Kabanata 15
AKALA ko mahina na si Mama noong mga panahong nakikita ko siyang umiiyak kapag nagche-chemo si Papa. Akala ko sobrang hina na niya kapag umiiyak siya at yayakapin ako bigla para sabihing hindi pa siya handang mawala ang kabiyak ng puso niya. Akala ko kahinaan ng matatawag kapag natutulala na lang siya habang nakatitig kay papa at biglang sasabihin na kapag umalis ito ay isama na siya.
Ngayon, nakikita ko ang mahinang mahinang si Mama. Walang luha, tanging nakangiti mukha ang ipinapakita sa mga nakikiramay para sa pagkawala ng lalaking pinakamamahal niya. Pero sa tuwing mag-isa siya sa kwarto ay naririnig ko ang hagulgol niya at pagsasabi na baka pwede pa, kahit saglit, ay ibalik sa kanya si Papa.
"Pakiramdam ko, anak, kulang na kulang pa ang dalawampu't isang taong pagsasama namin ng papa mo."
Habang pinapakinggan si Mama hindi ko inalis ang pagkakatitig sa kinahihimlayan ni papa na maya't maya ay may dumadaan para masilip siya. Ramdam ko na ang hapdi at pamamaga ng mga mata ko dahil sa ilang araw na pag-iyak pero hindi maubos-ubos ang luha rito. Titigil pero tuwing nakikita ko si Papa at maalala ang mga oras na kasama namin siya ay bigla na lang sasabog muli ang luha ko.
"Hindi man lang natupad ang pangarap naming muling maikasal sa pangalawang pagkakataon."
Muli kong narinig ang pagpiyok ni mama pero nang tingnan ko siya ay tuyong tuyo naman ang mga mata niya. Ipinulupot ko ang mga braso ko sa kanyang katawan at patagilid siyang niyakap nang mahigpit. Doon idinadaan ang mga pampalubag ng loob na hindi ko masabi-sabi sa kanya. Gusto ko siyang aluin pero pakiramdam parang hindi kayang ilabas ng bibig ko ang mga salitang gusto kong sabihin. Natatakot akong magkamali at lalo siyang masaktan.
Naramdaman ko ang isang braso niya ni mama na umikot sa aking likod at humaplos ang kamay niyon sa aking ulo. Nakaramdam ng kapayapaan ang puso ko dahil doon. Sana sa simpleng yakap ko kay mama ay maramdaman niya rin ang ganito.
"Sana pala pinagbigyan natin siya noong humiling siyang uuwi na. Noon niya pa sinasabi sa akin na ayaw niyang nasa ospital kapag kinuha siya."
"Alam kong naiintindihan ni papa, 'Ma."
Mariin akong napapikit nang muling pumatak ang mga luha sa aking mga mata. Naaalala ko ang mahina at pilit na pagsasalita ni papa para masabi ang gusto niyang iyon.
"Gusto ko na kapag tuluyang naputol ang hininga ko ay naroon ako sa tahanan natin. Gusto kong makita ang masasaya nating alaala roon."
Pero hindi namin siya pinagbigyan dahil na rin sa takot. Mahina pa rin siya kahit sinabi sa amin na bumubuti na ang lagay niya. Prone pa rin siya sa kahit anong virus. Hindi ginusto ni mama na isaalang-alang ang unti-unti niyang pag-galing na akala namin ay magtutuloy-tuloy na.
Hindi na muling nagsalita si Mama. Tahimik naming pinagmasdan ang unahan. Tatlong araw ng nakaburol si Papa rito sa chapel na malapit sa ospital. Ilang araw na lang din ay ihahatid na namin siya sa huli niyang hantungan. Araw-araw, kahit nasasaktan dahil alam kong wala na siya, mayroon pa ring pakiramdam sa pagkatao ko na para bang hindi pa siya kinukuha sa amin. Pakiramdam ko ay buhay pa rin siya. Buhay na buhay pa rin siya rito sa puso ko.
Napapikit ako nang maalala ang huling beses na nakausap ko si Papa. Nanghihina man at hindi masyadong makapagsalita ay nakikita ko ang kislap ng saya sa mga mata niya habang pinakikinggan ako. Ikinwento ko sa kanya si Felix at sinabi ko sa kanya ang panliligaw nito.
"Masaya sa puso ang umibig, anak, hindi ba?"
"Tama ka, 'Pa," humahagikgik na sabi ko. Ipinatong ko ang mga siko sa kama niya at nangalumbaba. Halos punitin ang labi ko sa pagkakangiti. "Totoo pala 'yon, 'Pa. 'Yung parang may paru-paro sa tiyan mo. Totoo rin pala na bulag ang pag-ibig kasi bakit ako nagkagusto sa unggoy na 'yon, 'di ba?" Napanguso ako pero agad ding bumalik ang ngiti. Mahinang natawa si Papa.
"Ganoon ka rin ba, 'Pa? Kinikilig ka rin ba kay mama?"
"Galit na ang mama mo gandang ganda pa ako roon."
Napanganga ako. "Hala! Pareho kayo ni Felix, 'Pa!" Pareho kaming natawa.
Dahan-dahang umangat ang kamay ni papa. Inangat ko ang mga kamay ko, sinalubong iyon at hinawakan.
"Ibuhos mo ang pagmamahal mo, anak. Hindi bukas, kung 'di ngayon."
Sana, 'Pa, naiparamdam ko ang buong pagmamahal ko sa 'yo. Sana naramdaman mo iyon sa bawat yakap ko sa 'yo.
Ramdam ko ang mainit na pagdaloy ng luha sa magkabila kong pisngi habang nakatitig sa malaking litrato na nasa gilid ng kabaong ni papa. Mabilis ko 'yong pinunasan nang maramdaman ko ang pag galaw ni mama. Lumayo ako sa kanya nang mahina niyang tpikin ang braso ko.
"Aasikasuhin ko muna ang mga ka-trabaho ng papa mo, Tamara."
Tiningnan ko ang tinutukoy ni mama na mga bagong dating. Sunod-sunod na sumisilip kay papa ang nasa sampung katao. Tatlong babae at nasa pitong kalalakihan. Halos lahat ay kaedaran ni papa. Ang dalawang babae lamang ang mukhang bata pa sa mga ito. Unang gabi pa lamang ay hindi na nila nakaligtaan ang pumunta rito.
Pinanood ko ang paglapit ni mama sa mga ito. Nakangiti muli at parang hindi nasasaktan. Kahit naramdaman ko ang pagtabi ng isang tao sa akin ay hindi naalis ang paningin ko sa unahan. Sa pamilyar na tamis na may halong tapang ng pabangong gamit ng nasa tabi ko ay alam ko na agad kung sino iyon.
"Kumusta si Tita?"
Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko pero kahit kaunti at hindi man lang niyon naalis ang bigat na bumabara sa puso ko. Namomroblema ako para kay mama, sa totoo lang.
"Natural lang naman ang masaktan sa nawalan pero hindi ko alam kung bakit niya itinatago ang sakit."
Nilingon ko si Felix nang marinig ko ang malalim niyang pagbuga ng hangin. Nasa akin ang paningin niya. Malumbay ang mga mata, katulad ng mga mata niya noong umalis ako ng Santa Isabela limang buwan ang nakakaraan.
"Hindi niya itinatago, Asher. Pinipili niya lang ang pagpapakitaan niyon."
"Sino? Kaluluwa ni papa?" may tono pa ng pagbibiro na sabi ko kahit nanantiling seryoso ang aking mukha.
Tipid ang ngiti niya nang umiling. "Siya."
Tumuro ang hintuturo niya sa itaas. Nakuha ko pang tingalain ang puting kisame kahit alam ko naman kung sino ba ang tinutukoy niya.
"Ganoon si Mama noong mawala si Lola. Sa Diyos siya umiiyak. Nananalangin na sana maibalik pa si Lola kahit alam niyang imposible."
Nagtagal ang tingin ko roon sa kisame hanggang sa naramdaman ko ang muling pamamasa ng mga mata. Dahil tulad ng sinasabi ni Felix na ginawa ni Tita Mylene ay ganoong ganoon din si Mama.
Nangatal ang mga labi ko habang tahimik na humihiling din ng ganoon. Bakit sa paghiling na ginawa ko, kahit alam kong imposible at hindi mangyayari ay nabibigyan pa rin ako no'n ng pag-asa na mangyayari nga iyon. Ganoon din ba si Tita Mylene? Ganoon din ba si Mama? Ganito rin ba ang nararamdaman nila tuwing gagawin nila ito? Nabibigyan ba ng gaan ang puso nila kapag ginagawa iyon?
Napatungo ako at natitigan ang aking mga kamay matapos marahang hawakan iyon ni Felix. Hindi ko na napigilian ang muling pagpatak ng luha ko.
"Gusto mong lumabas muna?"
Isang beses lang akong tumango. Hinawakan niya ako sa magkabila kong balikat at inalalayan sa pagtayo. Naglakad kami palabas ng chapel. Nadaanan pa namin sila Lola at Lolo na nakaupo sa huling hanay ng mga upuan. Kasama nila ang dalawang kapatid ni mama na sina Tita Aiko at Tita Aiya. Pati si Theo ay naroon at natutulog sa kandungan ni Lolo Romualdo na ama ni papa. Sa unahan nila ay naroon ang mga kamag-anak ni papa.
Madilim na ang paligid. Mga poste ng ilaw ang nagbibigay ng liwanag sa buong paligid ng chapel. Tumingala ako. Natatabunan ng maitim na ulap ang buwan at kaunting bahagi lamang niyon ang sumisilip. Sa madilim na kalangitan, nagkikislapang bituin ang nagpapaganda niyon.
"Palaging sinasabi ni papa noon na ganoon minsan ang buhay. Dadaan tayo sa kadiliman, ngunit may mga taong magsisilbing bituin natin."
Nanatili akong nakatingin sa kalangitan. Tahimik naman si Felix sa aking tabi. Napangiti ako nang maalala ang nakangiting mukha ni papa. Ang malakas at malusog na si Papa. Si papa na palaging nagtitimpla ng gatas namin ni Theo. Si Papa na palagi kaming itatago sa kanyang likuran kapag pinapagalitan ni mama. Si Papa na palaging may bitbit na kahit anong pasalubong pagkakagaling sa trabaho. Si Papa na mahal na mahal ko.
"Talagang naging biglaan para sa amin nang mawala si Papa. Maayos na maayos siya at nakakausap ni mama bago pa ako lumabas ng kwarto niya nang araw na 'yon. Sabi ni mama, pagkalabas ko raw ay doon na nagsabi si Papa na palagi kaming mag-iingat at mahal na mahal niya. Nagpakuha pa raw si Papa ng tubig..."
Nanlabo ang mga bituin sa paningin ko. Hindi ko na napigilan ang paghagulgol nang maramdaman ang pagkabig ni Felix sa akin.
"Akala ko tuloy-tuloy na, Felix. Akala ko pinagbigyan ang hiling namin na makasama pa siya nang mas matagal."
Ilang minutong tanging hagulgol at pagsinghot ko lamang ang maririnig. Mahigpit na yakap ni Felix ang naging katuwang ng pagdadalamhati ko.
Napatingala ako kay Felix nang hawakan niya ang magkabila kong balikat at iniharap ako sa kanya. Umangat ang mga kamay niya sa pisngi ko at marahang tinuyo iyon habang nakatitig sa akin at nagsasalita.
"Ang pagdadala Niya sa atin sa mundong ito ay may tamang oras, Asher. At ganoon din kung paano Niya tayo kukunin muli. May nakalaan Siyang oras sa lahat. Iyon na ang oras ni Tito para makasama Niya muli. Masakit na kailangang mawala sa atin ang mga mahal natin sa buhay. Pero alam mo kung ano ang maganda sa bawat pagkawala?" Ngumiti siya at pinakatitigan ako. "Iyon ay ang katotohanang doon sa piling ng Diyos, hindi na siya mahihirapan at masasaktan pa."
Ang huling mga salitang iyon ang lalong nakapagpalakas ng iyak ko. Tama si Felix, hindi na mapapagod pa si Papa. Hindi na siya mahihirapan pa at hindi na siya kailanman magkakasakit pa.
Ang mga katotohanang iyon ang naging lakas ko para labanan ang sakit sa pagkawala ng lalaking una kong minahal.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro