Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 9

"TOTOONG crush ka rin ni Dion," mariing giit ni Liziel. Kanina niya pa iyon sinasabi habang nakaupo kami rito sa duyan sa bakuran namin. Sabado ngayon at naisipan niya na pumunta rito para gumawa ng homework.

"Paano mo naman nalaman?" nagtataka kong tanong pero ang totoo ay nakakaramdam na ng pagkasabik sa nalaman. Gustong gusto ko siyang kulitin para sabihin sa akin kung paano niya iyon nasabi pero pinigilan ko ang bibig. Pilit pinapahinahon ang sarili.

"Nakita ko sa slambook ni Diane."

"Totoo? Bakit hindi ko iyon nakita?" Nakagat ang labi dahil sa ngiting pilit kumakawala.

"Totoo nga! Bakit ba ayaw mong maniwala? Siguro after mong magsagot saka siya nagsagot doon." nagsusungit na tanong niya.

Nanlaki ang mga mata ko. "Ibig sabihin nakita niya ang mga sagot ko?" Pero bakit hindi niya ako kinukulit tungkol doon?

"Hindi mo naman inilagay ang buo mong pangalan doon, 'di ba?"

Napaisip ako. Hindi ko nga inilagay ang buo kong pangalan. Tanging acronym lang ng pangalan ko na TAL. Ganoon din kasi ang iba kaya ginaya ko.

"Baka kasi inaasar mo lang ako," ani ko at inirapan siya.

"Hindi, 'no!" aniya na inirapan din ako. "Gusto mong makasiguro na gusto ka talaga ni Dion?" mahinang tanong ni Liziel. Akala mo'y may sinasabing sikreto na hindi pwedeng marinig nino man.

"Paano ko naman malalaman?" bulong ko rin. Buong atensyon ay nasa kanya.

Inilapit niya ang bibig sa aking tenga at ibinulong ang balak. Nang lumayo ay malaki ang ngisi at parang proud na proud sa kanyang naisip. Samantalang parang namamangha pa ako dahil ganoon ang naisip niya.

Hindi ako pinatulog ng sinabi ni Liziel. Paulit-ulit na may nabubuong senaryo sa isip ko kung paano niya iyon gagawin. At dalawang emosyon ang ibinibigay niyon sa akin, kaba at kilig.

Pagkagising pa lang nang sumunod na araw ay dala ko na ang excitement. Malalaman ko na ang nararamdaman ni Felix para sa akin. Simula sa pagbangon sa higaan hanggang sa makapasok sa eskwelahan ay hindi mabura ang ngiti ko.

"Para kang tanga! Kanina ka pa nakangiti!" masungit na ani Felix nang makababa ako sa bisikleta niya.

"Pake mo ba!" singhal ko pero agad ding ngumiti. Naiiling niya akong nginiwian.

"Sayang saya ka, ah. Dahil sa crush mo?" masungit na tanong niya habang nakaupo sa harapan ng bisikleta niya at nilalagyan ng lock ang gulong niyon.

Tikom ang bibig nang ngumiti ako. Ramdam ko ang paglundag ng puso ko habang nakatingin sa naka-side view niyang mukha. Inalis ko ang ngiti nang tingalain niya ako. Tinaasan ko siya ng kilay.

"Nabingi na rin," naiiling na aniya bago tumayo. Kinuha niya sa akin ang lunch bag ko at nauna ng naglakad. Humabol naman ako at nakangiting sumabay sa kanya. Inihatid niya ako sa room.

"Aral mabuti hindi puro crush ang iniintindi."

Napahagalpak ako ng tawa dahil sa sinabi niya. Inilingan niya lang ako saka ako tinalikuran. Inihatid ko pa siya ng tingin hanggang makarating siya sa room nila.

"Ano, tuloy ang balak mamaya?" ani Liziel noong mag lunch break. Buo pa rin ang loob ko nang sumang-ayon.

Nang sumapit nga ang uwian, katulad ng napagkasunduan namin ni Liziel ay magkukunwari akong magpapaalam para magpunta sa restroom. At doon naman siya magtatanong kay Felix ng totoong nararamdaman nito para sa akin.

Ginawa ko ang balak. Nang makalabas ng classroom ay nakaabang na si Felix sa amin. Pasimple kong pinanood ang unti-unting pagka-ubos ng mga kaklase namin habang mabagal na nag-aayos ng mga gamit ko sa bag. Pansin ko na ganoon din ang ginagawa ni Liziel.

"Hindi pa tayo uuwi?" nagtatakang tanong ni Felix na nakasandal sa hamba ng pinto.

Kinakabahang tumingin ako kay Liziel. Sinenyasan niya ako na umalis na sa pamamagitan ng tipid na pag galaw ng ulo.

"Wait lang. Magbabanyo lang ako."

Hindi ko na hinintay ang sagot nila. Agad akong pumasok sa comfort room. Isinara ko iyon pero agad ding binuksan. Nakita ko ang paglabas ni Liziel at paghila niya kay Dion. Dahan-dahan akong lumabas. Nakita ko mula sa bintana na magkaharap na sila; nakatagilid sa gawi ko. Dahan-dahan akong naglakad patungo sa pinto at nagtago sa gilid. Idinikit ko ang tenga sa dingding na akala mo'y magiging malaki ang tulong niyon sa pakikinig.

"Ako may gusto?" may pagtataka sa boses ni Felix nang itanong iyon. Wala akong narinig na sagot kay Liziel. Mahinang tawa ni Felix ang sunod na narinig ko, para bang naroon ang pagkailang pero sa ganoong paraan din pinapatay iyon.

Bumilis ang tibok ng puso ko. Naikuyom ko ang kaliwang kamay at naiharang iyon sa bibig nang kaba na ang sunod na naramdaman. Ngunit ang sunod na sinabi ni Felix ay nakapagpamanhid sa puso ko.

"Sorry, Liziel, pero wala, eh. I-Iba ang gusto ko."

Natulala ako. Dahan-dahang nalaglag ang kamay na nasa bibig. Napatuwid ako ng tayo at paulit-ulit na napakurap nang maramdaman ang mabilis na paghapdi ng mga mata ko.

Hindi ko alam kung paano ko nakayanang lumabas ng classroom na parang walang narinig. Kita ko ang lungkot sa mga mata ni Liziel pero hindi ko ipinahalata sa kanya ang sakit na nararamdaman.

"Tara na?" masigla ko pang tanong.

"Tapos ka na?" tanong ni Dion habang kinukuha sa akin ang lunch bag. Tumango lang ako saka nanguna ng maglakad.

Noong makarating sa bahay ay nagawa ko pang maglambing kay lola at lolo na magkatulong na nagluluto ng hapunan.

"Magbibihis po muna ako."

"Lumabas ka na rin agad. Maghahapunan na mayamaya," ani lola.

"Opo, 'La."

Pumasok na ako sa kwarto ko at matamlay na ipinatong ang bag sa maliit na lamesa na nasa tabi ng higaan. Pero nang makita ang papel na bulaklak na ibinigay sa akin ni Felix noong araw ng mga puso ay mabilis akong napahikbi at parang sirang gripo ang mga mata nang sunod-sunod na pumatak doon ang mga tubig. Nalalasahan ko ang alat niyon na dumadaan sa bibig ko.

"Iyan pa lang ang kaya ko sa ngayon. Hayaan mo sa susunod tunay na bulaklak na."

Napaupo ako sa higaan. Gamit ang likod ng mga palad ay iniharang ko iyon sa mga mata ko habang parang bata na patuloy sa pag-atungal. Simula kaninang umaga, umasa ako sa magandang sagot na maririnig mula kay Felix. Pero hindi ko naisip na paano kung hindi ganoon ang nararamdaman niya sa akin? Paano kung hindi naman niya ako crush? Paano kung mali lang ang nabasa ni Liziel na pangalan sa iniligay ni Felix sa slambook ni Diane? Paano kung hindi ako 'yon?

Umasa ako siguro hindi lang dahil sa sinabing iyon ni Liziel kung 'di dahil sa magagandang pakitungo sa akin ni Dion simula pa noong ayaw ko pa siyang maging kaibigan. Nagsumikap siyang matanggap ko ang pakikipagkaibigan niya at hanggang ngayon puro kabutihan ang ipinapakita niya sa akin.

Ilang minuto akong ngumalngal. Kung hindi ko pa yata maririnig ang tawag ni lola mula sa labas ay baka hindi ako tumigil sa pagdama sa pagkabigo ko.

Lumabas ako ng kwarto pagkatapos magpalit ng damit. Ramdam ko ang hapdi sa 'king mga mata. Nang sumilip ako sa salamin bago lumabas ng kwarto ay namumula iyon. Akala ko ay uungkatin iyon nila lolo pero hindi naman sila nagtanong pa kahit panay ang pagtitig sa akin at pagtitinginan nila. Sanay naman silang umiiyak ako kapag namimiss sila Mama. Siguro akala nila ganoon din ang dahilan ng pamumugto ng mga mata ko ngayon.

Kahit anong pilit sa sarili na huwag isipin ang nararamdaman ay hindi ko iyon magawa. Hindi ko maiwasan ang hindi malungkot lalo kapag kasama ko si Felix. Pero wala akong magawa kung 'di ang pakitunguhan siya katulad ng dati. Kahit ano naman kasing lungkot basta nangulit siya ay mabilis nagbabago ang mood ko. Palagi ko ring nahuhuli ang tingin sa akin ni Liziel at parati ay awa ang nababasa ko roon. Wala siyang sinasabi pero bigla na lamang niyang hahagurin ang likod ko na nagbibigay ng gaan sa puso ko.

Isang linggo ang nakalipas pagkatapos ng pangyayaring iyon saka ko lang naisipang hiramin ang slambook ni Diane. Gusto kong makita ang sagot ni Felix. Gusto kong ako mismo ang makabasa ng sinagot niya roon. Gusto kong malaman kung sino ba talaga ang crush niya.

"Nako hindi ko na dinadala 'yon, Tamara. Puno na kasi kaya iniwan ko na lang sa bahay. Tsaka madalas kunin nila Gelo sa bag ko, eh," aniya na matalim ang tingin nang lingunin sa kabilang row ang isang kumpulan ng mga lalaki. Nagkukulitan ang mga iyon. Naroon si Angelo, ang nababalitang nanliligaw kay Diane, walang kamalay-malay na tutumba na sa titig niya.

"Pero nabasa mo ba ang mga sagot doon ni Felix?"

Nang lingunin niya ako ay wala na ang talas sa mga mata na para lang yata sa manliligaw niya.

"Ni Dion Felix ng section two?"

Sunod-sunod akong tumango. Nangunot ang noo niya habang nakanguso.

"Wala akong natandaan na nagsagot siya sa slambook ko. Siya nga lang ang alam kong hindi nagsagot doon sa lahat ng second year."

Nagsalubong ng kilay ko. Hindi nagsagot si Felix? Pero bakit sabi Liziel nakita niya ang sagot ni Felix doon?

"Sigurado ka ba?" may pagtataka kong tanong kay Diane. Paulit ulit na sa isip ang sinabi ni Liziel na nabasa niya iyon sa slambook nito. Hindi ako pwedeng magkamali, iyon ang sinabi niya sa akin noong naroon siya sa bahay.

"Oo, Tamara. Lahat naman binabasa ko roon. Teka speaking of Dion Felix, siya si DFR, 'no?" may nanunuksong tanong niya sa huli. "Ay sus, si Tamara inlababo," pang-aasar niya pa pero hindi ko nagawang intindihin iyon dahil nalipat na ang buong atensyon ko sa kaibigan na nasa kabilang dulo ng classroom at nakasubsob ang ulo sa desk niya.

"Hindi ba talaga nagsagot si Felix, Diane?" baling ko muli rito.

"Hindi talaga, Tamara. Si Jayrald nga nagsagot pero siya wala talaga."

Pilit ang naging ngiti ko. "Sige. Salamat, ha."

"Don't worry hindi ko ipapaalam sa iba na siya 'yong crush mo," nakangiti at mahina niya pang sabi habang nasa gilid ng labi niya ang kamay. Tanging ngiti ang naging sagot ko at nagpasalamat bago siya iniwan.

Natapos ang klase ng araw na iyon na hindi nawala sa isip ko ang sinabi ni Diane. Hindi nagsagot si Felix sa slambook niya pero ano 'yong nabasa ni Liziel? Sinabi niyang nabasa niyaa ng sagot ni Felix doon! Nagsinungaling lang ba siya sa akin? Pero bakit niya naman gagawin ang bagay na 'yon?

Hindi ko kinakaya ang mag-isip nang mag-isip. Bago pa man sumabog ang utak ko at magsimulang mapasukan ng kung anong masama para sa kaibigan ay kinumpronta ko na siya noong matapos ang klase. Sinakto ko muli na kami na lang dalawa ang tao roon.

"Para mo namang sinabing nagsisinungaling ako, Tamara," natatawang aniya.

"Pero si Diane mismo ang nagsabing hindi nagsagot doon si Felix," mahinahong giit ko.

"So, mas pinaniniwalan mo siya?" mataray na tanong niya na ikinabigla ko. Alam kong may pagkamatalas ang dila niya minsan pero ngayon niya lang ako ginamitan ng ganoong tono.

"Kaya nga kinukumpirma ko kasi hindi ko alam kung alin ang totoo," mahinang ani ko. Gusto ko ng itigil ang pagtatanong dahil hindi na nagiging maganda ang tono ng boses niya pero alam ko sa sarili kong kung ititigil ko ito ay hindi rin ako matatahimik.

"Sa pagkukumpirmang ginagawa mo para mo na ring sinabing hindi mo ako pinaniniwalaan!"

Mas nabigla ako dahil bahagyang tumaas ang boses niya kasabay ng marahas na pagbitaw ng kanyang backpack sa kanyang upuan. Nanlaki ang mga mata ko. Biglang nagsisi sa ginawang pagkukumpirma ng bagay na ito.

"Tinatanong ko lang naman kasi—"

"Pwede ba kung wala kang tiwala sa 'kin huwag mo na 'kong kaibiganin!"

Padabog niyang dinampot ang bag niya at nilampasan ako. Bumunggo ang balikat niya sa braso ko kaya napaatras ako at napaupo sa upuan na nasa tabi ko.

"L-Liziel..."

Ramdam ko ang pamamasa ng mga mata ko nang lingunin ang pinto. Wala na si Liziel doon. Nakagat ko ang ibabang labi nang magsimulang tumulo ang luha ko. Nagsisisi at natatakot sa maaaring kahinatnan ng pag-uusapan namin ni Liziel.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro