Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 22

𝙿𝚛𝚎𝚜𝚎𝚗𝚝

NAG-IINAT ako ng mga braso habang naglalakad papunta sa bintana ng aking kwarto. Hinawi ko ang kurtina niyon sa magkabilang gilid bago binuksan ang jalousie. Nakapikit at nakangiti kong nilanghap ang malamig na hangin. Bagong umaga ng unang araw ko rito sa Santa Isabela matapos ang ilang taon. Masaya akong nakabalik, pero nangingibabaw ang lungkot. Pero agad kong binura iyon nang maalala ang gagawin ngayong araw.

Nakangiti akong lumabas ng kwarto at nag-agahan, pagkatapos niyon ay gumayak na ako. Aalis kami ni Felix. Bago siya umuwi kagabi ay nagsabi siyang ipapasyal niya ako ngayon. Excited na ako kaya naman hindi maalis-alis ang ngiti sa labi ko at pakanta-kanta pa.

Eksaktong kalalabas ko lang ng kwarto, nagpupunas pa ng tuwalya sa buhok, nang makarinig ako ng katok sa pinto ng bahay. Nakangiti at mabilis ang mga hakbang ko nang maglakad papunta roon dahil alam kong si Felix na iyon. Hindi nga ako nagkamali. Isang yakap ang sinalubong ko sa kanya kaya natatawa siyang gumanti. Ramdam ko ang higpit ngunit may pag-iingat nang pumulupot ang mga braso niya sa bewang ko.

“Good morning!” masiglang bati ko nang makakalas.

“Ang saya mo, ah?”

“Syempre ipapasyal mo ako, eh. Pasok ka muna.”

Umupo siya sa sofa. Dumiretso naman ako sa lamesa at kinuha roon ang egg sandwich na ginawa ko kanina para may madala kami sa pamamasyal, nagdagdag na rin ako ng pang-agahan ko. Nagtira rin talaga ako ng dalawa para sa kanya.

“Oh, kain ka muna.” Abot ko sa platitong may sandwich.

“Salamat. Walang kape?”

Natatawa akong tumango. “Opo, magtitimpla na.”

Dalawa na ang tinimpla ko, para sa akin ang isa. Habang nag-aagahan si Felix at panaka-nakang paghigop ko ng kape ay inayos ko naman ang mga dadalhin. Nagdala ako ng isang pares ng damit, baka kasi sa tabing dagat niya ako ipapasyal. Isinalansan ko rin sa isang maliit na paper bag ang mga pagkaing nakalagay sa tupperwear. Kaunti lang naman iyon: mga slice ng prutas, apat na tuna sandwich, at juice na nakalagay sa dalawang tumbler.

Nang matapos ako sa ginagawa ay lumapit na ako sa sala bitbit ang tasa ng kape ko. Nakita ko namang wala ng laman ang platito, pero may kalhati pang kape sa maliit na tasa ni Felix. Nang tingnan ko siya ay may hawak siyang maliit na papel.

“Paper ring?” nakangiting tanong ko nang makaupo sa tabi niya.

Tumango siya. “Hmm. Hindi na ako pala ako sanay gumawa nito.”

Inilapit ko ang sarili sa kanya para mas makita ang ginagawa niya. Marami ngang gulo iyon, hindi katulad ng ginagawa niya noon na pulido. Tumigil ang kamay niya, nanatili roon ang tingin ko pero hindi na muli kumilos pa ‘yon kaya nag-angat ako ng tingin sa kanya. Na maling kilos yata.

Nakakaduling ang sobrang lapit namin sa isa’t isa. Naging malikot ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Mayamaya lang ay naramdaman ko ang kapit niya sa bewang ko at sa likod ng ulo ko. Marahan niya akong hinila palapit sa kanya. Dinama ko ang init ng labi niya habang dinadama rin ang malakas na tibok ng puso ko. Ilang segundong nagtagal ang pagkakalapat ng mga labi namin bago siya kumalas. Pareho kaming napangiti nang magsalubong muli ang mga mata.

***

Hindi na kami nagtagal sa bahay. Bitbit niya sa isang kamay ang basket na siya mismo ang may dala kanina. Mukhang pagkain din ang laman niyon. Ang isa niya namang kamay ay nakahawak sa akin. Dala ko naman ang aking tote bag na may lamang damit at ilang gamit niya, sa isang kamay ang paper bag na pinaglagyan ko ng pagkain.

Dumiretso kami sa tabing dagat. Hindi pa gaanong masakit sa balat ang init ng araw. Maraming tao roon, palibhasa bakasyon. Pero halos lahat sila ay pamilyar ang mukha sa akin, madalang ang masasabi kong hindi taga roon sa Santa Isabela.

Naglakad kami hanggang sa dulo. Mayroon doong maliit na kweba na palagi naming pinupuntahan noon. Ibinaba namin ang mga dala, naglatag naman siya ng bulaklaking salong at doon kami umupo.

“Saan mo ako dadalhin mamaya?” tanong ko. Nakatukod ang pareho naming mga kamay sa aming likuran, at tuwid ang mga binti.

Nilingon niya ako at nakangiting kinindatan. “Secret.”

Napangisi ako. Marami akong naiisip na pwede naming puntahan na madalas naming galaan noon. Tinitigan ko siya. Nakatutok ang paningin nito sa karagatan. Nakangiti ako pero ang mga mata ko ay unti-unting nag-iinit. Nakagat ko ang ibabang labi nang maramdaman ang pagtutubig ng mga matanko. Nang makita ang paglingon niya ay mabilis akong nag-iwas ng tingin. Sakto naman nakita ko ang paparating na isang bangka.

“Ayan na si Roy.” Tukoy ko sa pinsan niya.

Tumayo na ako at dinampot ang mga dala ko kanina. Ganoon din naman siya. Magkahawak kamay muli kami nang maglakad, saktong pagtigil naman ng bangka.

Kagabi ay napagkasunduan naming pumunta muna sa Isla Pueblo. Doon kami madalas dalhin noon ni Lolo Cristobal, ang lolo niya, tuwing isinasama kami nito sa pangingisda. Sa Isla Pueblo matatagpuan ang pinakamalaking imahe ng Panginoon, sa loob niyon ay mayroong kweba na ginawang simbahan.

“Kumusta, Ate Tam?”

“Okay lang, Roy. Ikaw, kumusta?”

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya bago nagkibit-balikat. “Ito, okay naman.”

Iyon lang ang sagot niya pero nararamdaman ko ang lungkot doon. Mukhang may pinagdadaanan yata siya kaya isang magandang ngiti na lang ang ibinigay ko at mahina siyang tinapik sa balikat.

Pareho nila akong tinulungan ni Felix sa pagsakay sa bangka. Nasa gitnang bahagi ako nakaupo, nasa unahan naman si Roy at sa likod ko si Felix. Pareho silang nagsasagwan.

“Narito na tayo, ate.”

Muli nila akong tinulungan sa pagbaba ng bangka. Parang higante nang tingalain ko ang imaheng iyon ng Panginoon. Nakakalula!

Sabay-sabay kaming naglakad papasok. Para lang ‘yong simbahan, nga lang ay nasa loob ng kweba.

“Ate, sa labas ako maghihintay,” ani Roy.

“Sige, Tol. Salamat,” ani Felix na tinapik ito sa balikat. Nakangiti naman akong tumango.

Pinanood namin ang paglabas ni Roy. Nang wala na ito sa paningin namin ay muli kaming humarap sa unahan. Namamangha pa rin ako nang makita ang inukit sa bato na si Hesus kasama ang Kanyang mga alagad at sa mga pangyayari sa Kanya.

“Naalala mo ‘yong huling punta natin dito?”

“Oo naman. Pagkatapos niyon naging magkaibigan tayo.”

“Hindi pa rin ako makapaniwala na papayag kang makipagkaibigan sa akin. Samantalang napakasungit mo.”

Napalabi ako nang marinig ang tawa niya.

“I'm sorry, Felix.”

“Hm? Para saan?”

“Dahil noong nawala si Papa, minsan kong naisip na nasayang lang ang pagpunta namin dito.” Hinara ko siya. “Ikaw ang nagtakas sa akin sa lungkot nang maiwan kami rito, Felix. Ikaw ang tumulong sa akin. At ang makipagkaibigan sa ’yo ang pinakamagandang desisyon na nagawa ko sa buhay ko, Felix.”

Narinig ko ang matunog niyang pag-ngiti. “Ako rin, Asher, ang makipagkaibigan sa ‘yo ang isa sa magandang nagawa ko sa buhay ko. At ang mahalin ka ang pinakamaganda sa lahat.”

Mabilis na nag-init ang mga mata ko dahil sa narinig sa kanya.

“Pwede pa kaya tayo, Asher?”

Humigpit ang kapit ko sa strap ng bag. Ang mahigpit na pagkakakapit ko sa bag na nasa balikat ko ay unti-unting lumuwag nang abutin niya ang kamay ko. Dinahan-dahan niya nang kunin niya iyon.

“Hindi pa naman siguro huli para marinig ang matamis mong oo, ‘di ba, Asher?”

Mabilis na bumuhos ang mga luha sa mga mata ko habang sinasabi niya ang mga iyon. Dahil kasabay ng pagsasalita ay ang pagdaus-os niya ng papel na singsing sa palasingsingan ko. Iyon 'yong ginawa niya kanina sa bahay.

“Pwede kaya ulit, Asher, kung liligawan kita?” Bakas ang kaba sa kanyang mukha

Nangatal ang labi ko. Napatungo ako kasabay ng paghikbi. “Hindi na, Felix.”

Nang mag-angat ako ng tingin sa kanya ay nakita ko ang naluluhang mga mga niya at ang malungkot niyang ngiti. Muli akong napahikbi.

“Bakit kasi napagod ka noon?”

Napatungo ako at malakas na napahikbi. Naninikip ang dibdib ko na at parang tinatarakan ng matulis na bagay ang puso ko. Mas lumakas ang iyak ko nang maramdaman ang mahigpit na yakap niya at ang marahang haplos niya sa likuran ko.

“I'm sorry, Asher!”

Naisubsob ko ang mukha ko sa kanyang dibdib nang marinig ang pagpiyok niya. Sunod-sunod ang pagsinghot niya. Habang patuloy ako sa paghikbi.

Hinarap ko si Felix. Nakangiti niyang pinunasan ang mukha ko.

“N-Narito ako, Felix, p-para i-i-let go ka na.”

Nakangiti siyang tumango, habang patuloy na pumapatak ang mga luha sa kanyang pisngi. Naninikip ang dibdib ko babang pinapanood iyon.

"N-Naiintindihan ko, Asher."

Muli akong napahikbi nang marinig ko ang pagkabasag ng boses niya.

“Felix... Felix, m-mahal na mahal kita! Alam mo naman 'yon, hindi ba?”

“Oo, Asher. At mahal na mahal din kita, Asher!”

Muli niya akong kinulong sa isang yakap. Mahigpit na yakap na nagsasabi kung gaano niya ako kamahal.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro