Chapter 21
"ANO, NANIWALA?"
Isang tango ang itinugon ni Cita sa dalawang kaibigang nakatingin sa kanya. Natural, naniwala si Axl na siya si Bibi. Naiwan ni Bibi ang cellphone nito at binasa niya ang mga laman noon, mga laman na binasa rin ng mga kasama niya at nakapagdulot sa kanila ng matinding galit.
Hindi ang mga text ni Axl ang nakapagpagalit sa kanila, kundi ang mga text ni Sir Nick sa pukikay na si Bibi. Kung lambingin ito ni Sir Nick ay walang kasing-wagas. Tila ba lubos nang nahuhulog ang loob ng kanilang amo sa babaeng malanding iyon. At bakit niya nasabing malandi ito? Aba'y pumayag ba naman itong makasama sa isang silid si Sir Nick. Ano ang tawag sa tulad nito kundi isang pukikay? Hmp, inggit ka na naman. Kahit ikaw naman ang lambingin ni Sir Nick, tiyak bibigay ka rin.
Inignora niya ang pasaring ng isip niya sa kanya. Hindi niya dapat bigyang-katarungan ang pagkamalandi ni Bibi. Hindi lang naman ang pagbigay nito kay Sir Nick ang problema, maging ang mga text message ni Axl. Aba'y halata naman na nangliligaw ang lalaking iyon kay Bibi base sa mga dale nito sa text. At nagpapaligaw si Bibi, kung ganoon. Hindi man lang naisip sabihin ng babae sa Axl na iyon na ito ay mayroon nang nobyo—kung nobyo ngang matatawag si Sir Nick.
Dala ng matinding emosyon sa pagkakita sa mga text messages ni Sir Nick kay Bibi ay sinagot niya ang phone nang tumawag si Axl. Hindi niya iyon planado noong una, udyok lang ng damdamin niya. At mabuti na lang palang sinagot niya ang tawag. Makagaganda ang lahat ng iyon sa plano niya. Natural, tuloy pa rin ang plano. Kailangan pa ring mapaalis ang kalaban.
"Paano na 'yan kung mabisto tayo ni Bibi?"
"Walang aamin sa atin."
"Eh, sira ka pala," ismid ni Bebang. "Paanong walang aamin, eh, tayong tatlo lang naman ang nandito?"
Kinabahan siyang bigla. May punto si Bebang. Agad niyang pinagbubura ang text message ni Axl, maging ang numero nito sa call register. Saka niya ibinalik ang cellphone sa mesa. Lumabas na sila sa silid ni Bibi at nagtungo sa kusina. Doon nila ipinagpatuloy ang pulong.
"Deadma ang solusyon. Tutal, parang naniniwala naman ang galyita na maamo na tayo sa kanya. Kunwari, wala tayong alam. Ano ang magagawa niya? Iyon lang ang puwede nating gawin sa ngayon."
"Ang ayos-ayos na nga plano natin. Nagawa ko siyang paniwalain ng vitamins 'yong pills. Ayos na ang plano, bakit kasi kinausap mo pa 'yong Axl, eh!" reklamo ni Fely.
Aminado siyang nagkamali siya ngunit hindi siya padadaig sa mga ito. "Wala na tayong magagawa at nakaganda pa nga ang lahat. Iniisip noong Axl na may gusto sa kanya si Bibi. Basta't tumahimik na kayong dalawa. Magiging maayos ang lahat. Sa huli, magpapasalamat kayo sa akin."
Iniwan na niya ang dalawa. Pumasok siya sa kanyang silid at napaantanda. Harinawang hindi niya nasira ng isang kapangahasan ang plano nila.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro