Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 23

Chapter 23: Torn

"Siya... Siya ang iyong tunay na ina, Nisyel..."

"...si Ma'am Andrea Pelaez."

"T-tunay k-kong i-ina?" nauutal na tanong ko.

"Oo. Ako nga Nisyel. Ako ang tunay mong ina."

"A-andrea? Andrea Pelaez ang pangalan niyo?"

Naluluha itong tumango sa akin ngunit nakangiti. Umupo ito sa tabi ko at hinigit ako para yakapin.

Bakit gano'n?

Bakit kusang lumalabas ang mga luha sa aking mga mata?

Pakiramdam ko nag-uumapaw sa saya ang aking dibdib.

Sa wakas ay may matatawag na akong Mama.

Sa wakas may mayayakap na akong ina.

Sa wakas natagpuan ko na ang pinagmulan ng aking pagkadyosa.

"Kay tagal kong nangulila sa'yo anak ko," naiiyak na sambit nito habang hinahaplos ang aking buhok.

Pinikit ko ang aking mga mata.

Kahit ngayon lang, gusto ko munang damhin ang pakiramdam na mayakap ang aking ina.

Bahala na. Bahala na kung ano ang kahihitnan ng lahat ng ito. Bahala na kung kinamumuhian siya ng lalaking mahal ko. Ang mahalaga nandito na siya ngayon. Ang mahalaga ay yakap-yakap ko siya sa sandaling ito.

Ilang minutong tumagal ang aming yakapan bago kami kumalas sa isa't isa.

"Teka. Sigurado po ba kayong kayo talaga ang nanay ko? Eh, bakit mas maganda ako sa inyo?"

Napatawa siya sa tanong ko, gano'n din si Mang Tibo at si Aling Imelda.

"Manang-mana ka sa iyong ama. Kamukhang-kamukha mo siya," anito at sinapo ang aking magkabilang pisngi.

"Ama? Asan po ang aking tatay?"

"Hindi ko alam, anak. Iniwan niya ako simula nang malaman niyang nakulong ako."

"N-nakulong ho kayo? Hindi kayo nag-abroad? Kaya ba ninyo ako ipinamigay kasi nakulong kayo?"

"Mahabang kuwento, anak, pero huwag kang mag-aalala, ipapaliwanag ko sa'yo ang lahat. Pero tandaan mong hindi kita ipinamigay tulad ng inaakala mo. Kinailangan ko lang gawin 'yon para sa kapakanan mo."

Napatungo ako sa aking narinig. Kawawa naman pala ang Mama ko.

"Alam mo, ang saya-saya ko ngayon, anak. Kasi nakikita kong lumaki kang maganda at mabait tulad ng aking inaasahan noon." Napaiyak rin ako nang tuluyan ng umiiyak siyang nakatitig sa aking kabuuan.

"Ang saya-saya ko rin po, M-mama."

Lalong tumulo ang kanyang mga luha at niyakap na naman ako.

"Ulitin mo nga, anak. Gustong-gusto kong marinig ang tawag mo sa'kin." Wika nito.

"Mama... Mama ko."

"Salamat. Salamat, anak ko."

Ang drama pala ni Mama. Mas malala pa siya kay BFF. Nahahawa tuloy ako sa pagiging iyakin niya. Hindi siya tumigil sa kakaiyak habang yakap-yakap ako.

"Tahan na po, Mama. Nasasayang ang luha niyo, eh. Bababa ang inflation rate."

Napatawa na naman sila at pagkatapos ay bumitaw na rin kami sa yakap.

"Teka lang po. Eh, bakit po Borora ang apelyido ko? Hindi po tulad ng sa inyo? Ilang beses na tuloy na-murder ang pangalan ko."

"Sinadya naming i-rehistro ka sa gano'ng pangalan dahil baka magtaka ang ibang tao kung bakit iba ang apelyido mo, iha. Isa pa, hindi na rin namin naisangguni iyon kay Ma'am Andrea dahil hindi namin siya nalapitan simula nang makulong ulit siya," mahabang paliwanag ni Mang Tibo.

Pero.... huh?

Ano raw?

Nakulong ulit?

Lalong gumulo ang aking utak. Nahalata siguro ni Mama kaya nagsalita siya.

"Ipapaliwanag ko sa'yo, anak. Pero kailangan kitang dalhin sa bahay para magkaintindihan tayo." Wala sa sariling napatango ako at tumayo.

Nagpasalamat si Mama kina Mang Tibo at Aling Imelda bago nagpaalam ang mga ito. Masayang-masaya naman si Mother Hen nang sinabi namin sa kanya ang tungkol kay Mama.

"Maraming salamat sa pag-gabay at pagpapalaki ninyo kay Nisyel, Sister Henna. Habang buhay kong tatanawin itong utang na loob sa inyo," magiliw na saad ni Mama kay Mother Hen.

"Walang anuman iyon, Mrs. Pelaez. Palaging bukas ang tahanang ito sa sinumang nangangailan ng kalinga. Masaya rin kami na naging parte ng tahanang ito si Nisyel. Malaki ang naging papel niya sa pagbigay ng inspirasyon sa mga batang hindi pinalad na mabigyan ng isang pamilya. Isa pa, pamilya kami rito. Isang malaking pamilya."

Ngumiti si Mama at tuluyan kaming nagpaalam. Sumakay kami ng taxi at bumaba sa harap ng hindi kalakihang bungalow na bahay ngunit maraming nakapalibot na bulaklak sa paligid. Mukhang bagong gawa lang ito dahil hindi natapos ang pagpintura sa pader nito. Medyo preska rin ang kawayang ginamit bilang gate.

"Pasensya ka na, anak. Hindi ko pa natapos ipagawa itong bahay kasi naubos ang savings ko. Pero nag-iipon naman ako para mapaganda ito," ani Mama habang ipinapasok ang susi sa door knob.

"Ayos lang po, Mama. Maganda nga rito, eh. Ang daming bulaklak. Mahilig po ba kayo sa bulaklak?" Nakita kong lumungkot ang mukha niya.

"Sa lola mo ang mga 'yan, anak. Ang mga 'yan lang kasi ang naisalba namin noon sa aming bahay."

Bumungad sa akin ang isang maliit na sala na may sofa na gawa sa kawayan, maliit na TV, dvd, at isang speaker. May mga picture frames din na naka-display sa tabi ng TV.

"Maupo ka muna anak. Kukuha lang ako ng maiinom natin."

"Sige po."

Inilibot ko ang aking paningin ng nagtungo si Mama sa kusina. May dalawa pang silid na nakakonekta dito sa sala na natatakpan lang ng pink na kurtina. Simply lang pero maaliwalas ang kabuuan ng bahay.

Gano'n pa man ay nararamdaman kong parang malungkot ang bahay na ito.

Tumayo ako at kinuha ang picture frame na nasa tabi ng TV.

Family picture.

Kahit hindi na ako magtanong ay batid kong si Mama ang nasa gitna na inaakbayan ng isang mag-asawa. Kung hindi ako nagkakamali, ang mga ito ang lolo at lola ko dahil kamukha ni Mama ang babae.

"That was our family picture no'ng bata pa ako anak," ani Mama pagkatapos ilapag ang tray na may lamang dalawang baso ng juice sa center table na gawa rin sa kawayan.

"Asan na po sila, Mama?" Bigla na namang nagbago ang mukha ni Mama. Parang galit.

"Mama?" Huminga siya nang malalim at naupo.

"Maupo ka, anak." Umupo ako sa kaharap na upuan habang hawak pa rin ang picture frame na may family picture nila.

"Wala na sila, anak. Wala na ang lolo at lola mo," malungkot na saad nito.

"Po?"

"Inataki sa puso si Daddy nang dahil sa pagbagsak ng kompanya namin noon na pinabagsak ng mga Mijares."

Biglang bumilis ang tibok ng aking puso nang marinig ang apelyido ni Dee ngunit hindi ako nagsalita. Pinakinggan ko lang mga sumusunod na sinabi ni Mama.

"Nagsimula ang alitan ng aming pamilya nang pinagtangkaan ko ang buhay ng kanilang panganay na anak."

Si Dee.

Naalala ko na. Iyon ang kuwento ni Mommy Amethyst. So tama nga.

"Pero hindi ko naman sinasadya iyon, anak. Nadala lang ako ng aking emosyon nang makita ko ang Amethyst na 'yon. Ang babaeng iyon ang dahilan kung bakit nawala ang kuya mo."

Huh?!

"May kuya pa ho ako?" 'Di makapaniwalang tanong ko.

"Oo, anak. Pero nang dahil sa Amethyst na 'yon, nawala siya. At hindi ko iyon matanggap kaya nawala ako sa aking pag-iisip at nabaliw. Kaya dinala ako ng lolo at lola mo sa Amerika para doon ipagamot."

Si Mommy Amethyst ang dahilan ng pagkawala ni kuya? Imposible. Magagawa niya ba 'yon? Ang bait-bait niya kaya.

"Doon ko nakilala ang iyong Papa. Isa siyang doktor. Siya rin ang doktor ko nang mga panahon iyon. Dahil sa kanya, unti-unti akong gumaling. Mga limang taon din ang itinagal ko roon sa Amerika. At sa loob ng limang taong iyon ay nahulog ang loob ko sa kanya. Hanggang sa nagkarelasyon kami."

"Masayang-masaya noon ang lolo at lola mo dahil tuluyan na akong gumaling. Dito sila sa Pilipinas nang mga panahong nagpapagamot ako dahil hindi maiwan-iwan ni Daddy ang negosyo."

"Ibig pong sabihin po ay mayaman pala kayo noon?" tanong ko. Ngumiti naman si Mama at ngumiti nang mapait.

"Sumama sa akin ang Papa mo nang bumalik ako rito sa Pilipinas. Ipinagbubuntis na pala kita nang mga panahong iyon. Huli ko na nalaman."

"Ipinakilala ko ang iyong Papa kila Daddy at Mommy. Masaya kami dahil tanggap nila siya. Matalik na magkaibigan ang pamilya namin noon at ang mga Mijares. Sa katunayan, childhood bestfriend ko ang nag-iisa nilang anak, si Stanley Drew Mijares. Nagkagusto rin ako sa kanya noon pero hindi niya ako gusto."

Ibig sabihin love triangle pala noon sila Mama, Mommy Amethyst, at Daddy Stan?

Eh?

Mala-telenobela pala ang peg nila noon.

"Pero nagbago ang lahat nang bumalik ang Amethyst na 'yon. Bumalik ang lahat ng sakit ng pagkawala ng kuya mo sa'kin. Lalo na nang makita kong masaya sila at may anak silang lalaki. Si Skeet Alvan Mijares, ang kanilang panganay."

"Kinain ako ng galit ko kaya pinagtangkaan ko buhay ng kanilang anak. Iwinala ko siya at pinagtangkaang sagasaan."

Napatutop ako sa aking bibig sa rebelasyon ni Mama. Tama nga ang sinabi ni Mommy Amethyst.

"Pero kinain ako ng konsensya ko nang makitang umiiyak ang bata. Pero huli na ang lahat. Mabuti na lang at may sumagip sa kanya. Ang ama ng kuya mo, si Justine. Itinulak niya ang bata kaya siya ang nasagasaan."

"Ipinakulong ako ng mga Mijares at doon nagsimula ang pagkasira ng pagkakaibigan ng aming pamilya. Pinakiusapan sila nina Mommy at Daddy na iurong ang kaso ngunit hindi sila nakinig."

"Galit na galit naman sa'kin ang Papa mo noon. Paano ko raw nagawang magtangka ng buhay ng inosenteng bata. Ang akala ko kakampi ko ang Papa mo, pero hindi pala. Iniwan niya ako at hindi na nagpakita pa simula nang makulong ako."

Naramdaman kong tumulo na naman ang aking mga luha habang nakikinig kay Mama. Ang hirap pala ng pinagdaanan niya.

"Nang nasa kulungan ako ay nadiskubre kong buntis pala ako noon kaya gumawa ako ng paraan para makatakas. Nanglinlang ako ng isang pulis kaya natakas ako nang walang kahirap-hirap. Hanggang sa napadpad ako sa probinsya nila Tibo at Imelda. Wala silang anak kaya tinulungan nila ako. Hindi ko nagawang umuwi ng bahay dahil alam kong pinaghahanap ako ng mga awtoridad."

"Pinalad marahil ako dahil nagawa kong magtago sa loob ng isang taon. Ang akala ko noon nakalimutan na ng lahat na isa akong pugante kaya nagbakasakali akong umuwi ng bahay. Tatlong buwan ka palang noon nang iniwan kita kina Tibo at Imelda. Ang sabi ko kasi, paano kita mabibigyan ng magandang buhay kung wala akong trabaho at pera. Kaya ang sabi ko noon sa kanila alagaan ka muna nila dahil babalikan kita."

"Pero hindi ko natupad ang pangako kong babalikan kita, anak, dahil hinuli ako ng mga pulis. Nakulong ako at nadagdagan ng ilang taon ang sentensya ko. Dalawampung taon akong nakulong. Sinubukan nila Mommy at Daddy na bayaran ang mga pulis para mapalaya ako pero bigo sila. Masyadong mayaman ang mga Mijares at marami silang koneksyon."

Eh?

"Kaya sa sobrang galit ni mommy, pinagtangkaan niyang nakawan ng pera ang mga Mijares at pabagsakin ang kanilang kompanya."

At si BFF ang kinuntsaba noon ni lola?

"Pero masyadong matalino ang anak nilang si Skeet. Hindi namin alam kung paano niya nadiskubre. Nagulat na lang ako nang ipinasok din ng mga pulis si Mama sa kulungan."

Genius nga kasi Dee. May pagka-detective pala ang dragon na 'yon.

"Hindi kinaya ni Daddy ang nangyari. Lalo na't gumawa ng paraan ang Skeet na 'yon para mapabagsak ang kompanya, kaya inataki sa puso si Daddy at namatay. Si Mommy naman ay hindi matanggap na nakakulong siya kaya nagpakamatay siya sa loob ng selda nito. Inagaw niya ang baril ng isang pulis at binaril ang sariling ulo."

Napahikbi ako sa aking narinig.

Bakit gano'n?

Bakit nasasaktan rin ako?

"Nitong taon lang bumaba ang senstensya sa'kin anak. Wala na rin akong nabalikang pagmamay-ari ng pamilya dahil kinuha lahat ng bangko. 'Yung maliit na trust fund ko ang ginamit ko para makapagsimula ulit. Pero hindi ganun kadali dahil marami palang utang ang Daddy. Kaya itong pinatayo ko ng bahay ang natira."

"Pinuntahan ko rin sila Tibo at Imelda para kunin ka. Noong una ay nagalit ako sa kanila dahil dinala ka nila sa ampunan. Pero hindi ko naman sila masisisi, mahirap lang sila."

"Hayaan niyo ho, Mama, ipapadala natin sa MMK ang story niyo para magkapera tayo."

Napatawa si Mama at pagkuwa'y niyakap na naman ako.

Ngunit pareho kaming napatigil kaming pareho ng tumunog ang cellphone.

Oh shoot!

Nakalimutan kong mag-text kay Dee.

1 message received

From: Dee

Where are you, Mee?!

Eh?

Anong isasagot ko? Halos mabitawan ko ang cellphone ko nang bigla itong tumunog.

Dee calling.....

Sasagutin ko ba?

Ano'ng sasabihin ko?

©GREATFAIRY

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro