Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 2: Freedom

Adrian's POV

HINDI madali ang pumasok sa isang relasyon. Kailangan mong maging handa. Hindi ito isang laro na kapag nakita mong ginagawa ng karamihan ay kailangan mo na rin makisali at maglaro na rin. Ang pakikipagrelasyon ay isang responsibilidad. Binibigyan mo siya ng karapatan sa buhay mo at ganoon ka rin sa buhay niya.

Alam ko sa sarili kong handa ako bago pa man ako nagtapat kay Missy. Kung may isang bagay man akong natutunan sa ngayon, 'yun ay ang 'wag matakot sumugal. Na kahit naiisip mong alanganin siya, kailangan mo pa rin subukan. Tumatak sa akin ang sinabi ni Toni noon na walang mangyayari kung hindi ko susubukan. Matagal ko na rin namang naririnig ang salitang 'yan pero sa hindi ko malaman na dahilan, natauhan ako bigla nang mga oras na iyon.

Dalawang taon na ang lumipas magmula noong sinagot ako ni Missy. Sa loob ng dalawang taon na 'yun, hindi naging madali ang buhay naming dalawa dahil sa palihim ang pagkikita namin. Desisyun 'yun ni Missy dahil hindi pa raw siya handa na malaman ng magulang niya ang totoo.

Sa part ko, alam naman ng erparts ko na hindi ako 'yung klase ng babae na gusto niya paglaki. 'Yung tipong makakahanap ng lalaking magmamahal at mamahalin. 'yung tipong magiging butihing asawa at magkaroon ng anak. Sa totoo lang, iisipin ko pa lang ang bagay na 'yun, para na akong sinisikmura. Dati pa lang, alam kong hindi ako straight na babae. Puro na lalake ang nagiging kaibigan ko noon pa man. Humahanga ako sa mga babae. Bagay na hanggang ngayon ay hindi matanggap ni erpats. Pinipilit niya pa rin akong magbago.

Hanggang sa paunti-unti, nalalaman na ng mga tao sa paligid namin ang tunay na estado naming dalawa. May iilang masaya para sa amin pero karamihan sa kanila ay tutol. Nagmistulang us against the world ang relasyon namin dahil sa mga taong makikitid ang pag-iisip at hindi kayang tanggapin ang kung anong meron sa amin ni Missy. Sa dami ng mga mapanghusgang mga mata, mas pinili naming dedmahin na lamang sila. Hangga't masaya kami sa isa't isa, sapat na sa akin 'yun.

Noong nalaman ng Papa ni Missy na nakipagrelasyon siya sa kapwa babae rin, sa akin, ay bugbog-sarado ang inabot nito. Bagay na di ko nadepensahan dahil nasa school ako ng mga oras na iyon. Bigla na lang siyang pumunta sa bahay namin isang gabi na may mga pasa na, umiiyak at nanghihina. Saka niya kinuwento sa akin ang nangyari. Gusto ko sana sugurin ang papa niya dahil sa hindi makatarungan nitong ginawa pero pinigilan niya ako. Ayaw raw niya kasing lumaki pa at madamay ako sa away nilang mag-ama. Nang itanong ko kung nasaan si Tita—ang mama niya, ng mga oras na 'yun, nagkibit-balikat lang siya.

Naikwento na rin niya sa akin na nambubugbog nga raw ang Papa nito at maging si Tita ay sinasaktan niya. Hindi ko naman inakala na pati kay Missy ay magagawa niya ang bagay na 'yun. Napaka-walang'ya! Ang nakakainis pa roon, nagbubulag-bulagan lang si Tita sa nangyari.

Dahil hindi kinaya ng konsensya ko na ganoon ang magiging sitwasyon ni Missy sa bahay nila ay inaya ko na siyang sa amin na lang tumuloy. Noong mga panahong iyon naman ay nasa probinsya ang erpats ko kaya wala siyang alam na ibinahay ko si Missy. Hahanap lang sana ako ng tamang pagkakataon at sapat na ipon para umalis na rin sa bahay at manirahan kasama si Missy.

Pero isang araw nagulat na lang kami nang biglang umuwi si erpats. Nasa kwarto kami ni Missy ng araw na yun. Nakahiga sa kama habang nanonood kami ng palabas sa Youtube, naka-unan siya sa bisig ko at bahagyang nakayakap. Nasa ganoong posisyun kami nang madatnan ni erpats.

"Totoo nga ang nabalitaan ko!"

Dahil sa gulat ay sabay kaming napabalikwas ng tayo ni Missy. Kinabahan ako nang makita ko ang galit na galit na mukha ng erpats ko. Mayamaya lang ay sumugod siya sa amin at hinila ako palabas ng kwarto.

"Ano ba naman itong katarantaduhang ito, Adrielle!" galit na galit na sambit niya. Halos mabingi ako dahil sa lakas ng boses niya. Napapatumba naman ako dahil sa lakas ng pagkakahila niya sa akin.

"Pa, nasasaktan po ako!" nagpupumiglas kong sabi. Pero hindi niya tinigilan ang pagkaladkad sa akin hanggang sa makarating kami ng sala. Sinubukang pumagitna nina Erin at Aries pero maski sila ay hindi nakaligtas sa galit ng erpats ko.

"Ang sabi ko sa 'yo, magpakatino-tino ka! Babae ka, Adrielle, babae!"

"Pa, nasasaktan si Adrian." kita ko ang pag-aalala sa mukha ni Erin at sinubukang awatin si papa.

"Magtigil ka, Erin! Ako ang padre de pamilya dito kaya ako ang masusunod! Pinalagpas ko na nga 'yang pagiging tomboy mo, pati ba naman dito sa kapatid mo, ikokonsente mo?"

"Ano ba ang problema, pa? Kasalanan bang maging ganito? Kasalanan ko ba na ganito ako? Na hindi ko kayang sundin ang mga gusto mong mangyari?"

Hindi ko na nakayanan pa ang sakit. Isa-isa nang tumutulo ang luha sa mga pisngi ko. Shet. Nirerespeto ko siya bilang ama ko. Sa tanang buhay ko ni minsan hindi ko siya napagtaasan ng boses. Sinusunod ko naman ang gusto niya, eh. Ito lang ang hindi ko kaya. Kahit ipilit ko pa ang sarili ko, hindi ako magiging masaya sa gusto niyang mangyari.

"Buong buhay ko sinusunod kita, pa. Wala akong ibang hiningi sa 'yo kung hindi ito lang. Tinanggap mo naman si Erin, ah? Tinanggap mo si Aries. Bakit ako, hindi? Ano bang mali sa akin?"

Unang umamin si Erin na nagkakagusto siya sa kapwa babae. Bagay na tinanggap naman niya. Si Aries, na bata pa lang malambot na kung gumalaw, hindi ko naman siya narinig na nagreklamo. Bakit pagdating sa akin,ipipilit niya ang kanyang gusto?

"Sinubukan kong tanggapin ang Ate at si bunso. Ikaw lang ang inaasahan ko na makapagbigay ng apo sa akin, pati ba naman ikaw ay bibiguin ako?"

Ang babaw niya.

"Kahit anong gawin mo, walang mababago pa. Ito na ako! Nagmamahalan kami ni Missy. Mahal na mahal ko siya!"

Napalingon ako at lumapit kay Missy na ngayon ay kita sa mukha ang awa, takot at pag-aalala. Hinawakan ko ang kamay niya. Naramdaman ko namang hinigpitan niya paghawak nito.

"Hindi!" pagmamatigas niya. Lumapit siya sa amin at pilit pinaghiwalay ang mga kamay namin ni Missy. "Sa ayaw at sa gusto mo, hihiwalayan mo yang Missy na yan, at kung hindi..."

"Kung hindi, ano?" tiim-bagang kong sabi. Hindi na talaga ako nakakapagtimpi pa. Sumusobra na siya. Bakit ba hindi niya magawang intindihin ang sitwasyon ko? Hindi pa man siya nakakasagot ay naramdaman ko nang naglapat ang palad niya sa pisngi ko.

"Bastos ka!"

Napangisi na lang ako out of frustration. "Hindi ko kayo pinalaki para lang sagot-sagutin ako ng ganyan!" singhal niya pa rin.

"Ang kitid din naman po kasi ng pag-iisip mo, pa. Sa lahat ng tao, ikaw ang una kong inisip na makakaintindi sa akin. Pero nagkamali ako. Kagaya ka lang din pala nila."

Umalis ako sa harapan niya at nagpunta sa kusina at naghalungkat ng mga gamit. Nang makita ko na ang hinahanap ko ay bumalik ako sa harapan niya at sabay pagduro ng gunting sa may mukha niya. Nakita kong nagulat siya sa ginawa ko. Maging sina Erin, Aris at Missy ay naglabas din ng kani-kanilang reaksiyon sa ginawa ko.

Mayamaya lang ay hinawakan ko ang hanggang balikat kong buhok at ginupitan ito sa harapan ng papa ko.

"Anong ginagawa mo, Adrielle! Tigilan mo 'yan!"

Sinubukan niya akong pigilan pero patuloy lang ako sa pag gupit sa sariling buhok. Sunod-sunod na rin ang pagtulo ng luha sa mga mata ko. Hindi ko inakalang darating ako sa puntong ganito. Magrerebelde sa harapan ng papa ko. Ang papa ko na una kong inisip na makakaintindi sa akin.

"Tingnan mo ako, pa. Tingnan mo akong mabuti! Kung hindi mo ako kayang tanggapin bilang ako, ako na lang ang tatanggap sa sarili ko. Hindi ko kailangang mabuhay ng laging nakasunod sa gusto mong mangyari. Malaki na ako at may sariling desisyon."

Tumigil ako sa paggupit ng buhok nangpakiramdam kong maiksi na ito.

"Sa araw na ito, hindi na ako ang Adrielle na kilala mo."

---------*****----------

"HINDI ko intensyon na maging masamang anak kagaya ng nakita mo kanina."

Alas diyes na ng gabi at nakatayo kaming dalawa ni Missy sa isang waiting shed, naghihintay na may dumaang bus. Pagkatapos kasi naming magtalo ni erpats ay nag-impake na ako at umalis kasama si Missy. Walang nakapagpigil sa akin dahil buo na ang desisyun ko.

"Sorry kung kailangan mong masaksihan ang ka-dramahan ng pamilya namin," magkahalong natatawa na may lungkot sa boses ko nang banggitin ang salitang 'yun.

"You don't have anything to apologize for, Adrian. Hindi mo naman ginusto ang nangyari. Hayaan mo, sooner or later mare-realize rin ni tito ang desisyon mo."

Napabuntong-hininga na lamang ako.

"Sa kabila ng komprontasyong naganap kanina, saya ang nararamdaman ko sa ngayon."

Sa hindi malaman na dahilan ay natuwa ako sa nangyari. Gusto ko ang ganitong pakiramdam. Tumingin ako kay Missy at hinawakan siya sa pisngi saka ngumiti.

"Ganito pala ang pakiramdam ng maging malaya. Nakakalungkot na hindi kami okay ng erpats ko pero natutuwa ako na mula ngayon, hindi ko na kailangang itago pa ang tunay na nararamdaman ko. Mula ngayon, pwede na ako maging ako."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro