Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 23

Bumili ng regalo si Bibi para kay Bridgette. Isang scarf na libo-libo ang halaga. Iyon lang ang nakayanan niya dahil ang ibang mga paninda ay makapagdudulot ng lagnat sa kanya kung bibilhin niya nang ganoon na lang.

Ang pinili niyang isuot ay isa sa mga bigay sa kanya ni Nick, dress na kulay-karagatan. Malambot ang tela noon, puwedeng pormal, puwedeng kaswal. Ang itinerno niyang sapatos ay isang sandalyas na kulay-ginto.

"Beautiful," papuri sa kanya ni Nick.

"Partida, wala pa ako halos makeup nito. Hindi pa ako pang-awards night nito, Nick," pagbibiro niya. Wala na siyang oras para magpa-parlor dahil buong maghapon siyang pinagod ni Nick.

Inalalayan siya nito palabas ng bahay at tumuloy na sila sa bahay nina Bridgette at ng asawa nitong si Juan. Nagulat siyang makitang marami-rami ring bisita ang naroon at halos mapanganga siya nang makita ang dating pangulo ng Pilipinas, mga senador, at iba pang matataas na tao. Akala niya ay hindi na siya malulula pa pero natameme siya nang lumapit kay Nick ang dating pangulo at kumamay. Ipinakilala siya rito ni Nick.

"Mister President, Sir," pormal niyang wika, halos mautal sa kaba. Ni sa hinagap ay hindi niya akalang makikilala niya ito. At heto, nakangiti ito sa kanya. Sa personal pala ay guwapo ito at parang kay daling abutin. Ibinoto niya ito, maging ang kanyang ama."Sir, I voted you," dagdag niya nang maalala iyon.

"Salamat, hija."

Saglit itong nakipagpalitan ng salita sa kanila ni Nick. Wala siyang masabi at hindi rin siya makasingit, pilit iniisip kung tama ba ang pagka-Ingles niya kanina. Parang mali. Sa huli ay inignora na lang niya iyon. Matalinong tao ang presidente, mauunawaan siya nito. Nang magpaalam ito ay tinapik pa nito ang kanyang balikat.

"Baka hindi maniwala si Tatay kapag ikinuwento ko sa kanya ito, Nick."

"Pawis na pawis ka." Kinuha nito ang panyo at idinampi sa kanyang noo. "Are you okay?"

"Diyos ko, Nick! Pinagpapawisan ang kilikili ko!" Hindi na siya nahiyang sabihin iyon dito, kinakabahan pa rin siya. "Presidente siya ng Pilipinas! Nick, nakilala ko ang presidente ng Pilipinas!"

"Easy. Sige ka, matutuyo ang kilikili mo."

Napamaang siya rito saka sila sabay na nagkatawanan. Patuloy nitong dinampi-dampian ng panyo ang kanyang mukha. Nagpaalam siya ritong tutungo muna sa banyo. Inayos niya ang sarili, nag-retouch. Naiinis siyang hindi siya nakapagpa-parlor pero sa palagay niya ay lumalabas ang ganda niya nitong nakaraang ilang araw. Ang balat niya ay kuminis at pumusyaw, palibhasa ay alaga na sa lotion at parati siyang naka-aircon. Tisay siya. Tisay na maganda-ganda rin naman. Puwede na ring ilaban. In short, hindi napapahiya si Nick na siya ang kasama nito.

Habang nilalagay ang lipstick niya ay napatingin siya sa katabing babae. Pang-bisitang talaga ang banyo na iyon, kasya ang tatlo katao at tatlo rin ang cubicle. Maganda ang babae. Hanga siya sa ganda ng pagkaka-makeup nito at base sa pagre-retouch nito ay nahulaan niyang hindi nito kinailangan ng isang propesyunal para magmukhang artista.

Bumaling ito sa kanya at parang nais niyang mapahiya—napakaganda ng babae, sopistikada at mukhang medyo suplada ngunit ngumiti ito at nagbago ang aura ng mukha nito sa isang saglit. Parang napakaamo pala niyon kapag nakangiti ito. "You need some help with your makeup, girl?"

"Talaga? Tutulungan mo ako?"

"Sure! What's your name?"

"Bibi. Ikaw?"

"Taylor. I'm Bridgette's friend. You're her friend, too?"

"Ay, hindi." Paano nga ba niya ipapaliwanag dito kung ano ang ganap niya sa selebrasyong iyon? "Kuwan, empleyado ako ni Nick. Nick Montero."

"Oh, cool Nick. Yes, I know him. I've met him several times before. Here." Hinawakan siya nito sa baba at nilagyan ng lipstick, saka siya nilagyan ng eye shadow. "There. Perfect. Okay na?"

Tumingin siya sa salamin at tumango. "Salamat, Taylor."

Tinapik nito ang balikat niya, nakangiti pa rin, saka lumabas na ng banyo. Naisip niya, ang daming magagandang mababait sa mundo. Lumabas na rin siya mayamaya at nakita niya si For. Lumapit ito sa kanya, nakangiti. "Nice to see you here!" Hinagkan nito ang kanyang pisngi. Mainit ang pagbati nito. "I'm glad you came."

"Oo, kasama ko si Nick," aniya.

"Nice. Hey, listen, I'll talk to you later, okay? Hindi pa ako nakakabati sa may birthday." Bahagya nitong tinapik ang balikat niya at tumalikod na. Pagbaling niya ay nakita niyang nakatingin si Nick sa kanya. Nakangiti ito.

Niyaya na siya nitong kumain at matapos ay mayroong isang lalaking naka-Amerika na kumausap dito. Naiwan siya sa isang panig ng malaking bahay at muli ay nilapitan siya ni For. Makuwento ang lalaki at mayamaya ay natukoy niya ang pakay nito. Nais siya nitong bentahan ng mga damit, makeup at kung anu-ano pa.

Mula kay Nick ay natuklasan niyang ang asawa ni Bridgette na si Juan ay isang milyonaryo. Ang lalaki rin daw ay anak ng dating senator na si George Gorospe. Samakatuwid, si For ay ganoon din. Nakapagtataka para sa kanya na nag-aalok ito ng samu't saring produkto. Minsan na rin siyang muntik maging ahente noon.

"Nagbebenta ka ba talaga o niloloko mo lang ako?" tanong niya. Hindi nito kailangang magbenta ng insurance. Mukha ring hindi ito ang tipong nagbebenta ng mga ganoong produkto na karaniwang ginagawang sideline ng mga maybahay.

Tumawa ito. "I am selling it. My brother and I own the company."

"Eh, boss ka pala, bakit ka nag-aahente?" nagtataka pa ring tanong niya.

"Kasi kasisimula pa lang namin. Actually, hindi products ang plano kong ialok sa 'yo, kundi dealership sana. We're looking for dealers. Dealers get thirty percent, agents get fifteen percent." Nagpatuloy ito sa pagse-sales talk.

Sa totoo lang ay napukaw ang kuryosidad nito, lalo na nang mabanggit nito kung magkano at paano ang maging dealer. Nabanggit din nito sa kanya kung sinong socialite ang kinuha ng mga itong modelo at spokesperson para sa negosyo ng mga ito.

"Sige, padalhan mo ako ng catalog, For. Interesado akong maging dealer," aniya. Sa isip niya ay nagkukuwenta na siya ng magiging puhunan. Sa totoo lang, nag-iisip din siya ng magandang negosyo. May pera siya para simulan iyon. At kung totoong magaganda ang mga produkto nina For, bakit hindi siya magiging dealer noon? Ilang maybahay ang maaari niyang maging ahente?

"I will send you one, Bibi. I will also bring products for you to try."

Agad siyang tumango. Mukhang natuwa ang lalaki. Nagpaalam na rin ito at hinanap niya naman si George. Kausap pa rin nito ang lalaking lumapit dito kanina. Lumingon ito sa kanya at kumaway. Lumapit na rin siya. Nagpaalam na ito sa kausap.

"We better be going, Bibi. Will that be all right?"

Tumango siya. Nadarama rin niya ang pagod niya. Nagpaalam na sila sa may kaarawan at umuwi na.

"I saw you talking to For. Ano ang napag-usapan ninyo?" kaswal nitong tanong.

"May inaalok lang siyang negosyo."

"Ah, yes. Dinig ko nga marami siyang negosyong pinasok. Interesado ka ba sa inalok niya?"

"Oo. Naisip ko rin kasi, gusto kong magnegosyo, Nick."

"That's nice. That's nice," anito, bagaman parang hindi totoo sa loob nitong "nice" ang ideya niya.

Nabahala tuloy siya. "May problema ba sakaling magnegosyo ako?"

"No, wala. Siyempre wala. Inaalala ko lang na baka maging busy ka na masyado."

"Sus." Umingos siya. "Ikaw ang priority ko, Mister. Pero minsan kasi, naiinip din ako sa bahay. Ang akin naman, hindi ako lalayo rito o sa Capitañes. Kung sakaling magnegosyo ako, dito rin lang o sa kabilang bayan."

"Pasensiya ka na kung marami rin akong ginagawa. I wish I could spend more time with you. Alam kong kulang na kulang ang oras nating magkasama. Gusto kitang isama sa Manila madalas. Pero alam kong hindi ako makakapagtrabaho kapag kasama kita. Mornings are hard. Very hard. Do you have any idea how difficult it is for me to leave your side every morning that I need to go to work? It's torture."

"OA ba tayo, Nick?"

Sukat tumawa ito. "Maybe. You tell me, I haven't felt this way before."

Biglang sumasal ang dibdib niya. Kung noon lang nito nadama iyon, ang tinutukoy ba nitong damdamin ay pagmamahal? Kung ganoon, bakit ayaw pa nitong sabihin? At bakit nahihiya siyang kompirmahin? Gigil na gigil siyang marinig iyon. Marahil dahil ang totoo ay wala pang nagsasabi noon sa kanya, maliban kay Axl noong high school sila na batid niyang hindi totoong pag-ibig kundi puppy love lang. Oo at nitong huli ay nagte-text sa kanya si Axl ng mga makapanindig-balahibong ka-corny-han, duda siyang totoo iyon at sinabihan na rin niya itong tumigil sa pagte-text sa paraang parang nobya siya nito.

"Ngayon din lang ako nakaramdam ng ganito, Nick."

Hinagkan nito ang kanyang mga labi.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro