Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1

"MANYAKIS KA!"

Sapo niya ang kanyang matangos na ilong na tinamaan ng tadyak ko.

Tama lang iyon sa kanya dahil manyakis siya. Imagine that? Magpapakamatay na nga lang ako, mamamanyak pa ako?! At ang masaklap na puwedeng mangyari ay ma-rape pa ako ngayong gabi! Over my dead body!

Tumayo ako sa balsa niya at kumapit sa nakatayong kahoy na nasa gawing gitna niyon. Kandaubo pa ako sa pagkalunod ko kanina. Tumingin ako sa paligid, napakadilim. Kahit yata sumigaw ako rito para humingi ng tulong ay walang makakarinig sa akin.

Bahagyang gumewang ang balsa kaya bumalik ang paningin ko sa lalaking nakasalampak sa sahig ng balsa. Nakahawak pa rin ang kanyang kaliwang palad sa kanyang mukha, dahilan para tanging ang kulay bughaw na mga mata lamang niya ang aking makita.

Hindi asul ang mga mata niya, okay? Epekto lang ito ng hilo ko. Sinalubong ko ang mga mata niya na parang kulay blue talaga dahil sa liwanag ng buwan. Dinuro ko siya. "'Wag kang lalapit sa akin! Marunong akong mangarate!"

Pero tuloy siya sa paglalakad patungo sa akin. At since may kaliitan itong balsa, isang dipa na lang at flesh to flesh na kaming dalawa. And oh, my! Ang tangkad niya pala talaga!

"S-sino ka ba?" Kanda-atras ako pero ang aking mukha ay nanigas sa tensyon dahil sa papalapit niyang mukha sa akin. "A-at ano bang balak mo?"

Nahigit ko ang aking paghinga nang bigla siyang dumukwang. Ang mga braso niya ay nasa magkabilang gilid ko, ang isa ay sa sinasandalan kong kahoy at ang isa ay sa gilid ng aking baywang. Sa paglapit niya ay nasamyo ko ang kanyang hininga—hindi mabaho.

Akma ko siyang itutulak nang idagan niya ang katawan niya sa akin. OMG ito na! His first move to violate me! Hahalikan niya ako! Napakurap ako nang walang lips na lumapat sa lips ko. May tatlong daliring pagitan pa rin ang mga mukha namin sa isa't isa.

Umawang ang mga labi ko. "H-hindi mo ako hahalikan?"

Kitang-kita ko ang pagkunot ng noo niya at pagsasalubong ng makakapal niyang kilay.

"H-hindi mo ako gagahasain?"

Napatitig ako sa kanyang mga mata na tanging parte ng kanyang mukha na naaninagan ko. Hindi ko nga lang maklaro ang tunay na kulay ng mga ito. Sa sobrang lapit niya kasi ay hindi ko gaanong mabistahan maski ang hulma ng kanyang mukha. Pati ang ilong niya ay hindi ko na maaninag kung tama ba ang nakita ko kanina na matangos ito.

May lumagutok sa likuran ko. Paglingon ko ay may nakataling sagwan pala sa sinasandalan kong kahoy. Wala siyang kibo na kinuha ang sagwan sa likod ko. Iyon lang ba ang pakay niya?

Nangangapal ang aking pisngi sa hiya dahil natadyakan ko pa siya gayong hindi naman pala alindog ko ang sadya niya, kundi ang sagwan na ngayon ay bitbit-bitbit niya na. Nakamasid ako sa kanya nang bumalik siya sa dulo ng balsa at magsimulang magsagwan. Ni hindi niya na ako tinapunan kahit katiting na sulyap. Parang sa isang iglap, wala na ako sa paligid. Parang siya na lang mag-isa.

"S-saan tayo pupunta?" tanong ko kahit obviously na sa pampang ang tungo ng bangkang isinasagwan niya.

Itinuon ko ang aking mga mata sa madilim na tubig. Kani-kanina lang ay doon ko dapat wawakasan ang miserable kong buhay, ngunit noong hindi na ako makahinga at napupuno na ng tubig ang aking baga ay bigla ang reyalisasyon sa akin—ayaw ko pa palang mamatay.

Mahirap mabuhay, ngunit mas mahirap ang mamatay. Mas mahirap ang maging malamig na bangkay na walang kalaban-laban, kaysa sa miserableng buhay, pero at least buhay at puwede pa namang lumaban kahit paunti-unti.

Nang tingnan ko ang lalaking sumagip sa akin mula sa pagkalunod ay kusang bumukas ang aking bibig para pasalamatan siya. "Thank you."

Doon siya tumingin sa akin.

"Thank you for saving me and making me realize that ending my life is not a good idea."

Hindi siya sumagot pero ayos lang. Siguro na-shock siya na hindi ako basta lang nalunod kundi nagpapakamatay pala ako kanina.

"Thank you, whoever you are. I owe you my life."

Kumiling ang kanyang mukha na tila hindi ako nauunawaan.

"You don't understand me?" Bahagya na kaming nakarating sa pampang. Nasasanay na rin ang aking mga mata sa dilim at kakaunting liwanag na dulot ng buwan.

Minasdan ko ang lalaking dalawang dipa ang layo sa akin. May kahabaan pala ang kanyang buhok, malapit na iyong umabot sa kanyang malapad na balikat. Iyon bang wolf cut. At hindi rin pala siya nakahubad, may saplot siyang pang-ibaba ngunit hindi briefs or boxers. Sinipat ko siya nang maigi kahit kandaduling ako sa pag-aanalisa sa kanyang itsura.

"What the hell is that thing?" Nang mahawi ang manipis na ulap na pumipigil sa mas ikaliliwanag ng buwan ay napagtanto ko na bahag ang suot ng lalaking nasa aking harapan.

Bahag? A piece of cloth na basta na lang ginawang tabing sa maselan niyang parte. At hindi nakaligtas sa nanunuri kong mga mata ang tali na tila lubid na ginawa niyang belt para hindi mahulog ang kanyang bahag.

Narating na namin ang pampang at abot-paa na ang buhangin kung bababa sa balsa. Tumagilid siya at itinusok sa buhangin ang sagwan. May narinig akong kumalansing mula sa kaliwa niyang kamay. Nang sipatin ko iyon ay may suot siyang porselas na mga kabibe ang disensyo. Siguro ay taga-rito siya sa isa sa mga beach na narito sa Batangas.

Hinarap niya ako at sinenyasan na bumaba ng balsa. Tumalima ako at agad na tinakbo ang pinag-iwanan ko sa aking bag—na mabuti ay naroon pa rin.

Iniwan ng matangkad na lalaki ang balsa saka lumakad patungo sa kinatatayuan ko. "Okay na ako, Mister. Puwede na tayong maghiwalay rito. 'Wag kang mag-alala, hindi na ako magpapakamatay kung iyon ang inaalala mo."

Isinukbit ko ang aking bag at tinalikuran na siya. Nakakailang hakbang na ako nang lingunin ko siya para matagpuang nakasunod siya sa akin. Ah, oo nga pala, may nakalimutan ako. Kumuha ako ng limang daang piso sa loob ng aking bag at inabot sa kanya.

Bumaba naman ang paningin niya sa perang inaabot ko.

Ngumiti ako. "Sa 'yo 'yan. Pasasalamat ko nga pala."

Hindi niya iyon inabot.

"Bakit? Kulang ba?" Napakamot ako sa batok. "Pasensiya ka na, ha? Medyo gipit kasi ako ngayon kaya hanggang five hundred lang ang mabibigay ko sa 'yo."

Hindi pa rin niya inaabot ang pera.

"Mister, hanggang diyan lang talaga ako. Marami kasi akong bayarin sa Maynila, at isa pa, kailangan ko ng budget hanggang sa next sahod. Alam mo na, mahirap mabuhay. Pero 'wag kang mag-alala, kapag nakaluwag ako, baka bumalik ako rito. 'Kunin ko na lang siguro ang contact number mo." Maigi na iyong ako ang kumuha sa contact number niya kaysa ibigay ko ang aking number sa kanya. Mahirap na baka maya't mayain niya ang tawag para sa kanyang reward money.

Nakahinga ako nang kunin niya ang five hundred pesos. Tinanguan ko siya at tinalikuran na. Basang-basa ako kaya paano kung hindi ako isakay ng Grab na aking ibu-book? Kung magba-bus naman ako ay baka anong petsa na ako makauwi ng Cubao. At baka tadyakan ako ng konduktor pababa ng bus dahil nga sa itsura kong mukhang sisiw.

Nang nasa kalsada na ako ay nagsimula na akong mag-book. Batangas Pier ang inilagay ko sa pin point. Lalakarin ko na lang ang papunta roon at baka sakaling may mabili ako ro'ng kahit t-shirt man lang. Dahil sa totoo lang, ang lamig-lamig na, besh!

Wala pa ring tumatanggap ng book ko. 'Di bale, ten minutes pa lang naman ang lumilipas. Kaso malapit na akong magyelo rito sa lamig. Kahit pa maliwanag dito sa part na ito ng kalsada ay delikado pa rin dahil wala ritong katao-tao maliban sa akin.

Sana pala nakiusap na lang ako sa lalaki kanina. Baka naman malapit lang iyong kanila rito, sana nakahiram muna ako kahit t-shirt ng nanay niya, lola niya, tiyahin niya, o kung may kapatid man siyang babae. O kahit t-shirt na lang niya. At kung suswertehin, baka pati jacket ay makahiram ako.

Speaking of that man, nilingon ko ang aking pinanggalingan. Madilim. "Nasaan na kaya iyon?"

Ang bilis niya namang maglaho.

"Weird..." Naiiling na ibinalik ko ang aking paningin sa kalsada para lang mabigla na nasa likuran ko na pala ang wirdong lalaki. "Ay, palaka!"

Hawak ko ang aking dibdib sa gulat. Bakit ba bigla siyang sumusulpot?! At paano siya nakarating sa aking likuran nang 'di ko namamalayan? Akala ko naiwan siya sa pampang?!

"I need to go, Mister." Nagbago na ang isip ko na baka puwedeng magpatulong ako sa kanya na makakuha ng tuyong damit. Kahit pa iniligtas niya ako ng isang beses sa takdang kamatayan ay hindi pa rin iyon sapat para lubusan ko siyang pagkatiwalaan.

Stranger is stranger. He was a stranger and he couldn't be trusted. Regardless if he saved my life—

Wait. Napalunok ako nang bigla siyang humakbang palapit sa akin. Unti-unti kasing lumilinaw sa aking paningin ang itsura niya dahil sa liwanag ng poste na 'di kalayuan sa aming dalawa.

"A-asul nga ang mga mata mo..." tulalang sambit ko habang nakatingala sa kanya.

Kulang isang dipa na lamang ang pagitan namin, at ngayon ay kitang-kita ko ang lahat ng detalye sa kanyang mukha—sa kanyang perpektong mukha. Dang! Anong klaseng tao siya? Bakit napakaguwapo naman yata niya?!

Ilang minuto rin akong tulala sa kanya nang maalala ko ang ayos niya—he was still half naked for Pete's sake! Nakabahag nga siya! Oo, bahag! Hindi shorts, hindi boxers, at hindi briefs! Bahag! Kapirasong tela na basta na lang ipinulupot na parang lampin sa kanyang pundyo!

Guwapo, blue eyes, 'tapos nakabahag?!

"Who the hell are you?!"

Hindi na naman siya sumagot. Nauunawaan niya ba ako? O baka foreigner siya? Baka biktima ng lumubog na barko kaya naman ganito ang kanyang itsura?

"Hindi mo ba ko naiintindihan?" Itinuro ko siya. "Do you speak English? Tagalog? What's your nationality?"

Deadma na naman. Parang mas gusto niyang titigan ang mukha ko kaysa ang sagutin ang mga tanong ko. Ano bang problema niya? Baliw ba siya? Bakit ba siya sunod nang sunod?

Dinuro ko siya. "Ako ang klase ng tao na iniiwan at hindi sinusundan."

No reaction from him. Napasabunot na ako sa aking buhok dahil sa frustration at isa pa, nilalamig na ako. At kung nilalamig ako, ano pa kaya siya na halos hubo't hubad na?

"Kung nakikipag-communicate ka lang kasi sa akin nang maayos, e di sana nakakapag-decide na tayo ng gagawin sa 'yo. Hindi ka naman kasi puwedeng sumunod na lang sa akin dahil unang-una, stranger ka pa rin. Malay ko ba kung modus mo lang ito at may iba ka pang kasabwat diyan!"

Humalukipkip ako at pinakatitigan siya. Hay, ang guwapo niya talaga. Posible kayang member siya ng isang sindikato? Bakit? Bakit hindi na lang siya mag-model? Doon, siguradong mas kikita pa siya. O baka naman talagang tama ang unang hinala ko na galing siya sa isang lumubog na barko? O kaya naman sa isang bumagsak na helicopter o eroplano. Hindi kaya na-trauma siya sa karagatan kaya ganito na hindi niya ako maunawaan? Posible.

"Okay." Itinuro ko ang kinaroroonan ng pier. "Sumama ka sa akin doon. May mga pulis doon, puwede tayong humingi ng tulong para sa 'yo." Hindi niya nga siguro ako nauunawaan, baka hindi rin English ang language niya. Anyway, may sign language naman, pasasaan ba't magkakaintindihan din kami. Kailangan ko lang siyang dalhin sa lugar na mas maaasikaso at matutulungan siya.

Pero paano kung imbes na tulungan ay samantalahin siya? Natigilan ako sa aking naisip. Maraming mapagsamantala ngayon lalo pa at foreigner siya. Sa itsura ng lalaking ito, mukhang hindi siya basta-basta. Sa kalagayan niyang ito, malaki ang posibilidad na masamantala ang kahinaan niya.

Sa tindi ng panloloko na dinanas ko, hirap na talaga akong magtiwala kahit kanino. Bakit ba iniintindi ko pa siya? Mas marami akong problema. Tinatagan ko ang aking loob at tinalikuran siya. Bahala na siya.

Pumunta na lang siya sa pier kung gusto niya. Hindi ko na siya ihahatid do'n at baka ako pa ang mapagkamalang may ginawang masama sa kanya. Sa ayos kong ito, kahina-hinala talaga ako. Baka isipin ng mga tao, pinagnakawan ko pa siya. Mas malala ay baka ma-televise pa ako. Iyon ang pinakaayaw ko. Kaya kahit kinakain ako ng konsensiya ay iniwan ko na ang lalaking kulay asul ang mga mata. Ipagdadasal ko na lang siguro ang kaligtasan niya.

Naglakad-lakad ako habang pilit na sumasagap ng signal. Sa wakas ay nakakuha ako ng matibay na signal. Nag-book agad ako sa Grab. At for the first time, sinuwerte ako—nakapag-book ako agad!

In fifteen minutes, nandito na ang sundo ko. Kailangan ko na lang i-message ang driver na hindi niya ako sa mismong pier susunduin. Maglalakad na lang ako nang kaunti palapit sa pier para hindi na gaanong mahirapan sa paghahanap sa akin ang Grab driver.

Nahinto ako sa paglalakad nang maramdaman ko ang lalaking asul ang mga mata na tila nakasunod sa akin. Nang lumingon ako ay hindi nga ako nagkamali. Nakasunod nga siya sa akin! Shit!

Binilisan ko ang aking mga hakbang, pero sa tangkad niya, sa haba ng kanyang mga biyas ay madali niya pa rin akong naabutan. Huminto ako at hinarap siya. "Bakit ka sumusunod?!"

Nakatingin lang siya sa akin.

"Okay." Itinuro ko ang pier na napakalapit na sa amin. "Go there."

Ni hindi niya sinundan ng tingin ang itinuturo ko. Sa asar ko ay naglakad muli ako hanggang sa makarating na kami sa mismong bukana ng pier. Medyo madilim dahil dim ang ilang ilaw at maraming naka-park na sasakyan sa daan.

"Hanggang dito na lang ako. Marami na kasing tao roon sa loob." Dito pa nga lang sa labas ay may mangilan-ngilan na. At 'pag napapatingin sa amin ay napapangiwi ako.

Hello? Sinong hindi mawiwirduhan? Iyong kasama ko, nakabahag lang, 'tapos ako naman mukhang basang sisiw na galing sa pakikipagsabunutan.

"Please, go there. I'm sure pagkakaguluhan ka roon at ang ending ay dadalhin ka sa presinto. Mare-realize din nilang foreigner ka at wala ka sa huwisyo. They'll surely help you. Ipagdadasal ko na lang na walang manloko sa 'yo."

Hindi siya tuminag sa pagkakatayo. Pero siguro naman kung iiwan ko siya rito ay may makakakita rin sa kanya at kukunin siya.

"I really need to go." Nanakbo na ako papunta sa kalsada.

Nang lingunin ko siya ay nakasunod pa rin siya.

"I said go there. Pumunta ka roon. Maraming tao roon na puwedeng tumulong sa 'yo. Hindi na kita masasamahan dahil parating na iyong Grab. Saka ayaw kong mapagpiyestahan doon, 'kita mo namang basang-basa ako at mukha akong nanlilimahid na baliw rito. Unlike you, kahit nakabahag ka, mukha ka pa ring kagalang-galang."

My phone beeped. Nang tingnan ko iyon ay text iyon mula sa Grab, nakikita na ako nito.

"Please, doon ka na. Bumalik ka na roon. Walang makakakita sa 'yo rito, baka mamaya mapa'no ka pa. Nandiyan na iyong sundo ko kaya bumalik ka na roon."

Isang Toyota Vios ang huminto sa tabi namin. Sumilip mula sa bintana ng driver's seat ang Grab driver. "Kayo ho si Ma'am Kitty?" Parang alanganin ang driver nang makita ang ayos ko.

"Yes po, Ssir." Nginitian ko ito. "Nabasa lang ako, pero may pambayad ho ako." Ipinakita ko ang aking wallet ngunit hindi ang loob niyon. "Mag-a-add na lang po ako, basta maihatid niyo lang ako sa apartment ko sa Cubao."

Nagkamot ito ng batok. "Paluwas nga ho ako ng Maynila kaya sakto ang book niyo."

"Ako na po bahala sa toll, Sir." Nang tumango ang driver ay binuksan ko na ang pinto sa backseat at pumasok na sa loob.

"Kasama niyo ba iyong lalaki, Ma'am?" tanong ng driver. Nang tumingin siya sa labas ng kotse, naroon pa rin pala ang lalaking may asul na mga mata.

"Ho?" Parang piniga ang puso ko nang makita siya na nakatanaw lang sa akin mula sa labas.

Kaya ko ba siyang iwan?

Paano kung hindi siya makita ng mga taong dapat na tutulong sa kanya? Paano kung mapaano siya? Makakaya ba ng konsensiya ko na pabayaan siya matapos niyang iligtas ang aking buhay?

"Ma'am, alis na po ba tayo?"

"S-sige..." halos paanas na sagot ko habang ang aking mga mata ay hindi maalis sa lalaking may asul na mga mata na nasa labas ng sasakyan.

Naramdaman ko ang pag-andar ng sasakyan at sa aking paningin ay unti-unti siyang naiiwan. Nakatingin lang siya sa akin at hindi na sumusunod. Parang tanggap niya na ang pag-alis ko, na wala na akong pakialam kahit ano pa man ang mangyari sa kanya.

"Shit." Napapikit ako nang mariin.

Nang muli kong imulat ang mga mata ko ay kitang-kita ko sa side mirror ng kotse ang pagtakbo ng lalaking asul ang mga mata. Nakasunod siya!

"Ma'am, sinusundan tayo niyong lalaki!"

"Ihinto niyo!" nanginginig ang mga labi kong utos ko sa Grab driver.

"Ma'am, sigurado po kayo?"

"Basta ho, ihinto niyo!" Nakatingin na ako sa bintana. Shit! Bakit ganito ang nararamdaman ko? Hindi ko naman siya kilala, pero bakit parang ang aking pakiramdam ay hindi ko siya kayang pabayaan dahil pagsisisihan ko iyon nang buong buhay ko?!

"Ma'am, sigurado po ba—"

"Basta, ihinto niyo! Babayaran ko kayo! Dodoblehin ko!" Desperada na ako. Ni hindi ko naisip na wala na akong pera, pero nag-alok pa ako ng gano'n.

Huminto nga ang Grab car. Lumabas agad ako at tinakbo ang pagitan namin ng lalaking may asul na mga mata. Pareho kaming habol ang aming paghinga dahil sa hingal.

Ano'ng meron sa kanya? Bakit hindi ko siya kayang iwan? Bakit hindi ko siya kayang pabayaan? Kinulam niya ba ako? Habang nakatitig ako sa mga mata niya ay dama ko ang init na nagmumula rito. Ang weird. Parang sa isang iglap, nagkaron muli ng direksyon ang buhay ko.

Nag-iwas ako ng paningin dahil hindi ko na kaya ang mapaso. Nagpakawala ako ng paghinga saka mahinang nagsalita. "Okay, fine. Sumama ka sa akin sa Maynila."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro