Kabanata 7
NOONG ikalawang taon ko sa sekundarya ay roon ako muli nag-aral sa Santa Isabela. Nang umuwi si Mama noong nagdaang bakasyon ay sinabi niya na pwede na kaming bumalik sa Maynila. Tuwang tuwa ako pero agad nabuo ang desisyon kong hindi muna babalik ulit sa Maynila at doon na lamang ipagpatuloy ang pag-aaral sa probinsiya.
Nasanay na kasi ako roon at nalulungkot ako nang maisip na maiiwan muli sina Lolo at Lola rito. Hindi man nila ipakita pero nang sabihin ni mama na pwede na kaming umuwi ay alam kong nalungkot sila. Wala na silang mga anak dito sa probinsiya at ayoko namang iwan din silang dalawa. Nakita ko rin naman ang saya sa mukha nila nang malaman ang desisyon ko. Sa huli ay pumayag naman si Mama at si Theo na lang ang isinama niya pauwi sa Maynila. Hindi iyon inaasahan ni Felix kaya naman masaya siya pero ilang ulit niya rin akong tinanong kung sure ba raw ako.
"Syempre sure na sure!"
"Pero 'di ba gustong gusto mong umuwi noon? Bakit ayaw mo na?"
"Dahil nga kina lolo! Ang kulit mo naman, eh! Ayaw mo bang nandito ako?"
Mahina siyang natawa. "Ang suplada mo. Nagtatanong lang naman ako."
"Eh, kasi paulit-ulit ka, eh," mahina at nakasimangot kong ani.
"Tinatanong ko lang para sure kasi baka mamaya biglang magbago ang isip mo. Ayoko namang may pagsisisihan ka."
Kinulong ko sa mga kamay ko ang mukha niya. "Hindi ako magsisisi, Dion, okay?"
Nakangiti siyang tumango.
Aaminin kong sila na mga kaibigan ko na rito ang isa sa dahilan kung bakit mas pinili ko rito sa probinsiya. Maski ako sa sarili ko hindi ko akalaing gagawa ako ng desisyon na ganoon. Pero masaya akong nandito pa rin. Palagi pa rin naman tumatawag sina Mama at nakakausap ko na rin naman si Papa minsan.
Napangiti ako nang makita si Felix sa labas ng bakuran nina lola. Isang beses kong hinigit paangat sa balikat ang strap ng backpack ko bago nagtatakbo palabas pero hindi pa man ako nakakalapit ay lumingon na siya kaya natigil ako sa pagtakbo at agad na napasimangot.
"Ano ba 'yan! Gugulatin pa kita, eh!" nakanguso kong maktol habang masama ang tingin sa kanya.
Mahina siyang natawa. "Kasalanan mo. Ang ingay mo tumakbo, eh."
Kinuha niya ang maliit na lunch bag sa kamay ko at isinabit iyon sa manibela ng bisikleta niya.
"Nasaan si Angela Joy at Antoinette?" tukoy ko sa dalawa niyang bunsong kapatid. Kambal ang mga ito at grade 5 na. Malimit kasi naming kasabay ang mga iyon pero ngayon ay hindi ko nakikita.
"Nauna na. Excited masyado."
"Sa pagpasok?" natatawa kong ani.
"Sa bagong bisikleta kamo."
Pagkasakay ni Felix sa kanyang bisikleta ay ako naman. Sa likod ako pumwesto. May maliit na upuang bakal doon na ipinasadya niya pang ipalagay simula noong sumasabay na ako sa kanya sa pagpasok. Noon kasing narito pa si Theo ay ipinapahatid-sundo pa kami sa mga tricycle. Kaya naman sinabi ni Felix kay lolo na isasabay na lang ako. Katakot-takot na habilin kay Felix ang ginawa ni lolo.
"Huwag ka munang aandar, ha," paalala ko habang isinusukbit sa isa pang balikat ang isang strap ng bag ko. Nakatukod pa ang kaliwa naming mga paa sa semento para hindi tumumba.
Nilingon niya ako. "Akin na kaya ang bag mo? Siguradong mabigat 'yan."
"Saan mo pa ilalagay, eh, nasa unahan mo na ang bag mo?"
"Isasabit ko rito." Itinuro niya ang gitna ng manibela.
"Huwag na. Hindi rin naman mabigat."
"Mabigat 'yan dahil may mga libro."
"Hindi nga!" Tinapik ko siya sa balikat pagkatapos makaupo nang maayos. "Go na."
"Kulit!" singhal niya.
"Kulit," pang-gagaya ko sa boses niya.
Malakas akong napairit nang bigla niyang pinaandar ang bisikleta. Awtomatikong pumulupot ang mga braso ko sa bewang niya dahil sa kaba na baka mahuhulog ako.
"Bwisit ka talaga kahit kailan!" dumadagundong sa lakas na asik ko at malakas na sinuntok ang balikat niya. Pero ang loko lalo pang nambwisit dahil pinagewang-gewang niya pa ang bisikleta habang tinatawanan ako.
"Felix!" mahaba at malakas na malakas na tawag ko sa pangalan niya habang nakapikit. "Kapag hindi ka umayos tatalon ako rito!" Doon niya pa lang inayos ang pagpaandar niyon habang tumatawa.
Busangot ang mukha ko hanggang makarating sa eskwelahan. Walang paalam akong bumaba at naglakad papasok sa loob ng school. Iniwan siyang nagla-lock ng bisikleta niya sa labas ng gate.
"Asher! Huy, Asher!"
Hindi pa rin ako nag-abalang lingunin siya kahit noong nasa tabi ko na siya at sinisilip ang mukha ko. Bahala siya! Ang aga-aga ang lakas niya mang-asar!
"Sorry na, huy!"
Hinarap ko siya noong nasa tapat na ng classroom ko pero hindi pa rin nag-angat ng tingin sa mukha niya. Pilit siyang tumutungo para silipin ang mukha ko. Hinigit ko mula sa kamay niya ang lunch bag ko.
"Asher," malambing niyang tawag.
Pumihit na ako paharap sa pinto pero bago pa ako makapasok doon ay humarang na siya. Nagsalubong na ang kilay ko.
"Sorry na," muling aniya pero nilampasan ko lang siya at dumiretso sa pagpasok sa classroom. Hindi pa rin kami magkaklase tulad noong first year kami pero silang dalawa ni Jayrald classmates na.
"L.Q. kayo?" natatawang tanong ni Liziel nang makaupo ako sa tabi niya. Hindi ko siya sinagot. "Nakaalis na."
Pagkasabi niya niyon ay nilingon ko ang pinto. Wala na nga roon si Felix. Nanatili ang seryoso kong mukha.
"Hindi na naman matatali ang p’wet no'ng isang 'yon," natatawang ani muli ni Liziel.
Totoo nga ang sinabi niya. Pagkakalabas ng teacher namin sa bawat subject ay papasok si Felix at manunuyo. Hindi ko pa rin siya pinapansin.
Sumapit ang lunch break. Halos lahat naman ng may baon ay roon na lang sa classroom kumakain. 'Yong mga wala lang ang pumupunta sa canteen tsaka 'yong mga gustong lumabas. Kapag ako, hindi na. Nakakatamad maglakad kahit pa apat na classroom lang naman ang pagitan nitong sa amin at sa canteen.
Habang inilalabas ang pagkain ay nakita ko roon ang isang mansanas. Wala namang inilagay si Lola na ganoon kanina noong inihahanda niya ang baon ko habang nag-aagahan ako. Siguradong galing na naman iyon kay Felix. Hilig niyang magbaon palagi ng dalawa ng kahit ano'ng mayroon siya, prutas man iyon o merienda. Hindi nawawala ang para sa akin.
"Oh, nandito ka na naman, Romano?"
Tipid akong lumingon sa pinto habang inaalis ang takip ng lunch box ko nang marinig iyon mula sa isang kaklaseng lalaki. Nakita ko ang pagpasok ni Felix bitbit ang tatlong maliliit na softdrinks na nasa plastic bottle. Ang isa ay nasa kalahati na lang ang laman. Nakipag-high five pa ito sa nagsalita kanina habang patuloy sa paglalakad. Hinarap ko na muli ang pagkain ko at nagsimulang lamnan ang tiyan.
"Kain, Dion," alok ni Liziel.
"Sige, tapos na 'ko."
Kahit sa pagkain nakatutok ang mga mata ay nakikita ko sa gilid ng paningin ang pagkuha ni Felix ng plastic na upuan na ginagamit ng guro at saka inilagay iyon sa harapan ko.
"Unfair kahit kailan. Maaga na nga kayong nagla-lunch noon, pati ba naman ngayon?"
"Ganoon kapag mga gwapo't maganda."
"Hambog! Para mo na ring sinabing hindi kami maganda ni Tam!" asik ani Liziel. "Uy, thanks!" biglang saya ng boses niya nang ibigay sa kanya ang isang soft drinks.
Ipinatong naman ni Felix sa desk ko ang soft drinks na para sa akin matapos buksan iyon.
"Kulang pa ba ang suyo ko?" mahinang tanong niya.
Rinig ko ang hagikgik ni Liziel kaya seryoso ang mukha ko nang lingunin ko siya. Iyon lang at takip ng kamao ang bibig nang magpigil ng tawa niya.
Hindi na ulit umimik si Felix habang kumakain ako. Alam niyang hindi ko siya kakausapin lalo na ngayong kumakain. Sumandal siya sa upuan habang naka-krus ang mga braso sa dibdib. Pasimple ko siyang tiningnan kanina. Nakapikit na siya. Magaling siyang gumawa ng tulog kahit nakaupo lang.
Pero pagkatapos na pagkatapos kong kumain ay umalis siya sa pagkakasandal. Ipinatong niya sa desk ko ang nakakrus niya pa ring mga braso. Sinamaan ko siya ng tingin dahil sa sobrang lapit niya. Agad naman niyang iniatras ang mukha nang kaunti at matunog na ngumisi. Ngumunguya pa ako habang isinisilid ang baunan sa bag.
"Kakausapin mo na 'ko?"
"Ayan kasi ang hilig-hilig mang-aasar pero hindi naman natatali ang bunbunan kapag nagalit ang isa," pagpaparinig ni Liziel. Bitbit ang softdrinks niya nang tumayo at tinapik niya ang balikat ni Felix. "Good luck!" aniya saka nagsimula ng humakbang paalis.
"Kakausapin mo na 'ko?"
Mula sa pagsunod ng tingin kay Liziel na nakatayo na sa pintuan ay nalipat ang tingin ko kay Felix.
"Galit ka pa?" malambing na tanong niyang muli. Hinawakan niya ang kamay ko na nasa ibabaw ng desk at hinaplos ang bubong niyon gamit ang hinalalaki.
Malalim akong nagbuga ng hangin. Masama siyang tiningnan. "Ang hilig mo kasing magbiro sa pagmamaneho ng bike. Paano kung sumemplang tayo?" mahina ang pagsasalita ko.
"Hindi ko naman hahayaang mangyari 'yon lalo't nakaangkas ka sa akin," mahina ring aniya. Malambing nga lang kumpara sa matalas kong pananalita.
"Hindi na ako papayagan ni lolo na sumabay sa 'yo kapag nakaaksidente tayo," maktol ko pa rin. Hindi inintindi ang sinabi niya.
"Eh, 'di ako ang sasabay sa 'yo sa paglalakad papasok."
"Ewan ko sa 'yo, Felix!"
Lahat na lang may sagot siya. Nakakaasar lalo!
"Wag ka ng magalit, Asher. Please?"
Hindi ko kinakaya ang malambing niyang pananalita. Kanina pa naman. Tinitiis lang para madala naman siya.
Tumungo siya at sinilip ang mukha ko. Ngumiti siya nang ubod ng tamis. Kung hindi nakapagpigil ay baka ganoon na rin ang ngiti ko ngayon.
"Hindi ka na galit?"
Umirap ako. "Kailan ba nagtagal ang galit ko sa 'yo? Kainis ka!"
Nangalumbaba siya sa harapan ko.
"Galit ka ba?"
Sinamaan ko siya ng tingin. Itatanong pa talaga!
"Ikaw lang ang kilala kong galit na pero maganda pa rin."
Nakagat ko ang ibabang labi. "Tumigil ka nga!" asik ko sabay hampas sa kanya pero nahuli niya ang kamay ko at hindi na pinakawalan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro