang mamaya na ito kakausapin. "Kumain ka na muna, Axl. Mamaya na tayo mag-usap."

Nakangiting tumango ito. Tinawag siya ng kanyang ama at dinala siya sa kusina. Nakakunot ang noo ng matanda. "Bakit nandito 'yang si Aksing? Alam mo bang nakailang balik na 'yan dito?"

"Ano po ang sinasabi?"

"Ang sabi mahal ka daw niya."

Napailing siya. "Ganyan nga rin ang mga palipad sa akin, Tatay. Nabubuwisit na nga ako, eh. Maganda na ring nagpunta rito, 'Tay, para madiretsa ko na."

"Aba'y dapat lang. Nakakahiya sa nobyo mo kung may isang asungot na ganyan." Bigla tuloy siyang napatawa. Akmang tatalikod na siya nang hawakan ng matanda ang kanyang bisig. "Anak, maiba lang ako, ano? Ngayong may relasyon na kayo ni Nick, hindi naman ba masagwang tingnan na doon ka nakatira sa bahay niya? Kahit sinabi mong tatlo ang kasama ninyo sa bahay, parang hindi ako komportable."

"'Tay, 'wag po kayong mag-alala, iniingatan ko po ang sarili ko." Nais niyang mapangiwi. Baka makidlatan siya. "Isa pa, maraming trabaho doon, 'Tay. Hindi puwedeng mapalayo ako kay Nick at kawawa naman din siya."

Matagal siya nitong pinakatitigan. Nang hindi na niya magawang salubungin ang tingin nito ay muli itong nagsalita. "May tiwala ako sa 'yo, anak. May tiwala rin ako kay Nick. Nasa edad na kayong dalawa. Gusto lang kitang paalalahanan na 'wag makalimot sa sarili mo."

Tumango siya, lihim na nangliliit. Nang magbalik sila sa sala ay kasalo na si Axl ng mga kaibigan ng kanyang ama. Nalukot ang mukha ng matanda. "Paalisin mo 'yan sa mesa ko, Bibi. Ayokong masira ang kaarawan ko."

Tinawag na niya si Axl na agad lumapit sa kanya, nakangiti. In fairness, mukhang luminis ang gayak nito. Ang dating mahaba nitong buhok ay clean cut na ngayon. Wala na itong pinatubong balbas o bigote. Niyaya niya ito sa hardin. Mas kaunti ang mga tao roon.

"Axl, ano ba ang gusto mo talagang mangyari?" diretsa niyang tanong.

"Mahal kita, Bibi."

Napanganga siya rito. Mayamaya ay nakabawi rin siya. "Hindi puwede ang gusto mong mangyari."

Alanganin itong ngumiti. "Hindi ko alam na bawal na pala ngayon ang magmahal."

"Hindi sa ganoon, pero depende sa mamahalin mo. Tulad ko, bawal akong mahalin dail may nobyo na ako."

Ito naman ang parang natulala. "Nagbibiro ka," anito nang makabawi.

"Hindi. Sa katunayan, kasama ko siya ngayon. Natutulog siya sa itaas dahil nasobrahan ng inom. Mahal ko siya at mahal niya ako. Nagmamahalan kami, Axl. Pasensiya ka na."

"Hindi ito katanggap-tanggap, Bibi." Mukhang labis itong nalito. "Sinabi mo sa akin na mahal mo ako, pagkatapos, babawiin mo ngayon? Ang sakit, Bibi. Sobrang sakit."

"Pero napakatagal na panahon na noon, Axl, ano ka ba naman?" Oo, sinabi niya ritong mahal niya ito pero high school pa lang sila noon. Napakatagal na panahon na noon! Iniisip ba nitong dapat na manatili niya itong mahalin mula nineteen kopong-kopong hanggang ngayon? Aba, masyado naman yata itong sinusuwerte! "Isa pa, paano mo maiisip na mamahalin pa rin kita matapos ang ginawa mo? Nakulong ako dahil sa 'yo! Okay ka lang?!"

"Kaya nga pabayaan mo akong patunayan na hindi na ako ang dating Axl, Bibi. Pagbigyan mo ako sa hiling kong magbago. Makikita mo. Ipapakita ko sa 'yo."

"Wala kang dapat ipakita sa akin. Hindi sa akin, kundi sa mga magulang mo."

Yumuko ito. "Masakit, Bibi. Pero tanggap ko. Malaki ang naging pagkakamali ko sa buhay pero ipapakita ko sa 'yo."

Ang sarap nitong kaltukan sa ulo. Hindi ba nito narinig ang sinasabi niya? Nais niya itong soplahin ngunit kahit paano ay may puso pa rin siya, kahit pa pagdating dito. Naawa siya sa hitsura nito. Gayunman ay kailangan niyang ulitin, "May mahal na akong iba, Axl. At masaya kami."

Tumalikod ito. "Pakisabi na lang sa Tatay na nauna na ako, Bibi."

Pinabayaan na niya itong makaalis at piping hiling niyang sana ay huwag na itong magbalik. Wala na siyang pakialam sa mga papeles ng kaso nila. Kaya niya iyong ayusin sa sarili niya, pero kapag si Axl ang naging dahilan para magkasira sila ni Nick, baka hindi niya ito matantiya.

Wala na tayong babalikang nakaraan, please lang, Axl! Hitsura!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro