purplenayi's Oneshot Story
Heart on Loan
by purplenayi
Napangiti ako habang pinagmamasdan ang pagkaka-ayos ko sa mesa. Romantic dinner for two with matching candle lights pa. Ilang oras din ang iginugol ko sa pagluluto at pag-aayos ng lahat.
Third year anniversary namin ngayon ng lalaking pinakamamahal ko. Ang take note, birthday ko rin ngayong araw na 'to. Sinagot ko siya sa mismong araw na nagce-celebrate kami ng birthday ko.
Naalala ko pa kung paano kami nagkakilala.
Hapon noon. Pauwi ako mula sa trabaho sakay ng pampublikong bus. Sobrang init ng ulo ko dahil sa mga problema sa opisina. Lahat na nga lang napagbubuntunan ko e. Konting pagkakamali lang sa paligid ko, naiirita na ako.
Sa unang line na tatluhan ako nakaupo, sa tabi ng isle. May nakaupo rin namang babae sa gilid ng bintana pero ayokong tumabi sa kanya dahil baka mapagbuntunan ko pa.
Sumakay siya nang mga oras na 'yun at nakita ang bakanteng upuan sa tabi ko.
"Uhm, Miss? Pwede?" tanong niya sabay turo pa sa pwesto sa gitna namin ni Ateng sa tabi ng bintana.
"Mukha bang may nakaupo? Malamang pwede 'di ba? PUV 'to, di ka na-inform?" Tinaasan ko pa siya ng kilay. Gulat na gulat 'yung expression niya habang nagpapatuloy ako sa pagsasalita. "Konting utak nga! Kung ayaw mong gamitin, ibenta mo na," sabi ko pa.
Hindi napigilang matawa ni Ateng sa tabi ng bintana na ikinairita ko.
"Nakakatawa?" inis na sabi ko pero hindi nakatigin sa babae.
Alam kong sobrang nakakairita ako ng mga oras na 'yun pero wala akong pakialam. Mainit ang ulo ko, makiramay sila.
Mukhang napahiya man, naupo pa rin siya sa pwestong 'yun. Pero hindi siya sumandal na para bang ayaw niyang madikit man lang sa akin. Sa tuwing aksidente pa siyang mapapahilig sa banda ko, itinataas niya ang isang kamay niya na tila ba humihingi ng dispensa. Hindi ko alam kung matatawa ako o ano kaya naman nanahimik na ako. Kumalama na rin ako at medyo nawala ang init ng ulo ko.
Natawa na lang ako sa sarili ko. Hindi ko lang talaga mapigilan na mapailing sa tuwing naaalala ko ang mga pangyayaring 'yun. Tumingin ako sa orasan. Alas-otso na ng gabi.
"Parating na siguro 'yun," bulong ko sa sarili.
Normally, 7 pm pa lang narito na siya. Pero nagsabi siya kaninang may pinamadali ang boss niya kaya mahuhuli siya ng kaunti.
Naupo na muna ako sa sofa ng sala para maghintay.
Sa loob ng tatlong taon, naging masaya ako sa piling niya. Oo, may mga tampuhan na nauuwi sa away at panandaliang hiwalayan pero nalagpasan naming lahat 'yun. Hindi ko nga napansing ganito na pala kami katagal. Parang kailan lang, unang beses kaming nag-usap nang matino.
Dalawang buwan noon matapos ang insidente na nasungitan ko siya ay nagkatabi ulit kami sa bus. Actually, madalas na nakakasabay ko siya. Sa araw na 'yun lang nangyaring nagkatabi kami. Oo, napapansin ko siya palagi. Kapansin-pansin naman kasi talaga siya e. Siya 'yung tipo na hindi man ka-gwapuhan, mapapalingon ka pa rin kapag nakasalubong mo. Ganun kalakas ang dating niya.
Maganda ang mood ko sa mga oras na 'yun. Naka-earphones pa ako habang pinakikinggan ang paborito kong kanta sa araw na 'yun (paiba-iba kasi ako ng paborito araw-araw).
Napansin kong parang nagsasalita siya kaya inalis ko ang isang earphone ko at lumingon sa kanya.
"Huh?" tanong ko.
Ngumiti siya sa akin. "Sabi ko, paborito ko 'yang kanta," aniya sabay turo sa earphone na hawak ko.
Napatigin naman ako roon saka ngumiti. No wonder, nasa-isip ko. Maganda naman kasi talaga 'yung kanta.
Ibabalik ko na sana sa tenga ko ang earphones nang magsalita pa ulit siya.
"Ang gaganda ng soundtrack ng Begin Again 'no?"
Napatango agad ako. "Yeah, alam mo bang ilang beses ko nang pina-ulit-ulit panuorin 'yun dahil sa mga kanta?"
Hindi ko alam kung anong pumasok sa utak ko at sumagot ako. Natuwa siguro ako dahil sa wakas, may makaka-usap na rin ako tungkol sa film na 'yun.
Kung saan-saan napunta ang pag-uusap namin. Marami kaming mga bagay na pinagkakasunduan. Tulad na lang sa music, sa movies, sa libro... halos lahat. Pati sa pagkain nga halos pareho kami.
Hindi ko na namalayan na pababa na pala ako. Sa sobrang enjoy ko sa pag-uusap namin, parang ayoko na tuloy bumama.
"Paano, mauuna na ako," sabi ko sabay turo pa sa papasok sa subdivision namin.
"Okay, sige. Nice talking to you!" aniya.
Ngiti lang ang isinagot ko at bumama na ako ng bus. Nakatigil pa rin 'yun dahil may isang buong pamilya na sasakay nang marinig kong may kumatok sa may bintana. Tumingin agad ako roon at nakita ko siyang nakangiti sa akin habang may hawak na papel.
Sa papel na 'yun nakasulat ang pangalan niya. Naiiling na lang na napangiti ako. Oo nga pala, ang dami na naming napag-kwentuhan pero ang pinaka-unang bagay na dapat naming malaman sa isa't-isa hindi namin nasabi.
Lilingon na sana ako nang baligtarin niya ang papel. Doon naman, may nakasulat na...
Utang mo sakin ang pangalan mo.
Napukaw ang isip ko nang tumunog ang cellphone ko.
From: Noodle
Oats! Papunta na ako, sorry medyo natagalan. Love you!
Napangiti na lang ako sa text niya.
Noodle at Oats ang tawagan namin. Kahit noong hindi pa kami, ganyan na kami magtawagan. Isa kasi ito sa konting bagay na hindi namin mapagkasunduan. Mahilig ako sa oats, siya naman sa noodles.
To: Noodle
Okay, ingat! Love you too! :)
Pumunta muna ako sa sala para hintayin siya. Hindi ko mapigilang maalala ang mga nangyari sa mismong pwesto na kina-uupuan ko. Dito kasi kami nakaupo nang unang beses niyang sabihin na gusto niya ako.
Tatlong buwan bago ang araw na 'yun, palagi na kaming nagkakasabay sa bus. Kung tutuusin, tini-tyempuhan namin ang isa't-isa.
Kinabukasan pa nga lang simula nang una kaming mag-usap, nagkasabay kami ulit. Sa tabi siya ng bintana noon nakaupo. Kumaway agad siya sa akin nang makita niya akong naghihintay.
Sa totoo lang, ilang bus na talaga ang pinalagpas ko dahil somehow, umaasa akong magkakasabay uli kami. Hindi naman ako nabigo. Mukhang sinadya niya rin na maupo sa tabi ng bintana para makita ko siya ay magkasabay kami. Nakalapag pa sa katabing upuan niya ang bag na dala niya at halatang nai-reserve niya 'yun.
Sandaling tahimik lang kaming dalawa. Mayamaya bigla niya na lang akong kinalabit at nagsalita.
"Uy, may utang ka pa sakin!" aniya.
"Huh? Bakit naman ako nagka-utang?" tanong ko.
Sa totoo lang, iniisip ko na babanat siya. Tipong 'tae ka ba? Hindi kasi kita kayang paglaruan eh.' 'Yung mga ganun kakorning banat. Ewan ko ba. Wala pa kasing naggaganun sa akin e. Natatakot siguro na sungitan ko sila. Pero gusto ko naman kahit isa lang may bumanat kahit na korni.
"'Yung pangalan mo. 'Di ba sabi ko sa'yo kahapon utang mo 'yun sakin?"
Kainis! Akala ko pa man din kung ano na. Nag-expect pa man din ako.
"Bakit sa'yo ko 'yun utang? Magulang ba kita?" sabi ko.
"Ganun?" malungkot na sabi niya. "Alam ko naman na hindi ako ang nagbigay ng pangalan mo. Gusto ko lang naman sanang palitan ang apelyido mo." Seryoso siya nang sinabi niya ang mga salitang 'yun kaya napatitig ako sa kanya.
Nakipagtitigan siya sandali saka tumawa. "Joke! Ha-ha-ha!" aniya.
"Bwiset!" natatawang sabi ko. Pero sa loob-loob ko, nagdi-disco ang puso, at lahat ng laman- loob ko.
~*~
Concert noon ng isa sa paborito naming artist nang sabihin ko sa kanya ang pangalan ko. Eksaktong isang linggo mula nang mag-usap kami. Oo, hindi ko talaga sinabi sa kanya kahit ilang beses na kaming nagkasabay pang uli sa bus.
Niyaya niya akong manood ng nasabing concert kasi sayang naman daw 'yung isa niya pang VIP ticket kung hindi naman magagamit. Dahil gustong-gusto kong mapanood 'yun at naubusan lang ako ng ticket, pumayag akong manood kasama niya.
Nasundan pa ng ilang paglabas ang araw na 'yun. Masaya ako kapag kasama ko siya at nakikita kong nag-eenjoy rin naman siyang kasama ako.
Unti-unting nakilala ko siya.
Sweet siya sa akin, mabait, masayahin, mapagbigay... lahat na ata ng magagandang katangian maikakabit ko sa kanya. Pero ang sabi nga ni Inay, makikilala mo ang isang tao kung paano siya makitungo sa iba. Hindi lang sa'yo.
Nakita ko kung gaano niya kamahal ang pamilya niya. Kung gaano siya kabait na anak, kapatid, pinsan... o kahit kapitbahay. Mas inuuna niya pa ang iba kesa sa sarili niya.
Dahil doon, naramdaman kong uti-unting nahulog ang loob ko sa kanya.
Isang buwan matapos ang concert, nagsabi siya na gusto niya ako.
Kakaupo ko lang noon dito mismo sa kinauupuan ko ngayon nang bigla na lang siyang bumuga ng hangin. Napatingin agad ako sa kanya. Pagkatapos nun, walang anu-anong sinabi niya sa akin, "gusto kita!" Hindi agad ako nakasagot noon kaya nagpanic siya bigla. "Uhm, 'wag kang magagalit ha? Manliligaw ako..." Tila nag-alangan pa siya dahil hindi ako umiimik. "Pwede?" tanong niya.
Hindi ko pa rin mapigilang matawa sa tuwing naaalala ko ang isinagot ko sa kanya noon.
"Mukha ba 'kong may boyfriend? Malamang pwede 'di ba? Single ako, di ka na-inform?" Nakatulala lang siya sa akin pagkatapos kong sabihin 'yun. "Konting utak nga! Kung ayaw mong gamitin, i-OLX mo na!" sabi ko pa.
Mukhang nag-sink-in na sa kanya ang sinabi ko kaya tumawa siyang bigla. Ginamit ko rin kasi ang tono ko nung unang beses kaming nagkita.
Ako naman, natawa na rin. Tumingin pa ako sa kanya. "Nakakatawa?" sabi ko pa gamit uli ang tono ko noong unang beses kaming nagkita.
Limang buwan din siyang nanligaw sa akin. Ang balak ko sana, sa birthday niya saka ko siya sasagutin. Dalawang buwan pa 'yun pagkatapos ng birthday ko. Pero hindi na ako nakapaghintay. Ramdam ko kasi sa sarili kong hulog na hulog na ako. Regalo ko na lang sa sarili ko na maging official siyang sa'kin.
Nasa park kami nang mga oras na 'yun. Ang sabi ko kasi sa kanya, doon ko gustong mag-celebrate at magdala na lang kami ng mga pagkain.
Nahirapan pa ako nang mga oras na 'yun dahil hindi ko alam kung paano ko sasabihing sinasagot ko na siya. Mas madali naman kasi kung magtatanong siya. O kung sasabihin niyang mahal niya ako para sasagot na lang ako na mahal ko rin siya.
Buong buhay ko wala pa akong sinagot (kasi wala namang nagtangkang manligaw) kaya naka-lagpas sampu ata akong subok na sabihin.
Saktong papalubog ang araw nang masabi ko ang magic word.
"Thank you, huh?" sabi ko.
"Basta ikaw. Alam mo namang malakas ka sa akin e," aniya.
Ngumiti ako. "Ang swerte ko talaga sa'yo. Lahat na ata na sa'yo e. Kaya hindi ka mahirap mahalin e," sabi ko.
Napatitig siya sa akin sa sinabi ko. Hindi man direkta, alam niya na ang ibig kong sabihin. Pero kahit ganun, sinabi ko pa rin ulit.
"Mahal na kita."
~*~
Nagising ako sa mga haplos niya sa pisngi ko. Hindi ko namalayang nakatulog na pala ako. Tinignan ko ang orasan at nakitang mag-aalas-doce na.
"Sorry, may nangyari kasi. Hindi agad ako nakarating," sabi niya agad.
Tipid na ngumiti ako saka tumango. Okay lang naman, may ilang minuto pa namang natitira bago matapos ang araw.
Bumangon agad ako. "Kumain ka na ba?" tanong ko.
Alangang tumango siya. "Pero gutom na ulit ako," aniya. Ngumiti pa siya nang malapad saka hinawakan ang mga kamay ko.
Ngumiti na lang rin ako sa kanya at tumayo.
"Maghahain muna ako," sabi ko saka pumunta sa kusina.
Ininit ko lahat ng pagkain at inihain 'yun sa mesa.
Naramdaman ko na lang ang pagyakap niya mula sa likod ko nang mailapag ko ang pinakahuling putahe.
"Sorry talaga ha? Hindi na ka tuloy nakapag-dinner," aniya.
Ngumiti ako. "Ayos lang. Ang mahalaga, nandito ka na at makakakain na tayo."
Hindi siya sumagot at naramdaman ko na lang na may isinuot siya sa leeg ko.
"Happy birthday," aniya saka humalik sa buhok ko.
"Thanks." Kinuha ko ulit ang dalawang braso niya at iniyakap sa akin nang mahigpit. Nagpalipas lang kami ng ilang sandali saka bumitaw na at nagsimulang kumain.
~*~
"Let's go somewhere. Wala ka namang lakad ng weekend 'di ba?" tanong niya.
"Wala naman. Saan tayo pupunta?"
"Hmmn..." nag-isip siya sandali saka ngumit. "Mag-beach naman tayo. Tutal summer na," aniya.
Tumango ako saka ngumiti.
"What time tayo aalis?" tanong ko.
Ngumiti siya nang malapad saka sumagot. "Now. Dala ko na ang gamit ko, o," aniya sabay turo sa traveling bag niya. Kung hindi niya pa sinabi, hindi ko pa mapapansin 'yun. "Mag-empake ka na ng gamit for 2 days. Ako nang bahalang mag-ayos nito."
Kumilos agad ako at inayos ang gamit ko. Sa totoo lang, na-eexcite ako. Sa loob kasi ng tatlong taon, iilang na beses pa lang kaming nakapag-out-of-town. Busy kasi kami pareho sa kanya-kanyang buhay kaya hindi magtugma ang mga oras namin.
Lumabas agad ako ng kwarto matapos kong mag-empake. Sakto namang tapos na rin siyang magligpit ng pinagkainan at nahugasan niya na rin ang mga 'yun.
"Let's go?"
~*~
Napag-desisyunan naming sa La Union magpunta. Sakto naman kasing may 24 hours biyahe ng bus papunta roon. Mabuti na lang din, walang masyadong tao kaya madali kaming nakasakay. May matutuluyan na rin kami roon. Plano pala kasi talaga niyang pumunta kami rito ngayong weekend kaya nakapagpa-reserve siya. Sa isang resort 'yun na katabi ng dagat.
Itinulog namin ang buong biyahe at maliwanag na nang makarating kami ng La Union.
Ang gaan ng pakiramdam ko pagkababa ko pa lang ng bus. Matagal-tagal na rin kasi simula nang huli akong nakapag-bakasyon. Dagdag pa na kasama ko siya.
Hindi kami nag-aksaya ng oras at nag-libot agad. Umarkila kami ng tricycle para pumunta sa mga tourist attraction.
Naroong nagpunta kami sa falls para maligo. Sumakay pa kami ng habal-habal at naglakad paakyat ng bundok para marating lang namin 'yun. Pero kahit pagod, sobrang nag-enjoy kaming dalawa.
Kung saan-saan pa kami dinala ng tricycle driver bago kami ibinalik sa tinutuluyan naming resort. Kumain lang kami saka nagpahinga na dahil pagod kami sa biyahe at sa paggagala.
Sa buong paglilibot naming 'yun, hindi naalis ang ngiti sa mga labi naming dalawa. Mabibilang ko lang din sa mga kamay ko kung ilang beses kaming nagbitaw ng pagkakahawak sa kamay ng isa't-isa. Sa lahat ng naging lakad namin, masasabi kong dito kami naging pinakamasaya.
~*~
Medyo tinanghali na kami ng gising kinabukasan kaya naman napagpasyahan naming gabi na umuwi. Balak pa kasi naming maglunoy sa beach bago kami umalis.
Bandang hapon nang nagsimula kaming maglaro sa tubig. Hinintay lang namin na medyo pababa na ang araw bago kami pumunta sa beach. Buong oras ay nagtatawanan kami habang nagsasabuyan ng tubig. Ilang beses pang binuhat niya ako at ibinababa sa tubig. Though mabilis niya rin naman akong inaangat saka bigla na lang hahalikan sa mga labi.
Nang mapagod ay naupo na lang kami sa tabi ng dagat. Tahimik lang kaming nakatanaw sa papalubog na araw. Hinintay na talaga namin ang sunset para panuorin bago man lang kami umalis.
~*~
Hindi ko na alam kung gaano katagal ang oras na lumipas saka siya nagsalita. Bumuga pa siya ng hangin bago nagsimula.
"We're expecting." Tumahimik siya sandali bago nagpatuloy. "She's two months on the way," aniya pa.
Napangiti na lang ako nang mapait sa narinig ko. Somehow, ini-expect ko na rin ito.
Hindi ako sumagot at tumango na lang. Pinigilan ko ang sarili kong maluha. Parang may pumipiga sa puso ko sa sinabi niya.
A month after ko siyang sinagot, I found out about her. I was hurt. Para akong sinuntok nang mga oras na 'yun. Sobrang sakit na parang pinupunit ang buong pagkatao ko.
Two years na pala silang kasal nang magkakilala kami.
I even thought na parang kapatid lang ang turing niya roon dahil ilang beses niya na rin itong na-ikwento habang nanliligaw siya. I never felt any jealousy towards her dahil na rin sa way ng pagsasalita niya tungkol sa huli.
I felt betrayed. 'Yung fairy tale love story na pinapangarap ko, nawala na lang na parang bula. I thought I already knew him sa ilang buwan na nagkakasama kami pero hindi pa pala. Hindi pa pala sapat ang oras na 'yun para makilala mo ang isang tao. Kung minsan iniisip ko, kahit siguro ngayon, hindi ko pa rin siya gaanong kilala.
After kong malaman ang tungkol doon, ilang linggo ko rin siyang hindi kinausap. Ilan daang text at tawag niya ang hindi ko sinagot. Pero sa bandang huli, ako rin ang sumuko at nakipagkita sa kanya.
The time we met again, ikinwento niya ang istorya nila. It was some cliché story where they got married out of whim. 'Yun bang tulad ng mga istoryang mababasa mo sa pocketbook na mangangako sila sa isa't-isa na pag tumuntong sila ng ganitong edad at wala pa silang asawa, silang dalawa ang magpapakasal. They were best of friends. Sabay silang lumaki kaya naman walang problema sa kanya na magpakasal sila. Ang sabi niya pa sa'kin, hindi niya raw kasi ini-expect na darating pa ako sa buhay niya. At ang pagpapakasal niyang 'yun ang itinuturing niyang pinakamalaking pagkakamali niya.
I accepted him again. I didn't care anymore if he's married. Hindi ko siya mapakawalan. I don't know how to get back to who I was before. Hindi ko na alam kung paanong mabuhay na wala siya sa tabi ko.
~*~
Umabot na rin kami ng isang taon noon bago malaman ng asawa niya ang kagaguhan namin. I felt so ashamed of myself pero wala akong magawa. Ang kasalanan ko lang naman, nagmamahal ako.
Nagkita kami noon sa isang coffee shop para mag-usap. Iyak siya nang iyak nang mga oras na 'yun. She told me how much she loves him. Nakita ko rin ang katotohanang 'yun sa mga mata niya. Pero ganun din ako. Mahal ko rin ang lalaking mahal niya... mahal na mahal.
She pretended not to know anything after naming mag-usap. Hahayaan niya raw na kami ang tumapos ng sinimulan namin. Kahit gaano katagal, maghihintay siya. Kahit nasasaktan, magtitiis siya. Hinding-hindi raw siya bibitaw.
~*~
Kahit na nakakaramdam ako ng guilt, ipinagpatuloy ko pa rin ang relasyon namin. Kahit na alam kong sa iba siya umuuwi pagdating ng gabi, nagtitiis ako. Nagkakasya na ako sa mga hiram kong oras para lang makasama siya. Kahit sandali lang, mahawakan ko ang puso niya.
Sa loob ng dalawang taon, 'di iilang beses na nagpaka-selfish ako. Nagpahiwatig ako sa kanya na hiwalayan niya na ang asawa niya. Iwan niya na ang babaeng 'yun para maging malaya na kaming magsama. Pero hindi niya magawa. Hindi ko rin deretsahang masabi. Sa huli, hindi siya tuluyang naging akin.
~*~
These past few months, naramdaman kong may nag-iba. Sa mga ngiti niya, sa mga yakap niya... hindi ko na makita ang sinseridad doon. Somehow, hinihintay ko na lang na bumitaw siya. Kahit na masakit, unti-unti kong inihanda ang sarili ko para sa oras na isasantabi niya na ako.
Pero kahit pala gaano ka kahanda. Kahit alam mo na kung anong kahihinatnan ng isang bagay. Kahit paulit-ulit mong sabihin sa sarili mo na okay lang ang lahat, lilipas din ang sakit... para ka pa ring unti-unting pinapatay.
~*~
Gabi na nang magpasya kaming umuwi. Tahimik lang kaming naghihintay ng daraang bus pabalik ng Maynila. Magkahawak pa kami ng kamay habang nakatingin lang sa kawalan.
Ilang minuto rin ang lumipas bago kami may mamataan na bus pabalik. Sinenyasan agad namin 'yun na sasakay kami.
Saktong pagtigil ng bus sa harap namin at pagbukas ng pinto noon ay pinisil ko ang kamay niya. Tinignan ko siya nang may malungkot na ngiti sa mga labi ko. Hindi man ako nagsalita, alam kong naiintindihan niya ang ibig kong sabihin.
Unti-unti akong bumitaw sa pagkakahawak niya at dahan-dahang umakyat ng bus. Walang lingon-likod akong pumasok at naghanap ng bakanteng upuan.
Hindi ko na namalayang may tumulo na palang luha sa mga mata ko pagkaupong-pagkaupo ko. Pinigilan ko ang sarili kong tumingin sa labas ng bintana dahil sa takot na magbago ang isip ko at babain ko na lang siya bigla.
Mahigpit na hinawakan ko ang kwintas na ibinigay niya sa akin. Inalala ko ang lahat ng pinagdaan naming dalawa. Bawat saya ay iniipon ko sa utak ko... itinatatak ko sa puso ko.
Kasabay ng sakit na nararamdaman ko ay ang unti-unti ring paggaan nito.
Sapat na siguro ang tatlong taon na hiniram ko siya. Sapat na ang tatlong taon na naging masaya ako sa piling niya. Nararapat lang na ibalik ko siya sa tunay na nagmamay-ari ng puso niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro