Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 8

VIII: Bugtong bugtong

"KAKAIBANG bisita, bakit ka naparito?" Tanong ni Eulalia, pagkatapos ay tumayo na siya at bumaba sa trono.

Tumikhim muna ang hindi nakikitang bisita, gamit ang magaspang na boses ay nagsalita ito, "Nais ko sanang magpagawa ng sapatos kay Ginoong Lauro."

Napatawa nang matinis ang reyna, "Paano ka niya susukatan? Susukat siya sa hangin?"

"Maaring ang suot kong bota ang kukunan niya ng sukat. Dati pa man ay sa kaniya na ako nagpapagawa. Marahil ay nalimutan mo na ako, Ginoong Lauro, ika'y tanyag." Wika pa nito, "Ako si Epifanio." Pagpapakilala niya pa.

"Bueno, Epifanio, sa susunod na araw na-"

"Susukatan kita ngayon, kilala kita." Singit ni Lauro.

Sumingkit ang mata ni Eulalia at padabog na umakyat muli sa trono at umupo, doon siya'y napasalong-baba sa inis. Minsan ay hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit parang nagiging tuta siya sa presensya ni Lauro.

"Halika, itutungo kita sa aking silid." Saad ng binata. Napansin niyang gumalaw ang sombrero na senyales na tumango ito.

Nang makarating sila sa nasabing silid ay agad na tinarangkahan ni Lauro ang pintuan, "Pasensya na Ginoong Epifanio, h-hindi po talaga kita kilala pero gusto ko na talagang kumawala kay Eulalia. Ayaw ko po talaga sa kan---"

"Lauro!" Biglang lumabas si Hugo mula sa loob ng bota.

Natuod ang binata sa nakita. Lumabas din ang dalawang lambana sa kaliwang bota, ang isa'y lumabas sa sombrerong lumulutang.

"Kailangan na makapunta na tayo agad sa himpilan ni Hebreo, bago pa man maubos ang oras at mabalutan ng dilim ang buong Maharuyo!" Saad ni Grasya, bakas sa kaniyang boses ang pag-aalala.

"Bakit? Ano ang meron kay Hebreo?" Nagtatakang katanungan ni Lauro.

Napailing si Mara, "Talaga naman o! Malala pala talaga ang pagkakasampak ng sumpa sa katauhan niya. Hay!"

"Sino nga si Hebreo?!"

"Iyong ama!" Sabay na saad nilang apat.

"A-akala ko'y kaibigan lang siya ni Restituto na kailangan din ng tulong?" Naguguluhan na sambit ni Lauro, nanginginig ang kaniyang mga kamay at nagsisimula ng bumakat ang mga ugat na kulay asul sa kaniyang mukha.

"Lauro! Ikalma mo ang sarili, kailangan na makaalis tayo rito!" Saad ni Hugo, agad siyang lumundag patungo sa balikat ng kaibigan. "Tutulungan ka namin, nawa'y tulungan mo rin ang iyong sarili."

"SENYORITA! Ang dalaga ay nawawala!" Kinakabahang saad ni Sebyong, tagaktak ang pawis sa kaniyang noo at alam na alam niyang magwawala na naman si Eulalia.

"Ano?! Punyeta! Isa kang hangal! Paanong hindi mo nabantayan?!" Singhal ni Eulalia pagkatapos ay dali-daling bumaba sa trono, "Mga kawal! Tingnan ninyo si Lauro sa silid!"

"Masusunod po, senyorita."

"Ako'y naghahanda lamang ng aking kagamitan para sa gagawing pag---"

"Ayaw kong marinig ang iyong mga rason! Istupido ka! Walang kwenta!" Nanggagalaiting wika ni Eulalia.

"Wala na rin po si Lauro sa kaniyang silid, senyorita. Pati na ang kakaibang bisita ay wala na rin." Nababahalang saad ng oso nang makabalik na.

Umusok ang ilong ng reyna, "Sundan sila!" Sigaw niya nang malakas, "Huwag hayaan na makalabas sa ating balwarte!"

Agad naman na kumaripas palabas ang hukbo ng mga oso pati na rin si Sebyong.

Hindi rin matiis ni Eulalia na sundan sila.

Samantala, si Lauro ay matulin na tumakbo sa masukal na kagubatan, kahit na muntikan ng mahablot ang manggas niya sa mga pabiglaang pagsulpot ng mga venus fly trap ay panay ang kaniyang pag-ilag.

"Takbo, Lauro! Takbo!" Saad ni Hugo na nasa unahan at tumatakbo rin nang mabilis kasabay ng tatlong lambanang umiilag sa ere kapag may nakakasagupang gamu-gamo at mga malalaking baging.

Napapalingon ang binata sa mga sSumusunod sa kanila, masyado na siyang hinihingal at nais na niyang huminto pero nakita niya ang isang palaso na tumama sa katawan ng malaking kabute, "Mag-ingat kayo, Hugo! May mga palasong nagliliparan galing sa panig ni Eulal-" Nahinto siya nang malapit siyang madulas, nanlaki ang mata niya sa nakitang bangin.

"Lumundag ka, Lauro!"

Nagawi ang kaniyang paningin kay Lily, napangiti siya sapagkat nakaligtas ang dalaga.

"Talon, amigo!" Paghihikayat pa ni Hugo sa kaibigan, nauna na silang lumundag at nakasakay na sa isang bangka.

Napalingon siyang muli, papalapit na ang hukbo ng mga oso kasama si Eulalia at Sebyong.

Samantala, si Mara naman ay nainis sapagkat nasa bingit na ng kamatayan si Lauro kung kaya ay lumipad siya paitaas.

"Panain!" Utos ni Eulalia sa mga alalay.

Bago pa man tumama ang palaso sa ulo ni Lauro ay buong pwersa siyang nahila ni Mara mula sa likuran. Napasigaw siya at sa kaniyang pakiwari'y katapusan niya na.

Bumulusok lamang pababa ang mga palaso sa tubig.

"Grasya, gamitin mo na ang kapangyarihan mo para umandar na itong dalawang bangka" Utos pa ni Rosa.

Agad na ikinumpas ni Grasya ang kamay at agad na kuminang ang ibabang bahagi ng bangka.

"Ligtas ka, Lauro. Imulat mo na ang iyong mga mata." Mahinahong saad ni Hugo, pagkuwa'y natanaw niya ang panig ni Eulalia na walang ibang nagawa kundi ang tingnan sila papalayo.

"Good job, Lauro! Nakalundag ka!" Nakangiting saad ni Lily sa kabilang bangka kasama si Resituto. "Salamat, Mara!"

Umirap lamang si Mara. Nakita niya naman na napangisi si Lily sa kaniya kung kaya ay hindi na niya ito binalingan ng tingin.

SA unahan ng lawa ay may malaking nakaharang na sementadong pader at may rehas na gawa sa bakal. May maliit na bahay malapit sa bukana palabas ng balwarte.

"Nandito na naman tayo sa teritoryo ni Bugtong Liit," Nababagot na saad ni Mara habang nakaupo sa dulong bahagi ng bangka.

"Bugtong Liit?" Pagtatakang tanong ni Lily sa lambana.

"Siyang tunay, binibini. Si Bugtong Liit ay isang duwendeng mahilig sa bugtong. Bago pa man tayo makalabas sa lugar na ito ay kailangan natin na sagutan ang tatlong bugtong niya," Paliwanag pa ni Grasya, kinumpas niyang muli ang kamay upang huminto ang mga bangka, "Narito na tayo."

Biglang lumabas sa isang matabang kabute si Bugtong Liit, "May mga panauhin pala ako!" Masiglang saad nito, "Nais niyo bang makalabas? Bueno, sag-"

"Oo na, oo na! Sasagutin namin ang gasgas mong bugtong." Pagmamaktol pa ni Mara at inarapan ang duwende.

Ngumisi lamang ang duwende at pinagmasdan ang mga kararating. Ngunit, mas nakatawag pansin sa kaniya ang may kulay lilang baro't saya. "Ikaw, binibini. Ikaw ang nais kong sumagot sa akin na bugtong!"

"A-ako?" Naituro pa ni Lily ang sarili pagkatapos ay napatingin sa mga kasamahan. Nakita niya ang mga itong tumango, "Sige, susubukan ko. A-ano ang mangyayari kapag hindi ko nasagot?"

"Maiiwan ka," Ikling tugon ni Bugtong Liit, "Pero, kung nasagot ng iba mong kasamahan ay makakaligtas ka. Kapag hindi ay maaaring hihigupin kayo ng ipo-ipo sa tubig pabalik sa mansyon ni Eulalia."

Tumango-tango si Lily, "Sige, sasagutin ko!"

"Bueno, bugtong bugtong yari sa matigas na tela, hinabi ng kamay at makina, pwedeng tapakan huwag lang pagpahiran!" Unang bugtong ng duwende.

Napaisip si Lily sa ganoong bugtong, "Pwede bang problem solving na lang?"

Tumawa si Mara sa narinig, "Hindi nila maiintidihan iyan, binibini!"

"Iyan na ba ang sagot mo?"

"H-hindi! Pasensya na." Napaisip na naman si Lily, "Matigas na tela, hinabi sa kamay at makina... Pwedeng apakan? Basahan sa sahig? Ano nga ibang term iyon? Pero, hindi! Matigas na tela eh. Ah! Iyong tsinelas sa loob ng bahay? White dove? Ay joke! Hindi!"

"May sagot ka na ba, binibini?"

"Mag-isip ka nang mabuti, Lily! Matigas na tela, pwedeng apakan? Pero hindi pwedeng pahiran?" Napakamot na siya ng kaniyang ulo, "Teka, m-mukhang tsinelas nga! Pero tela... tela... hala! Sinusuot ito ni papa!"

"Binibini?"

"Alpombra!" Diretsong sagot ni Lily.

Napasingkit ang mata ni Bugtong Liit, "Sigurado ka ba?"

"Oo, sigurado ako!" May kumpyasang saad ng dalaga.

"Tumpak!"

Agad na napalakpak sina Lauro at Restituto. Si Hugo naman ay tumawa lamang.

"Nagkataon lamang iyon. Heto, hindi naman hayop, hindi rin tao, may dalawang pakpak ngunit hindi naman maka-lipad." Ani Bugtong Liit, sumilay sa kaniyang labi ang nakakalokong ngisi.

Sa pagkakataong ito ay hindi na magawang makasagot si Lily kung kaya ay napatingin siya sa mga kasamahan.

Napahinga nang malalim si Lauro at napataas ang kanang kamay, "Aparador.'' Sagot niya, "Paboritong bugtong iyan ng aking ama."

Napatingin si Resituto kay Lauro, bakas sa mukha nito ang pagkagulat.

"Alam niya na," Makahulugang bulong ni Hugo.

Hindi naman kumibo ang oso at napahinga nang malalim.

Napangiti si Lily, "Wow!"

Nabalutan ng inis ang buong pagkatao ni Bugtong Liit, "Tama! Heto na, panghuli! Baboy ko rito sa Maharuyo nasa loob ang balahibo."

Nangunot ang noo ng tatlong lambana, kahit na sina Lily, Lauro, Hugo, at Restituto ay napaisip bigla sa ganoong bugtong.

"Kapag hindi ninyo nasagot ang pangatlong katanungan ay pwede kayong higupin ng ipo-ipo sa tubig, kung kaya ay mag-isip kayo nang maigi!" Panggugulo pa ni Bugtong Liit sa kanila, "Naku! Nakakabagot pa naman sa mansyon ni Eulalia, tapos, hindi mo pa alam kung anong araw na dahil walang umaga." Natatawang saad niya pa.

"Can you please shut up na?! We're making isip eh!" Maarteng suway ni Mara, "Kaloka ka!"

Napangisi at napailing si Lily sa narinig, may duda na siyang galing sa mundo niya ang lambana at baka katulad niya'y hinigop din ito ng libro.

Lumipas pa ang isang minuto ay hindi pa nila nasagot ang huling bugtong kung kaya ay may inusal na ang duwende sa hangin sanhi ng pag-ikot ng tubig sa isang parte ng lawa.

"Patay na tayo nito," Pakli ni Restituto, "Mag-isip pa tayo!"

"Ano ba 'to? Prutas? Parte sa katawan ng tao?" Hindi mapakaling sabi ni Lily, mahigpit na ang pagkakahawak niya sa bangka dahil nagsisimula na itong gumewang-gewang.

"Hindi ko pwedeng sabihin," Tugon ni Bugtong Liit, "Akala niyo'y maiisahan niyo ako? Wala pang nakakalabas dito!"

"May naisip kayo?" Tanong ni Hugo sa kanila.

Ang tatlong lambana ay nag de-debate na naman dahil sa mga maliliit nitong boses na nanghihimutok.

"Bueno, paalam mga kaibigan!" Nakakalokong saad ng duwende, "Maligayang pagbabalik sa mansyon ni Eulalia!"

Doon ay nagsimulang umikot ang bangka nila, nais man ni Grasya na kontrolin ang bangka ngunit hamak na mas malakas ang enerhiya ng ipo-ipo sa tubig.

"Hindi ito maaari!" Sigaw ni Lauro, "May pag-asa pa, kung nagawa natin na makalampas sa mga kamay ni Eulalia ay malalagpasan din natin ito!"

"Alam na namin ang sagot! Bugtong Liit, patigilin ang ipo-ipo!" Ani Rosa ngayon ay may emosyon na ang kaniyang pagkakasabi, iyong tipong may kumpyansa na.

"Hindi maaari, pwede ninyong sagutan iyan upang humupa ang ipo-ipo."

Si Lily naman ay halos masuka na sa paikot-ikot na eksena, "Sagutan niyo na!"

"Mangga!" Sabay na sagot ng tatlong lambana.

Bakas sa mukha ng duwende ang pagkadismaya, wala siyang magawa kundi ang pagmasdan ang lawa na unti-unting kumakalma. Napapadyak pa siya sa inis, "Nasagot niyo ng tama ang aking mga bugtong. Maaari na kayong makaalis! Buen viaje! (Maligayang paglalakbay!) Agad nitong binuksan ang rehas.

Nakahinga nang malalim ang grupo, sa wakas ay malalanghap na nila ang kasaganahan na mawalay sa piling ni Eulalia.

Napangiti si Lily nang makita ang bukang-liwayway. Nalanghap na niya ang sariwang hangin, walang sagabal at komportable sa kalooban. Nakikita niya ang kagalakan sa mukha ni Lauro, kahit papaano'y umaliwalas ito.

•••

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro