Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 1

𝙼𝚊𝚢 𝟸𝟶𝟷𝟸; 𝚂𝚊𝚗𝚝𝚊 𝙸𝚜𝚊𝚋𝚎𝚕𝚊

TAHIMIK kong inililibot ang paningin sa kabuuan ng bahay nila Lola Rita at Lolo Hymn. Simple lang ang bahay nila pero napakalinis. Hindi kakikitaan ng kahit kaunting alikabok; nasa ayos din ang mga kagamitan.

Hindi ko alam kung paano napapanatili lagi ni lola ang kalinisan nito gayong matanda na siya at baka nahihirapan na sa paglilinis. Siguro dahil walang batang nagkakalat? Hindi katulad sa amin na kaunting kibot ni Theo ay may nakakalat na laruan o kahit ano'ng gamit niya sa sahig.

Nilingon ko ang mga magulang ko na kasama sila Lolo't Lola sa lamesa na naroon sa likod nitong sala set na kinauupuan namin ni Theo. Sa liit ng bahay ay naririnig ko ang iyak ni mama at mahihinang bulungan nila na ang tanging naging malinaw sa pandinig ko ay ang pagpapaalam nila kina lola.

Kahapon pa kami nagtungo rito. Sa daan pa lang ay sinabihan na kami nila mama na iiwan muna nila kami ni Theo sa probinsiya. Kaya naman kahapon pa hindi matahimik ang isip at puso ko. Gusto kong magtanong sa kanila kung bakit gayong matatapos na ang bakasyon. Pero hanggang ngayon ay hindi ko magawang ibukas ang bibig para sa tanong kong aamagin na lang yata sa isip ko.

Bumibigat ang dibdib ko. Napupuno ng lungkot at pangungulila kahit narito pa sila. Nilingon ko ang siyam na taong gulang kong kapatid na si Theo na tutok ang paningin sa telebisyon kahit pa kukurap-kurap iyon dahil sa mabagal na sagap ng antenna. Nalilibang pa ito pero tiyak mamaya ay mahihirapang mapatahan iyan.

Muli kong tiningnan sila Mama. Nakatayo na at nagyayakapan na ang mga ito. Nag-uumapaw na ang lungkot sa puso ko at umaakyat na 'yon sa mga mata ko nang maglakad na sila palapit sa amin bitbit ang bag na naglalaman ng mga gamit nila. Tumabi si Mama sa amin. Si Papa naman at sila Lola ay nanatiling nakatayo sa gilid. Lungkot at pag-aalala ang makikita sa mga mata nilang lahat.

"Anak, okay lang ba kayo rito?" mahinahong tanong niya habang yakap kami pero nakatutok ang paningin sa akin.

"O-Okay lang po, Mama," mahinang sagot ko. Kabaligtaran ng tunay na nararamdaman.

Sa nakikita kong namumugto at namumulang mga mata niya, ang kagustuhang itanong kung bakit nila kami iiwan dito ay lalong hindi ko na nagawang isatinig pa. Baka kailangan na kailangan lang. Hindi naman nila natitiis na hindi kami nakikita kaya naisip kong napakaimportante ng dahilan nila para iwan kami rito.

Niyakap niya kami nang tuluyan. Narinig ko ang maya't mayang singhot niya. "Uuwi kami buwan-buwan para madalaw kayo nila Lola mo."

Buwan-buwan?

Napasinghap ako.

Mabilis na umangat ang tingin ko kay mama. Hindi na naitago ang lungkot na nararamdaman. "Buwan-buwan, 'Ma? Ibig sabihin dito na rin po kami mag-aaral?"

Umangat ang nag-aalalang tingin niya sa mga nakatayo sa gilid namin. Tipid na ngiti at tango lang ang nakuha niya sa mga ito. Mabilis din namang ibinalik sa 'kin ang tingin at ngayon ay may ngiti na sa labi. Pero hindi niyon nagawang itago ang nakapirming lungkot sa mga mata.

"Oo, anak. Dito muna. Kapag natapos agad namin ni papa ninyo ang dapat ayusin ay susunduin agad namin kayo. Pangako, Ate. Basta dadalaw kami lagi ni papa, hm?"

Wala akong naging sagot pero naging panatag na sa sinabi niyang dadalaw rito at susunduin agad. Mas pinanghawakan ko nga lang ang huli kaya bahagyang natahimik ang puso ko.

Isa-isa niya pa kaming niyakap ni Theo habang nagpapaalam. Nang kumalas siya ay pumalit si Papa. Panay naman ang bilin na huwag kaming magpapasaway kina lola.

Hinatid namin sila hanggang sa labas ng bakuran. Nakaakbay sa akin si Lola habang pinapanood namin ang paglalagay nila ng kagamitan sa van namin. Nag-umpisa na ngang umiyak si Theo, mahigpit na kumakapit sa damit ni papa. Hindi ko na rin napigilan ang pag-iyak. Tuloy ay sabay ang malakas naming hagulgol.

"Huwag na kayong malungkot. Siguradong magugustuhan ninyo rito," pang-aalo ni mama kahit pa umiiyak din siya. "Tahan na mga anak ko."

"Aileen... gagabihin na tayo, Hon."

Hindi bumitaw si Mama hangga't hindi kami tumitigil sa pag-iyak. Kumalas siya ng tanging pagsinghot na lang ang maririnig sa amin. Hinarap niya kami at nakangiting pinunasan ang aming mukha.

"I love you, ate... bunso."

"I love you po, Mama," sabay kami ni Theo sa pagitan ng pagsinghot.

"Magpapakabait, Tamara. Huwag magpapasaway kina Lola, ha? Ikaw rin Theo," ulit ni papa sa bilin niya kanina.

"Opo."

Kinarga ni papa ang kapatid ko at sinabihan na ibibili ng kahit anong gusto basta magpapakabait. Inabot naman niya ang aking ulo at humalik sa tuktok.

"Tay... Nay, kayo na po muna ang bahala sa mga bata," magalang na ani mama habang hinahaplos ang kulubot ng mga kamay ni lola.

"Huwag kayong mag-alala. Hindi namin pababayaan ang mga apo ko," nakangiting ani Lola. Humarap ito kay papa. Tipid ang ngiti na bumuntong-hininga bago mahinang tinapik ang balikat nito.

"Ayusin n'yo ang dapat ayusin. Huwag ninyong masyadong isipin ang mga bata. Lalo ka na Roland," ani Lolo.

"Opo, Tay. Maraming maraming salamat po."

Nagyakapan sina Lolo at Papa. Pagkatapos ng ilang ulit na pagpapaalaman na akala ko'y hindi na matatapos ay tuluyan na nga silang sumakay sa sasakyan. Nakasilip sila sa nakabukas na bintana at kumakaway habang dahan-dahan pa ang paandar ni papa sa sasakyan. Muling nagpatakan ang mga luha ko habang nakatingin sa kanila. Basta babalik sila at susunduin agad kami. Iyon ang paulit-ulit kong sinasabi sa sarili.

Nang makalampas nang kaunti sa bahay ay roon na bumilis ang andar ng van. Pinanood ko pa iyon palayo hanggang maiwan ang paningin ko sa kawalan.

"Tara na sa loob mga apo. Ipagluluto ko kayo ng bilo-bilo para masarap ang merienda," nakangiting anyaya sa amin ni lola.

Inakay kami ni lola habang papasok. Bumubuhos muli ang lungkot sa akin pero wala akong magawa. Mabigat ang bawat hakbang ko. Parang ayaw sumunod kay lola at gustong tumakbo para roon sumunod kina mama. Pero kahit labag sa kalooban ay kinailangan kong manatili rito.

Mabagal ang mga sumunod na araw para sa akin. Lihim kong iniiyakan ang lungkot na ayaw kumawala sa puso ko. Siguro dahil hindi ako sanay na malayo sa mga magulang ko. Idagdag pa na hindi ako sanay na mamalagi rito sa probinsiya dahil buong buhay ko naman ay naroon kami sa Manila at uuwi lang dito kung may okasyon. O siguro dahil wala naman akong kaibigan at kakilala rito. Hindi ko na nga alam kung alin ba sa mga iyon ang totoong dahilan kung bakit labis-labis ang bigat sa dibdib ko. O baka lahat na iyon, naghahalo-halo kaya naman ganito na lang ang bigat ng dibdib ko.

Mabuti pa si Theo. Noong mga unang araw ay panay ang tanong niya kung kailan uuwi sila Mama pero noong magkaroon na ng mga bagong kaibigan at nalibang na ay natigil na sa maya't mayang pagtatanong. Palaging siyang naroon sa kapitbahay. Samantalang ang naging libangan ko naman ay ang pagdo-drawing at pakikinig ng drama sa radyo.

Palagi lang akong nasa loob lang ng bakuran nila lolo. Nahihiya pang lumabas na mag-isa dahil wala naman ngang kakilala. Nakakalabas lang ako kapag isasama ako ni lola sa palengke o kaya kapag pupunta sa pantalan tuwing umaga o hapon kasama si Lolo at Theo.

Ngayon ay nakaupo ako rito sa gate. Nag-aabang sa papalubog na araw. Panaka-nakang napapaangat ang tingin kapag may dumadaan. Kasalukuyan ko pang iginuguhit ang mukha nila mama sa lupa gamit ang payat na sangay ng punong mangga. Miss na miss ko na sila kahit pa araw-araw naman silang tumatawag.

Kahit ang mga kaibigan ko roon ay miss na miss ko na. Nalulungkot din sila na hindi na ako roon mag-aaral. Sabi ko nga pansamantala lang naman at babalik din ako agad doon. Nga lang ay hindi ko alam kung kailan. Araw-araw ko na ngang hinihiling na matapos na nila mama ang inaasikaso nila para masundo na kami. Pero sa balita nila sa mga huling tawag ay mukhang matatagalan pa iyon.

"May mga kailangan pang asikasuhin, mga anak," iyon ang sabi nila.

Siguro naman hindi ako makakalimutan ng mga kaibigan ko roon kung magtatagal ako rito, 'di ba?

"Ate Tamara!'

Natigilan ako sa ginagawa at sa pag-iisip nang marinig ang malakas na boses ni Theo. Nakita ko siyang nagtatakbo palapit sa akin. Agad na nagsalubong ang mga kilay ko at tumayo nang hinihingal siyang tumigil siya sa tapat ko.

"Ano na naman ba, Theo?! Hindi ba sabi nila lola na huwag kang tatakbo?! Hindi pa nga magaling 'yang sugat mo sa tuhod! Ang tigas talaga ng ulo mo kahit kailan!" masungit kong pangangaral sa kanya.

"May gustong makipagkilala sa 'yo," habol-hininga na aniya. Hindi man lang pinansin ang galit ko.

Kunot-noo kong nilingon ang itinuturo niya. Nakita ko sa tapat nila Aling Susan, kapitbahay nila lola na naglalako ng mga kakanin, ang isang batang babae at tatlong batang lalaki na naghahabulan. Naglalaro sa tatlo hanggang limang taon ang edad. May dalawa namang kaedaran ni Theo ang nakaupo at may nilalaro na kung ano sa lupa. Sa gilid ng lumang oner na nasa labas ng gate nila Aling Susan ay may nakatayong lalaki. Nakangiti ito habang nakatingin sa akin at kumaway pa.

"Matagal ka na raw pong gustong makilala ni Kuya Dion."

Nilingon kong muli si Theo. "Sino namang Dion?" masungit kong tanong.

"Siya." Turo niya muli sa lalaki sa oner.

Salubong ang kilay ko 'yong tinitigan. Nakangiti at mukhang maloko. Tingin ko pa lang mukhang hindi na kami magkakasundo.

"Ayoko kamo!" Asabi ko saka tumalikod at pumasok na sa bahay.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro