Kabanata 3
"AYAW mo bang dito mag-aral?"
Nilingon ko si Dion. Nakatingin ito sa akin. Kanina ko pa naman nararamdaman, hindi ko lang binibigyang pansin. Maging ang paglapit niya sa akin kanina ay hindi ko na nagawang sitahin dahil sa iniisip ko. Magmula kasi noong mabanggit ulit kanina ni lola ang tungkol sa pag-aaral namin dito ay hindi na naging maganda ang pakiramdam ko.
Hindi ko siya sinagot. Tumutok ang tingin ko kay Theo na abala sa pagkakalikot ng saranggola niya.
"Bakit ayaw mo rito, Asher? Maganda naman ang Santa Isabela. Sigurado akong mamahalin mo ang lugar na 'to kung mas kikilalanin mo lang."
"Hindi naman sa ayaw ko..."
Nagdadalawang isip pa ako kung sasagutin siya pero mayroon sa akin na gusto kong masabi ang nararamdaman. Kahit na kanino. Kahit pa sa kanya
Malalim akong napabuntong-hininga bago ipinagpatuloy ang sinasabi, "Natatakot lang akong sumubok ng mga bagong bagay. Kasama na roon ang paglipat sa bagong lugar."
"Bakit ka natatakot? Narito naman si Theo at sina Lola Rita, ah? At ako." Humina ang boses nito sa huling sinabi
"Wala naman kasi akong kaibigan dito. Wala rin ako kahit isang kakilala."
Hindi ko naman pwedeng itanggi maski sa sarili ang totoong dahilan kung bakit labis ang lungkot ko sa paglipat namin dito. Kahit pa nga saglit lang. At mas natatakot ako kung magtatagal.
Hindi naman kasi ako gano'n kagaling sa lahat ng bagay maski sa pakikipagkilala at pakikipagkaibigan. 'Yung mga kaibigan ko naman kasi sa Maynila kaklase ko na simula preparatory kaya parang otomatik na na kaibigan ko na sila hanggang ngayon. Kaya naman natatakot talaga ako ngayon na nasa bagong lugar ako. Mas sanay ako sa Maynila.
"Eh, 'di ako."
Napasimangot ako at inirapan si Dion. "Ayoko nga!"
"Oh, bakit? Ako na nga nakikipagkaibigan para hindi ka na mahirapan, ayaw mo pa no'n?" parang proud pa na sabi niya.
"Basta ayoko!" mariing tanggi ko.
Napanguso siya. "Kung magkakaroon ka ng kaibigan dito okay lang sa 'yo na mag-aral na rito sa Santa Isabela?"
"Siguro," kibit-balikat ko.
"Eh, 'di tanggapin mo na ang pakikipagkaibigan ko para okay lang na rito ka na mag-aral," ngising asong aniya.
"Ayoko nga! Ayoko pa rin!"
"Ito, ang sungit! Bawal tanggihan ang pakikipagkaibigan, Asher."
Inirapan ko siya ulit. "Kanina ko pa napapansin panay ka Asher."
"Bakit? Pangalan mo naman iyon, ah?"
"Mas sanay akong tinatawag na Tamara."
Ngumisi siya. "Eh, 'di ayos. Ako lang tatawag sa 'yo ng Asher."
"Bahala ka nga!" tanging nasabi ko. Makulit naman siya kaya ano'ng saysay ng pagpipigil kong tawag niya ako sa Asher! Baka mainis lang ako sa kanya!
Natahimik ako at ganoon din siya. Tumakbo na naman tuloy ang isip ko.
Paano nga kung magkaroon ako ng kaibigan, mabago kaya nararamdaman ko? Gustuhin ko na rin kaya rito?
"Hindi pa rin talaga... na maging kaibigan?" tanong muli ni Dion makalipas ang ilang minutong katahimikan.
Tiningnan ko siya nang 'di inililikot ang ulo. Nakapatong ang pisngi niya sa mga braso niya at nasa akin ang tingin. Naisip ko pa kung hindi ba siya nangangalay dahil wala siyang inuupuan. Hindi naman kami kakasya rito sa duyan. Pero kahit na kasya kami rito hindi ko pa rin siya patatabihin!
"Bakit hindi pa rin?"
"Ayoko nga! 'Wag ka na ngang makulit!"
"Sungit," nanghahaba ang ngusong aniya at itinuon na ang tingin kay Theo.
Napahinga ako ng malalim. Kahit hindi naman ganoong katagal ang naging pag-uusap namin ay gumaan pa rin ang nararamdaman ko. Siguro dahil matagal ko ring kinimkim sa sarili ang katotohanang iyon. At sa wakas ay may napagsabihan ako niyon.
Walang araw na hindi nagagawi si Dion sa bahay. Patuloy ang pagpunta niya roon at maya't maya rin akong tinatanong kung pwede ko na raw bang tanggapin ang pakikipagkaibigan niya. At iisa lang palagi ang sagot ko...
"Ayoko nga!"
"Bakit ba ayaw mo?"
"Ayoko, eh. Bakit ka ba namimilit!"
"Bawal ngang tanggihan ang pakikipagkaibigan."
Tumigil ako sa gilid ni lola nang tumigil siya sa tapat ng gulayan.
"Bakit magiging bawal? Sa ayaw kong maging kaibigan ka, eh."
"Grabe ka talaga sa 'kin, Asher."
Inirapan ko siya. "Ang arte mo!" Sumimangot naman siya.
Nangunot ang noo ko nang tumalikod siya at umalis. Napasinghal ako at umirap sa ere.
Ano 'yon galit siya dahil ayaw kong makipagkaibigan? Bakit ba namimilit siya tapos siya pa may ganang magalit!
"Ako na po riyan, 'La." Kinuha ko kay lola ang isang plastik ng mga gulay na kabibili niya lang. Naglakad na siya ulit. Nilingon ko pa ang daan sa likuran ko. Umirap ako dahil puro hindi kilalang tao lang ang nakita at saka sumunod na kay lola.
"Lola Rita!" masiglang bati ni Ate Wena, siya ang madalas bilihan ni lola ng mga karne.
Nagmamasid ako sa mga abalang tao nang mahagip ng tingin ko si Dion. Kapapasok niya lang ulit ng palengke mula sa gilid kung saan may mga tindahan ng kakanin. Bumaba ang tingin ko sa kamay niya nang mapansin doon. May bitbit siyang plastik.
"Saan ka galing?" muntik kong itanong nang makalapit siya sa amin. Mabuti na lang at naisip kong wala nga pala akong pakialam kung saan man siya magpunta.
"Oh."
Iniabot niya sa akin ang plastik na dala niya. Inaninag ko pa kung ano ang laman niyon. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang palitaw iyon. Pero hindi ko iyon kinuha. Tumikhim ako at tinalikuran siya.
Ano iyon, suhol?
"Favorite mo 'to, 'di ba?"
Binaling ko muli ang tingin ko sa kanya nang gumawi siya sa gilid ko, bandang harapan. Narinig ko rin ang ingay ng plastik. Binuklat niya iyon at inilabas ang isang palitaw doon. Inilahad niya iyon sa harapan ko.
"Oh, Asher. Masarap ito."
Hindi ko kinuha ang ibinibigay niya Nabigla tuloy ako nang kinuha niya ang kamay ko at inilagay iyon doon.
"Kainin mo na. Alam kong favorite mo iyan."
"Baka suhol mo 'to sa pakikipagkaibigan mo, ha?"
Nanlaki ang mga mata niya at saka natawa. "Grabe! Hindi naman ako gano'n!"
Inirapan ko siya pero kinain na rin ang bigay niya.
"Masarap?"
Nakangiting tumango ako. "Oo. Sobra!"
"Halata nga," natatawang ani Dion. "Napangiti rin kita," mahinang aniya pa saka tinungo ang dala. Kumuha rin siya sa plastik at inabot iyon kay Lola Rita. "'La, oh."
"Salamat, hijo."
"Ikaw po, Ate Wena?" alok nito sa tindera.
"Salamat, Dion pero purga na ako riyan," sagot nito kay Dion na tinawanan nito.
Bumaling si Dion sa kanya. "Tinda nila ito." Angat nito sa plastik at turo kay Ate Wena. Saka niya lang naunawaan.
"Gusto mo pa?"
"Mayroon pa." Angat ko sa kinakain ko.
"Mayroon pa rito kapag gusto mo pa."
Dumukot pa ulit si Dion ng palitaw at kinain iyon.
"Kain po," alok nito sa bawat dumadaan sa harap nila.
"Sige, Dion, salamat," nakangiting sagot ng mga iyon.
Napatitig ako kay Dion. Palagi namin siya nakakasama at niyon ko lang napansin ang bawat kilos nito. Madalas kasi nakatabi lang ako kay Lola Rita at hindi siya pinapansin bukod sa pagsusungit ko sa kanya kahit gaano siya kakulit.
Ngayong nakikita ko kung paano siya kumilos, napatunayan ko ang sinasabi ni lolo't lola... na mabait nga talaga si Dion at hindi ko mapigilang mapangiti dahil roon.
Pero ayaw ko pa rin siyang maging kaibigan!
"ASHER!"
Agad na umikot ang mga mata ko nang marinig na pakantang tinawag ni Dion ang pangalan ko. Nang tingnan ko ang gate ay kapapasok nito roon at patungo sa akin. Nagpapatuloy lang ako sa pagdo-drawing sa notebook ko.
"Sungit, ah?"
Hindi na ako nag-angat ng tingin. Matatapos na ang dino-drawing kong gumamela.
"'Di ba gusto mong makasakay sa bangka?"
Mabilis ko siyang tiningnan. Agad nakaramdam ng excitement sa tanong pa lang niya. Nakangiti siya habang tumataas ang mga kilay.
Nangunot ang noo ko. "At paano mo nalaman?"
"Nabanggit ni Lolo Hymn. Naroon kasi siya sa amin," nakangising aniya. Para bang proud siyang alam niya iyon.
"At bakit nabanggit ni Lolo 'yon sa 'yo?" nagdududang tanong ko.
"Eh, kasi palaging nasasabi ni Lolo Hymn kapag nangingisda si Lolo na gusto mo raw makasakay ng bangka kaya ipinagpaalam kitang isasama ka namin ngayon ni Lolo."
Tinitigan ko siya. Tinatantya ko kung nagsasabi ba siya ng totoo. Tumungo ako sa ginagawa nang sumilay ang ngiti niya, iba sa ngisi niyang nakakainis.
"Ano, sasama ka ba? Tara na."
Nanlalaki ang mga mata ko nang mag-angat muli ng tingin sa kanya. "Ngayon na?"
"Oo nga," natatawang aniya.
"Eh, hapon na, Dion."
"Mas maganda nga iyon, Asher."
"Eh, baka hindi pumayag si Lola," kinakabahan kong ani na sumulyap sa bahay.
"Papayag iyon. Ako ang bahala."
Excited akong tumayo at naglakad papasok sa bahay. Nakaupo si Lola sa sala at nagbabasa ng bible. Umangat ang tingin niya sa amin. Nilingon ko si Dion. Tumango siya at ngumiti.
"Gumayak ka na. Ipagpapaalam kita," mahina niyang sabi sa akin.
Tumango ako at patakbong nagtungo sa kwarto.
Hindi maalis ang pagkakangiti ko habang nagbibihis. Pinalitan ko ng T-shirt ang suot kong sando at nagdoble ng jacket. Pati ang maong shorts ko pinalitan ko ng pajama.
Saglit lang at lumabas na rin ako. Magkatabi si Lola at Dion sa sala. Nakapatong pa ang ulo ni Dion kay lola at minamasahe ang braso nito.
"Basta mag-iingat kayo."
Lumapad ang ngiti ko. Alam kong pumayag na siya.
"Opo nga, 'La, hindi ko po pababayaan ang apo mo."
Ngumiwi ako sa narinig kay Dion pero hindi naalis ang ngiti ko. Umingay nang isinara ko ang pinto dahilan ng paglingon nila sa akin.
Pumasada ang tingin ni Dion sa akin. Inangat niya ang kamay at nagthumbs up.
"Tara na?" mahina kong ani. Tumango siya.
"'La, alis na po kami."
"O, sige. Mag-iingat kayo."
Tumango sa akin si Dion. Lumapit muna ako kay lola at humalik sa pisngi niya.
"Alis na po kami, 'La."
Nakangiti siyang tumango-tango.
"Asher," tawag sa akin ni Dion pagkalabas namin ng bakuran nila Lola.
Nang lingunin ko siya isinuot niya sa akin ang itim na bullcap niya.
"Kinakabahan ka?"
Tumango ako. "Kaunti! Pero na-e-excite rin!"
Ngumiti siya at mahina niyang tinapik ang ibabaw ng sumbrero.
"Mag-enjoy ka lang. Huwag kang kabahan. Kasama mo kami, hindi kita pababayaan."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro