Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1

Siniko ni Cita ang kaibigan niyang si Fely na nasa kanyang kaliwa, saka niya siniko si Bebang na nasa kanan niya. Napatingin ang dalawang kawaksi sa kanya. Itinuro niya ng nakausling nguso ang babaeng nakaratay sa kama, si Madame Tomasa. Nakanganga iyon habang natutulog, naghihilik. Kahit nakapikit ay hindi maipagkakaila ang tambok ng mga mata niyon na ubod nang lalaki.

"Mukha talagang palaka," aniya sa dalawang kaibigan. Lahat sila ay kawaksi sa tahanang iyon ng mga Montero. Amo nila si Madame Tomasa Montero, ang pinakamasuwerteng babae sa balat ng lupa.

"Tingnan mo ang labi, sobrang lapad na nga, sobrang kapal pa," hirit-pintas ni Bebang. Sinarili na lang niya ang panlalait sa kaibigan. Kung makapagsalita naman ito. Samantalang ang mga labi nito ay animo sinuntok ng boksingero sa pangangapal niyon. At least si Madame Tomasa, maputi ang batok. Ang kay Bebang ay puwede nang pagtamnan ng kamote. Kahit ang mga gilid ng kuko nito sa paa ay ganoon din.

"At tingnan mo ang ilong, 'Day," hirit naman ni Fely. "Parang kita na ang utak sa laki ng butas, eh."

Isa pa itong pintasera. Ang ilong nito ay tsapad. Dapang-dapa iyon. Kahit tumulo ang utak nito, hindi babagsak. Masasalo rin ng mismong ilong nitong halos wala nang butas sa pagkakadapa niyon. Siya ang pinakamaganda sa tatlo, mas maganda kay Madame Tomasa. Makinis ang kutis niya, maputi. At kahit na pustiso pa ang ngipin niya ay hindi naman iyon halata.

"Mas maganda ako sa kanya," deklara niya.

"Feeling mo naman?" ismid ni Bebang, parang hindi makapayag sa sinabi niya.

"Totoo naman, eh. Ano, may reklamo?" aniya.

"Cita, magkape ka nga at tumingin ka na rin sa salamin. Nakita mo nang madagukan ka lang ng kaunti, masasaksak na ng baba mo ang puso mo. Aba'y puwede nang pang-kalso sa trak 'yang baba mo, ah! Ang yabang mo naman!"

"At nagsalita ang maganda! Hoy!" Idinutdot niya ang daliri sa balikat nito. "Kung sa 'yo rin lang naman, mas maganda ako. At hindi ako papayag na mas maganda sa akin 'yang si Tomasa. Hitsura nito!"

"Hoy! Lamang ako sa 'yo ng ilang paligo, 'no!" gigil nitong wika.

"Paligo? Bakit, marunong ka ba noon? Tingnan mo nga 'yang batok mo. Liha ang dapat gamitin diyan para pumuti!"

"Morena lang ako kaya ganyan ang kulay niyan!"

"Morena? Ang salitang morena, para lang sa maganda. Tubuan ka ng hiya! Hindi morena ang tawag sa 'yo—baluga!"

"Ang iingay ninyo!" saway ni Fely. "Nagtatalo pa kayo. Sa ating tatlo, tanggapin na ninyo ang katotohanan na ako ang pinakamaganda."

Sabay sila ni Bebang na napatingin sa babae. Itinaas nito ang noo. "Ah, bakit? Totoo naman, ah. Kilay na kilay ko pa lang, talo na kayo."

"Kilay lang ang maganda sa 'yo dahil balbon ka," si Bebang. "Sa ibang babae, magandang tingnan ang balbon. Ikaw, mukha kang tsonggo! Parang natapakan 'yang ilong mo, ang yabang mo pa. Iyang mata mo, kaunting hatsing mo lang tatalsik na!"

"Duling ka naman!"

"Magsitigil kayo!" saway niya sa dalawa na parehong umismid sa kanya. "'Wag na tayong magplastikan. Alam naman nating tatlo kung bakit tayo nagkakaganito. May gusto tayong lahat kay Sir Nick. At gusto na nating mawala sa landas natin ang Tomasa na ito." Inginuso niya ang babaeng nakaratay sa kama. May malalang sakit ito at may anim na buwan na itong naghihintay na lang ng kamatayan.

Ilang taon na silang naninilbihan kay Sir Nick nang iuwi nito si Madame Tomasa at ipinakilala bilang asawa nito. Nagkasakit si Tomasa ilang buwan matapos ang kasal. Hindi nila nakilala nang husto ang babae dahil nang ipakilala sila dito ay hindi nagtagal ang mag-asawa sa bahay at nang muling umuwi ay malubha na ang babae. Ang hinala nila, base sa hitsura nito, masama talaga ang ugali nito. Malaking babae si Tomasa, at ang sabihing hindi ito kagandahan ay isang malaking pampalubag-loob.

Wala silang masyadong alam sa babae, maliban sa noong malusog pa ito ay naka-jackpot ito kay Sir Nick. Mahirap unawain kung paano nangyari ang lahat dahil si Sir Nick ay pantasya ng marami. Mayaman ito, guwapo, macho, mabango, at mukha pang dakota. Ilang ulit na niya itong pinagmamasdan sa tuwing naliligo ito sa swimming pool at hindi nakakaligtas sa kanya ang sukat ng umbok nito sa pagitan ng hita. At ilang gabi niyang iniiwang nakabukas ang pintuan ng kanyang silid—baka sakaling pasukin siya nito. Handa na siya. Kahit dialogue niya ay na-practice na niya.

Malala ang tama niya kay Sir Nick. Silang tatlo. Dahil malaki ang pag-asa nila rito. Kung pumatol ito kay Tomasa, bakit naman hindi ito papatol sa kanya? Maaaring hindi sa dalawa niyang kasamahan, dahil talagang mahigpit ang paniniwala niyang siya ang pinakamaganda sa mga ito, ngunit tiyak na siya ay papatulan ni Sir Nick.

Diyos ko, ibigay N'yo na sa akin si Sir Nick, sa isip-isip niya. Gabi-gabi niya iyong dalangin. Kahit ang kanyang mga magulang sa probinsiya ay pinakiusapan niyang ipagdasal ang love life niya.

"Sobra ka naman magsalita," ani Fely. "Hindi ko naman pinapanalangin na mawala na sa atin si Madame Tomasa."

Plastic, sa isip-isip niya.

Si Bebang ang humirit. "Kunwari ka pa, Fely. Ang totoo, pinapantasya mo si Sir. Aminin mo na. Akala mo hindi ko nakita ang diary mo? May pirma ka pa nga doon ng pangalan mo at ang apelyidong ginamit mo, apelyido ni Sir! Nakakagigil ka, pangit!"

"Ikaw ang pangit!"

"Shhh! Kalma lang, prens," aniya sa mga ito. "Magkaroon na lang tayo ng kasunduan dito, okay? Kapag naging malaya na si Sir Nick, saka tayo magpaligsahan."

"Sino naman ang nagsabi sa 'yong mananalo ka?" si Bebang.

"At feeling mo ikaw ang mananalo?" aniya rito.

"Tingnan na lang natin."

Napakayabang ni Bebang pero pinagbigyan niya ito. Nilingon niyang muli si Tomasa. Humahagok na ito sa puntong iyon. Kumibot-kibot ang daliri nito. Mga mumunting galaw na lang ang kaya nitong gawin nitong nakaraang dalawang buwan. Narinig niya sa doktor nito na kailangan daw sana ng babae ng bagong puso. Ngunit kahit pala sa mga mayayaman ay hindi rin madaling makuha ang bagay na iyon. Siyempre nga naman, wala namang taong nagbenta ng puso nito dahil iisa iyon.

At dahil mayaman si Nick at nais ni Tomasa na sa bahay na iyon manatili sa halip na ospital, ay mayroong nurse na bakla ang babae. Kumpleto rin ang mga gamit doon para sa kalusugan nito. Nasa Territorio de los Hombres sila, isang esklusibong country club na para lang sa mga mayayaman. Paraiso ang lugar na iyon, ngunit para sa kanya, mas magiging paraiso iyon kung mapapasakanya si Sir Nick.

"Ang suwerte talaga niyang si Madame," si Fely.

Sumegunda si Bebang, "Biruin mong natikman niya si Sir Nick. Pero alam n'yo ba kung ano ang tsika noong kapitbahay natin? Iyong maid diyan sa kabila?"

"Ano?" halos magkapanabay nilang tanong ni Fely. "Dapat pala ikakasal sa iba si Sir Nick noon. Kay Ma'am Bridgette! Iyong asawa ni Sir Juan Gorospe, anak ni Senator Gorospe! Por Diyos, mahuhulog ang lahat ng mahuhulog sa akin sa kaguwapuhan ng mag-amang 'yon!"

Napukaw ang interes niya. "O, eh, bakit hindi daw natuloy? At bakit dito siya kay Tomasa nauwi? Heller? Ang layo naman ng hitsura ni Ma'am Bridgette dito kay Tomasa. Ang ganda-ganda noon, eh!"

"Iyon ang malaking tanong. Pero dalawang buwan matapos na hindi matuloy ang kasal nila ni Ma'am Bridgette, um-enter da dragon na itong si Tomasa. Nagpakasal sila. Pero limang buwan lang, nagkasakit na itong si Tomasa. At ngayon nga, 'ayan, halos lantang gulay na. Parating malungkot si Sir. Talagang parang mahal niya itong si Madame Tomasa."

"At parang ang sarap-sarap niyang pasayahin," buntong-hininga niya.

Bumuntong-hininga rin ang dalawa niyang kasamahan. Muli niyang tiningnan si Tomasa. Realistiko siyang tao. Hindi siya ang uri na mapagpantasya. Kung nagkataong si Bridgette ang napang-asawa ni Sir Nick, malamang na hindi niya ito pagpapantasyahan. Ngunit dahil kay Tomasa, nagiging realidad tila ang mga pantasya niya. Hindi lang si Tomasa ang bukod na pinagpala. Isa pa, sa lahat ng nangyari kay Sir Nick ay isang bagay ang natitiyak niya—hindi ito tumitingin sa pisikal na anyo.

Hindi sa pangit siya pero kumpara sa mga babaeng tulad nina Bridgette ay talagang wala siyang binatbat.

"Ano ba ang natapos nitong si Madame? Saan sila nagkakilala ni Sir Nick?" aniya.

"Hindi nga alam noong maid sa kabila, eh. Iyon nga rin ang tanong ko," si Bebang. "Hinihiritan ko naman si Badong kung minsan, pero ayaw magsalita, eh." Si Badong ang driver ni Sir Nick. Siya ang type ni Badong, sa totoo lang. Siya ang hihirit dito.

Iniwan na nila sa silid nito si Tomasa. Tumaas na rin ang nurse nito na hindi sila pinagkakausap na tatlo. Ginawa na nila ang mga toka nilang trabaho. Nang sumapit ang gabi ay maagap siya sa pag-aabang kay Sir Nick. Nang pumarada na sa tapat ng bahay ang kotse nito ay agad siyang lumabas. Maging sina Fely at Bebang ay ganoon din ang ginawa.

Halos magkakapanabay nila itong binati ng "Good evening, Sir."

Hindi nakaligtas sa kanya na may makeup ang dalawa. Trying hard. Mas mahusay ang diskarte niya kaysa sa mga ito. Gamit lang niya ang natural beauty niya. Nakita niya kasi ang isang photo album ni Tomasa at mula roon ay naturol niyang hindi mahilig maglagay ng kolorete ang babae. Naisip din niyang sa tuwing nakikita niya doon sa Territorio si Bridgette ay wala rin itong makeup.

"Good evening," sambit ni Nick, tila pagod na pagod. "Ang Ma'am ninyo, kumusta?"

"Mabuti naman, Sir," aniya, nakasunod dito papasok ng bahay.

"Sige. Titingnan ko na siya."

Pumanhik na ang lalaki sa itaas. Araw-araw, sa pagdating nito ay inuuna nitong tingnan ang kalagayan ng asawa. Bago ito umalis ay ganoon din ang ginagawa nito. Napabuntong-hininga siya, umaasa na darating ang araw na sa kanya mababaling ang walang-maliw na pagsinta ng lalaking guwapo.

Lumabas siya at hinanap si Badong. Ngiting-ngiti ang lalaki sa kanya. Dinaan niya ito sa pa-cute at nagtanong dito ng tungkol kay Tomasa.

"Hindi ko rin alam kung saan nakilala ni Sir Nick si Madame. Pero sa pagkakaalam ko, simpleng tao lang si Madame at ulilang lubos na."

Walang silbi si Badong. Nagpaalam na siya rito. Pagpasok niya sa bahay ay nakita niya si Sir Nick sa hagdan, buhat-buhat si Madame Tomasa na lantang-lanta na ang katawan. Agad nitong isinakay sa sasakyan ang babae, kasama ang nurse. Naiwan silang tatlo sa bahay.

"Ano kaya ang nangyayari?" si Bebang.

Naghintay sila magdamag. Alas-dos na nang dumating ang tawag ni Nick. "Cita, ihanda mo ang paboritong bestida at sapatos ng Ma'am mo. Wala na siya."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro