Chapter 1: Love At First Sight
Adrian's POV
"HAPPY anniversary, Hal!"
Nakatalikod siya sa akin at kahit hindi niya nakikita ay malawak ang ngiti ko at inabot ko sa kanya ang bouquet na binili ko pa kanina sa isang flower shop. Mas lumawak ang ngiti ko nang humarap na siya sa akin.
Ang ganda pa rin niya kahit kailan. Naka-pajama siya ng kulay itim at naka plain white shirt na pinatungan niya ng kulay itim nya ring jacket at as usual, may headband siyang suot na kulay green. Sakto lang ang suot niya dahil wala naman kami sa isang restaurant or mamahaling lugar ngayon.
Hindi ito ang unang beses na nagpunta kami sa Camping Site na ito dito sa Tanay Rizal pero pakiramdam ko ito ang unang pagkakataon na dinala ko siya rito. Ito na yata ang isa sa mga paborito naming lugar na palagi naming pinupuntahan.
"Lilac! Ang ganda niya, hal," nakangiti niyang sambit. Matapos niyang abutin ang bulaklak ay niyakap niya ako. "Happy 5th year sa atin, hal. I love you," pagpapatuloy niya. Lumapad naman ang ngiti ko.
Humiwalay ako ng yakap sa kanya at tiningnan ko siya sa mga mata kasabay ng paghaplos ko sa magkabilang pisngi niya.
"Mahal na mahal din kita, hal, alam mo 'yan. Lahat gagawin ko para lang sumaya ka."
Hinalikan ko siya pero hindi rin nagtagal ay humiwalay siya ng halik at saka tiningnan ang kalangitan. Pasado alas otso na ng gabi kaya naman kitang-kita ang mga bituin na isa-isang kumikinang.
"Ang ganda ng mga bituin ano," pagsasalita ko. Hindi siya sumagot pero nakita kong tumango siya habang nakatingin pa rin sa itaas. "Kasing-ganda mo. At kagaya ng bituin, hindi ako magsasawang tingnan ka."
Mayamaya lang ay nakita kong may tumulong luha sa mga mata niya dahilan para mag-alala ako.
"Hal? Umiiyak ka ba? Anong nangyari?"
Pinilit kong ibaling ang mukha niya sa akin. Narinig kong humikbi na rin siya. Anong nangyayari?
"W-wala lang, hal, masaya lang ako. Sa kabila ng nangyari, nandito pa rin tayo, matatag. Sa dami ng tutol sa relasyon natin, nand'yan ka pa rin sa tabi ko, hindi mo ako iniiwan."
Ngumiti ako sa kanya matapos marinig ang sinabi. Bumuntong-hininga muna ako bago ko pa siya sinagot.
"Dahil mahal mo ako. Sapat na dahilan na 'yun para sa akin para hindi ako sumuko sa pagmamahal sa 'yo."
Pinunasan ko ang luhang tumutulo sa pisngi niya saka nagsalita ulit.
"Alam kong hindi maganda sa paningin ng iba na ang isang kagaya mo na maganda ay papatol sa isang kagaya ko na kapwa babae rin. Hindi natin kayang i-please ang ibang tao. Kahit mag explain pa tayo nang mag explain, kapag ayaw nilang umintindi, hindi talaga nila maiintindihan ang kung anong meron sa atin."
"Hal," mangiyak-ngiyak na sambit niya.
"Kagaya nga ng sinabi ko, sapat nang rason sa akin yung mahal mo ako para mag stay sa tabi mo. Ayoko nang isipin ang sasabihin ng ibang tao, sawa na ako 'dun. Quota na tayo doon, hal, alam mo 'yan."
Pagkatapos kong sabihin 'yun ay niyakap na lang niya ulit ako ng mahigpit. Napangiti na lang ako sa ginawa niya.
Hindi rin nagtagal ay naisipan naming pumasok na sa loob ng tent na nirentahan namin. Kumain muna kami noong Spaghetti na niluto ko pa bago kami umalis. Ilang oras matapos naming kumain ay naisipan na naming humiga. Naka-unan siya sa braso ko. Pareho kaming nakatingala sa kalangitan.
"Grabe ano, di pa rin ako makapaniwala na limang taon na pala tayo. Parang kailan lang noong niligawan kita." Napangiti ako sa naalala.
"Oo nga, parang kailan lang, ang torpe mo pa noon. Obvious ka naman, pero wala kang sinasabi."
"Hindi ako torpe, hal!"
Bandang alas diyes na rin ng gabing iyon, nakahiga kami pareho sa loob ng tent habang nakatingin sa mga bituin sa langit. Mabuti na lang at naisipan namin na star gazing tent ang kunin namin para di na namin kailangan lumabas o buksan pa ang tent makita lang ang mga bituin sa taas.
"Naalala ko tuloy noong una kitang makita," nakangiti kong sambit kasabay ng tingin sa kanya. Ngumiti rin siya sa akin.
---------*****----------
"BAKA matunaw."
Nagulat ako dahil sa biglaang may nagsalita sa likuran ko. Pagkalingon ko ay nakita ko si Toni, isa sa mga tropa kong lalake sa Pillar National High. Ngumiti siya ng nakakaloko sa akin kasabay ng pag-upo sa katabi kong upuan. Nakatingin lang ako sa kanya ng may pagtataka sa mukha.
"Tol, kanina ko pa napapansin na titig na titig ka sa kanya. Bakit di mo na kasi pormahan?" suhestyun niya.
"Hinaan mo nga ang boses mo. Mamaya marinig ka 'nung tao eh," pagsuway ko sa kanya. Pano, ang lakas masyado ng boses.
"Hay naku! Walang mangyayari kung wala ka rin gagawin, tol. Sige ka, pag ikaw maunahan ng iba d'yan." Natatawa pa siya nang banggitin niya 'yun.
Napalingon naman ako sa kung saan naroon si Missy Chavez, ang muse sa klase namin. Nasa last row ako naka-pwesto, nasa dulo ng classroom samantalang nasa unahan naman siya malapit sa blackboard habang kausap ang mga kaibigan niyang babae. Hindi ko alam kung ano ang pinag-uusapan nila pero hindi ko na masyadong inintindi, sapat na sa 'kin na nakikita ko siya ngayong nakangiti.
Nasa second year high school ako noon nang makilala ko si Missy, isang transferee. Gandang-ganda ako sa kanya 'nung makita ko siya. Maputi, mapupula 'yung mga labi, at makinis ang balat na halata mong alagang-alaga ang katawan. Tama lang yung tangkad niya para sa isang babae. Hindi gaanong mahaba ang buhok niya, hanggang balikat niya lang at may suot siyang headband na kulay green 'nung time na 'yun.
Love at first sight, ika nga.
Dalawang taon na ang lumipas. Dalawang taon na rin simula noong magkagusto ako sa kanya. Hindi naman naging sikreto ang bagay na 'yun sa mga taong nakapaligid sa akin. Na kahit naka-damit pambabae ako at hanggang balikat ang buhok, alam nilang hindi ako straight dahil sa pananalita at galaw ko. Hilig ko rin kasi ang itaas ang sleeve ko dahil hindi ako ganoon ka-komportable na nakababa lang ito sa may braso ko.
Bata pa lang kasi ako ay alam ko nang may kakaiba sa akin. Na hindi Barbie ang gusto kong laruan, kundi sina Ken, Batman, Superman, at Spiderman. Komportable akong magsuot ng shorts kumpara sa palda. Mas gusto kong magsuot noon ng maluluwag na t-shirt kaysa blouse or dress. Naiirita ako kapag naiisip kong 'yun ang susuotin ko. Pero naging malimit ang galaw ko dahil habang lumalaki, pinaparealize sa akin ni papa na hindi pwedeng maging pusong lalake ako dahil ako na lang ang inaasahang makakapagbigay ng anak sa kanya.
Ang hindi ko lang sigurado ay kung may idea na ba si Missy sa nararamdaman ko. Hindi naman kami ganoon ka-close pero nakakausap ko siya kung minsan. At sa mga araw na magkasama kami, hindi naman siya naiilang o kaya'y hindi komportable. Kaya hindi ko malaman kung may alam ba siya o wala.
---------*****----------
NAKATINGIN ako sa repleksyon ko sa salamin. Kasalukuyang nasa CR ako ng school namin. Nag-iisip.
Ngayong araw ko na kasi balak yayain si Missy na kumain sa labas. Kaso nagdadalawang-isip ako. Paano kung hindi siya pumayag? Paano kung gusto niya lang akong maging kaibigan pagkatapos ng gabing ito? Paano kung ayaw niyang higitan pa ang kung anong meron kami?
Dahil sa iniisip, napasapo na lang ako ng sariling noo. Napakagat-labi ako. Ilang minuto matapos kong makapag-isip ay lumabas na ako. Sa may bench di kalayuan sa CR ay nakita ko si Toni. Bigla ko tuloy naalala ang huling sinabi niya sa akin noon.
Tama siya. Walang mangyayari kung hindi ko susubukan.
---------*****----------
"I'LL go ahead, girls! Kitakits tayo bukas. Bye!"
Nasa labas ako ng classroom nang marinig ko ang boses niya. Maliban sa mala-anghel niyang mukha, napakahinhin pa ng kanyang boses. Mas lalo tuloy akong tinamaan sa kanya.
Busy ako sa pag-amoy sa sariling katawan. Chinecheck ko kung maayos ba ang porma ko. Kinakabahan ako sa gagawin ko.Sa totoo lang, ang tagal ko nang gustong gawin ang bagay na ito eh, pero nauunahan lang talaga ako ng kaba, takot at pag-aalinlangan. Hindi pala madali ang umamin.
Nakita kong lumabas na si Missy at nilampasan niya ang pwesto ko kaya dali-dali na rin akong sumunod sa kanya.
"M-Missy," pagtawag ko sa kanya. Pilit kong pinapakalma ang sarili ko. Sobrang lakas na ng kabog ng dibdib ko na para bang nasa isang karera ito.
Napatigil siya sa paglalakad kaya tumigil na rin ako.
"Yes?"
Natulala lang ako ng saglit dahil sa ganda niya. Ilang beses ko nang nakita ang mukha niya ng malapitan pero hanggang ngayon ang laki pa rin ng epekto 'nun sa akin. Huminga muna ako ng malalim at saka tiningnan ko siya sa mga mata.
"A-ano... P-pwede ba kitang ayain lumabas?" Napakamot ako sa ulo at napangiti ng pilit. "Y-yayain sana kita kumain sa labas. K-kung okay lang sa 'yo?"
Pansin kong may kinuha siya na kung ano sa sling bag niya. Mayamaya lang ay naglabas siya ng cellphone niya. Hindi ko alam kung anong ginagawa niya pero para siyang may tinitingnan at ilang sandali lang ay napatingin siya sa akin at ngumiti.
"Available ako later. Meet me, 8PM sharp at Lawson Plaza. Don't be late. Ayaw kong pinaghihintay ako."
Pagkatapos niyang sabihin 'yun ay umalis na siya sa harap ko. Habang ako naman, tulala lang na nakatayo sa kawalan. Hindi pa kaagad nag sink in sa isip ko ang sinagot niya.
Teka. Pumapayag siya, 'di ba? Tama ako ng intindi. 'di ba?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro