Kabanata 18
NAGPATULOY ang komunikasyon namin ni Felix nang makaalis kami sa Santa Isabela kasama si Lola Rita. Walang oras na hindi siya nagte-text at tumatawag. Madalas kapag nag-aaral sa bahay ay magkatawagan kami at sabay na nag-i-study.
Ngunit akala ko'y mananatiling ganoon. Ilang buwan ang nakalipas simula nang makaalis kami roon ay ibinalita niya sa akin na naaksidente ang papa niya sa construction site sa Batangas kung saan ito nagta-trabaho. Masama ang naging bagsak ng mga bakal sa parehong binti ni Tito Zaldy at iyon din ang labis na naapektuhan kaya hindi ito masyadong nakakakilos. Kaya naman kinailangan ni Felix na tumulong kay Tita Mylene sa pagpapasok ng pera sa kanilang bahay. Tuwing pagkatapos ng klase ay tumutulong pa siya sa carenderia ng kanyang tita at tuwing weekends ay roon kay Ate Wena sa palengke siya suma-sideline.
Unti-unting nabawasan ang oras na nagkakatext kaming dalawa. Kahit naman noon ay siya ang naaasahan sa bahay nila pero kasi ngayon ay siya rin ang nag-aalaga kay Tito Zaldy kapag naroon siya sa bahay nila. Pero tuwing gabi, pagkatapos ng lahat ng gawain niya ay tumatawag pa siya sa akin kahit pa minsan ay hindi rin gaanong nagtatagal dahil madalas ay nakakatulugan na niya dahil sa labis na pagod.
"Hindi mo naman kailangang tumawag gabi-gabi, Felix. Magtext ka lang na nasa bahay ka na ay panatag na ako," sabi ko nang tumawag siya nang gabing iyon. Sa hina at napapaos na niyang boses ay alam kong pagod na pagod siya.
"Okay lang ako, Asher. Gusto ko rin na marinig ang boses mo."
"Tss!" Napapasinghal na lang ako sa kakulitan niya. Pero kahit gano'n ay sobra kong na-a-appreciate na kumukuha pa rin siya ng oras para makapaglaan sa akin. Hindi ko mapigilan ang makaramdam ng kilig.
"Nakapaghapunan ka na ba?"
"Oo, Asher. Nakahiga na rin ako."
"Gusto mong magpahinga na?"
"Pwedeng... makausap ka muna saglit?"
Nakagat ko ang ibabang labi. Sa totoo lang ay gustong gusto ko rin. Miss ko na rin kasi ang makausap siya nang mas matagal.
"Kumusta na si Tito?" sa halip ay tanong ko.
Malalim na bumuntong-hininga siya. "Kinakailangan ni papa ng therapy."
Nakaramdam ako ng lungkot lalo na dahil sa naririnig kong lungkot sa boses niya. Close si Felix kay Tito Zaldy. Noon ay ikinukwento ni Felix kung paano sila magbonding ng papa niya. Ito ang nagtuturo sa kanya ng pagbibiskleta, paglalaro ng basketball. Madalas din na magsabi siya rito ng hinahing, kahit maliit na bagay. Ganoon siya ka-open sa kay tito.
"Iluluwas ninyo ba si Tito rito sa Maynila?"
"Nila mama lang, Asher."
"Hindi ka sasama?" tanong ko. Naiisip ko na walang makakasama si Tita Mylene at makakatulong sa pag-aalaga kay tito.
"May kapatid si Papa na riyan sa Maynila nagta-trabaho. Siya ang tutulong kina mama riyan, Asher."
"Si Tito Roque?"
"Kilala mo si Tito Roque?" gulat na tanong niya.
Napairap ako. "Nabanggit mo kaya siya noong makita ko 'yong picture ninyo sa photo album na nariyan sa bahay ninyo."
Hindi siya umimik. Siguro'y iniisip pa kung kailan 'yong sinabi kong iyon. Napailing ako. Kailan pa siya naging makakalimutin?
"Talaga?"
"Nagiging makakalimutin ka na ba, Lolo Felix?" natatawang tudyo ko.
"Sino kaya sa atin, Lola Asher?" Mahina siyang natawa. "Felix, ipapaalala mo sa akin 'to, ha?" nagboboses babaeng aniya.
"Tse!" singhal ko na malakas niyang ikinatawa.
DUMATING ang buwan ng Marso. Halos isang buwan na lamang ang ipapasok at bakasyon na. Kahit hindi sigurado na makakauwi ako ng Santa Isabela ay patuloy akong nag-iipon ng pera. At sinubukan ko pa rin na kausapin si Mama. Pero...
"Wala ka namang tutuluyan doon, Tamara, at kung sa mga lola mo wala kang makakasama. Huwag ng makulit."
"Kaya ko naman po, 'Ma. Safe naman—"
"Paano magiging safe para sa isang disi-sais na dalaga ang mapag-isa sa bahay? At nasa malayo ka pa, Tamara. Oo nga't may mga kakilala tayo roon na pu-pwedeng tumingin sa 'yo pero hindi ko isasaalang alang iyon. Marami pa rin na hindi natin kilala at may mga lihis ang ugali."
Bigo akong napayuko. Nangingilid ang mga luha ko. Hindi ko na rin magawang magpumilit pa dahil kapag ganoon ay siguradong mas hindi ako papayagan ni mama. Naiintindihan ko rin naman ang mga sinabi ni mama.
Nalulungkot ako dahil sa pakiramdam na parang tuluyan na akong nailayo sa lugar na iyon. Wala na akong makuhang dahilan para makauwi sa Santa Isabela bukod kay Felix. Kahit pa siya naman talaga ang pakay ko roon. Iyon nga lang ay hindi ko rin maaaring sabihin iyon kay mama. Kung sasabihin ko naman kay mama na dahil iyon sa gusto kong makita siya kaya gusto kong umuwi roon ay baka mas lalo siyang tumanggi.
May isang buwan pa naman. Baka magkakaroon pa ng pag-asa na makauwi ako roon. Ang mga tita ko kasi ay salitan na umuuwi roon para tingnan ang bahay nila lola. Kapag may uuwi sa bakasyon ay makakasama ako. Siguradong hindi tatanggi si Mama kapag sinabi kong gusto kong sumama tutal ay mga kamag-anak naman iyon.
Ngunit sumapit ang bakasyon, wala akong nabalitaan na kamag-anak na uuwi sa Santa Isabela. Madalas ilang araw pa lang bago umuwi ang mga kapatid doon ni mama ay tumatawag sila para ipaalam na uuwi sila sa probinsiya.
"Magko-kolehiyo ka na, Tamara. Ano'ng kukuhanin mong kurso?" nakangiting tanong ni lola habang nag-aagahan kami.
Pinilit ko ang ngumiti, ayaw kong ipahalata na may inaalala ako. "Secondary Education po, 'La."
"Mag guguro ka rin tulad ng Tita Aiko mo?" Tukoy niya sa bunsong anak.
Nakangiti akong tumango. "Opo, 'La."
Mas lumapad ang ngiti ni lola. Halatang nagustuhan ang kursong kukuhanin ko.
"Ayaw mo ng Business Administration or Accountancy, anak?" tanong ni mama.
Tinapik ni lola ang kamay ni mama. Nakaismid si Lola na muntik kong ikatawa. "Kapag may naisip ng kurso ang anak mo huwag mo ng tanungin niyan at baka malito pa sa kukunin niya."
"Nagtatanong lang naman ako, 'Nay."
"Kapag nagtanong ka baka isipin ng anak mo na iyon ang gusto mong ipakuhang kurso sa kanya. Diyan na papasok ang pagdadalawang isip niya. Kung 'yon bang gusto mo o gusto niya ang kukunin niya. Ano sa palagay mo ang maiisip niya? Siyempre susundin ka niyan ni Tamara. Iyan pa namang lahat ng sabihin mo sinusunod ng anak mo."
Pabirong umirap si Mama kay lola. "Hindi na nga ako nagtanong," naiiling na aniya pa.
Nakangiti na muli si Lola nang balingan si Theo.
"Ikaw, Theodore, may naiisip ka na bang kurso? May dalawang taon pa naman bago ka magkolehiyo pero baka may napupusuan ka na."
"Iyon pong kaklase niya, 'La, napupusuan niya."
Mahinang natawa si Mama at Lola kasabay ng singhal ni Theo, "Ate!"
MATAPOS ang pagliligpit ng kinainan ay nagtungo na ako sa kwarto ko. Eksaktong tumutunog ang cell phone ni papa na siyang patuloy kong ginagamit. Nang makita ang pangalan ni Felix sa screen ay agad ko 'yong dinpot sa kama kung saan ko iyon iniwan.
"Felix!"
"Hello, ganda!"
Napahagikgik ako sa sinabi niya. "Nasaan ka? Nag-agahan ka na?"
"Oo. Kumain na ako, Asher. Papunta na ako kina Tito Ely."
"Sa talyer ka maghapon?"
"Ngayon lang umaga kasi may aayusin kaming bintana para kina Ma'am Alviar. Pagkatanghalian sa palengke ako."
Magkausap kami ni Felix habang papunta siya sa talyer ng tito niya. Nang makarating doon ay bago pa lamang nagbubukas ang tito niya. Nagkakape pa naman daw ito kaya pinayagan siyang magpatuloy ang pag-uusap namin.
"Si Tito Zaldy kumusta na siya?"
"Bumubuti na siya, Asher. Pagkatapos ng halos tatlong buwang therapy ay iuuwi na siya rito. Baka rito na lang din magpatuloy ang check ups niya."
"Halos isang linggo na lang enrolment for college. Sigurado ka na ba sa course na gusto mo o may naiisip ka na second option?"
"Sure na ako roon, Felix."
"Akala ko architecture ang kukunin mo dahil amgaling kang magdrawing o kahit anong related doon."
"Libangan ko lang ang pagdo-drawing, Felix. Ikaw ba, sure ka na sa Engineering?"
"Oo, Asher. Sure na rin."
"Hindi mo naman 'yon kukunin dahil pangarap 'yon ni tito noon, 'di ba?" Hindi siya nakaimik kaya malalim akong napabuga ng hangin. "Gusto ko lang na kukunin mo kung ano ang totoong gusto mo, Felix. Ayokong may pagsisihan ka sa magiging desisyon mo. Pero kung iyon talaga ang gusto mo alam mo namang suportado kita."
"Salamat, Asher. Hayaan mo at pag-iisipan ko nang maigi."
Nakahinga ako nang maluwag.
"Pasensya na, Asher."
"Ha? Saan?"
"Matatapos na ang bakasyon pero hindi pa ako nakakaluwas. Nasira ang pangakong gagawa ng paraan para makapunta ako sa 'yo."
Napatungo ako at maingat na nagbuntong-hininga.
"Naiintindihan ko, Felix. Kailangan ka riyan sa inyo. Narito sina Tita Mylene sa Maynila at walang makakasama sina Antoinette at Angela Joy riyan sa inyo." At masyado pa tayong bata para gumawa ng desisyon na para sa ating dalawa. Hindi pa natin kayang magpunta sa malayong lugar ng ikaw lang o ako lang para makita natin ang isa't isa. "Naiintindihan ko, Felix. Naiintidihan kita. Sa ngayon sapat na ang tawag... Ang marinig ang boses mo. Darating din ang oras na magkikita ulit tayong dalawa."
Rinig ko ang pagsinghot niya dahilan ng pag-iinit ng pareho kong mga mata. Sa huli ay pumatak din ang mga luha roon.
"Miss na miss na kita, Felix."
"Ako rin, Asher. Sobra na kitamg namimiss. Kung alam mo lang kung gaano ko kagustong magpunta sa 'yo. Gustong gusto na kitang makita ulit."
Naisubsob ko ang mukha ko sa kama habang naririnig ang singhot ni Felix sa kabilang linya kasabay ng akin.
Sa bawat araw na lumilipas noong bakasyon na iyon ay sa paghihintay ng dahilan para makauwi ako ng probinsya nalaan ang isip ko. Pero bigo ako. Natapos ang bakasyon at muli na lamang nagsimula ang enrolment ay naghihintay pa rin ako ng pagkakataon na makitang muli si Felix.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro