Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 13

NAGKAKANDARAPA si Bebang sa maingat na pagbaba sa hagdan. Hinahapo siya nang marating niya ang maid's quarters sa labas ng bahay. Pakiramdam niya ay nanglalaki ang lahat sa kanya—mata, butas ng ilong, ulo, puso. Ang mga kamay niya ay nanginginig.

Wala sina Fely at Cita sa quarters nila kaya nagtungo siya sa laundry room. Nanonood ng telebisyon ang dalawa—si Cita ay kumakain ng pop beans, si Fely ay may kinukutingting sa loob ng ilong nito. Parang hindi siya napansin ng dalawa at kahit anong pagtawag niya sa mga ito ay walang lumabas na tinig sa kanyang bibig. Hanggang sa wakas ay mapatingin sa kanya si Cita. Kumunot ang noo nito.

"Ano ba 'yan, Bebang? Ilang ulit ko na bang sinabi sa 'yo na kung sa probinsiya, walang problema kahit mukha kang dugyot, dito ay hindi pupuwede 'yan! Maligo ka nga!"

Muli niyang ibinukas ang mga labi, bulong lumabas ang tinig niya kahit sa isip niya ay sumisigaw siya, "Sumiksik ako sa ilalim ng divan. Si Fely ang may kasalanan, hindi siya nagwawalis sa ilalim ng upuan. Pero hindi 'yon ang mahalaga... Hindi 'yon ang mahalaga... Hindi 'yon ang mahalaga..."

"Ano bang pinagsasasabi ng babaeng 'yan?" si Fely. Marahil, hindi nito narinig ang sinasabi niya.

"Kumalma ka, Bebang. Kumalma ka!" singhal ni Cita. Nilapitan siya nito, hinawakan ang mga kamay niya. "May nakita ka bang multo o ano? Aswang? Kapre?"

"M-mas malala... Mas malala!"

Isang sampal ang pinatama ni Cita sa kanyang pisngi at para siyang natulig. Natulala siya at natauhan. Pinaupo siya ng mga ito, binigyan siya ng tubig. Mayamaya ay muli siyang tinanong ni Cita. "Ano'ng nangyayari sa 'yo?"

"Isang napakasamang balita," sambit niya, mas malakas na ang tinig sa pagkakataong iyon. "Nag-eespiya ako kay Sir Nick at sa... sa... sa yawang babaeng 'yon! May natuklasan ako!"

"Ano?" halos magkapanabay na tanong ng dalawa.

"Kaya siya nandito ay para anakan ni Sir Nick!" bulalas niya.

Mga mukhang nakalulon ng bubog ang dalawa. Agad siyang pinagpaliwanag ni Cita at halos isadula niya ang narinig niyang usapan ng dalawa habang nakasiksik siya sa ilalim ng upuan at nakikipagkiskisan sa mga alikabok. Nang matapos siya ay sukat humagulgol si Fely, habang si Cita naman ay maluha-luha na rin.

"Tumahimik ka, Fely!" singhal ni Cita rito. "Kayong dalawa, dahil sa kasakiman ninyo sa gayuma, naunahan pa tayo! Pero hindi ako papayag!"

"Ano'ng gagawin natin?" aniya. Aminado siya, sa kanilang tatlo ay si Cita ang pinakamatalino. Nakapagtapos ito ng vocational, siya ay grade two ang inabot, repeater pa. Si Fely naman ay sinasabing nakatapos ito ng high school pero tulad niya ay hirap itong magbasa ng Ingles. Sa mga sinasabi ni Sir Nick na hindi nila nauunawaan ay si Cita ang takbuhan nila.

Gayunman, hindi siya natutuwa kay Cita dahil alam niyang sinasamantala nito ang kanilang kahinaan. Palautos ito at nagrereyna-reynahan. Ngunit sa pagkakataong iyon, batid niyang kailangan nilang magtiwala sa babae.

"Sa katunayan, magandang narinig mo ang plano nila, Bebang. Kaya naman pala nandito ang babaeng 'yan. At, prens, papayag ba naman tayong maging amo ang isang pokpok?"

"Natural hindi!" tutol niya. Si Fely ay panay ang iling.

"Hindi malinaw kung ano ang totoong plano, pero sa palagay ko, hindi sila magpapakasal."

"Ganoon din ang nahimigan ko," aniya.

"Dahil kung magpapakasal sila, hindi nila kailangang mag-usap sa ganoong paraan, hindi ba?" patuloy ng babaeng mahaba ang mukha. "Pero kahit wala silang balak magpakasal, magiging amo pa rin natin ang babaeng 'yan at aminin natin na kung sakaling kasal na ako kay Sir Nick... ang ibig kong sabihin, sakaling kasal na ang isa sa atin kay Sir Nick, magiging malaking problema ang babaeng 'yon."

"Siyang totoo," si Fely.

Hindi nakaligtas sa kanya ang pagkadulas ni Cita. Natural na niyang nahulaan na may pinaplano ito para mabuo ang recipe ng gayuma, ngunit hindi nito makikita ang bahagi ng papel na nasa kanya dahil sinunog na niya iyon. Sinaulo niya ang nasa papel. Magkagipitan man, hindi niya ibubunyag ang lahat ng sangkap.

"Kailangang hindi siya mabuntis. Naglinis ako sa banyo niya kanina, nakita ko sa basurahan na meron siya ngayon. Hindi siya mabubuntis. Pero kailangan natin siyang painumin ng pills nang hindi niya nalalaman. Araw-araw, mga prens. Ako na ang bibili noon bukas na bukas din sa bayan. Magtatanong na rin ako sa center kung paano gamitin."

Sadyang may utak si Cita. Napatango siya. "Dapat natin siyang mapaalis dito."

"Tama ka, Bebang. May naiisip na akong plano. At sa pag-alis niya, dapat na nating magdesisyon kung sino sa ating tatlo ang magiging susunod na Mrs. Montero."

Tumango siya, gayondin si Fely. Sa isip-isip niya, Hindi kayong dalawa 'yon. Ako lang. Ako ang magiging Mrs. Nicanor Montero. Ano kayo, bale?

Napabuntong-hininga siya, nailarawang-diwa ang buhay sa magandang bahay habang inuutusan ang dalawang kawaksing pagsilbihan sila ni Nick. Kusang napapikit-pikit ang mga mata niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro