Kabanata 8
"WHO'S your crush?"
Nilingon ko si Liziel. Nakapatong ang mga braso niya sa desk ko at nakasilip sa notebook na nasa ibabaw niyon. Nagsasagot ako ng slambook ng kaklase naming si Diane. Ito kasi ang uso ngayon dito sa school. 'Yong tanong na iyon na ni Liziel kasi ang sunod kong sasagutan. Hindi ko alam kung ilalagay ko ba roon ang pangalan ng crush ko kaya kanina ko pa tinititigan iyon.
"Who's your crush?" ulit niya na nasa akin na ang tingin habang may ngisi sa labi.
"Ikaw, sino'ng crush mo?" balik kong tanong sa kanya.
Napahagikgik siya. Inilapit niya ang mukha sa akin, inilapit ko naman ang ulo ko sa kanya.
"Si Dion," bulong niya.
Mabilis akong napaatras at nanlalaki ang mga mata ko nang tingnan siya. Napatulala ako sa nakangiti niyang mukha.
"Huwag kang maingay, ah?" dagdag niya.
Lalo akong naestatwa nang humagikgik siya na para bang kinikilig.
Crush niya ba talaga si Felix? Bakit hindi ko napansin? Eh, 'di ba lagi niya nga 'yong inaaway? Pero lagi ko rin namang inaasar si Felix, 'di ba?
Bago ko pa siya matanong kung totoo ba ang sinabi niya ay malakas na siyang humagalpak ng tawa.
"Oh, my God! Namumutla ka, Tamara!"
Hindi ko inintindi ang sinabi niya maski ang mapang-asar niyang pagtawa.
"Crush mo si Felix?" Nakatitig ako sa kanyang mukha nang itanong ko iyon. May bakas pa rin ng pagtawa roon habang seryosong seryoso ang mukha ko.
"Hindi, 'no!" mariing tanggi niya. "Ang pangit-pangit no'n, eh," nakangiwing dugtong niya.
Nakahinga ako nang maluwag doon.
"Si Dion 'yang crush mo, 'no?" Malapad siyang ngumisi. "Uy, crush niya si Dion!" aniya hindi ko pa man siya sinasagot. Dinuggo niya pa ako sa braso.
Hindi ko napigilan ang pagsilay ng ngiti sa labi ko.
"Sabi na nga ba't si Dion, eh!"
"Pero hindi mo talaga crush si Felix, ha?" pagkukumpirma ko pa.
"Hindi nga!" tanggi niya at umirap pa.
Pinaningkitan ko siya ng mga mata. "Sure?"
"Oo nga!"
Nayakap ko si Liziel sa sobrang tuwa. Kung pareho naming magugustuhan si Felix ay talagang malulungkot ako. Magkaibigan kami at ayaw kong pareho kaming magkakagusto sa iisang lalaki. Dahil kung mangyayari iyon siguro mas pipiliin kong manahimik at huwag ipaalam maski kay Liziel ang totoo na oo, crush ko si Dion.
"Huwag kang mag-alala dahil sa 'yong sa iyo lang ang best friend mo, Tamara."
Pareho kaming napahagikgik.
Palaging sinasabi ni Felix na maging matapang ako. Kaya naman ngayon nakangiti at matapang kong hinarap ang notebook at isinulat doon ang tatlong letra.
"Naks naman. DFR pa nga. Akala mo naman walang makakapansin niyan."
Nakangisi kong nilingon si Liziel at kinindatan. Inilagay ko ang hintuturo sa nakangusong labi at gumawa ng tunog na nagsasabing manahimik siya. Natatawa siyang napailing.
"Ang lakas ng toyo ninyong mag bestfriend."
"Quiet ka lang, ha?" mahina ko pang ani habang pinanlalakihan siya ng mga mata.
Lumapit pa siya sa akin. Kulang na lang tuloy ay magdikit ang mukha naming dalawa?
"Pero kailan mo pa siya nagustuhan?"
"Hmm... sa totoo lang hindi ko sigurado kung kailan nag-umpisa?"
"Ha?" nakangiwing aniya.
Nangalumbaba ako at pigil ang ngiti habang naiisip ang mukha ni Felix. "Hindi ko alam kung kailan nagsimula pero alam ko sa sarili kong may nag-iba sa nararamdaman ko kapag nariyan si Felix. Alam mo 'yon? Kinikilig ako kapag nariyan siya samantalang dati naman inis na inis ako sa kanya. Gusto kong nakikita siyang nakangiti. Para bang mapangiti lang siya masaya na rin ako."
Kalaunan naamin ko rin sa sarili kong crush ko si Felix. Ayaw ko pa nga sana kasi bakit ko naman siya magiging crush, 'di ba? Pero hindi ko pwedeng lokohin ang sarili kong ganoon ang nararamdaman ko. Na dati makita pa lang siya napapasimangot na ako pero ngayon kahit gaano kapangit ang mood ko basta nariyan siya buo na ang araw ko. Iyon nga lang sa nakakabwisit niyang ugali hindi ko alam kung bakit humanga pa rin ako sa kanya. Sabagay, mabait naman 'yon. Mas malala lang ang kahambugan!
"Ganyan kalakas ang tama mo sa kanya? Naniniwala na akong bulag ang pag-ibig."
Nahampas ko siya sa braso. "Grabe ka! Mabait at gwapo si Felix, 'no."
"Oo na. Wala na akong sinabi."
Hinigit ko siya sa braso kaya natatawa niya akong itinulak ng mahina.
"Basta quiet ka lang, ha?"
Natatawa siyang tumango at nagpromise pa kaya naging panatag ako pero kinahapunan noong palabas kami ng gate ay nakasimangot ako habang pinapakinggan ang panunukso sa akin ni Liziel. Hiyang hiya ako dahil sinabi niya kay Felix na may crush ako sa school. Hindi man niya direktang sinabing si Felix iyon mismo pero sa ugali ng lalaking 'yon tiyak na hindi ako titigalan no'n. At hindi nga ako nagkamali dahil mula roon sa school hanggang sa bahay ay panay ang pagtatanong niya.
"Ano ngang pangalan ng crush mo? Kilala ko ba?"
Nabibingi na ako sa tanong niyang paulit-ulit. Inabala ko na lang ang sariling damhin ang pagdaan ng malamig na hangin sa aking mukha at buong paghangang tiningnan ang nasa harapan ko. Makikita mula sa daang tinatahak namin ang karagatan sa ibaba. May mga batang naglalaro sa buhanginan doon.
"Sino nga kasi, Asher?" Hindi ko pa rin siya sinagot hanggang maramdaman ko ang pagtigil ng bisikleta. Pero dahil likas na makulit ay hindi niya ako tinigilan sa pagtatanong.
"Akina ang bag ko, Felix!" maktol ko habang nakasahod ang kamay pero ayaw niya pa ring ibigay ang lunch bag ko. Nakatago iyon sa likuran niya.
"Sabihin mo muna sa akin kung sino 'yong crush mo. Hindi ko naman ipagsasabi, eh" pamimilit niya. Seryoso ang mukha.
"Ayoko nga sabi!" Napapapadyak na ako sa inis. Masama na rin ang tingin ko sa kanya.
"Ang damot mo," nakangusong aniya. "Sino nga, Asher?"
Mariing nakatikom ang bibig ko at matalim na nakatitig sa kanya. Ngumiti siya at nagtaas ng dalawang kilay. Alam kong naghihintay siya ng sagot.
"'Yong bag," mariin kong ani.
"Sino muna?"
Mas tinaliman ko ang tingin pero hindi niya pa rin iyon ibinigay. "Sa iyo na 'yan! Isaksak mo sa baga mo!"
Tinalikuran ko na siya at nagmartsa papasok ng bahay. Sa isip ay pinapagalitan na silang dalawa ni Liziel. Kung hindi ako inasar ng babaeng 'yon hindi sana nangungulit ngayon ang lalaking ito.
"Ito na, Asher!" sigaw niya pero diretso pa rin ako sa paglalakad. "Ito na nga!"
Malapit na ang boses niya kaya alam kong sumusunod siya. Mas binilisan ko ang hakbang.
Pagkapasok sa bahay ay dumiretso ako sa kwarto. Ibinagsak ko ang backpack ko sa sahig sa gilid ng kama. Saglit pa akong humilita sa manipis kong kutson. Nakalaylay ang mga binti. Napangiti ako nang makita sa isip ang mukha ni Felix, pero agad na napangiwi nang maalala ang kakulitan niya kanina. Tiningnan ko ang pinto ng kwarto nang hindi inaangat ang ulo.
"Aalis na rin naman siguro 'yon."
Hindi ko namalayan nang makatulog ako. Nagising lamang sa magkakasunod na katok sa pinto kasabay ng pagtawag sa pangalan ko.
"Tamara, hapunan na," ani ng boses ni lola sa labas ng pinto. Hindi agad ako nakasagot dahil sa antok kaya ilang ulit pa akong tinawag ni lola.
Madilim na sa kwarto ko. Nang humilata ako kanina ay may kaunting liwanag pa kaya naman hindi ko agad nabuksan ang ilaw.
Muli kong narinig ang tawa ni lola kaya agad na akong bumangon.
"Opo, 'La. Lalabas na po," walang gana kong ani. Gusto ko pa sanang pumikit pero ayokong mapagalitan ni lolo. Ayaw na ayaw no'n na pinaghihintay ang pagkain.
Nagpalit muna ako ng pambahay bago lumabas ng kwarto. Una kong nakita si Lolo na nakaupo na. Naniningkit ang mga mata nito sa likod ng suot na salamin. Nagbabasa sa kanyang maliit na bibliya. Si Lola naman ay kagagaling lang sa kusina, may bitbit na mga plato.
Mabilis akong lumapit sa kanya at kinuha ko ang mga iyon sa kanya at ako na ang naglagay sa lamesa. Nagtaka pa akong apat iyon pero naisip kong baka lang nasanay si Lola noong narito pa si Theo.
"Ang ulam po, 'La?" May kanin na sa bandihado pero wala pa ang ulam.
"Ito na!"
Mabilis na napaangat ang ulo ko nang marinig ang boses na iyon. Dala ni Felix ang malaking mangkok. Sinundan ko siya ng tingin hanggang makalapit sa lamesa at maipatong doon ang dala.
"Ang init!" daing niya habang hinihipan ang dalawang kamay.
"Ano'ng ginagawa mo rito? Ba't nandito ka pa?" magkasunod at masungit kong tanong.
"Sabi ni lola rito na 'ko maghapunan, eh, 'di ba La?" baling niya kay lola na nakaupo na at nagsasalin ng kanin sa pinggan ni lolo na naghuhubad na ng salamin.
"Oo. Maupo na kayo."
Nakangiwi kong pinanood si Felix na umikot at umupo sa tapat ni lolo. Siya ang sunod na dumampot ng bandihado at nagsalin ng kanin sa pinggan na nasa tapat ng uupuan ko. Lumapit na ako roon at umupo sa tabi niya.
"Tama na." Tinapik ko ang kamay niya. "Ang dami. Baka hindi ko maubos."
"Ibigay mo sa akin kapag hindi mo naubos," aniya. 'Yung pinggan naman niya ang sinalinan.
"Takaw," mahinang ani ko sa kanya.
Nagpray kami bago naghapunan. Natatawa ako dahil ganang gana si Felix sa pagkain. Sinigang kasi ang ulam. Paborito niya. Si Lola pa ang nagluto. Lagi niyang sinasabi na sunod kay Tita Mylene—ang nanay niya, ay luto ni lola ang paborito niya. Alam ko namang hindi lang pambobola 'yon.
Kaming dalawa ang naghugas ng kinainan. Siya ang nagsasabon kanina kaya ako naman ang nagbabanlaw ngayon. Habang nakatayo sa gilid ko at hinihintay akong matapos ay nangungulit na naman siyang sabihin ko sa kanya kung sino ba ang crush ko.
"Kapag hindi ka tumigil ibubuhos ko sa 'yo 'to," tukoy ko sa maliit na planggana na puno ng tubig.
"Bakit ba kasi ayaw mong sabihin?" Nakasimangot na naman siya.
"Aasarin mo lang ako."
"Hindi kita aasarin. Kikilalanin ko lang 'yong gusto mo. Baka mamaya si Ezi 'yon?"
"Hindi, ah!" mariin at nanlalaki ang mga matang tanggi ko. Ang tinutukoy niya kasi ay 'yong fourth year na masyado na yatang minahal ang eskwelahan at ayaw ng umalis doon. In short, repeater. Hindi lang naman siya ang repeater doon, wala din naman akong problema sa kanila. Nga lang, 'yong iba kasi makikitang nagpupursigi na makatapos na. Si Ezi, gwapo sana iyon, pero mukhang walang planong ayusin ang buhay niya.
"Akala ko si Ezi, eh."
"Maraming nagkakagusto roon pero hindi ako isa sa kanila."
"Bakit, ayaw mo sa loko?" nakangising biro niya.
Nginiwian ko siya. "Mas loko-loko nga 'yung crush ko, eh. Malala pa kay Ezi."
Bahagyang nanlaki ang mga mata niya. Mas lumapit din sa akin. "Sino, Asher?" seryosong tanong niya.
Natatawa ako sa itsura niya. Mas sanay ako sa mukha niyang parang kalokohan lang ang alam kaysa sa ganitong seryoso. Lalo namang nagsalubong ang kilay niya.
Hindi roon natapos ang pangungulit niya na malaman kung sino ang gusto ko. Sa school, kapag walang guro ay pupunta siya sa classroom namin o kahit saan kami magpunta ni Liziel. Tuwing may lalapit sa aking lalaki ay itatanong niya kung iyon ba raw ang crush ko. Minsan inaabot ako ng inis, minsan din natatawa na lang ako.
"Bakit hindi mo pa sabihin? Tutal siya naman ang nangungulit?" ani Liziel. Nasa likod ko siya at tinitirintas ang hanggang balikat kong buhok. Lunch break pa. May kaunting oras pa para maghuntahan.
"Ayoko nga! Baka isang taon akong asarin no'n."
"Iyon talaga ang ikinakatakot mo kaysa ang iwasan ka niya?" natatawang tanong niya.
Napaisip ako roon. Sa totoo lang ay tama siya. Mas inaalala ko pa ang panunukso ni Felix kung sakaling malaman niyang gusto ko siya. Hindi ko kasi makita kay Felix na iiwasan niya ako dahil lang doon.
"Pero hindi mo ba gusto na magustuhan ka rin niya?" tanong muli ni Liziel kasabay ng paglahad ng kamay sa gilid ko. Inilagay ko roon ang isang itim na panali.
Malalim akong nagbuga ng hangin. Paulit-ulit na inisip ang tanong niya. Napatungo ako at pinakatitigan ang natirang panali na nilalaro ng mga kamay.
"Syempre gusto... pero hindi naman kasi ako gusto no'n."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro