Kabanata 7
VII: Trap
"WALANG aalis! Walang makakalabas!" Bulyaw ni Eulalia kina Lily at Lauro.
"Pero hindi ba't sinabi mong makakalabas na kami pagkatapos ng iyong kaarawan?" Pagbabakasakali pa ng binata.
Siniko naman ni Lily sa tagiliran si Lauro sabay bulong, "Wala namang sinabing ganun eh."
"Iiwan mo na ba ako, Lauro? Ayaw mo na ba sa akin?" Nanunuya ang boses ng reyna na para bang nanunukso habang ang hintuturo ay nakapatong sa balikat ng binata, "Ayaw mo ba akong kasama?" Sabay punas ng mata na walang luha gamit ang maliit na panyo.
Napairap si Lily dahil sa naramdamang pagkasukot, "Bakit ba kasi ganito ang babaeng 'to? Parang may saltik lang eh!"
"At ikaw naman, binibining Ah Eh! Ayaw mo ba akong maging amiga? Iiwan niyo ako?"
Napatayo nang tuwid ang dalaga. "Po? Makukulungan ako ng vitamin D dito sa lugar niyo. Walang araw." Sagot niya.
"Ano?! May kung anong pang mangkukulam na oracion ang iyong sinasabi! Ano'ng baytamin D?!" Singhal muli ni Eulalia, nababalutan na talaga siya ng kuryosidad sa dalaga, "Napansin ko lang,"
Nagkatinginan si Lauro at Lily sa isa't isa. Kinakabahan tuloy ang dalaga dahil sa paniningkit ng mga mata ni Eulalia habang sinusuri ang buo niyang pagkatao sa pamamagitan ng tingin lamang.
"Kayo ba ni Lauro ay dati ng magkakilala? Dahil mukhang ang dali naman na magpakalagayan kayo ng loob, takot ba kayong maputulan ng leeg?" Usisa pa ng reyna. Nanglilisik ang kaniyang mga mata na animo'y nagbabanta.
"S-sino n-naman ang h-hindi, s-senyorita?" Pautal-utal na saad ni Lily. Hindi niya mawari kung bakit nag-iiba na naman ang ugali ni Eulalia, kung kanina'y nakangiti, pagkatapos ay mag-aastang bata o di kaya'y magagalit minsan na wala namang dapat ikagalit.
"Sebyong! Ikulong itong dalagita! Ikaw naman, Lauro, sa aking tabi ka lang!" Nanggigil na saad ng reyna at agad na hinila ang binata papunta sa isang trono na nasa bulwagan.
Nagpumiglas si Lily nang hawakan siya nang mahigpit ni Sebyong sa braso, "Gusto ko nang umuwi!" Dumadagundong ang kaniyang boses sabay tili, "Ayaw ko na rito! Kayo'y gawa lamang sa imahinasyon ng may akda! Hindi kayo totoo!"
"Ikulong!" Singhal na utos ni Eulalia.
Agad na hinila ni Sebyong ang buhok ni Lily at pilit na hilain patungo sa himpilan.
"Lily!" Umaalingawngaw ang boses ni Lauro sa malaking bulwagan.
Natigil ang lahat. Kahit ang mga duwende'y napalingon at ang mga katulong ay napatigil sa paglilinis. Si Lily naman ay napatabon na lamang ng bunganga.
Walang anu-ano'y sumigaw sa inis ang reyna. Halos mabasag ang mga porselanang paso sa mansyon dahil sa kaniyang matinis na boses.
Si Lauro ay natuod at hindi makapaniwalang natawag niya ang dalaga sa totoong ngalan nito.
"Hindi nga kami nagkakamali! Tama ang sinabi sa amin ng tubig sa batis na may nakapasok na nilalang sa ating mundo!" Litanya ni Sebyong, mas hinigpitan niya ang paghawak sa braso ng dalaga.
Napangiwi si Lily, sa tingin niya'y bumaon na ang kuko ng lalaki sa kaniyang braso.
Bumibigat ang paghinga ng reyna habang matalim na nakatitig sa dalaga, "Putulan mo siya ng leeg mamaya!" Utos niya kay Sebyong.
Nanlaki ang mga mata ni Lauro, nais na niya sanang habulin ang dalaga ngunit agad na humarang ang mga espada ng mga kawal na mga oso.
"S-senyorita, pakiusap! Hindi ako m-masamang tao!" Pagmamakaawa pa ni Lily, hindi na niya alam ang gagawin dahil sa oras na mapuputulan siya ng leeg ay tiyak hindi na niya makakasama ang kapatid at ama.
TULALA si Lily sa kawalan, kasalukuyan siyang nakakulong sa isang madilim na silid at punong-puno ng mga baging, sa isang kilos lang niya ay maari na siyang matusok sa mga tinik na nakausli. Hindi niya mapigilang maluha, "Ano ba kasi ang sense ng nobelang 'to? Kasali na ba ako sa mga tauhan? Tapos ngayon, puputulan na ako ng leeg." Aniya sa sarili.
Nangangawit na ang kaniyang buong katawan pero wala na siyang pakialam, gusto niyang makalabas. "Lord, help! Gusto ko nang lumabas! Dimasilaw, please? Ma, makakasama na ba kita? Mukhang ang aga pa ho."
Lumipas ang ilang minuto ay nakakaramdam na siya ng antok at ang kaniyang ulo'y yuyuko na sana nang biglang may tatlong bilog na liwanag ang pumasok sa uwang ng bintana. Naigalaw niya ang kaniyang braso kung kaya ay nasugatan siya, "Tae!" Nararamdaman niya ang hapdi, pero hindi na niya iyon inalintana. Nakatuon ang kaniyang pansin sa tatlong alitaptap.
Hanggang sa nakakarinig na siya ng mga maliliit na boses na para bang nag de-debate at puno ng mga himutok ang mga ito.
"Baka lalampa lampa iyan!"
"Hindi, alam kong siya ang makakapuksa ng lagim na gawa ni bruhang Eulalia!"
"Sa kaniya ko na ibibigay ang natitirang oras nitong bote, Bahala na."
Naaninag na ni Lily kung sinu-sino sila, "Mga fairies?!"
Natigil sa pagbabangayan ang tatlo nang marinig ang boses ng dalaga.
"Kami'y mga lambana. Ako si Grasya!" Masayahing sambit ng nasa gitnang lambana.
"Ako si Rosa," Walang emosyon na pakilala ng nasa kaliwa.
Ang panghuling nasa kanan ay nakahalukipkip at nakataas ang isang kilay. Nakikita sa mukha nito ang pagkasuplada, "Ako si Mara. Maari mo nang itikom ang bibig mo, binibini."
Hindi namalayan ng dalaga na kanina pa pala nakaawang ang bibig, "Ako s-si Lil-"
"Nais namin ng kompleto'' Pagputol ng mataray na si Mara.
Napangiti nang marahan si Lily, "Ako si Lily Rose De Pueblos." Pagkatapos ay nakita niya kung paano nagulat ang tatlo, si Grasya ay napatakip sa bibig. "Bakit?"
"Siya nga." Maikling wika ni Rosa. "Tanggapin mo ito,"
Sabay-sabay nilang isinuot sa leeg ni Lily ang kwintas na may orasa (hourglass), hindi malaki at hindi maliit, sakto lang.
"A-ano 'to? Para saan?"
Napairap si Mara, "Duh! Edi orasan. Bago pa man na maubos ang nasa taas ay sana naman nagawa mo na ang misyon mo rito sa Maharuyo."
Nangunot ang noo ni Lily dahil kakaibang pananalita ni Mara, "Bakit parang--"
"Alam ko, alam kong parang pang-kanto ang pananalita ko. Pero, duh! Wapakels kana 'dun." Diretsong saad ni Mara, "Malalaman mo rin."
"Itatakas na natin siya!" Pakli ni Grasya, "Tutulungan ka namin dito!" Nakangiting saad niya pa.
"Yes! Para hindi ka matigok sa mga kamay ni bruha." Wika pa ng mataray na lambana, "Sige na, Rosa, ilabas mo na ang mga anik-anik mo riyan."
Ang pakiramdam ni Lily ay mukhang nawawala na siya sa tamang katinuan dahil sa presensya ng tatlo. Lalo na ngayon na parang may orasyon na sinasabi ang lambanang si Rosa.
Hanggang puro nagkikislapang alitaptap na lamang ang kaniyang nakikita. Nakakasilaw at nakakahilo sa sobrang liwanag.
NAIMULAT ng dalaga ang kaniyang mga mata. Nakaupo na siya ngayon sa isang bangka.
"Maayos ka lang ba, binibini?"
"Tutti?!" Gulat na saad ni Lily, nais na niya sanang gumalaw ngunit ang bangka'y gumagalaw din.
"Kumalma ka, binibini. Ako ang nagsabi sa tatlong lambana na itakas ka." Ani Restituto.
Nagpalinga-linga ang dalaga sa paligid. Nasa gitna sila ng lawa na may maraming lilies. Natatanaw niya ang mansyon ni Eulalia, naaalala niya ang binata, "Si Lauro?!"
Sa kabilang dako, nakayuko lamang si Lauro habang nakasandal sa kaniya si Eulalia na puro daldal ang alam at kahambugan.
"Nais kong makasal tayo kapag nawala na si Lily, hindi ko talaga maatim ang pagmumukha ng dalagang yaon. Higit naman na mas maganda ako sa kaniya, hindi ba, Lauro?" Bakas sa boses ng reyna ang pang-aakit at ipinulupot pa niya ang mga kamay sa braso ng binata.
Hindi naman umimik si Lauro at nanatiling nakayuko. Nakatitig siya sa kaniyang sapatos at tila ba wala na sa kasalukuyan ang kaniyang pag-iisip.
"Hindi ba, Lauro?!"
Nagulat siya sa biglaang pagsigaw ni Eulalia pero siya'y nakayuko pa rin sabay sabing, "Oo."
"Mabuti at nagagandahan ka pa sa akin. Syempre, ako ang pinakamagandang binibini rito sa Maharuyo!" May pagmamalaking wika ng babae.
Mayamaya pa ay pumasok ang isang oso, "Senyorita, may bisita ho kayo."
Nabaling ni Eulalia ang atensyon sa pumasok, napataas ang kaniyang kilay. Pares ng bota at nakalutang na sombrero ang bumungad sa kanila.
Kahit na si Lauro ay nagtaka pero pagkuwa'y gumuhit sa kaniyang labi ang nakakalokong ngisi.
•••
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro