Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 14

TW: loss/death

***

“MAYROONG lung cancer ang papa mo, anak. Stage three na nang malaman namin ang tungkol doon at kinakailangan ng chemotherapy. Wala kaming nagawa, Tamara, kung ‘di iwan muna kayo rito sa probinsiya dahil ayaw niyang malaman ninyo ang kalagayan niya.”

Nakikita ko ang pagpatak ng luha sa hawak kong litrato. Litrato iyon ni papa noong kaarawan niya noong nakaraang buwan. Nakahiga siya sa hospital bed at suot ang puting hospital gown. Nakaupo sa tabi niya ang may tipid na ngiting si Theo at nakatayo naman sa tabi nito si Mama na nakangiti man pero bakas ang lungkot sa mga mata. Pare-pareho silang nakatingin sa camera. Halos buto’t balat na si Papa sa litrato pero makikita pa rin ang kislap sa mga mata niya kahit pa hindi na maingiti nang maayos ang labi niya.

Naninikip ang dibdib ko habang nakatingin sa hawak ko. Parang gusto kong magalit sa sarili ko. Nagsasaya ako rito pero naroon sila Mama, naghihirap. Si Papa na may sakit pero hindi ko man lang alam. Kung bakit hindi ko naisip man lang na alamin ang totoo niyang lagay. Madalang namin siyang makausao noon pa mang bago pa lang kami rito ni Theo. Nag-isip pa ako na magkahiwalay sila ni mama. Iyon pala... Iyon pala...

“Kumusta na po si Papa ngayon, ‘Ma?”

Nang sabihin kanina ni mama na kailangan kami ni papa masama na agad ang naging kutob ko at agad siyang tinanong kung ano’ng problema. Ngayong narinig ko ang kalagayan ni papa, mukhang hindi naging maganda ang naging resulta ng halos dalawang taon na pagpapagamot niya roon sa Maynila.

“Noong nakaraang taon ay bumuti ang lagay niya kaya nakuha ko kayo ni Theo. Pero noong isang buwan lang ay bumagsak na naman ang resistensya niya at mas lalong lumala ang lagay. Ilang ulit na siyang naka-cardiac arrest, anak. At kahapon ang malala dahil... dahil halos hindi na siya bumalik sa atin. P-Pinayuhan na ako ng doktor na ihanda na ang sarili—”

Malakas na humagulgol si Mama bago pa niya matapos ang sinasabi. Agad siyang niyakap ni lola. Kahit ako ay lumala ang iyak dahil sa naririnig na iyak niya at sakit sa bawat naririnig sa kanya. Sa ilang taon kong naging ina si Mama, ngayon ko lang siya nakitang umiyak at nanghihina ng ganito.

“Aalis na po ba tayo ngayon?”

“Hindi na muna, Tamara. Pagpahingahin muna ang ‘yong ina dahil magmamaneho pa ito.” Si Lolo ang sumagot.

“Mabuti pa’y samahan mo muna ang ‘yong ina sa kwarto. Kailangan niya ng tulog,” ani lola.

Tumango naman ako at tumayo. Inalalayan ko ang umiiyak pa ring si Mama papunta sa kwarto ko. Kahit sa paghiga ay naka-alalay ako sa kanya.

“Ma, tahan na po.” Pinahiran ko ang mga luha niya pero akin naman ang pumatak. Kahit anong pagpipigil ang gawin ko napakahirap pala lalo kapag ganitong kasakit ang nalaman ko. Si Papa ko...

Malakas na humagulgol si Mama at bumangon para yakapin ako. “Ang papa mo, anak. Paano na tayo kapag nawala siya. Hindi ko kayang wala ang papa mo, Tamara.”

Hindi ko alam kung paano ipapakita ang kahinaan ko dahil sa nalaman, gayong nakikita kong ganito si Mama. Pakiramdam ko kailangan kong maging malakas para sa kanya. Kailangam niya ng masasandalan at ako iyon. Kailangan kong maging malakas para sa kanila lalo na para kay papa.

Sa kaiiyak ay nakatulog si Mama. Marahan kong hinahaplos ang namumula niyang pisngi habang nakaupo sa tabi niya. Habang pinagmamasdan siya napansin kong nangangayayat din siya kaya naman lalo akong nahahabag. Gusto kong humingi ng tawad sa kanya dahil sa ilang buwang pabalik-balik niya rito para lang madalaw ako. Kung alam ko lang na ganoon ang sitwasyon sa Maynila, sana pala hindi na ako nagdadamdam kapag sinasabi niyang baka hindi siya makakauwi. Sana pala tiniis ko na lang muna ang pangungulila ko sa kanila. Kung alam ko lang sana pala sumama na lang din ako noong sabihin niyang pwede na kaming bumalik sa Maynila. Sana pala hindi na ako nagmatigas nang mga panahong ‘yon. Sana pala mas marami pang oras na nakasama ko sa papa.

Lumabas ako ng kwarto nang maalala si Felix. Nagpaalam muna ito kanina na lalabas muna at sinabing hihintayin niya ako roon. Ilang oras na ang lumipas. Hindi ko alam kung naroon pa siya. Pero kapag sinabi niya kasing maghihintay ay maghihintay talaga siya roon.

Hindi ko siya nakita sa loob ng bakuran kaya lumabas ako. Wala rin siya sa paligid kaya papasok na sana ako pero muli kong nilingon ang kabilang kalsada nang makita ang pamilyar na bulto doon. Nakatalikod ito sa gawi ko.

“Bakit hindi ka pa umuuwi?” tanong ko nang makalapit sa kanya. Mabuti na lang at hindi masakit sa balat ang init ng araw.

Seryoso ang kanyang mukha nang lingunin ako. Matagal siyang tumitig sa akin. Napapikit ako nang maramdaman ang haplos niya sa isa kong mata. Muli akong nagmulat nang bumaba iyon sa pisngi ko.

“Babalik na ako sa Maynila, Felix.” Parang may bumara sa lalamunan ko nang muling magsalita. Ramdam ko ang pag-iinit ng mga mata ko. Hindi nagtagal ay magkakasunod na muling pumatak mula roon ang mga luha ko. Nangangatal ang mga labi ko. “Si Papa, Felix... May sakit si Papa.”

Mabilis niya akong kinabig payakap sa kanya. Doon ko inilabas ang sakit na hindi ko maipakita kanina kay mama. Hindi alintana ang mga dumadaan doon at ang tingin ng mga ito sa amin.

“Si Papa! Ang Papa ko, Felix! Si Papa!”

Hindi siya nagsasalita. Walang salita pero ramdam ko ang napakaraming sinasabi ng haplos niya sa aking buhok, ng mahigpit niyang yakap. Sapat na para mailabas ko ang sakit na nagpapahirap sa akin sa paghinga.

Ilang minutong paghagulgol, ng pag-iyak at ng pagdama sa sakit dahil sa nalaman. Kahit ubos na ang luha ay nanatili akong yakap ni Felix. Nanatili ang haplos niya.

“Maghihintay ako sa 'yo, Asher.”

Iyon ang unang sinabi niya matapos ang pananahimik. Kumalas ako sa yakap niya at hinarap siya.

“Paano kung—”

“Maghihintay ako, Asher. Kahit gaano katagal maghihintay ako.”

Inabot niya ang mga kamay ko at mahigpit ‘yong hinawakan. Muling nag-init ang mga mata ko dahil doon.

“Pero huwag mong isipin ang paghihintay ko, Asher. Huwag mo muna akong isipin dito. Habang naroon ka, alagaan mo si Tito Roland. Habang naroon ka pamilya mo muna. At ipapanalangin ko ang pag-galing niya. Kapag maayos na ang lahat, saka natin itutuloy ang istorya nating dalawa.”

“Babalik agad ako, Felix. Pangako.”

“Nandito lang ako, Asher,” nakangiting aniya.

Baon ko sa pagbabalik sa Maynila ang pangako ni Felix na maghihintay siya. Kahit sinabi niyang ‘wag ko siyang isipin ay hindi ko nagawa iyon. Walang araw na hindi siya dumaan sa isip ko. Kahit malayo at walang komunikasyon dahil ayaw niyang mahati ang oras ko sa kanya at kay papa ay siya pa rin ang nagbibigay ng lakas sa akin.

Pagdating pa lang namin sa Maynila ay roon na kami dumiretso sa ospital. Ngayon ay harap-harapan ko ng nakikita ang kahinaan ni papa. Pero naging isang himala para sa mga doktor na tumitingin sa kanya nang makita ng mga ito ang progreso niya sa mga sumunod na araw. Gayong nagbigay na sila ng taning kung hanggang kailan na lang si Papa.

“Your presence helps him to fight his battle,” nakangiting ani ng doktor sa amin.

Hindi man agad bumalik sa dati pero laking pasasalamat na namin sa Diyos na nakikita namin ang unti-unting pagbuti ni papa.

“Mabuti naman kung gano’n, Asher. Masaya ako dahil lumalaban si Tito.”

Kausap ko ngayon si Felix habang naglalakad. Galing ako sa labas ng ospital dahil inutusan ako ni mama na bumili ng pananghalian namin.

Noong nakaraang buwan pa nag-umpisa ang komunikasyon namin ni Felix. Nalaman niya raw kasi kina lola na bumubuti na si Papa kaya hiningi niya ang numero ni mama para makausap ako. Ngayon ay cellphone ni papa ang pinagamit sa akin ni mama at doon na kami nagkakausap ni Felix. Nalaman na rin ni mama ang panliligaw ni Felix. Sinabi ko sa kanila ni papa. Wala namang naging sagot si Papa at ngumiti lang siya. Si Mama naman nagbigay lang ng ilang payo.

“Nag-usap kami ni mama kahapon. Tinanong niya kung itutuloy ko riyan sa Santa Isabela ang pag-aaral ko.”

“Ano'ng sabi mo?”

Pinindot ko ang number five sa elevator at sumandal bago siya sinagot, “Sabi ko kapag nakauwi na si Papa sa bahay at nakita kong mabuting mabuti na.”

“Mas mabuti nga iyon, Asher. Maganda na pupunta ka ulit dito kung makikita mong maayos na talaga si Tito.”

Nakagat ko ang ibabang labi. Kinain ko ang hiya. Hindi pwedeng hindi ko itatanong ang nasa isip. “Naghihintay ka pa sa akin, ‘di ba?”

Mahina siyang natawa. “Syempre naman. Bakit mo natanong?”

“Baka lang kasi pagod ka ng maghintay.”

“Hindi ba’t sabi ko sa 'yo na hindi mangyayari ‘yan?” natatawang aniya.

“Sus!” Tanging nasabi ko pero hindi naman maalis ang ngiti.

“Hindi napapagod ang taong nagmamahal, Asher.”

Napangiti ako sa tinuran niyang iyon dahil naniniwala ako sa bagay na iyon.

Ngunit iba pala ang mapapagod. At mas masakit dahil hindi namin inaasahan. Hindi sa mga panahong hinang-hina siya. Hindi sa panahong umiiyak kami dahil nakikipaglaban siya para ibalik ang hininga niya.

Pagkapasok ko sa kwarto ay nakita ko ang humahagulgol na si Mama habang yakap si Papa. Naibaba ko ang cellphone na nakatutok sa aking tenga habang tulalang nakatingin kina papa. Sa gilid niya ay naroon ang doktor at mga nurse.

Kasabay ng tumutunog na makina ay narinig ko ang isa pang hudyat na nagpahinto sa mundo ko. Iyon ay ang anunsyo ng doktor sa oras na nawala siya.

February 3, 2015 11:41 a.m., ang petsa at oras na tuluyan na siyang napagod at nagpahinga.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro