Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

YM

Chapter Eight

"PABILI."

Nabigla si Meredith nang mag-angat ng tingin at makasalubong ang mga mata ng isang tsinitong lalaki. Napatanga pa siya rito nang may ilang saglit nang mamukhaan ito. Si YM pala.

"Narinig mo ba ako?"

"A-ano ang bibilhin mo?" mabilis niyang hamig sa sarili. Ang sungit.

"Isang stick ng sigarilyo."

Napatingin siya sa mga labi nito. Mapula ang mga iyon at parang mga labi ng isang... querubin? Siya ang nanghihinayang kung mangingitim ang mga iyon dahil sa nicotine.

"Kung wala kang balak pagbilhan ako ay sa iba na lang ako bibili."

"I... I'm sorry. A-ano nga ulit ang bibilhin mo?" 

"Isang stick ng sigarilyo," itinuro nito ang isang brand ng sigarilyo. Marlboro Blue.

Kaagad siyang kumuha ng binibili nito at iniabot iyon dito. Muntik pang magkadaiti ang kanilang mga daliri kung hindi niya kaagad nabawi ang kamay. For some stupid reason she didn't want it to happen. Napansin niyang bahagyang gumalaw ang isang sulok ng mga labi nito. Nag-iwas siya ng tingin.

"Heto ang bayad."

Naalala niya, hindi pa siya pamilyar sa presyo ng mga bilihin doon.

"S-sandali lang. Tatanungin ko lang si Ya--er, Lola Miling kung magkano ang isa."

"Kunin mo na ang bayad ko, mamaya ko na lang kukunin ang sukli."

Napilitan siyang abutin ang bente pesos na iniaabot nito. Ang iniiwasan niyang mangyari ay nangyari pa rin. Nagdaiti ang kanilang mga balat na bahagya niyang ikinapitlag. She heard him tsked. Napatingin siya rito. Na-offend niya ba ito sa reaskyon niya?

"Mukha ba akong may nakahahawang sakit?"

"S-sorry," nauutal niyang paghingi ng dispensa. 

Gusto niyang sabihin dito na hindi lang siya sanay na makihalubilo sa mga taong katulad nito. He has that air of danger around him. Bagaman kung titingnan ang kabuuan nito ay hindi ito nakatatakot na katulad noong tatlong lalaki na nagtangka sa kanya a couple of nights ago. The man is boyishly handsome and not the burly type. But there's something about his eyes that says there's more to him than meets the eye. And the eyes don't lie. They say it's the window of the soul. 

"Puwedeng makisindi?"

Mabilis siyang naghagilap ng posporo o lighter. Ramdam niya ang mga titig ng lalaki kaya parang lalo siyang natataranta. And she's starting to hate herself for that.

Shit, nasaan na ba kasi ang posporo?

"Ano ang hinahanap mo?" biglang bungad sa kanya ni Suzy.

Kapitbahay ito ni Nanay Miling at katu-katulong na rin sa tindahan kapag kailangang mamili ng matandang babae.

"Heto, o."

"Oh," pinamulahan siya ng mukha nang ma-realize na nasa tabi lang ng isang plastik na garapon ang hinahanap niya.

Iniabot ng babae ang posporo kay YM. Kaytamis pa ng pagkakangiti sa lalaki na tila nagpapa-charming. 

"Pasensya ka na, YM. Bago lang kasi itong tinderang nakuha namin. Imported from China kaya medyo sub-standard."

She almost rolled her eyes in annoyance. The nerve of this pea-brained Neanderthal!

"Atsaka, nagbukas ka pa ng sigarilyo may nakabukas na rito, o," ipinakita ni Suzy ang garapong may lamang sigarilyo. May ilang kaha na nga roon na bawas ng ilang stick.

"Sorry, hindi ko alam," labas sa ilong na paghingi niya ng paumanhin. 

Pumalatak si Suzy. Tila lalo siyang ipinapahiya. Nakuyom ni Meredith ang magkabilang kamay. Kapag hindi siya nakapagtimpi ay sasabunutan niya ito. Ang angas-angas nito, eh, pareho lang naman silang sampid doon.

"Babalikan ko na lang 'yong bagong bukas na sigarilyo. May deposito na akong bente pesos," ani YM na nakatingin sa kanya.

Hindi siya sigurado kung sinabi iyon ni YM para iligtas siya sa panenermon ni Suzy o nagbago lang ang isip sa sinabi sa kanya kanina na kukunin na lang ang sukli. Tumalikod na ito. Ang kanina'y malapad at matamis na pagkakangiti ni Suzy ay mabilis na nabura.

"Akin na 'yon, ha? Kaya na huwag na huwag kang magkakamaling landiin siya," sabi nito sa kanya na may pagbabanta. 

"Iyong-iyo. Isaksak mo pa sa baga mo," mataray na sagot niya rito.

Ngumisi ito at naghalukipkip. "Pasalamat ka at apo ka ni Nanay Miling. Pero ito ang tatandaan mo, naririto ka sa teritoryo ko kaya lumagay ka sa dapat mong kalagyan."

"Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na wala akong interes sa lalaking pinagnanasaan mo? Sa'yong-sa'yo na siya kahit magpa-notaryo ka pa ay wala kang maririnig na reklamo sa akin. Did I make myself clear? Or do I have to repeat it again so that your pea-sized brain could understand what I just said?"

"Aba, may itinatago ka rin palang katarayan, ano?"

Tinaasan niya ito ng kilay. Kung sa akala nito ay mananahimik lang siya basta at tatanggapin ang lahat nagkakamali ito. Hindi siya ipinanganak para magpaapi. She can be a brat and feisty if the situation calls for it. Kaya huwag siya nitong iniinis dahil hindi niya ito uurungan. Lalo pa nga at alam niyang wala naman siyang ginagawang masama rito.

"Huwag mo akong subukan dahil baka hindi ka tumagal dito."

"Huwag mo akong hamunin dahil papatulan kita," nakangiting sagot naman niya rito. Ngunit sa likod ng ngiting 'yon ay may nakakubling bangis.

Higit na mas matanda ito kaysa sa kanya. Ngunit sa height at pangangatawan ay hindi sila nagkakalayo kaya siguro naman ay magiging patas ang laban kung magkakasabunutan silang dalawa.

"Ayos lang ba kayong dalawa rito?" bungad ni Nanay Miling bitbit ang dalawang bayong nito na puno ng mga pinamili.

Kaagad na napunitan ng matamis na ngiti ang mga labi ni Suzy atsaka sumalubong sa matanda.

"Ayos na ayos naman po kami, Nanay Miling," plastik na tugon ng babae. "Ako na po ang bahala rito sa mga pinamili niyo."

Lihim na napairap sa hangin si Meredith. Napakaplastik nito. Ang husay magbalatkayo.

"Kumain ka na ba ng agahan, Sen--ahm, apo?"

Nginitian ni Meredith ang matanda. Tulad nito ay medyo hindi pa rin siya sanay na tawagin itong Lola at hindi Yaya. Sampung taong gulang pa lamang siya nang magretiro ito sa paninilbihan sa kanila. At nang magpasya ang kanyang ina na itago siya ay ang dating tagapag-alaga kaagad ang naalala nito.

"Opo, Lola. Huwag niyo po akong masyadong alalahanin, ayos naman po ako."

"Komportable ba ang higaan mo? Mukhang masyadong manipis ang kutson na nakasapin doon sa papag mo. Sa darating na Linggo ay tumingin tayo ng mas makapal-kapal sa Dimas."

"Naku, huwag na po, Lola," inilingan niya ito. 

Pipilitin niyang mag-adjust mula sa kinagisnang marangyang pamumuhay para lang hindi matunton ng ama. Ang buong akala nito ay pinalipad siya ng kanyang ina sa tiyahing nasa UK upang magbakasyon ng isang buwan. Inihatid pa nga siya ng mga magulang sa airport para palabasing legit ang pangingibang-bansa niya. Ngunit nang makaalis ang sasakyan ng mga ito na naghatid sa kanya ay patalilis din siyang tumakas at tumawag ng taxi para magpahatid sa bahay ni Yaya Miling.

Nauna ng ipinadala ng Mommy niya ang ilang personal na gamit sa bahay nito. Kaya naman isang knapsack na lang ang sukbit niya na naglalaman ng kanyang mga importanteng dokumento. Her mother already secured an account where she can drop her monthly allowance. May ilang scholar itong sinusuportahan. At isa na roon ang apo ni Nanay Miling na si Maribeth Lingasan, who died six months ago sa isang malubhang karamdaman. For the time being she will assume Maribeth's identity. Clementina also made some arrangement with her friend who is a college dean in a state university. Doon siya pansamantalang magpapatuloy ng kanyang pag-aaral.

Clementina had helped some people. At sa gipit na sandali ay sa mga taong ito sila dedependeng mag-ina para sirain ang mga plano ng kanyang ama. Walang ideya ang dating aklalde na alam na ng Mommy niya ang mga binabalak nito. Na bago pa man nito maisakatuparan ang mga plano ay nakagawa na ng paraan ang Mommy niya para maitago siya sa lugar na hindi nito inaasahang pagtataguan sa kanya.

"Ano nga pala ang gusto mong ulam?" ani Yaya Miling sa kanya.

"Kahit ano po."

"Magluluto ako ng adobong kangkong. Kumakain ka ba no'n?"

"Oo naman po."

"Sige. Magpiprito na rin ako ng maliliit na galunggong."

"Ako, 'Nay, hindi mo ba ako tatanungin kung ano ang gusto kong ulam?" pabiro kunwa na tanong ni Suzy ngunit kita sa mga mata nito ang tila pananaghili.

Tumawa lang naman ang matandang babae. "Ikaw pa ba? Eh, kahit ano naman ay kinakain mo."

"Mahirap ho kasing maging mapili sa pagkain, nagiging sakitin at mahina ang pangangatawan," may parunggit na sagot ni Suzy.

"Malakas ang resistensya niyang apo ko, Suzy, kahit medyo payat. Bihirang-bihira nga iyang magkasakit maski noong sanggol pa lamang."

"Paano niyo namang nalaman? Hindi ho ba't laki siya sa anak ninyo na nasa probinsya? Samantalang kayo naman ay matagal na nanilbihan bago kayo natira rito sa naiwang bahay ng kapatid niyong namatay."

"Ah--"

"Madalas silang magkakuwentuhan ng Mommy ko," sambot ni Meredith sa akmang pagtugon ni Nanay Miling. "At ako rin naman madalas makausap noon si Lola kahit sa telepono. Kaya kahit lumaki akong malayo kay Lola ay alam niya ang mga nangyayari sa akin. May tanong ka pa ba?"

Kaswal na nagtaas ng mga balikat si Suzy. "Sige, sinabi mo, eh."

Palihim silang nagkatinginan ng matandang tagapag-alaga. Bakit pakiramdam niya ay hindi kumbinsido si Suzy na sila ay maglola ni Yaya Miling?

Kinagabihan ay iyon ang naging paksa nila ng matandang babae.

"Paano nga naman natin siyang makukumbinsi, eh, sa kulay pa lang ng mga balat natin ay malayong-malayo na ang ating mga hitsura," tila naaaliw na sabi ng dating butihing tagapag-alaga.

Bahagya lang siyang napangiti. At kahit hindi niya ugaling magsumbong, binanggit niya rito ang ginawa sa kanya ni Suzy. May palagay siyang hindi aware ang matanda sa ugali ng babaing 'yon.

Hinawakan ni Yaya Miling ang kamay niya at marahang pinisil, tila pinagagaan ang kanyang kalooban.

"Pagpasensyahan mo na sana ang batang 'yon," tila humihingi ng dispensang sabi nito sa malumanay na tinig.

Bata? Baka isip-bata, ang muntik na niyang maisagot.

"Dangan kasi at bukod sa hindi maganda ang relasyon nilang mag-ina ay wala na rin siyang nakagisnang ama. Ayon na rin sa kanya sanggol pa lamang siya nang mamatay ang tatay niya. Ang sabi-sabi ng mga kapitbahay namin dito ay hindi naman talaga siya anak ni Delia. Isang gabi ay niuwi na lang daw basta 'yan mula sa ospital na pinagtatrabahuhan no'ng asawa. At isang buwan naman pagkaraan, namatay 'yong lalaki. Naiwan kay Delia ang responsibilidad sa pagpapalaki sa bata."

"In short, galit siya sa mundo," ani Meredith.

Malungkot na napangiti si Yaya Miling. "Parang ganoon na nga. Nang magsabi siya sa akin na tutulong-tulong siya sa akin dito sa tindahan ko, pumayag na ako. Balak siyang ipasok ni Delia sa kabaret para raw magkaroon naman siya ng pakinabang. Naawa ako kaya binibigyan ko na lang ng pambigas nila araw-araw. Hindi naman malaki itong tindahan ko kaya hanggang ganoon lamang ang kaya kong iabot sa kanya. At nag-aalala akong isa sa mga araw na ito ay hindi na iyon makasasapat. Ipapasok siyang tiyak ni Delia sa kabaret."

"Hindi ba siya nakapag-aral?"

"Hayskul lang ang tinapos niya. Hindi pa dire-diretso ang pag-aaral dahil kung kelan lang siya magustuhang pag-aralin ni Delia. Minsan pa kahit nasa kalagitnaan na ng pag-aaral ang bata ay pinatitigil niya kesyo kinukulang na sila ng pera para sa mga pang-araw-ataw na gastusin." Napailing-iling si Yaya Miling na parang awang-awa sa kapalarang ibinigay kay Suzy. 

Ngunit iba ang opinyon ni Meredith doon. Nasa hustong edad na si Suzy. Kumpleto ang katawan at walang kapansanan. Bakit kailangan nitong ipasan sa balikat ng isang singkuwenta y siyete anyos na matanda ang problema ng mga ito? Iyon kasi ang tingin niya sa ginagawa ni Suzy. Gayong kung tutuusin ay pupuwede naman itong mamasukan o di kaya ay maging kahera o tindera sa mas malalaking tindahan. Marami namang tumatanggap ng mga hayskul graduate lang. Siya nga ay nag-iisip na mag-apply na fast food crew habang nag-aaral. Ngunit mahigpit na nagbilin ang kanyang ina na kung maiiwasan ay huwag siyang masyadong lalantad sa mga public places dahil baka magkahinala ang kanyang ama na nasa Pilipinas lamang siya.

She sighed. Frustrated siya sa kanyang sitwasyon ngunit wala siyang magagawa.

At least, not yet, she thought.

Kinabukasan ay ginising si Meredith ng ingay sa kanyang paligid. Tila may nag-aaway. Hindi siya usiserang tao. Pero sa isiping baka may sunog ay napasilip siya nang wala sa oras sa bintana ng kanyang silid. Sliding na tabla iyon na tinatalian lamang ang magkahugpong na dahon para hindi basta-bastang mabubuksan mula sa labas.

Nagulat siya at bahagyang napaurong nang makita ang dalawang naggigiriang lalaki sa kalyeng katapat ng dinudungawang bintana. Agad niyang nakilala ang isa sa dalawang lalaking 'yon. Si YM! 

Namilog ang kanyang mga mata at dahan-dahang muling sumilip. Natakpan niya ang bibig upang pigilin ang singhap na kunawala sa mga labi. Sinakyod si YM ng patalim ng lalaking kalaban nito. Ngunit parang walang anuman na iniwasan lang nito iyon. Maliksi itong nakapag-side step atsaka hinuli ang kamay ng lalaking may hawak na patalim. Binali nito iyon patungo sa likuran ng kalaban hanggang sa kusang bumitiw ang kamay sa kutsilyo. Pinulot iyon ni YM at pinaglaruan sa kamay na tila isang drumstick. Pagkuwa'y inilapit nito ang mukha sa mukha ng lalaki na hindi na halos maipinta sa pagkakangiwi. May kung anong ibinulong ito roon habang nakangisi. May kilabot na naglakbay sa katawan ni Meredith habang pinapanood ang sandaling iyon.

Just what kind of a man is he? naitanong niya sa sarili.

Bigla siyang napasigaw nang mula sa likuran ni YM ay may pasugod ditong isa pang lalaki na may hawak ding kutsilyo!

"Behind you!"

Tila slow motion. Kasabay ng pag-ikot ni YM ay tumaas ang isang paa nito at tinadyakan ang lalaking paatake sana rito. Tumalsik iyon at bumalandra sa tabi ng basurahan. Naghiyawan ang mga miron at nagkanya-kanyang pulasan para hindi mahagip. Mula naman kung saan ay nakita ni Meredith si Rocky. Nilapitan nito ang lalaking tinadyakan ni YM at galit na galit nito iyong inundayan ng magkakasunod na suntok.

My, God! saloob-loob ni Meredith. Ganito ba araw-araw ang tanawin dito?

Madali siyang tutubuan ng nerbiyos kung ganoong rambolan lagi ang mabubuglawan ng kanyang mga mata

Nang magkamali siyang mapatingin sa dako ni YM ay ganoon na lamang ang pagsikad ng puso niya. Their eyes locked and her heart suddenly beats erratically! 

Mabilis niyang naisara ang bintana sabay tutop sa dibdib. Halos mabingi siya sa lakas ng pintig ng kanyang puso nang sumandal doon.

What the heck was that? she asked herself.


-





Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro