Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 4

MULTI-TASK ang ginagawa ni Louisse. Habang nagsi-search siya ng mga articles patungkol kay Zairus Montell, ang kan'yang cellphone naman ay tinatawagan ang kaibigang si Eya. Ilang missed calls na ngunit hindi pa rin nito sinasagot ang kan'yang tawag.

Hindi na rin mabilang ng dalaga kung ilang beses siyang sumilip sa pinto para tingnan kung darating ang lalaki. Kahit na alam na niya ang totoong sitwasyon nito ay hindi naman gugustuhin ni Louisse na sa unang araw pa lang ay malaman na nito ang pagpapanggap na ginagawa.

Nakahinga na lang siya ng maluwag nang tuluyang sagutin ni Eya ang tawag niya. Hindi niya inilagay sa loud speaker ang call, bagkus kinuha niya iyon mula sa kama saka inipit sa kan'yang balikat at tainga.

[Ngayon ko lang nasagot ang tawag mo, friend. Marami kasing customer ngayon.]

Tumango si Louisse kahit na hindi siya nito nakikita.

[May problema ba?]

Ayon na ang naging senyales niya para tuluyang mag-focus sa cellphone at isara ang kaharap na laptop.

"Eya, Zairus is blind," she blurted it out. "Hindi ko akalain na ganito pala ang sitwasyon ng nobyo ni Lena. Ang inakala ko ay may sakit lamang siya sa puso."

Napangiwi na lamang si Louisse nang marinig ang ingay sa background. Narinig niya pati na rin ang tila paglakad ni Eya. Si hinuha ng dalaga ay lumabas ito sa Cruise Chef para makapag-usap sila ng maayos.

"Eya, hindi ko na alam ang gagawin."

Napahugot siya ng malalim na hininga saka nabaling ang tingin niya sa direksyon ng body size mirror sa kan'yang harapan. Kung titingnang mabuti ay tila hindi ang isang Louisse Anastacia Alejo ang nasa salamin. Sa ayos niya ngayon ay kuhang-kuha niya kung paano manamit ang isang Manuella Ortigaz.

[Kung hindi mo kayang magpanggap pa ng ilang araw ay mas mabuting bumalik ka na rito sa Manila. Tutulungan na lang kitang sabihin sa kan'ya ang totoo.]

Nakagat niya ang ibabang labi saka napailing. "Hindi puwede."

[Ano bang pumipigil sa'yo?]

Napasinghap siya sa tanong na iyon. Hindi niya iyon napaghandaan ngunit may kasagutan na kaagad na namumuo sa kan'yang isipan. Hindi lamang ang huling sulat ni Lena ang nag-uudyok sa kan'ya na magpatuloy bilang ang kaibigan. Bagkus pati na rin ang nakita niyang mga emosyon kaninang nakalarawan sa mukha ni Mr. Montell.

Pilit nagsusumiksik sa kan'yang isipan ang katanungan kung bakit ganoon ang naging akto ng lalaki nang hindi niya napigilan ang sariling haplusin ang magkabilang gilid ng mga mata nito. Nanigas man ng ilang segundo ang katawan nito ay napawi rin iyon at pumiksi mula sa pagkakahawak sa beywang niya.

"Eya, just like what I've told you. I want to fulfill Lena's last wish."

Narinig niya ang paghugot ng marahas na buntong-hininga ng kaibigan. Tila hindi nito nagustuhan ang naging sagot niya.

[Louisse, naiintindihan ko naman na sinisisi mo ang sarili mo sa nangyari kay Lena. Masakit din para sa akin ang nangyari sa kan'ya. Pero ayoko namang dumating ka sa point na ikaw naman ang magdusa. Ni hindi mo nga nagawang umiyak noong lamay ni Arthur. Alam kong hindi mo pa rin nailalabas lahat ng emosyon na nararamdaman mo dahil iniipon mo lang lahat ng iyan, Louisse.]

Sandali itong tumigil.

[Natatakot ako na baka dumating ka sa point na hindi mo na magawang ipunin na lang iyang mga emosyon mo at tuluyan kang mag-breakdown. Ikinatatakot ko iyon kasi wala ako sa tabi mo para damayan ka kung sakali.]

Kahit nagdulot pa ng sari-saring emosyon sa loob ng dibdib niya ang ang mga salitang narinig mula sa kan'yang kaibigan ay hindi niya nagawang maiyak. Kaya naman napangiti na lang ang dalaga dahil mapalad siyang nagkaroon ng kaibigan na katulad ni Eya.

"Huwag mo akong alalahanin, Eya. Siguro nga para sa iba ay iisipin nilang nagpapanggap lang ako para tumakas at takbuhan ang sakit na nangyari sa buhay ko. Pero mas pipiliin ko pa ito kaysa maalala ko ang lahat ng sakit. Ayoko rin naman na dumating ako sa point na mapagod ang puso ko at tuluyan na itong hindi tumibok. Eya, I want to be brave and stronger. So, let me, okay?"

Sandaling dumaan ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa bago niya narinig ang sagot nito. [Okay. I trust you.]

Iyon lamang at tuluyan na niyang ibinaba ang tawag. Kailangan niya lang talaga ng makakausap para bumalik sa huwisyo ang kan'yang isip at upang maalala ang dahilan kung bakit siya nasa poder ni Mr. Montell.

Muling binuksan ni Louisse ang laptop at binasa ang nag-iisang article patungkol sa aksidenteng kinasangkutan ni Zairus, isa't kalahating taon na ang nakararaan. Hindi detalyado ang balitang iyon at hindi nasabi ang kasalukuyang lagay ng lalaki na wari bang may pumipigil sa media para malaman ang totoong nangyari kay Mr. Montell. Ayon lang sa article ay may iniligtas ang lalaki ngunit hindi pinangalanan.

Nagpatuloy pa rin si Louisse sa paghahanap ng importanteng impormasyon patungkol sa lalaki. Sikat ang negosyong pinamamahalaan nito at isa na roon ang technology company na naka-based sa America. Marami na ring naipatayong branches ang real state under his name.

Idagdag pa na ang lalaki ay kabilang sa top 10 youngest billionaire. Sa edad na labing-walo ay nagsimula na ito sa business industry. At ngayong tatlumpung taon na ang lalaki ay isa na ito sa mga tinitingala ng mga business owner's at hinahangad ng mga kababaihan.

SUMAPIT na ang gabi ay nasa loob pa rin ng k'warto si Louisse. Sa kakahanap pa ng mga articles patungkol sa kinasangkutan ni Zairus ay hindi na napansin ng dalaga na nakatulog na pala siya. Nagising lamang siya dulot ng katok sa pintuan.

Bumukas iyon at bumungad sa kan'ya ang isang matanda. Tantiya niya ay nasa 50-60 years old na ito. "Handa na ang hapunan, Miss Ortigaz."

Tila nanlamig si Louisse sa timbre ng boses nito. Pinagmamasdan man niya ang mukha nito ngunit naging mailap ang mga mata ng matanda. May pakiramdam ang dalaga na may emosyong itinatago ang matanda na ayaw ipakita sa kan'ya. Bigla tuloy ay naisip niyang baka ang nagawa niya kanina ang rason kung bakit may nababanaag siyang galit sa mga mata nito.

Louisse was taken aback when the old woman spoke again. "Personal kitang ihahatid sa dining room."

Tumango na lang ang dalaga. Balak niya pa sanang paunahin na lamang ito dahil hindi niya pa nasusuri ang hitsura ngayong bago siyang gising. Ngunit naging malakas ang pakiramdam niyang ayaw magtagal ng matanda kasama siya roon, tila sumisikip ang espasyo ng kuwarto para sa kanilang dalawa, kahit na maluwag naman iyon.

May pagkain na sa mahabang mesa nang makapasok sila sa dining room. Nasa dulong bahagi na rin ng mesa si Zairus na tila hinihintay siyang saluhan ito. Nakasunod man si Louisse sa bahagi kung saan siya pinapaupo ni Manang Pasing, ang mga mata naman niya ay nakapako pa rin sa lalaki.

Nang hinugot niya ang silya sa kanang bahagi ni Zairus ay nakita niya kung paano nagbago ang facial expression ng lalaki. Tumigas ang anyo nito at kumuyom ang kamao. Mas lalo lamang tuloy nadadagdagan ang katanungan na tumatakbo sa kan'yang isipan.

Gano'n na ba talaga kalalim ang naging lamat ng relasyon nila Zairus at ng kan'yang kaibigan?

Nang tuluyan siyang makaupo ay nagpasalamat pa siya kay Manang Pasing sa pag-assist nito sa kan'ya, bagay na naging dahilan ng pagkagulat ng matanda. Ilang segundo ang lumipas bago napalitan ang pagkagulat na naka-rehistro sa mukha nito saka tumikhim.

"Sandali lamang po at ipaghahanda ko kayo ng makakain, Miss Ortigaz."

Nang tuluyang makaalis ang matanda ay nanatiling nakatingin pa rin si Louisse kay Zairus. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit nadudurog ang puso niya habang pinagmamasdan ito, gayong ni hindi niya nagawang maging emosyonal sa lamay ng dating nobyo.

"Stop staring at me," iritableng ani Zairus na siyang bumasag sa katahimikang namamayani sa kabuuan ng dining room.

Uminit ang mukha ni Louisse bago tumikhim. "H-hindi naman kita tinititigan." Sabay iwas niya ng tingin.

"Bulag nga siguro ako pero malakas pa rin ang pakiramdam ko, Lena. I know when someone is staring at me. So, don't deny it. Hanggang ngayon ba naman, you still pretending."

Nangunot ang noo ni Louisse at muling naibalik ang tingin kay Zairus. "Kanina pa ako nahihiwagan sa mga sinasabi mo. Hindi ako fortune teller para hulaan ang nais mong ipahiwatig, Zairus."

Wala naman siyang nakuhang sagot mula rito, bagay na inasahan na ni Louisse. Ang kinakatakot niya lamang ay ang katotohanan na hindi niya magawang maintindihan kahit anong sabihin nito. Dahil hindi naman gano'n kalalim ang impormasyon na alam niya patungkol sa lalaki. Idagdag pa na nagpapanggap lamang siya at iniiwasan niyang siya ay mabisto. Hindi pa iyon maaaring mangyari lalo na at hindi niya pa natutupad ang hininging pabor ng tiyahin ni Lena.

Sandali pa ay muling bumalik si Manang Pasing, dala ang pagkain na para sa kan'ya at ilang dagdag na dishes. Ang buong akala ni Louisse ay mananatali ito para tulungang kumain ang lalaki, ngunit gano'n na lang ang pagkagulat niya nang matapos siya nitong ipaghanda ng makakain ay umalis din ito kaagad. Hindi niya tuloy napigilan ang sariling sundan ito ng tingin.

Nang magsimulang kumain si Zairus ay doon niya pa lang napagtuunan ng pansin ang pagkaing hinanda ni Manang Pasing para sa kan'ya. It's tamago kake gohan with a bunch of veggie topings - ang isa sa mga paboritong dinner na hinahain ni Lena para sa sarili. Mukhang gamay na ng matanda ang kinakain ng kaibigan.

Nagkibit-balikat na lamang siya at walang ibang nagawa kung hindi ang kainin iyon. Kahit iyon ang unang beses na nakatikim siya no'n.

Dahil hindi niya gustong muling mapansin ni Zairus na pinagmamasdan niya ito kaya gamit ang kan'yang peripheral vision ay pinagkasya niya ang sariling tingnan ito. Habang lumilipas ang segundo ay lalong nawawasak ang puso ni Louisse sa tanawin. Zairus was slowly lifting his utensils. Tila kalkulado ang galaw. Isipin pa lang ni Louisse kung ilang buwan o ang buong taon nito ang ginugol ng lalaki para masanay sa ginagawa, mabuhay lang ng normal at tila walang trahedyang nangyari sa buhay nito ay naghatid ng kirot sa kan'yang puso.

Natapos ang hapunan nila nang hindi sila nagkikibuang dalawa. Iniiwasan niyang may masabi at baka iyon pa ang maging dahilan para maghinala ang lalaki sa kan'ya. Laking pasasalamat niya na lamang na inakala talaga nito na siya si Lena at hindi lamang substitute ng kaibigan.


MABABAW lang ang naging tulog ni Louisse kagabi. Kung dahil ba iyon sa nasa ibang kama siya ay hindi niya alam. Kaya ang naging resulta ay maaga siyang nagising.

Matapos niyang titigan ang paghampas ng alon, hindi kalayuan sa kan'ya ay saka niya pa lang inilagay ang hawak na puting panyo sa kan'yang mga mata. Humugot siya ng malalim na hininga, saka dahan-dahang naglakad. Naging sensitibo ang kan'yang pandinig sa hampas ng alon, amoy ang natural na simoy ng hangin at ramdam ang lamig nito na tumatama sa kan'yang batok.

Dahil naka-blindfold ay walang ibang makita ang dalaga kung hindi ang kadiliman. Maisip pa lamang niya na sa isa't kalahating taon ni Zairus na walang ibang makita kung hindi ang kadiliman na iyon ay tila pinipiga ang puso niya.

Hindi niya malaman kung saan nanggagaling ang awa na nararamdaman niya para sa lalaki. Tila ba ang dating inis na nararamdaman ng dalaga para rito ay tinangay na ng hangin. Kahapon niya lamang ito nakasama ay tila nag-iba na ang tingin niya sa lalaki. At may kung ano sa loob niya na gustong malaman ang mga emosyong ipinakita nito sa kan'ya kahapon. Lalo na ang galit at tila pait na nahimigan niya sa boses nito nang magkausap silang dalawa.

Sinubukan ni Louisse na maglakad na nasa ganoong sitwasyon. Para siyang binubundol ng kaba sa isiping madadapa siya sa ginagawa. Hindi siya sanay na ganoon ang lagay. Mahirap nga namang mabuhay na ang tangi lamang nakikita ay kadiliman.

Ramdam niya ang mapinong buhangin sa kan'yang paa. Inaasahan niyang may mga bato roon ngunit talagang ginugulat siya ng lugar na iyon. Kung sa loob ng mansyon ay walang nakakalat na gamit at mga furnitures na maaaring mabangga ni Zairus, sa labas naman ay pakiramdam niya walang matutulis na bagay para maiwasang masaktan ito.

Muli siyang nagpatuloy sa paglalakad hanggang sa biglang tumama ang kan'yang ulo sa isang malapad na dibdib. Naramdaman na lang niya ang pagpulupot ng isang braso nito sa beywang niya habang mahigpit namang nakahawak ang isa nitong kamay sa kan'yang balikat.

"What are you doing here so early?"

Balak na sanang sagutin ni Louisse si Zairus nang biglang iangat nito ang kamay na nasa kan'yang balikat papunta sa kan'yang pisngi. Hanggang sa marating ng kamay nito ang puting panyo na nakatakip sa kan'yang mga mata. Gano'n na lang ang gulat niya nang marahas nito iyong tanggalin.

Sandaling nag-adjust ang kan'yang mga mata bago niya nagawang iangat ang tingin sa nakakunot nitong noo.

"Para saan ito?" pagtukoy nito sa puting panyo.

"I just tried what it feels like to see nothing else but the darkness," natataranta niyang sagot.

Nakita ni Louisse kung paano umigting ang panga ni Zairus. Tila nagkaroon ng kakaibang awra sa likuran nito na nagbibigay sa kan'ya ng paalalang nagiging mapanganib na ang kaharap. Hanggang sa naramdaman na lang niya ang paghigpit ng yakap nito sa kan'yang beywang. Mas lalo siya nitong hinigit na naging dahilan ng mas lalong paglalapit ng kanilang katawan. Nagdulot iyon ng kakaibang kilabot at damdaming hindi magawang pangalanan ng dalaga.

"Z-zairus," bulong lamang iyong lumabas sa kan'yang bibig.

Hindi niya napigilan na mapasinghap nang bumaba ang mukha nito, lumihis saka niya naramdaman sa kan'yang tainga ang labi nito.

"Why are you even trying? Alam naman nating dalawa na simula ng mabulag ako ay nagpapanggap ka na lang na masaya sa piling ko," madiin ang bawat bigkas nito sa mga salita. "Awa. Iyon ang tamang sabihin kung bakit nagawa mo pa ring manatili sa tabi ko, Lena."

Halos mawalan ng balanse si Louisse nang bigla na lang siya nitong bitiwan, saka bahagya nitong inilayo ang sarili sa kan'ya. Tila pinagsisihan nito na nagkalapit ang katawan nilang dalawa. Habang lumilipas ang bawat segundo ay lalo lamang dumarami ang katanungan sa isipan ni Louisse. Hindi rin nakatulong sa kan'ya ang ngayong-ngayon lang na sinambit nito.

"Ano ba talagang ginawa mo sa kan'ya, Lena?" ang tanong ng isang bahagi ng kan'yang utak.

Tumikhim siya para mawala ang bara sa kan'yang lalamunan. Muli niyang tiningnan ang maamong mukha ni Zairus. Hanggang sa mapansin niyang inilagay nito ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng slacks na suot.

Inisahang hakbang ni Louisse ang pagitan nilang dalawa. Wala na siya sa sariling katinuan nang ilapat niya ang isang kamay sa dibdib nito at pinakiramdaman ang pagbilis ng tibok ng puso ni Zairus. Mabilis iyon marahil sa pagkagulat nito sa kan'yang ginawa. Ngunit walang hakbang na ginawa ang lalaki, pinanatili lang nito ang kamay sa bulsa pa rin ng slacks.

"Sorry," madamdaming pahayag ni Louisse.

Hindi niya tukoy kung para saan ang salitang kan'yang pinahayag. Tila may nag-uudyok sa kan'yang isipan na bigkasin iyon - nagbabakasakali na mapapagaan no'n ang sitwasyon nilang dalawa.

Maya-maya pa ay mukhang hindi na nakatiis pa si Zairus na hindi siya hawakan. Napunta ang isang kamay nito sa kan'yang batok at sa pamamagitan no'n ay kinabig siya nito. Habang bumaba muli ang ulo nito, ngayon ay magkadikit na ang kanilang noo. Tumagilid ang mukha ni Zairus saka sinamyo ang kan'yang buhok. It's a good thing na naging routine na ni Louisse ang maligo ng maaga.

Kitang-kita niya kung paano tumataas-baba ang dibdib nito. Tila ba sa pamamagitan ng ginagawa nito ay pinipigilan ang sarili na umalpas ang matinding emosyon.

"Handa na ang agahan. Huwag mong hintaying ipakaladkad pa kita kay Gin para lang makasabay ulit kita sa hapag," anito makalipas ang ilang minuto, saka na kumalas.

"H-hindi na kailangan. Kakain talaga ako kasama mo."

"Good," nakangising sagot nito.

Nag-umpisa ng maglakad si Zairus kaya naman humabol siya rito. Kahit mabagal lang ang lakad nito ay malalaki naman ang hakbang. Hanggang sa hindi na napigilan pa ni Louisse na hawakan ito sa braso para alalayan ito sa paglalakad.

Hinihintay niyang pumiksi ito mula sa hawak niya at makarinig muli ng masasakit na salita pero hindi iyon nangyari. Napangiti ang dalaga saka na sila magkaagapay na naglakad pabalik ng mansyon.


NAKAHARAP si Louisse sa isang body size mirror, tinitingnan ang sarili. Marami nanamang katanungan ang pilit na nagsusumiksik sa kan'yang isipan.

Tatlong taon ng magkarelasyon ang dalawa kaya hindi maiwasang maitanong niya sa kan'yang sarili kung bakit tila hindi nakakahalata ang lalaki na iba na ang nasa harapan nito? Iyon ba ay dahil sa katotohanang hawig talaga sila ng hitsura pati na rin ng boses ni Lena?

Hindi sila magkadugo ngunit palaging nagkakamali ang mga taong nakapaligid sa kanila. Minsan na siyang napagkamalan noon na si Lena. At napagkamalan na rin ang huli bilang siya. Siguro kung hindi pa siya nagpagupit noon ay hindi pa matatapos ang gano'ng senaryo.

Bigla ay na-miss tuloy ni Louisse ang dati niyang maikling buhok. Dahil simula nang umapak siya sa poder ni Zairus ay iba na ang kan'yang naging katauhan. Nagawa niya ring magpa-hair extension dahil na rin sa advice ni Rita. Nakalakihan na kasi ni Lena ang magkaroon ng mahabang buhok.

Tumalikod si Louisse saka pinagmasdan ang idinugtong sa kan'yang buhok. Mahaba iyon at malapit ng umabot sa kan'yang p'wetan. Iyon ang bagay na matagal na niyang ipinapaalala kay Lena, ang magpagupit ito. Ngunit hindi naman sila pinapakinggan ng kaibigan.

Muli siyang humarap sa salamin saka pinakatitigan ang suot na silky night dress. Hindi siya sanay na gano'n ang suotan pero dahil iyon ang nakalagay sa maleta niyang mga pawang kagamitan ni Lena ang laman ay wala siyang pamimilian.

Nang tamaan ng antok ay sandali lamang sinuklay ni Louisse ang kan'yang buhok saka na tuluyang sumampa sa kama. Unti-unti ay kinain na ng kadiliman ang kan'yang kamalayan.

Nang malalim na ang kan'yang pagtulog ay may naramdaman siyang isang matipunong braso na pumailalim sa kan'yang batok, habang ang isa nitong kamay ay napunta sa ilalim ng kan'yang hita. Hindi na lamang pinansin ng dalaga ang tila paglutang niya sa ere sa isiping panaginip lamang iyon.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro