Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 17

"O, kasama mo ba si Nick?" tanong ng ama ni Bibi habang nagmamano siya rito. Nanghahaba ang leeg ng matanda sa pagtanaw sa labas ng bintana. Nilalagnat ito at kauuwi lang, dinala ni Popoy sa doktor. Dinalaw niya ito, at tulad ng una niyang pagdalaw at pagsama rito sa ospital ay kasama niya si Nick.

Mukhang kahit ang matanda ay nahuhulog na ang loob sa lalaki. Paanong hindi, gayong mula't sapul ay maganda ang pakisama ng lalaki, hindi lang sa kanyang ama, kundi maging sa mga pinsan niya. Hindi nga niya alam kung paano nito nagagawang tiisin makipag-usap kina Popoy at Karding na kapwa kung anu-ano ang ikinukuwento, palibhasa ay matagal nagsitambay sa probinsiya ay walang alam kundi motor, bilyar, tong-its.

"Nasa labas po, 'Tay. Binati ni Popoy, eh. Alam naman ninyo ang pamangkin ninyo, kapag nagkuwento, inaabot ng twenty-four years."

"Ah, naku, tawagin mo at walang katuturan na naman ang ikukuwento ni Popoy diyan sa nobyo mo.... Nobyo mo na nga ba?"

Mabilis niyang binilang sa isip kung ilang buwan nang inaakala ng kanyang ama na magkakilala sila at nagliligawan ni Nick. Isang buwan at dalawang linggo. Umiling siya. "Hindi pa po, 'Tay."

"Aba'y bakit napakatagal mo namang sagutin? Hindi naman kaya at pinapaasa mo lang? ako na ang nagsasabi sa 'yo, anak, na kung nagpapaasa ka lang ay magagalit pati ako."

"Ang Tatay!" bulalas niya, hindi rin inaasahan ang sinabi nito.

"Aba'y nag-aalala ako, anak. Nakakahiya sa tao kung pinapaasa mo lang. Sabihin mo ang totoong lagay ng damdamin mo. Sa wari ko diyan kay Nick ay talagang masasaktan kapag pinaasa mo lang."

"Sino naman po ang nagsabing papaasahin ko sa wala, 'Tay?"

"Alam kong tinawagan ka ni Aksing," tukoy nito kay Axl. Hindi nito magawang tawaging "Axl" ang lalaki. Ano daw bang klaseng imbentong pangalan iyon.

Napabuga siya, nakangiti, bagaman napapailing. Totoo ang sinabi nito. Noong nakaraang linggo ay tumawag sa kanya ang dati niyang nobyo, ang sabi ay naayos na nito ang demanda sa kanila. Magandang balita iyon at mas naging maganda marahil ang dating sa kanya kung hindi lang sa katotohanang natabunan na iyon ng higit na magagandang balita na dulot ni Nick.

"Ano naman po, 'Tay, kung tumawag siya? Ibinalita lang naman pong inaayos na niya ang papeles ko. Inurong na rin noong tao ang demanda dahil pa-Amerika yata at hindi makakaalis kung may ganoong mga kasong ihinahabla. Isa pa, naibalik na daw ang alahas. Nahanap daw ng mga pulis."

"Eh, alam kong nalabisan ka ng pagkasawi kay Aksing kaya ka hindi na nagnobyo kailanman, eh."

Bigla siyang napatawa. "'Tay, sa tagal ng panahon, iyan pala ang iniisip ninyo? Nakupo! Hindi po ako nagnobyo dahil walang matinong dumating, hindi dahil kay Axl. Hitsura naman, 'Tay."

"Aba, 'wag ka at guwapo rin naman iyong tao. Iyon lang at magnanakaw."

Natawa na naman siya. "Kumpara naman po kay Nick, eh, walang binatbat si Axl. Agree kayo, 'Tay?"

"Aba'y agree na agree." Ngumiti na ito. "Masaya akong ganyan pala ang takbo ng isip mo. Naisip ko lang na baka tulad kita. Mangyari kasi'y iisang babae lang ang minahal ko, alam mo 'yan. At kahit anong gawin ko, hindi na ako matutong magmahal ng iba. Aba'y kung nagkataon, napakasuwerteng unggoy ni Aksing."

"Naks naman talaga si Tatay." Napahagikgik siya, tumabi rito at niyakap ito. "Kinikilig na si Nanay sa langit, 'Tay." Sinalat niya ang noo nito. Wala na itong lagnat. Itinanong niya rito kung ano ang sinabi ng doktor. Ang sabi nito ay wala naman daw kasong lagnatin ito. Wala raw kinalaman iyon sa naging operasyon nito. Maayos din ang mga resulta ng mga nakalipas nitong pagsusuri. Sa ngayon, wala siyang dapat alalahanin sa matanda.

"Aba'y tawagin mo ang magiging nobyo mo at nagluto si Karding ng kalderetang kambing kanina. Kumakain ba siya ng kalderetang kambing?"

"Opo. Kahit ano po, kinakain. HIndi po siya maselan. Laking-hirap din po siya, 'Tay, nagsikap kaya yumaman."

Mukhang lalo nang bumibilib ang matanda. Tinawag na niya si Nick na nang makapasok sa bahay ay agad nagmano sa kanyang ama. Bahagyang tinampal ng matanda ang hita ni Popoy at pinagsabihan na masyado nitong inaabala si Nick. Kakamot-kamot sa ulo si Popoy, hindi bagay sa malaki nitong pangangatawan at semi-kalbo na ulo.

"Nagkukuwentuhan lang naman kami ni Kuya Nick, Tiyong. Kayo naman, masyado kayong seloso," pabirong wika ni Popoy.

Napatingin siya kay Nick at ngiting-ngiti lang ito. Parang gusto niya itong yakapin. Ang bait-bait nito. Ngunit dahil sa pagkakaalam ng kanyang ama ay hindi pa niya ito nobyo ay nagpaka-dalagang-Pilipina siya. Mamaya na niya ito yayakapin bilang pasasalamat. Salamat at ito ay ito.

Nakahain na si Karding sa komedor. Malaking tao rin si Karding, malaki ang tiyan, mukhang kuwarenta anyos na kahit beinte-dos anyos pa lang. Halinhinan ito at si Popoy sa pagmamaneho ng isang delivery truck ng magpuprutas sa bayan. Masipag naman ang dalawa kahit paano.

Habang kumakain at nagbukas ng paksa si Popoy. "Magandang balita, Tiyong, Ate Bibi. Sabi ni Kuya Nick, pahihiramin daw niya kami ng puhunan para makabili ng sariling truck. Magrarasyon kami nitong si Karing ng mga prutas. Alam na namin kung saan kumukuha, eh."

Isang batok ang iginawad dito ng tatay niya. "Aba't talagang hindi ka naman tinubuan ng hiya, ano? Naku, Bibi, kausapin mo ang isang ito at nag-iinit ang ulo ko."

"Si Tiyong talaga," nakangusong wika ni Popoy.

"Wala pong anuman, Tatay," si Nick. "Kaysa po namamasukan sila at ganoon din ang trabaho, mas makakatulong po ang truck sa kanila."

"Naku, Nick, hindi na kailangan," aniya, nilingon ang lalaki, saka sinulyapan ng matalim ang pinsan niya. "Itong si Popoy, kaya pala hinila na si Nick kanina, dumidiskarte. Ikaw, Popoy, ah? Bi-bingo ka sa 'kin, sinasabi ko sa 'yo."

"No, really, it's all right, Bibi. Ako ang nagboluntaryo sa kanya."

"Pero—"

"Kung wala pong magiging problema sa inyo, wala rin po sa akin."

"Aba'y itong isang makapal na ito ang problema ko, Nick. Napakarami mo nang naitulong sa amin, sasamantalahin pa ang kabutihan mo." Napapalatak ang kanyang ama at nauunawaan niya ito. Kahit siya ay nahiya kay Nick.

Nakayuko lang si Popoy, mukhang napahiya rin at dapat lang. Ni hindi nga nito kakilala si Nick. Duda siyang si Nick ang nagbukas ng paksa. Baka si Popoy. Gayunman ay sinabi ni Nick, "Wala naman pong kaso. Huhulugan naman po nila."

"Kahit may interes naman, Tiyong," hirit ni Popoy.

"Ikaw ang mag-iinteres sa akin, kundangan ka," ismid dito ng matanda.

Sa huli, nahiya na rin sila kay Nick at napagbigyan ang nais ni Popoy. Mamaya na niya kakausapin si Nick tungkol doon. Mukhang sumigla ang dalawa niyang pinsan sa magandang balita at bakit nga naman hindi? Sa isang banda, natutuwa siya sa nangyari sa mga ito. Naniniwala siyang makakabayad ang mga ito kay Nick, nabibigla lang siya dahil malaking bagay iyon at hindi sila sanay sa ganoon. Isa pa, mukhang wala namang magiging problema dahil nangako ang mga itong hindi iiwan mag-isa sa bahay ang kanyang ama. Sa probinsiyang iyon din lang kukuha ang mga ito ng prutas kaya't mababawasan ang oras ng trabaho ng mga ito, madaragdagan din ang kita.

Siya ang nagboluntaryong maglinis sa komedor, nagpaiwan din si Nick doon.

"Nick..." panimula niya.

"It's all right." Ngumiti ito at itinaas ang mukha niya. "Mas makakatulong sa kanila, Bibi. Walang problema sa akin. Maliit na bagay lang 'yon."

"Magkano ang isang truck, kahit segunda-mano? Malaking bagay 'yon. Pero 'wag kang mag-alala, kapag hindi sila nakahulog sa 'yo, lagot sila sa akin."

Niyakap siya ito. "'Wag mong isipin 'yon. Para ano pa na isang pamilya na tayo?"

Naipon sa lalamunan niya ang lahat ng nais niyang sabihin. Isang pamilya na sila. Bakit ang sarap sa pandinig? Napangiti siya, saka nagbiro, "Tanggap mo ang dalawang halimaw na 'yon bilang pamilya?"

Ang lakas ng tawa nito. "They're good people, Bibi. I know. I'm sure of it. Hindi ako tumanda sa mundo nang hindi marunong kumilatis ng tao. Relax." Inilapit nito ang bibig sa kanyang tainga. "O gusto mong ako ang magpa-relax sa 'yo?"

Sukat nag-init ang kanyang mukha sa malanding salita nito. "Loko ka, Nick. Baka marinig ka ng Tatay. Sa pagkakaalam niya, hindi pa kita sinasagot."

Ang lakas ng tawa nito, inabot ang basahan at ito ang nagpunas ng mga nahuhugasan niyang pinggan kahit anong pigil niya rito. Nang matapos sila sa kusina ay nagbalik na sila sa sala. Lumabas si Nick para kausapin sina Popoy at Karding. Naiwan silang muling mag-ama sa sala.

"Nakikita ko sa 'yong masaya ka, anak. At sa totoo lang, matagal ko nang ipinapanalanging makatagpo ka ng lalaking mag-aalaga sa 'yo. Inisip ko noon na wala nang lalaking ganoon sa mundo. Ang naging pangarap ko na lang para sa 'yo ay isang lalaking hindi ka sasaktan. Higit-higit ang ibingay ng Diyos. Siguro parating nakabulong ang Nanay mo sa Kanya, nakikiusap, nambobola."

"Si Tatay." Napatawa siya.

Pinisil ng matanda ang kanyang kamay. "Suwerteng-suwerte ni Nick sa 'yo, anak, at masaya akong alam niya 'yon."

Ang init-init ng dibdib niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro