Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 16

ANG akala kong darating na mga bagong araw sa amin nila mama ay magiging miserable matapos mawala ni papa. Ngunit para bang sa bawat oras ay wala kaming sakit na iniinda.

Muling nagtrabaho si Mama bilang isang manager sa isang malaking hardware para matustusan ang pag-aaral namin ni Theo. Nagpatuloy ang pag-aaral namin ng kapatid ko sa Maynila at nanatili naman ang komunikasyon naming dalawa ni Felix kahit pa para sa akin ay hindi masyadong naging maganda ang pag-uusap namin bago siya bumalik sa Santa Isabela.

"Huwag mo akong hintayin, Felix."

Ramdam ko ang pagtitig na ginagawa niya ngayon. Nanatili lang ang tingin ko sa nakaukit na pangalan ni papa sa puting marmol.

"A-Ayaw mo... Ayaw mo na bang... hintayin kita, Asher?"

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko. Pinatatag ko ang sarili para hindi madala sa sakit na mababakas sa boses niya. "Oo sana, Felix. Wala na rin namang kasiguraduhan kung makakabalik pa ako sa Santa Isabela. At hindi ko pa magagawang pumasok sa relasyon ngayon. Sa totoo lang, nawala na 'yon sa isip ko. Ang gusto ko na lang muna ngayon ay samahan si Mama sa paghilom sa sakit na nararamdaman niya. Kailangan niya rin ako bilang katuwang kay Theo."

Hindi ko siya magawang lingunin habang sinasabi ang mga salitang iyon. Natatakot akong baka kapag nakita ko ang mukha niya ay bumuhos ang luha ko. Dahil sa totoo lang ay gusto ko pang hintayin niya ako. Pero mayroong takot sa puso ko na baka nasasayang lang ang oras niya sa akin.

"Hindi ko naman ipipilit na sagutin mo agad ako. Hindi naman ako nagmamadali, Asher."

Doon ko pa lamang siya nilingon. Na sana pala ay hindi ko na lang din ginawa. Dahil nang makita ko ang lungkot sa kanyang mukha ay parang gusto kong bawiin ang mga sinabi ko. Pero kailangan kong manindigan sa mga salitang binitawan ko. Alang-alang sa kanya.

"Wala kang kasiguraduhan sa akin, Felix. Hindi ko alam kung kailan ko maibibigay sa 'yo ang sagot ko."

Naramdaman ko ang paglapat ng kamay niya sa aking mga kamay. Ngumiti siya na nagpapasingkit sa mga mata niya at nagpasilay sa biloy niya.

"Hindi naman ako mananatili dahil lang may kasiguraduhan, Asher. Kahit wala, gusto kong malaman mo na narito lang ako."

"Pero, Felix, baka kasi mayroon pang mas mabibigyan ka ng oras. 'Yung malapit sa 'yo at nakakasama mo. Hindi tulad ko na... h-hindi tulad ko na malayo sa 'yo."

"Ikaw ang gusto ko, Asher," may diing aniya. Kahit ang mga mata niya ay nagsasabi niyon."Unahin mo na sila Tita, kahit huli na ako sa paglaanan mo ng oras. Okay lang 'yon sa akin dahil alam kong mas mahalaga sila. Pero mananatili ako, Asher. Please, huwag mong sabihin na mayroon pang iba dahil ikaw lang ang gusto ko."

Hindi na nagpapigil ang luha ko. Masaya ako na handa siyang maghintay at mayroon ding nalulungkot para sa kanya. "Bakit ba ang kulit mo?"

"Wala, eh. Ikaw ang gusto nito." Turo niya sa kaliwang dibdib.

"Mas natatakot akong baka mapagod ka, Felix, kaysa sundin ang sinasabi kong tumigil na lang." Napatungo ako matapos aminin ang katotohanang iyon.

"Hindi ba't sinabi ko sa 'yong hindi napapagod ang taong nagmamahal?" aniya habang pinupunasan ang mga luha ko. "Hindi ako mapapagod, Asher."

"Paano kung mawala ang pagmamahal mo?" tanong ko sa bagay na nakakapagpasikip ng dibdib ko. Isipin pa lang na mangyayari iyon, hindi ko na kinakaya. "Paano kung mawala ang pagmamahal mo at mapagod ka na lang kahihintay?"

Ngumisi siya at umiling. Doon pa lamang nabigyan na ako ng kaginhawaan. Ganoong kabilis. "Ako na ang nagsasabi, hindi mangyayari 'yon, Asher. Ang lakas kaya ng tama ko sa 'yo."

Tanging tipid na ngiti lang ang naibigay ko sa kanya. Ganoon siya kadeterminadong manatili sa akin, pero ang puso ko ay wala ng kasiguraduhan kung dapat pa nga bang manatali ang kung anong mayroon kami. Siguro naiisip ko lang ito dahil sa mga nangyari sa pamilya namin. Pero hindi maalis ang takot kong baka bigla na lamang mawala si Felix.

"Araw-araw akong magpapadala ng text, Asher. Kahit wala kang sagot, okay lang. Pero kapag malungkot ka o gusto mo ng sasagot agad ako. Kaya huwag kang mag-atubiling tumawag, okay?"

Kasabay muli nila lolo si Felix nang bumalik sila sa Santa Isabela. Kinabukasan pa lamang matapos ang pagkawala ni papa ay dumating sila Lola at hindi ko inaasahan na makakasama siya sa mga ito. Aaminin kong ang pagdating niya ang nagbigay ng lakas sa akin pero noong aalis siyang muli ay bumibigat lang lalo ang nararamdaman kong lungkot. Hindi ko na makikita si papa, at ngayon naman ay mapapalayo na akong muli kay Felix.

Noong mga panahong nasa Santa Isabela ako at malayo kina papa ay hindi naman ako nalulunod sa lungkot. Pero ngayon ay nilalamon ako ng katotohanang wala na siya at hindi na talaga makikita pa. Hindi madaling lumimot sa sakit dahil sa pagkawala ng minamahal. Pakiramdam ko ay hindi na ako makakaalis sa hawlang ito.

Hindi ko masisi sila Mama kung nagpasya sila na iwan kami ni Theo roon sa probinsiya para sa pagpapagamot ni papa. Sinabi na rin naman niya na ayaw ni papa na makita namin siya na nasa ganoong kalagayan. Kagustuhan iyon ni papa. Gusto kong igalang ang naging desisyon niyang iyon noon. Pero sa kabilang banda, gusto kong magtampo dahil pakiramdam ko ay nasayang ang mga panahon ko roon sa probinsiya. Sana ginusto niya ring nasa tabi niya kami habang nagpapagaling siya. Sana nabigyan namin siya ng lakas simula umpisa ng paglaban niya sa sakit niya. Sana nakasama ko pa siya ng mas matagal.

Sa paglipas ng mga buwan ay unti-unti na naming natatanggap ang pagkawala ni papa. Si Mama na rin mismo ang nagsabi na hindi gugustuhin ni papa na nakikita kaming nasasaktan. Kaya kahit pakiramdam ko ay napaka-unfair na magpatuloy ako sa buhay kahit alam ko ang mga dinanas ni papa bago siya mawala, pinilit ko na lang na isiksik sa isipan ko na ito ang gusto niya, ang magpatuloy kami sa buhay namin na may ngiti sa labi. Na wala sa puso ang lungkot at sakit.

Tulad ng pangako ni Felix ay hindi niya nakakaligtaan ang magpadala ng text messages. Kahit magkalayo, pakiramdam ko kasama ko lang siya araw-araw. Iyon ba namang kahit ano ang gawin niya ay ibabalita niya pa sa akin. Minsan nga ay natatawa na lang ako. Kahit kasi sabihin ko sa kanya na hindi naman niya kailangang gawin ang mga ganoong bagay ay hindi naman daw niya mapigilan ang sarili niya.

"Pauwi na ako."

"Ingat ka, Felix."

"Salamat, Asher."

"Naglalakad ka lang?"

"Oo, eh. Pero dadaanan ko na ang bike. Baka naayos na iyon."

"Sana naman para hindi ka napapagod sa paglalakad. Kahapon mo pa iyon dinala pero hanggabg ngayon hindi pa nila naaayos."

"Siguradong nagawa na nila iyon kaya huwag ka ng masungit," natatawang ani Felix.

Napaismid ako. "Isang gulong lang hindi pa nila maayos agad."

Muling natawa si Felix. "Ang sungit mo talaga."

"Eh, syempre napapagod ka sa paglalakad!"

"Malapit lang naman, Asher."

"Kahit na."

Natawa na lamang si Felix.

"Hindi ka pa uuwi?"

Rinig ko na ang hingal niya sa pagsasalita. Nasanay yata sa pagbibiskleta kaya ngayong naglalakad lang papasok at pauwi ay mabilis na siyang hapuin.

"Hindi pa, eh. May announcement pa raw ang adviser namin para sa prom namin."

"Sayang!"

"Ang alin?"

"Partner sana tayo sa prom."

Nakagat ko ang ibabang labi. Pangarap ko iyon, eh.

"Hindi mo naman sigurado kung tayo talaga ang magiging partner. Paano kung sa iba ako i-partner? Teacher ang masusunod doon, Felix."

"Gagawa ako ng paraan para maging partner mo, Asher. Kahit pa suhulan ko sila," mayabang na aniya.

Malakas akong natawa. "Ang yabang mo! Akala mo naman may pangsuhol!"

"Eh... wala naman bang pumoporma sa 'yo riyan?"

"Kung sabihin kong mayroon?" nakangising ani ko habang paulit-ulit na isinusulat ang pangalan niya sa likod ng notebook ko.

"Mayroon nga?"

Lumawak ang ngisi ko nang mabakas ang lungkot sa boses niya. Mabilis pa namang maniwala ang isang 'to. "Paano nga kung mayroon?"

Ilang segundo siyang walang imik kaya kinailangan ko pang ulitin, "Paano kung mayroon, Felix?"

"Syempre tatanungin ko kung gusto mo ba 'yon."

"Akala ko sasabihin mong huwag akong magpa-porma."

"Hindi naman kita didiktahan, Asher. Pero sana sabihin mo muna kung may kapalit na ba ako."

Natatawa ako pero agad ko 'yong pinigilan. Tumikhim pa ako bago nagsalitang muli, "Hindi naman ako magpapaporma sa iba, Felix."

Rinig ko ang ginhawa sa ginawa niyang pagpapakawala ng hangin. Gusto ko tuloy siyang makita. Miss na miss ko na siya!

"Miss na miss na kita, Asher."

Napatungo ako at nakagat ang ibabang labi. Mariin kong ipinikit ang mga mata nang maramdaman ang pag-iinit niyon. "Kahit ako miss na miss ka na, Felix. Hindi na ako makapaghintay na makita ka ulit."

"Kung mabibigyan ng pagkakataon, susubukan kong dumalaw riyan sa inyo sa bakasyon, Asher. Pwede akong tumuloy kina Tito Roque," tukoy niya sa tito niya na narito sa Maynila.

Parang pumalakpak ang mga tenga ko sa narinig.

"Talaga?"

"Oo naman. Gagawa ako ng paraan, Asher."

Excited ako sa darating na bakasyon dahil kung hindi si Felix ang pupunta rito ay siguradong papayagan ako ni mama na sumaglit doon sa probinsiya. Marunong na naman akong bumyahe na mag-isa. Nagpaalam na rin ako kina lola nang makausap ko sila sa telepono at agad silang pumayag. Balak na balak ko na ang lahat ng iyon.

"Nag-aalkansya ka, Ate? Himala?" hindi makapaniwalang ani mama nang mahuli akong naghuhulog ng barya sa alkansyang baboy. Hindi ako gumagastos sa school para rito. Nag-umpisa na rin kasi akong mag-ipon para may maipambili ako ng pasalubong para kay Felix.

"Ma, lahat ng tao may pagkakataong matuto ng mga bagay-bagay."

"At sinasabi mong natuto kang mag-ipon ngayon?"

"Yes naman!"

Hindi makapaniwalang tiningnan ako ni mama. Sa huli ay nailing na lang siya at nilampasana na ang kwarto ko. Pagkahulog ko ng mga barya ay binuhat ko iyon. Mabigat na iyon.

Kumuha ako ng pentel pen at sinulatan ang katawan ng baboy.

Para sa pinakamamahal kong Felix.

Ngunit hindi lumipas ng isang taon ay muli nga kaming nagkitang dalawa. Ang masakit lang ay hindi ko inaasahan ang magiging dahilan niyon. Dahil sa pangalawang pagkakataon, nawalan ako ng taong minamahal. At hindi ko matanggap na sa ganitong pagkakataon na lang kami nagkikita ni Felix. Sa pagkakataong may nawawala. Sa panahong may nagpapaalam.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro