Chapter 7: Team Building
Adrian's POV
Marami ang nagbago magmula noong ipakilala ako ni Missy sa mga ka-trabaho niya. At simula noong nakapasa siya sa sinasabi niyang Nesting, tila ba lagi na rin siyang naging busy.
Kung noon ay nakakausap ko pa siya tuwing break or lunch, ngayon kakaonting oras na lang ang binibigay niya sa akin.
Naging malimit na rin ang oras namin sa isa't isa. Kapag uuwi ako galing sa trabaho, tulog na siya. Pag nagigising naman siya, ako naman ang tulog. Hindi rin tugma ang off naming dalawa dahil ang sabi niya, hindi naman daw fixed ang day off sa BPO, hindi kagaya ng sa akin.
Kakauwi ko lang galing sa trabaho. Tumambad sa akin ang natutulog na si Missy. Pansin kong nakababa ang kumot nito kaya kaagad akong lumapit at inayos ang kumot sa katawan niya. Hinalikan ko siya sa noo. Matapos kong magbihis ay dumiretso na ako sa kusina para sana kumain pero laking dismaya ko nang wala man lang akong pagkain na naabutan.
"Hindi man lang siya nag-handa ng pagkain," pabulong kong sabi. Bumuntong-hininga na lang ako dahil sa dismaya. Lagi na lang ganito. Noon, pagkauwi ko nakakapag-handa pa naman siya ng pagkain para sa akin. Kung alam ko lang, edi sana ay kumain na lang muna ako sa karinderya malapit sa Morning Cafe.
Dahil gutom na ako, kumuha na lang ako ng dalawang itlog sa may ref at saka ito niluto. Nagsaing na rin ako para bagong kanin ang babaunin ni Missy sa trabaho. Matapos akong mag-asikaso sa lahat ay kumain na rin ako. Buti na lang at may stock pa ng pagkain sa ref kahit papaano.
Dumiretso na ako sa kwarto matapos kong kumain. Umupo ako sa pwestong malapit sa ulo ni Missy. Hinalikan ko ang kanyang noo at saka hinimas ang kanyang buhok.
"Wala na tayong time sa isa't isa, hal. Pasensya ka na, ah? Busy rin kasi ako sa work ko, eh."
Bahagya siyang gumalaw kaya napatigil ako sa paghaplos ng buhok niya. Tumagilid lang ito sa akin.
"Alam ko namang kaya mo yung trabaho mo. Pero kung sakaling nahihirapan ka, pwede mo po akong kausapin. Kwentuhan mo ako."
Natahimik ako saglit. "Ang dami kong gustong i-kwento sa 'yo pero hindi ko magawa dahil magkaiba ang schedule nating dalawa."
---------*****----------
PASADO alas dos na ng hapon. Oras na rin para sa huling break ko kaya tinawag ko na si Samson para pumalit sa pwesto ko at nagpunta ng locker para kunin ang cellphone ko. Malawak ang ngiti ko habang hinahanap ang cellphone sa bag ko pero laging dismaya nang mapansin na wala man lang ni isang message sa akin si Missy.
Nakakapagtaka. Palagi naman siyang nagbibigay ng update sa akin tuwing pauwi na siya or kung nakarating na ba siya ng bahay. Pero ngayon, wala ni isa.
Baka sobrang pagod. O di kaya, siksikan masyado sa daan, natakot maglabas ng phone at baka mahablot.
Kahit nadidisappoint ako, pinilit ko pa rin siyang bigyan ng benefit of the doubt. Baka kasi mali naman pala talaga ang naiisip ko.
[Hal, nasa bahay ka na?]
Pansin kong nag-delivered kaagad ang message na sinend ko sa kanya. Ilang minuto akong naghintay pero hindi niya pa rin nasi-seen ang message ko.
Tulog na kaya siya? Pero imposible kasi alam kong pinapatay naman niya ang data bago siya matulog. Susubukan ko sana siyang tawagan pero napansin kong limang minuto na lang ang oras ng break ko kaya hindi ko na lang tinuloy.
[Baka nakatulog ka na. Sleep well, hal. Dalawang oras na lang din at makakauwi na ako. See you po.]
Matapos kong i-send iyon ay binalik ko na sa loob ng locker ang phone ko at saka pumasok na sa loob ng Cafe.
Habang naglalakad ako papunta sa pwesto ko, nagulat ako nang may nabunggo akong tao.
"Oh my god!"
Nataranta naman ako kaagad at pinulot ang wallet at phone niyang nahulog sa sahig.
"Pasensya na po, Ma'am. Hindi ko po kayo napansin kaagad."
Napatingin ako sa babaeng kaharap ko habang inaabot ang gamit na nahulog. Pansin kong napatingin na rin ang ibang customers sa direksyun namin kaya humingi na lang ulit ako ng paumanhin at saka binaling ulit ang tingin sa babae.
Nakasuot ito ng heels kaya nagmukhang mas matangkad siya sa akin. Agaw-pansin ang kaputian ng kanyang balat. Naka-suot din ang sunglasses nito sa kanyang ulo, at sa hitsura pa lang ay alam mo na kaagad na mayaman ang babaeng kaharap.
Ang sosyal niya kung titigang maigi.
"I'm so sorry. I didn't mean to shout at you. Nagulat lang talaga ako." Mahinhin at malambing nitong sambit.
Mas lalo akong nahiya dahil siya pa itong humihingi ng paumanhin samantalang ako ang nakabangga sa kanya.
Kinuha niya sa akin ang gamit na kanina ko pa inaabot sa kanya. Tiningnan niya rin ng magkabilaan ang kanyang phone. Natakot pa ako kasi akala ko may basag ang screen nito pero buti na lang at hindi nangyari 'yun. Mukhang mamahalin pa man din ang cellphone niya, hindi ko afford na palitan iyon.
"Pasensya na po ulit, Ma'am. Mag-doble ingat na po ako sa susunod."
"It's fine."
Ngumiti lang siya at saka umalis sa harapan ko.
Tiningnan ko lang siya hanggang sa makalabas ng Cafe at saka pumunta na sa pwesto ko.
"Mabait talaga 'yun siya." Bungad sa akin ni Samson. Napatingin ako sa kanya ng may halong pagtataka.
"Kako, si Ma'am Celine, yung nakabangga mo. Hindi mo ba siya namumukhaan? Regular customer natin 'yun siya. Ang ganda niya, noh?" taas-babang kilay na sabi nito.
Bahagya akong napaisip. Parang hindi ko naman siya namumukhaan. Parang ngayon ko nga lang siya nakita sa Cafe, eh.
"Naku, pre. Kung ano man yang iniisip mo, 'wag mo na ituloy. Pag kayo nag-away ng jowa mo lagot ka talaga."
"Ang judgemental mo naman pre. Nagandahan lang, eh."
"Ewan ko sa 'yo."
Natatawa na lang ako. Umalis na rin si Samson dahil siya naman ang magbi-break.
Naging normal lang naman ang araw ko. Hindi masyadong gaanong matao sa Cafe pero nandoon pa rin ang pagod kakatayo. Alas kwatro na ng hapon nang matapos ang shift ko kaya nagmadali na akong umalis pauwi ng bahay.
Pagkabukas ko ng pintuan ay bumungad kaagad sa akin si Missy na nasa mesa, kumakain habang hawak ang kanyang cellphone at nakangiti pa ito.
Nagtaka naman ako bigla sa nakita.
Gising siya?
Dali-dali kong kinuha ang phone na nasa loob ng bag at tiningnan kung may messages ba siya sa akin.
[Hal, sorry di na ako nakapag update kanina. Ang daming tao sa daan. I'm too scared to show my phone outside.]
[Anyways, I'm here na sa bahay. Will sleep na rin, exhausted ang katawan ko. Sorry.]
Sent: 1:20 PM.
[Hal, I tried to sleep. Hindi ako makatulog. Out mo na rin yata.]
[Nagutom ako kaya kumain na lang muna ako. Bagalan ko na lang para pagdating mo, nakain pa rin ako.]
[Hal, OTW ka na?]
Sent: 4:35 PM
Iyon na ang huling message na natanggap ko galing sa kanya. Nakahinga ako ng maluwag nang malaman na may update pala siya sa akin. Napangiti na lang din ako at binalik sa loob ng bag ang phone ko. Mayamaya lang ay napansin na rin ako ni Missy kaya kaagad siyang tumayo at lumapit sa akin.
"Nandito ka na pala, hal. Sorry, less updates ako today. Crowded masyado," paliwanag niya matapos niya akong halikan sa labi. Ngumiti ako sa kanya.
"Okay lang 'yun, hal. Mag-ingat ka lang palagi sa labas." sambit ko. This time ako naman ang humalik sa kanya sa labi. Inaya na niya ako sa mesa at saka nag-asikaso ng pagkain ko.
"Salamat," sambit ko. Ngumiti lang siya sa akin at nagpatuloy na sa pagkain.
Habang kumakain ay busy rin siya sa phone niya. Para bang may kausap siya.
"Hal, nasa harap ka ng pagkain mo." Paalala ko sa kanya.
"Sorry." Nag-peace sign lang siya sa akin at saka nilapag sa mesa ang hawak nitong phone at nagpatuloy lang sa pagkain.
"Sinong kausap mo?" curious kong tanong.
"Si Fatima, hal. She's asking me if I will come. May TB daw kasing magaganap sa Laguna next week."
Nangunot ang noo ko bigla dahil sa sinabi niya. TB? Ano 'yun? Napansin niya rin yata na hindi ko naintindihan ang sinabi niya kaya nagsalita siya ulit.
"TB hal, short for Team Building. Bale magkakaroon ng celebration ang buong Span namin and the majority decided to do it at Pansol, Laguna, it's one of the famous place for BPO people. Sabi nila, kapag may TB ay doon daw talaga halos ang venue. More on pa-games at swimming lang naman doon." Paliwanag niya habang kumakain. Seryoso rin akong nakikinig sa sinasabi niya.
"Marami kayo?"
"More or less nasa 40 plus din hal since may tatlong team sa isang Span na handle ng isang Senior Team Leader. Per team there's ten agents, so that's 30. Kung isasama pa ang Team Leaders o TLs, STLs and SMEs, humigit-kumulang nasa 40 nga."
Natapos na siya kumain kaya naman tumayo siya at nilagay sa lababo ang pinagkainan niya. Samantalang ako ay halos kakaumpisa pa lang. Nagpatuloy lang ako sa pagkain at bumalik siya ng upo sa katabi ko.
"Sasama ka?"
"Well, to be honest, gusto ko. Pero ayaw naman kitang iwan na mag-isa dito sa bahay, hal at wala kang kasama."
Bigla akong natawa dahil sa sinabi niya. Ginawa pa akong bata!
"Ano ka ba, hal! Kung gusto mo sumama hindi naman kita pagbabawalan doon. Saka okay lang naman ako dito. Malaki na ako at kaya ko rin naman ang sarili ko." Huling sabi ko bago maubos ang pagkain na nasa plato ko. Tumayo na rin ako at sinunod ito sa paglagay sa lababo.
"Ang gusto ko lang ay mag-ingat ka at wag kalimutan na mag update."
Natahimik siya. Siguro ay napapaisip kung sasama ba siya o hindi. Lumapit ako sa kanya at niyakap ko siya mula sa kanyang likuran.
"'Wag mo akong isipin, hal. Mag-enjoy ka sa araw na 'yun. Ayos lang ako."
Hinalikan ko siya sa pisngi. Hinaplos niya rin ang mga braso kong nakayakap sa katawan niya.
"Uuwi ako kaagad hal if ma-bored ako."
Ngumiti siya.
Nakaramdam naman ako ng kaonting lungkot.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro