Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 18


"NAKU, MA'AM, sabi ni Sir Nick tulungan ko kayong mag-empake at baka raw mahirapan kayo."

Napangiti si Bibi kay Fely. Pumasok ito sa silid niya habang naghahanda siya ng dadalhin. Bigla siyang naturete. Bigla na lang inanunsiyo ni Nick na tutungo sila sa Cambodia para sa ilang araw na bakasyon. Ang totoo, wala siyang ideya kung nasaan sa mapa ang bansang iyon. At isa pang katotohanan, sobra-sobra ang pananabik niya na hindi niya alam kung ano ang ieempake, sa dami ba naman ng damit na iniregalo sa kanya ni Nick.

"Mabuti pa nga, Fely, at natuturete na ako. Imagine, makakarating ako sa ibang bansa? Sa totoo lang, first time ko ito," pag-amin niya. Komportable na siya sa mga kawaksi dahil pinatunayan ng mga itong kaya ng mga itong magbago. Parati siyang inaasikaso ng mga ito at sa palagay niya ay naging komportable na rin ang mga ito sa kanya sa ipinakikita niyang kabaitan sa mga ito. Titiyakin niyang pasasalubungan niya ang mga ito.

"Naku, Ma'am, 'wag kang matuturete at expert si Sir Nick sa mga biyahe-biyahe. Madalas siyang umalis. At 'di ba nga, ilang taon din siyang tumira sa Amerika noong nagtatrabaho pa siya kina Ma'am Bridgette? Ako na po diyan."

Pinabayaan na niya itong mag-asikaso sa mga damit niya. Naupo siya sa kama, nakangiti sa kawalan. "Malamig ba doon sa Cambodia? Hindi ko naitanong kay Nick."

"Hindi naman po yata, Ma'am. Isa pa, kung malamig, ano ba namang bumili ng jacket doon. Sus, si Sir Nick pa. Pero ako rin po ang nag-empake ng damit ni Sir. Wala naman po siyang ihinabiling maglagay ng jacket."

"Dapat ako ang nag-eempake para sa kanya, Fely. Pasensiya ka na."

"Wala po 'yon, Ma'am."

Wala mang pinag-usapan ay tanggap na sa tahanan na iyon na siya ang bagong reyna ng bahay. Marahil, iyon ang malaking dahilan sa pagbabago ng ugali ng mga kawaksi. Naniniwala siyang nagkainggitan lang ng kaunti noong una pero nagbago na ang lahat ngayon.

"Ay, Ma'am, alam ninyo, nabanggit ni Cita na napanood niya sa balita na uso daw doon ang mga sakit-sakit kaya kailangan uminom kayo ng vitamin C araw-araw na walang palya."

"Talaga?"

"Opo. Mahirap na bansa po iyon at parang maraming mga ubo, sipon, trangkaso. Nagpaempake nga po ng vitamin C si Sir Nick, eh."

"Naku, meron pa ba tayong vitamin C? Wala ako noon, eh. Baka kung kailan ako nandoon, eh, saka naman ako tamaan ng sakit. Meron kaya sa medicine cabinet sa ibaba? Titingnan ko nga."

"Ay, ako na po, Madame!" Umalis ito at makaraan ang ilang minuto ay nagbalik, hawak ang isang maliit na bote ng gamot. "Ito, Ma'am. Vitamin C po ito. Once a day lang po ito, bago kayo matulog."

"Salamat, Cita. Biglaan naman kasi itong lakad. Kakakuha ko pa lang sa passport ko noong nakaraang linggo, biglang aalis na. Ito talagang si Nick."

Ngiting-ngiti ang kawaksi sa kanya. Tinapos na nila ang pag-eempake at isinakay na nito ang maleta sa sasakyan sa ibaba, kasama ang maleta ni Nick. Naghihintay na ang lalaki sa kanya sa Maynila. Ihinatid na siya roon ng driver.

Mahaba ang biyahe ngunit enjoy siya sa mga isipin niya. Hindi niya naisip noon na posible palang maging masayang-masaya ang isang tao at parang walang problema sa buhay. Lulong siya sa mga ganoong isipin nang maisip niyang tawagan ang lalaking sanhi ng kaligayahan niya. Ngunit natuklasan niyang naiwan niya ang cellphone niya sa bahay.

"Naku, Badong, naiwan ko ang cellphone ko! 'Di bale, ite-text ko na lang sina Tatay sa Maynila," aniya.

Wala pa ring problema. Walang dahilan para ma-tense. Nang makarating siya sa tagpuan nila ni Nick ay agad itong sumakay sa SUV at hinagkan siya sa labi. Halos mapugto ang kanyang paghinga.

"Well, hello," ngiting-ngiting sambit nito.

"Hello din," ganting wika niya.

Nagkatawanan sila. Sumandig siya sa dibdib nito, inakbayan siya nito. Iyon ang paraiso sa lupa. Salamat at narating niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro